Krusada ng Karahasan—Bakit?
ANG Satanismo, o pagsamba sa Demonyo, ay noon pang panahon ng unang tao. Ang balatkayong presensiya ni Satanas sa halamanan ng Eden ang umakay sa unang mag-asawang tao na lumayo sa kanilang Maylikha, ang Diyos na Jehova. (Genesis 3:1-6; Apocalipsis 12:9) Ito ang nagtanda sa kanila magpakailanman bilang ang unang mga kakampi ni Satanas.
Sa sumunod na mga milenyo, itinaas ng Satanismo ang pangit na ulo ng okulto nito sa iba’t ibang anyo—pangkukulam, black magic, makademonyo paggagayuma, at marami pang iba. Gayunman, mapanlinlang na ang pangalan ni Satanas at ang pagkakakilanlan ng kaniyang pagsamba ay karaniwang pinananatiling lihim sa mga tagasunod at mga nagsasagawa nito.
Mula sa pagpasok ng ika-20 siglo, nagkaroon ng hayagan at lantarang pagsasauli ng satanikong pagsamba, at ngayon ito ay lumaganap sa maraming bahagi ng daigdig. Ang Satanismo ay lumitaw sa relihiyosong tanawin na may lakas-loob na bagong larawan. Hindi na ito nagkukubli sa lihim, na may pantakip na anyo ng kabutihan. Bagkus, si Satanas ay sinasamba sa pinakamarahas na paraang maiisip.
Isa sa mga unang tagapagtatag ng Satanismo sa siglong ito ay ang Ingles na nagngangalang Aleister Crowley. Noong 1905, inorganisa ni Crowley sa Los Angeles, California, ang isang grupo ng Satanismo na pinanganlang “Ordo Templi Orientis.” Di-nagtagal siya ang naging tinatanggap na lider ng isang lumalaking kulto. Sa kaniyang aklat na Book of Law, iminungkahi ni Crowley ang isang bagong pormula sa relihiyosong paniwala: “Gawin mo ang gusto mo ang siyang buong kautusan.” Mula sa pilosopyang ito iminungkahi ni Crowley ang paglabag sa lahat ng kodigong moral at simulain ng Bibliya na alam ng tao. Pagpatay, karahasan, panggagahasa, at handog na mga tao ang sa gayo’y naging bahagi ng relihiyosong ritwal.
Tungkol sa handog na tao, si Crowley ay sumulat: “Sa halos lahat ng layunin ang handog na tao ang pinakamagaling, at ang isang batang lalaki na totoong walang malay at matalino ang pinakakasiya-siya at angkop na biktima.” Minsan ay tinukoy ni Crowley ang kaniyang sarili bilang ang “pinakabalakyot na tao sa mundo.” Pagkatapos gumugol ng panahon sa isang ampunan ng mga baliw, siya ay iniulat na namatay na isang sugapa sa heroin sa isang mumurahing paupahang bahay sa Inglatera.
Gayunman, sa kasamaang palad, ang pilosopya ni Crowley tungkol sa kalayaan na “gawin kung ano ang maibigan ng isa” sa ngalan ng relihiyon ay hindi namatay na kasama niya. Pansinin ang obserbasyong ito ng isang manunulat: “Ang anino ni Aleister Crowley ay lubhang nanganganinag sa [lugar ng Los Angeles], subalit ang kaniyang mga kalabisan ay bale wala kung ihahambing sa mga mananamba ng diyablo ngayon.”
Katapatan sa Diyablo
Naniniwala ang mga sumasamba kay Satanas na ang Diyablo ang nagpupuno sa daigdig. Isa pa, sang-ayon kay Robert J. Barry, na sumusulat sa The National Sheriff, “pagdating ng katapusan ng mundo, dadaigin ng mga puwersa ni Lucifer ang mga puwersa ng Diyos at ni Kristo at sila ay maghahari sa langit. Kaya, ang mga Satanista ay nangangako ng katapatan sa diyablo, hindi lamang para sa kaniyang tulong sa daigdig na ito, kundi sa daigdig na darating.”
Ang iba namang sumasamba kay Satanas ay sinasabing naniniwala na “si Kristo at si Satanas ay nagsanib ng mga puwersa upang dalhin ang katapusan ng mundo.” Sabi pa nga ng isang satanikong kulto na ginagamit ni Kristo si Satanas bilang isang “hit man.” Kaya, ayon kay Maury Terry, sa kaniyang aklat na The Ultimate Evil, “ang pagsamba kay Satanas ay katulad na rin ng pagsamba kay Kristo. At ang pagpatay sa ngalan ni Satanas sa katunayan ay pagpatay para kay Kristo: isang banal na misyon.”
Si Aleister Crowley ang may sabi na nais niya, bilang bahagi ng relihiyosong doktrina at gawain ng kulto, ang “paglapastangan sa mga banal na bagay, pagpatay, panggagahasa, rebolusyon, anumang bagay na masama.” Oo, isang lider ng kulto ang nagpahayag ng malinaw na panawagan: “IKAW AY PAPATAY!” At maliwanag na ito nga ang ginagawa ng mga miyembro ng satanikong mga kulto.
Sinabi ng isang tao ang kanilang mga dahilan para sa karahasan: “Ang mga panggagahasa ay sa layuning dungisan ang dangal ng isang dalaga, na mahalaga sa mga mananamba ni Satanas. Ang panununog ay isang sagisag ng malaking apoy, o Armagedon, at ang mga pagpatay ay upang ikalat ang kalituhan at tuparin ang hula ni Daniel: ‘Subalit ang mga balakyot ay gagawa ng kabalakyutan.’”
Kung titingnan mo ang mga turo ng ilang mga mananamba ni Satanas ay makikita mo na naniniwala rin sila na si Adolf Hitler ay karapat-dapat sambahin. Sa katunayan, isang manunulat ay nagsabi: “Ipinalalagay nila ang pagkawasak na ginawa ni Hitler bilang pagsasanay sa kung ano ang darating—at nais nilang makasali sa malaking pangyayaring iyon.”
Ano naman ang dahilan sa likuran ng pagdakila kay Hitler? Ang nag-iimbestigang reporter na si Maury Terry ay nagsasabi na ang isang dahilan “ay ang talaorasang numerolohiya kung saan ang bawat letra ng abakada ay may katapat na bilang. Sa ilalim ng sistemang ito, ang A ay katumbas ng 100 at ang Z ay katapat ng 125. Ang mga bilang na katugma ng mga letra sa huling pangalan ni Hitler (107, 108, 119, 111, 104, 117) ay bubuo ng 666—ang bilang ng malaking hayop sa aklat ng bibliya na Apocalipsis. Ang bilang ng diyablo.”
Ipinaliliwanag nito ang malawakang gamit ng bilang na 666, na ipinipinta sa mga dingding ng mga dakong pinagtitipunan ng coven o sa mga pader at tulay na publiko. Ang mga letrang HT at HH ay sinasabing tumutukoy kay Hitler, at ang mga kidlat ng SS na Aleman ay sinasabing sumasagisag sa “langit hanggang impiernong, lakas.” Ang swastika ay ginagamit din ng mga Satanista. “Lahat ay tanda ng hayop, ni Satanas-Hitler, na kanilang pinaglilingkuran,” sabi ng isang miyembro.
Mga Miting na Pinagmumulan ng Karahasan
Mayroong iniuulat na mahigit 20 pantanging mga okasyon para sa mga miting ng coven sa isang taon. Marami ang kasabay ng tinatawag na Kristiyanong mga pagdiriwang. Ito’y kasuwato ng ipinalalagay nila bilang isang paraan upang lapastanganin ang lahat ng itinuturing na mabuti o banal. Ang Halloween ay isang mahalagang satanikong kapistahan. Ang mga miting, o sabbats, ay ginaganap sa lihim na mga dako, na maaaring magbago ayon sa mga kalagayan. “Bago ang bawat miting ng coven,” sulat ni Terry, “si Satanas ay kailangang payapain sa pamamagitan ng paghalay sa isang birhen [batang babae], isang holocaust [panununog], o ng ritwal na pagpatay ng isang tao o hayop.”
Ang handog na mga aso at pusa ay isang malaking bagay sa kulto. Sa isang lugar malapit sa New York City, halimbawa, 85 binalatang German shepherd at Doberman na mga aso ay nasumpungan sa loob ng 12-buwan na yugto ng panahon, pawang inaakalang gawa ng mga Satanista. Karaniwan na, ang mga bahagi ng katawan ay inaalis at kinakain sa paniwalang ito ay nagtataglay ng mahikong mga kapangyarihan. Ang dugo ay ipinapasa at iniinom buhat sa mga kalis na pilak na ninakaw sa mga simbahan—lahat ay bilang bahagi ng pagsamba kay Satanas. Mangyari pa, ang handog na tao ay itinuturing na pinakadakilang handog na higit na nakalulugod sa kaniya. At siya ay kadalasang napapayapa sa ganitong paraan.
Subalit sino ba ang Satanas na ito? Talaga bang umiiral siya? O siya ba ay guniguni lamang?
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Paghahandog Upang Payapain ang Diyablo
Noong nakaraang Abril ang daigdig ay nabigla nang matuklasan ang mga labí ng mahigit na isang dosenang mga lalaki sa labas ng lungsod ng Mexico na Matamoros, malapit sa hangganan ng Texas na pinatay sa layuning ihandog. Ang magasing Time ay nag-uulat:
“Upang sila’y mapalapit sa diyablo, pinakuluan ng mga mamamatay-tao ang mga utak at puso ng kanilang mga biktima, isinasama ang mga buto ng paa at kamay at mga ulo ng hayop. Gayon na lamang kasamâ ang mga mananamba sa diyablo anupa’t dalawang patologo . . . ang gumugol ng halos apat na araw upang makompleto ang mga autopsiya.”
Ang mga mananamba sa Diyablo ay naniniwala na sila ay tatanggap ng proteksiyon buhat sa kanilang diyos kung siya ay papayapain ng mga handog na tao. Isang tenyente ng pulis ang nagsabi na ang mga mamamatay-tao ay nananalangin sa diyablo “upang hindi sila madakip ng pulis, upang hindi sila tamaan ng mga bala at upang sila ay makagawa ng higit na salapi.”