Ang Pagbangon at Pagbagsak ng Satanismo
Ang satanikong mga ritwal na isinasagawa ng mga paring nakasutanang-itim sa madidilim na pintungang silong, umuusal ng mga panalangin sa nakataling mga biktima sa ibabaw ng isang altar, na ang aandap-andap na mga kandila ay nagsasabog ng nakatatakot na mga anino sa dingding habang ang pagsamba sa kanilang diyos, si Satanas, ay nagpapatuloy. Pinagsasama-sama ng lihim na kaalaman ng ilang hiwaga na may pahiwatig ng sobrenatural, nagugustuhan ng mga kabataang kalahok sa paglalakbay na ito sa okulto ang nakapangingilabot na katuwaan na nangingibabaw sa kapaligiran. Lumalapit sila sa altar taglay ang kataka-taka at mahiwagang damdamin ng pagiging natatangi na sila lamang ang nagtataglay.
Isang di-nakapipinsala, lumilipas na kausuhan? O lumalaganap ba ang isang makademonyong kasamaan sa lipunan sa ngayon?
MGA resma ang naisulat sa mga pahayagan, magasin, at mga aklat tungkol sa karima-rimarim na mga gawa ng satanikong mga kulto. Ang mga detalye ng malaganap na gawain ng mararahas na satanikong mga grupo ay naisahimpapawid sa pambansang telebisyon at radyo. Naging isang malaking problema ito para sa pulisya kapuwa sa maliliit at malalaking lungsod sa Amerika, Canada, at Europa.
Ang Satanismo ay may pantanging pang-akit sa mga kabataan sa ngayon. Ang tagapagtatag ng Church of Satan ay nagpapaliwanag kung bakit, gaya ng iniulat sa magasing ’Teen ng Hunyo 1993: “Sa halip na pag-utusan ang mga miyembro ng relihiyon na supilin ang kanilang likas na mga simbuyo, itinuturo namin na dapat nilang sundin ang mga ito. Kabilang dito ang pisikal na kasakiman, ang pagnanais na maghiganti, ang labis na pagkabahala sa materyal na mga ari-arian.”
Tiyak na nasisiyahan si Satanas sa kinasihan ng diyablong ideolohiyang ito, yamang ito’y kabaligtaran ng kinasihan-ng-Diyos na mga simulaing Kristiyano!
Ang Satanismo ay dumarami. Ito’y isang lumalaking panganib, subalit napipinto na ang pagkamatay nito. Ang diyos nito ay nahatulan na ng kamatayan. Gayundin ang daigdig ni Satanas at ang mga tagapagtaguyod nito, sapagkat “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19; Roma 6:16) Sa mga mananamba ni Satanas at sa lahat ng iba pa, sa nalalaman man nila o hindi ay naglilingkod sa mga layunin ni Satanas, ang mensahe ni Jehova ay: “Ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan ay dudurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa sa di-kalaunan.”—Roma 16:20.
Anong kinabukasan kung gayon ang darating sa naghihirap na sangkatauhan buhat sa “Diyos na nagbibigay ng kapayapaan”? Ipakikita ng tatlong kasunod na mga artikulo ang pagbangon at pagbagsak ng Satanismo at ang mga kalagayan sa lupa na hahalili rito.