Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 9/1 p. 19-23
  • Magkasama sa Pagpapayunir Habang Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magkasama sa Pagpapayunir Habang Buhay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Panimula
  • Pagpapatotoo sa Lalawigan
  • Pagpapayunir sa mga Bagong Teritoryo
  • Sa Tarsis ba o sa Nineve?
  • Pagpapatotoo Noong Kahigpitan ng Digmaan
  • Nakasumpong ng “mga Tupa” sa Wales
  • May “Purple Triangle” sa Uniporme Nila
    Mga Karanasan ng mga Saksi ni Jehova
  • Inilalapit ni Jehova sa Katotohanan ang mga Mapagpakumbaba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Ang Pinakamabuting Bagay na Dapat Gawin sa Aking Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • “Hanapin Muna ang Kaharian”
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 9/1 p. 19-23

Magkasama sa Pagpapayunir Habang Buhay

Sa isang maayos at simpleng kuwarto sa Cardiff, Wales, katatapos lamang ang isang Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon. Ang konduktor sa pag-aaral ay nagpasalamat sa dalawang kapatid na babaing payunir, si Maud Clark at si Mary Grant, ngayo’y mahigit nang 90 anyos, dahil sa kanilang pagiging mapagpatuloy at hinimok sila na gunitain ang lumipas . . .

Maud: Ngayon ay 65 taon na sapol nang magkakilala kami ni Mary at magsimulang magpayunir na magkasama.

Mary: Oo, ito’y noong 1923, sa isang maginaw, mayelong gabi ng Enero! Natatandaan mo pa ba, Maud? Sinundo kita diretso mula sa istasyon ng tren sa Much Wenlock at dinala sa aking tuluyan. Tayo’y kumain nang kaunti, at pagkatapos ay nag-aral tayo ng Tabernacle Shadows. Kinabukasan tayo’y sumakay sa atin-ating bisikleta upang mangaral sa mga magsasaka sa Shropshire.

Mga Panimula

Maud: Sabihin pa, tayo’y handa para rito. Alam mo, bawat isa sa atin ay nagpapayunir na ng ilang panahon. Kahit na noong ako’y bata pa lamang, sa tuwina’y interesado ako sa Salita ng Diyos. Aba, naaalaala ko pa ang pitong salmo na saulado ko at binigkas sa simbahan upang makakuha ako ng isang libreng Bibliya! Noong 1908, nang ako’y 11 anyos, binasa ng ate ko ang aklat na The Divine Plan of the Ages at hindi na nagsimba sa simbahang aming pinagsisimbahan, at naging isang Bible Student. Ang mga katotohanan sa Bibliya ang naging paksa ng aming mga usapan sa tahanan. Subalit nang mamatay ang aking ama, ako’y nagsimulang mag-usisa, ‘Nasaan ang mga patay?’

Anong laking kagalakan na masumpungan ang kasagutan nang aking mapanood ang The Photo-Drama of Creation, na ipinalabas sa sariling bayan namin sa Sheffield! Sa sineng iyon, na sinasabayan ng pinatutugtog na mga plaka ng ponograpo, napanood ko ang pagbuhay sa anak ng babaing Sunamita. Oo, napag-alaman ko na ang mga patay ay walang malay hanggang sa sila’y buhaying-muli.​—2 Hari 4:32-37.

Agad akong nagbitiw sa Iglesya Anglicano at lumahok na ako sa tinatawag na gawaing pagpapastol, na nag-aalok ng literatura sa Bibliya doon mismo sa lugar na kung saan ako ay kilala na namamahagi ng mga magasin ng simbahan. Ang aking pag-aalay kay Jehova ay sinagisagan ko noong Agosto 1918 sa isang asamblea sa karatig lunsod ng Leeds.

Pagkatapos ng maligayang panahon ng pagbabakasyon kasama ang dalawang mga sister na colporteur sa Derbyshire, binuo ko sa aking isip na magpayunir habang buhay. Noong Agosto 1922, sinimulan ko ang paggawa sa unang-unang teritoryo na iniatas sa akin: Biggleswade sa Bedfordshire.

Isa sa mga colporteur ang nagsabi sa akin: “Kung ikaw ay makapagtitiyaga sa unang anim na buwan, makakapasa ka.” Ang mga unang buwan na iyon ay hindi madali. Naaksidente ako sa aking pamimisikleta. Pagkatapos ang aking unang kasama sa pagpapayunir ay bumalik sa kanila. Subalit ako ay disididong magpatuloy, kaya sumulat ako sa Samahan at humingi ng isang kasama. At ibinigay naman sa akin ni Jehova si Mary!

Mary, ikaw ay unang napasakatotohanan kaysa akin, hindi ba?

Mary: Oo, Maud. Noon ay doon kami nakatira sa Cardiff, South Wales. Nang ako’y 16 anyos, inanyayahan ako ng aking lola na basahin ang aklat na The Divine Plan of the Ages, na kaniyang nakuha sa isang miting publiko na isinaayos ng mga Bible Student. Noo’y ibig kong maunawaan ang Bibliya at maging isang misyonera paglaki ko. Sa pagbabasa ko ng aklat na ito, nabatid ko na nasumpungan ko na nga ang katotohanan.

Ako’y nagsimulang dumalo sa mga miting ng mga Bible Student, sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng aking ina. Alam mo, ang aking mga magulang ay nakaririwasa sa buhay, at palibhasa’y hindi nila ako pinayagan na magtrabaho, nadama kong ang mga kalagayan sa aming tahanan ay labis na mahigpit. Gayumpaman, nagawa ko rin na kumuha ng iba pang mga aklat na mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Nang matuklasan ito ng aking ina, siya’y nagalit at pinagsusunog ang mga aklat at sinabihan ako na napakabata ko pa raw upang makaalam ng gayong mga bagay. Upang palitan ang mga iyon kinailangang ako’y magpuslit ng mga aklat sa aming tahanan nang isa-isa, pagkatapos ng mga pagdalaw ko nang maagang-maaga sa tahanan ng isa sa mga Bible Student mga tatlong kilometro ang layo. Binasa ko ang mga ito nang puspusan bago magising ang mga ibang miyembro ng pamilya, anupa’t ikinukubli ko ang mga ito sa silungan sa halamanan kung araw.

Noong 1913, nang ako’y 17 anyos, ako’y nagbiyahe patungong London para sa isang bakasyong pagliliwaliw. Mabuti naman, nakasabay ito ng pagdalaw ni Brother Russell sa isang asamblea na ginanap sa Kingsway Hall. Doon ay ipinahayag ko ang aking pagnanasang pabautismo. Ang colporteur sister na gumagawa sa Cardiff ay lumapit kay Brother Russell upang tanungin siya kung sa palagay niya’y totoong napakabata ko. Tinanong niya ako kung gaano na ang edad ko at pinagtatanong ako upang alamin kung naiintindihan ko ang Kasulatan at upang matiyak kung naialay ko na nga ang aking buhay kay Jehova. Bilang resulta, ako’y nagbihis ng isang mahabang kamisolang itim at sumama sa mga iba pang kandidato sa bautismo sa London Tabernacle. Tandang-tanda ko pa rin ang mga salitang inawit namin habang kami’y umaahon sa tubig:

“Inilibing na kasama ni Kristo

at ibinangon na kasama rin niya,

Ano pa ang natitira para gawin ko?

Wala kundi huminto ng

pakikipagpunyagi at pakikipag-alitan,

Wala kundi lumakad sa panibagong buhay.”

Pagkatapos, isang kapatid na lalaki ang lumapit sa akin at ang sabi: “Tiyak na ikaw ang kahuli-hulihan sa 144,000 na pupunta sa langit; napakaikli na ang panahong natitira upang siguruhin ang pagkatawag at ang pagkahirang sa iyo.” Ganiyan ang nasasaisip ng marami na ang pagkamalas sa napipintong taon, 1914, ay may taglay na mga dakilang pag-asa. Subalit, para sa akin, ito’y napatunayan kong isang panahon ng pagsubok samantalang nilalabanan ko ang matinding pananalansang sa aming tahanan. Dumadalo ako noon sa mga pulong na sindalas ng magagawa ko. Noong 1916, ay tinamasa ko ang pribilehiyo ng paglilingkod bilang isang usherette nang ipinalabas ang The Photo-Drama of Creation sa Cardiff. Nang matapos na ang aking pagsasanay sa Manchester bilang nars, sinimulan ko ang aking buong-panahong pagpapayunir noong 1922.

Pagpapatotoo sa Lalawigan

Maud: Kaming talaga ang kailangang magkusa noong nakaraang panahong iyon. Sinasabi namin sa balana na kami’y nagsasagawa ng isang gawaing Kristiyano. Ang mga tao noong mga araw na iyon ay mahilig sa pagbabasa. Inialok namin ang The Harp of God at seryeng Studies in the Scriptures. Mangyari pa, kailangan namin ang isang malaking maleta upang mapaglagyan ng lahat ng literaturang ito. Ang akin ay totoong malaki anupa’t nang ako’y dumating sa isang liblib na bukid isang araw, ang akala ng maybahay ng mambubukid ay isa akong kamag-anak na nanggaling sa Canada upang dumalaw. Ganiyan na lang ang aming pagtatawanan!

Yamang ang pagpapayunir ang aming buhay, kami’y tumanggap ng aming panggastos sa gawain na pamamahagi ng mga aklat na may mensahe ng Kaharian. Maingat ang paggasta namin ng aming pera at namuhay kami nang matipid, ang mga aklat ay ipinagpapalit namin ng mantikilya at ng iba pang mga produkto sa bukid at namumulot kami ng patatas, singkamas, at repolyo na nahuhulog buhat sa mga kariton sa bukid na nagbibiyahe sa baku-bako, maalikabok na mga daan. Kami’y naging dalubhasa sa pag-aayos ng mga pumutok na goma ng aming mga bisikleta, at kami’y naging sanay na mga mananahi, anupa’t kami na ang tumatahi ng aming sariling damit.

Samantalang ang mga kapatid na lalaki na nagsisilbing palipat-lipat na mga tagapagpahayag ay nagpapahayag ng Bibliya sa mga bayan-bayan, kami ni Mary ay kasu-kasunod nila upang pasundan ang interes na bunga ng kanilang pangangaral. Mga maliliit na grupo ng mga interesado ang lumitaw sa Shrewsbury at sa iba pang bayan-bayan. At ngayon ang inaasam-asam namin ay mga asamblea! Sa palagay ko ang kombensiyon sa London noong 1926 ay katangi-tangi. Doon ay tinamasa namin ang karagdagang pribilehiyo ng pamamahagi ng pulyetong The Standard for the People sa mga kalye ng kabiserang lunsod. Pagkatapos ay lalong nag-ibayo ang aming kagalakan samantalang binabasa namin ang laman ng isang liham buhat sa Samahan. Iyon ay isang pagbabago ng atas na teritoryo para sa amin: ang Hilagang Ireland.

Pagpapayunir sa mga Bagong Teritoryo

Kami’y dumating sa County Antrim, Hilagang Ireland, upang doon magpayunir sa isang bayan na nahahati sa relihiyon. Kami’y dumuon muna sa Greenisland. Noon ay basa at maginaw ang panahon, at wala kaming panggatong sa loob ng mga ilang linggo dahilan sa welga sa karbón sa Inglatera. Aking naguguniguni ngayon na kami, ay nakaupo na nakadamit pantaglamig at nakaguwantes kung gabi, at sinusubukan namin na mag-aral habang nangangaligkig sa ginaw. At dumating ang tag-araw, at ganiyan na lamang ang aming pasasalamat kay Jehova sa pribilehiyo ng paggawa sa gitna ng magagandang kapaligiran ng libis ng Antrim. Ang mga tao ay nakinig na mainam sa mensahe ng Kaharian. Oh, oo, sila’y malimit na nakikipagtalo, subalit sila’y mababait. “Tuloy kayo,” ang sasabihin nila, at ang kaldero ay isasalang nila sa greesha (nagbabagang gatong) upang kumulo, at ang aming mga pag-uusap ay nagpatuloy.

Mary: Yamang kami ngayon ay apat na mga payunir na babae na sama-sama sa aming teritoryo, ang sinunod namin ay isang lubusang teokratikong iskedyul ng mga pulong. Tuwing umaga aming tinatalakay ang isang teksto sa Kasulatan at binabasa “Ang Aking Pasiya Tuwing Umaga,” na nagsasabi, ang isang bahagi, ‘Sa araw-araw ay tatandaan ko sa harap ng Trono ng Makalangit na Grasya ang pangkalahatang kapakanan ng gawaing pag-aani, lalo na ang bahagi na naging pribilehiyo ko na tamasahin sa gawaing iyon, at ng mahal na mga kamanggagawa sa Bethel at saanman.’ Kung Miyerkules ng gabi, mayroon kaming Pulong sa Panalangin, Pagpuri, at Pagpapatotoo. Kung Linggo ay sama-sama kaming nag-aaral ng Ang Bantayan, at kami’y nagkakatipon sa palibot ng maliit na organ na kalimitang masusumpungan sa mga tahanan ng mga tao upang mag-awitan buhat sa Hymns of the Millenial Dawn, tulad baga ng:

“Huwag isipin na nakamit na ang tagumpay,

Ni umupo at magpahingalay

Ang iyong masigasig na gawain ay hindi pa magtatapos

Hangga’t hindi mo nakakamit ang iyong korona.”

Maud: Anong laking pagbabago nang kami’y atasan ng isang pantanging gawain na nabuksan​—kami’y naging “mga payunir sa bahay kalakal.” Paano nga kami makapagpapatotoo sa mga negosyante, mga manedyer ng bangko, at iba pa? Ang malalaking gusaling ito sa Belfast ay tinging nakatatakot. Subalit aming nagunita ang Filipos 4:13: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay-lakas sa akin.” At hindi kami nag-iisip na tanggihan ang iniatas sa amin. Anong ganda ng aming mga karanasan sa pakikipag-usap sa mga lalaking iyon at pagpapasakamay sa kanila ng maraming literatura! Nang sumapit ang 1931 natapos na namin ang mga bahay kalakal at limang taon na ang nagugol namin sa Hilagang Ireland. Nasabik kami noon kung ano kaya ang susunod na iaatas sa amin. Sa malaking pagtataka namin ay iyon palang mga bahay kalakal ng Dublin.

Sa Tarsis ba o sa Nineve?

Inaamin namin na, sa simula, kami’y naging katulad ni Jonas, na inatasang mangaral sa Nineve ngunit sa halip ay doon sa Tarsis naparoon. Ang nais sana namin ay isang naiibang atas. Madali namang natanto namin na kami’y kailangang kay Jehova umasa. Subalit, nakasisira ng loob na tumayo sa tabi ng Nelson’s Pillar sa Dublin at makita ang mga lansangan na punó ng mga pari at mga madre, mga lalaking nagpupugay ng kanilang mga sombrero at mga babaing nagkukrus ng kanilang sarili bilang pagpupugay naman sa ‘pinagpalang Birhen.’ Nang panahong iyon ay mayroon lamang apat na mga Bible Student sa Dublin.

Kami’y nakakuha ng mga kuwarto sa isang sambahayang Romano Katoliko. Mangyari pa, kailangang itago namin ang aming literatura sa ilalim ng higaan, sapagkat ang pari ay regular na dumadalaw sa bahay na iyon. Isang araw isang mangangalakal sa Dublin ang dumalaw sa aming tuluyan, at nagsabi: ‘Kayo’y nag-iwan ng mga aklat sa aking bangko.’ Ganiyan na lang ang kaniyang katuwaan sa mga ito kung kaya’t naparoon siya sa bawat tindahan upang alamin kung sila’y may ipinagbibiling mga aklat ni Judge Rutherford. Pagkatapos ay sumulat siya sa New York at ibinigay sa kaniya ang aming direksiyon. Siya’y nagsaayos ng isang salu-salo para sa lahat ng kaniyang mga kaibigan upang ipaalam sa kanila ang tungkol sa kaniyang natutuhan.

Nang may bandang katapusan ng taông iyon, kami’y dumalo sa isang kombensiyon sa Liverpool, Inglatera, na kung saan napag-alaman namin ang ating bagong pangalan, mga Saksi ni Jehova. Sa pagbabalik namin sa Dublin, kami’y nakibahagi sa kampaniya ng pamamahagi ng pulyetong The Kingdom, the Hope of the World, na may resolusyon ng kombensiyon. Dinalaw namin ang lahat ng mga monasteryo, mga kombento, at mga bahay kalakal, at namahagi ng walang bayad na mga kopya ng pulyeto. Lahat ay tinanggap!

Mary: Isang araw ay may nakita kaming isang barko na naglalayag sa ilog Liffey, at ito’y nagbigay sa amin ng ideya na magpatotoo sa mga tripulante ng barkong nakahimpil sa pantalan. Nang subukin naming pumasok sa lugar na daungan, hinarang kami ng isang pulis, na nagtanong kung ano ba ang aming ginagawa. Nang ipakita namin sa kaniya ang mga aklat, sinabi niya, “Sige ho.” Kami’y may nakilalang mga kapitan ng barko buhat sa mga ibang bansa na nakakakilala sa mga Saksi. Sa pagbabalik-gunita namin sa mga karanasang iyon, kami’y nanggigilalas sa paraan ni Jehova ng pag-iingat sa amin sapagkat bawat isa sa amin ay magkabukod na lumapit sa mga barko.

Pagpapatotoo Noong Kahigpitan ng Digmaan

Maud: Noong 1939 nang sumiklab ang digmaan, kami’y bumalik sa Liverpool at nakisama sa 20 iba pang mga payunir na naninirahan sa tahanan ng mga payunir. Ngayon ay nakakaranas kami ng mga air raid at mga pagbubomba at kami’y nagpapatotoo saanman may mga tao na makikinig. Malimit na kami’y naglalagay ng mga plaka sa aming mga ponograpo, nakikipagtalakayan ng mensahe ng Kaharian, at pagkatapos ay tumatakbong pabalik sa tahanan ng mga payunir, o sumusugod mula sa isang air-raid shelter tungo sa susunod. Sa buong panahong ito, kami’y hindi natatakot, dahil gawain ng Panginoon ang aming ginagawa noon.

Malimit na habang kami’y naglalakad sa mga kalye, ang mga tao’y nagsasalita sa amin ng mga pangit na pangungusap dahilan sa neutral na paninindigan ng mga Saksi noong panahong iyon ng digmaan. Natatandaan ko na sa isang bahay isang kabataang lalaki ang nakinig sa mga pinatugtog na plaka at tumanggap ng isang regular na pag-aaral sa Bibliya. Isang suliranin ang bumangon. Hindi pa natatagalan na siya’y nagpalista upang magsilbi bilang isang boluntaryo sa British Navy. Siya’y sumulat sa mga awtoridad at sinabi niya ang kaniyang neutral na katayuan at nang magkagayo’y tumanggap ng ganap na pagkapuwera sa paglilingkod sa hukbo. Nang malaunan ay kasa-kasama na namin siya sa buong-panahong paglilingkod.

Mary: Hindi ko kailanman malilimot ang mga araw na iyon ng digmaan, Maud. Nagugunita mo ba kung ano ang nangyari nang tayo’y lumipat sa Knutsford sa Cheshire noong 1942? Sinigawan tayo ng isang babae na nagsabi sa atin, ‘Ano ba ang ginagawa ninyo bilang bahagi sa pagtataguyod ng digmaan?’ Bago tayo makasagot, isang nagdaraan ang tumugon, ‘Siya’y gumagawa ng gawain na wala tayong lakas ng loob na gawin.’ Isang may edad nang lalaki ang sumabat naman, ‘Sila’y gumagawa ng isang mabuting gawain.’

Maud: Siyanga, ang gawaing pag-aaral ng Bibliya ang malaking bagay. Ako’y nagkaroon ng magandang karanasan nang dumalaw ako sa isang bukid at nakilala ko ang isang babae na ang sabi sa aki’y namatay raw sa isang aksidente sa lansangan ang kaniyang munting anak na lalaki. Ipinasakamay ko sa kaniya ang pulyetong Hope for the Dead at nagsimula ako ng isang pakikipag-aral sa Bibliya. Pagkatapos ng pipito lamang mga pag-aaral, ang babaing ito ay nagsimula na nang pagsama sa akin sa pagpapatotoo. Makalipas ang mga ilang buwan tinanggap ng kaniyang asawang lalaki ang katotohanan, at hindi lumipas ang dalawang taon ay ipinagbili ng mag-asawang ito ang kanilang bukid at nagsimulang magpayunir. Ang kanilang anak na babae ay nang malaunan sumama na sa kanila sa buong-panahong paglilingkod, at ngayon siya at ang kaniyang asawa ay naglilingkod sa London Bethel.

Sa asamblea sa Leicester noong 1941, ipinatalastas ni Brother Schroeder na ang mga espesyal payunir ay tatanggap ng isang maliit na alawans na pera upang tulungan sila sa mga pangangailangan sa buhay. Sa loob ng halos 20 taon, pinagpala ni Jehova ang pamamahagi namin ng literatura at sa paraang ito ay tinustusan kami sa aming pangangailangan. Kailanman ay hindi kami pinababayaan ni Jehova. Aming napatunayan na “hindi sumala ang isa mang salita ng lahat ng kaniyang mabubuting pangako na kaniyang ipinangako.”​—1 Hari 8:56.

Nakasumpong ng “mga Tupa” sa Wales

Noong 1954 ay naroon naman kami sa Milford Haven, Wales. Sa kabila ng pananalansang ng klero, kami’y nangaral at nakasumpong kami ng ilang tulad-tupang mga tao na nagsitugon. Ito’y aming inorganisa sa isang grupo at aming ipinakita sa kanila kung paano magdaraos ng mga pulong at magbibigay ng maiikli, at makabuluhang mga komento. Anong laking kagalakan na makitang pito ang nabautismuhan sa isang tangke ng mga tupa na pinunô ng mainit-init na tubig na dinala roon sa mga sisidlan ng gatas!

Sa bayang libis ng Abercynon sa Wales, isang ruta ng magasin ang nagbunga ng mabuti. Bagama’t ang babaing regular na tumatanggap ng mga sipi ng mga magasin ay nagsabi, “Hindi ako naniniwala sa sinasabi ninyo sa akin,” pumayag siya na basahin ang mga magasin. Sa isang pagdalaw uli, nadatnan ko ang asawang lalaki na abala ng pagkakabit ng dekorasyon sa bahay. Pagkatapos ng isang palakaibigang pag-uusap, nagsaayos na magsimula ng isang pag-aaral sa Bibliya sa susunod na linggo. Aming kinaibigan ang tatlong anak na lalaki na dumating upang makisali sa pag-aaral. Sa wakas, ang ina at ang kaniyang mga anak na lalaki ay nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova at nabautismuhan. Hanggang sa araw na ito, 35 miyembro ng pamilyang iyan ang tumanggap sa katotohanan, ang iba’y naglilingkod bilang auxiliary, regular, o espesyal payunir, at ang ilan bilang hinirang na matatanda.

Ngayon ay narito kami sa Cardiff, na nagbabalik-gunita sa aming buhay. Wala kaming pinagsisisihan. Si Jehova ang nagtustos ng bawat materyal na pangangailangan namin. Tinatamasa namin ang isang kahanga-hangang buhay na naglilingkod na magkasama bilang mga payunir, at hanggang ngayon ay amin pa ring itinuturing na ang buong-panahong paglilingkod ang aming pinakadakilang kayamanan sa buhay.

Ngayon ang aming puso ay naliligayahan na makitang patuloy na dumarami ang mga payunir. At lahat ng mga kabataan na lumalahok sa mahalagang paglilingkod na ito​—kami’y nakikigalak! Si Mary at ako ay nagpayunir na magkasama sa loob ng 65 taon. Ang aming buhay ay simple lamang ngunit totoong maraming gawain, mahirap ngunit nakagagalak. Tunay na inirirekomenda namin ang pagpapayunir habang buhay.

[Larawan sa pahina 23]

Itinuturing pa rin nina Maud (kaliwa) at Mary na ang kanilang pinakamalaking kayamanan ay ang buong-panahong paglilingkod kay Jehova

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share