Sinasapatan ni Jehova ang Bawat Kailangan Ko
Inilahad ni John E. (Ted) Sewell
SA BAWAT paghakbang namin ng pagbagtas sa sumisingaw na gubat na iyon ng Thailand, sumaisip ko, ‘Marahil ay mayroong mas madaling daan mula sa Bangkok patungo sa Burma!’ Nananakit na ang aking mga paa at naliligo na ako sa pawis, samantala’y ang inaalala ko’y baka makasalubong kami ng mga tigre, maiitim na oso, o mga elepante na gumagala raw sa mga gubat na ito—huwag nang banggitin pa ang makamandag na mga ahas. Bakit nga ba kami ni Frank Dewar ay nasa ganitong mapanganib na paglalakbay?
Kapuwa kami mga misyonero sa Thailand, at kababalita lamang namin na gaganapin sa Rangoon, Burma, sa Nobyembre 26-28, 1938 ang isang tatlong-araw na kombensiyon. Dahil sa kakaunti lamang ang aming pera kaya ang biyahe mula sa Bangkok hanggang sa Rangoon ay kailangang gastusan namin sa pinakamatipid na paraang maaari, at isang bahagi ng paglalakbay na iyon ay nangangailangang tumawid kami sa gubat na may 80 kilometro.
Kami’y sumakay sa tren mula sa Bangkok noong Nobyembre 16, lumipat sa isang maliit na bus, tumawid sa Ping River sakay ng isang malaking dugout canoe, at pagkatapos ay sinimulan na namin ang mahabang paglalakad ng pagbagtas sa gubat. Pinag-aralan ni Frank ang maraming mapa at napili niya sa wakas ang isang ruta na wari ngang magaang sundin. Wala kaming mga lansangan na maaaring daanan—kundi isang makipot na landas lamang, na dinaanan ng mga manlalakbay at kadalasan isang linya ng telepono ang sinusundan.
Kami’y napasalamat naman, wala kaming natanaw na mga hayop kundi maraming mga tsonggo na nasa mga punungkahoy. Ang pagkagagandang nakabiting mga orkidya ay ang isang di-inaasahang nakalulugod makita. Habang papagabi na, kami’y nag-alala kung ligtas nga kaya ang matulog sa gubat. Tunay na kakaiba iyon sa kagubatan ng Australya na kung saan malimit na natutulog ako sa labas kung gabi. Kami’y pinaalalahanan din tungkol sa mga kontrabandistang nagnanakaw sa mga manlalakbay at sinasaktan pa man din sila.
Ganiyan na lamang ang kaba ng aming dibdib nang kami’y mapaharap sa isang grupo ng mga lalaking mababangis ang hitsura, bawat isa’y may malaking gulok na nakabitin sa kaniyang sinturon. Kanilang pinahinto kami at tinanong kung saan kami papunta. Nang aming ipaliwanag na kami’y patungo sa isang kombensiyong Kristiyano sa Rangoon, kami’y pinagmasdan nila na parang hindi makapaniwala subalit sila’y nagpatuloy sa kanilang lakad nang hindi kami sinasaktan.
Di-nagtagal, nakasalubong kami ng dalawang lalaking kabataan na ang hitsura’y higit na palakaibigan. Bagama’t limitado ang aming alam sa wikang Thai, sila’y aming inupahan upang maging giya namin hanggang sa makarating kami sa Burma. Nang kumagat na ang dilim, ay dumating kami sa isang malaking puno na may mga hagdan patungo sa isang platapormang kahoy na nasa pagitan ng mga sanga. Doon kami natulog na apat.
Kinagabihan ng sumunod na araw, ay dumating kami sa isang munting nayon na kung saan kami’y nagpalipas ng magdamag sa balkonahe ng isang sinaunang bahay. Nang ikatlong araw, ay dumating kami sa nayon ng Mae Sot sa hangganan ng Burma. Namaalam kami sa aming giya at malugod na binayaran namin sila sa kanilang mabuting serbisyo.
Pagkatapos na tumawid sa ilog patungo na sa Burma, kami’y sumakay sa isang munting bus at nagbiyahe sa isang daan na bulubundukin at pagkatapos ay sumakay sa isang bangka sa ilog patungo sa Moulmein. Ang huling bahagi ng aming paglalakbay patungong Rangoon ay sa tren, na waring napakaginhawa matapos na makaranas kami ng mahabang paglalakad. Ang buong biyahe ay gumugol ng isang linggo, subalit sulit naman sapagkat tinamasa namin ang ligaya ng pakikihalubilo sa aming espirituwal na mga kapatid. Iyon ay isa lamang sa maraming ebidensiya na sinasapatan ni Jehova ang bawat pangangailangan ko. Pero hayaan ninyong ikuwento ko sa inyo kung paano ako napapunta sa Thailand.
Natalos Ko na Kailangan ang Espirituwal na mga Bagay
Nagbabago na noon ang buhay at mga ugali nang ako’y isilang sa Kanlurang Australya noong 1910. Ang Digmaang Pandaigdig I na nagsimula noong 1914 ang waring nagpabilis sa mga pagbabago. Bagama’t noo’y mga pitong taon lamang ako, malinaw na natatandaan ko pa ang pagsulat ni Inay na nasa malayo at nakikipagdigma sa Europa. Minsan sinabi sa akin ni Inay: “Alam mo, sinasabi ng Bibliya na magkakaroon ng mga digmaan at mga alingawngaw ng digmaan.” Hindi na niya ipinaliwanag pa kung bakit, subalit ako’y nasabik noon na malaman ang tungkol doon.
Makalipas ang mga taon, noong Disyembre 1934, samantalang ako’y nakasakay sa kabayo at pabalik na sa bukid na aking pinagtatrabahuhan, nasalubong ko ang isang dating kaibigan sa paaralan na nagsabing mayroong mga Saksi ni Jehova na kamakaila’y nagpunta roon galing sa Perth. Ang kaniyang pamilya ay bumili ng kanilang mga aklat pero ipinasiya nilang huwag basahin ang mga yaon. Palibhasa’y nasasabik akong malaman, kumuha ako ng aklat na Life mula sa kaniya.
Samantalang ako’y nangangabayo sa liwanag ng buwan, na dahil sa kaliwanagan ay nababasa ko ang malalaking letra ng bawat titulo ng kabanata. Nang ako’y makarating na sa bukid, nagpatuloy pa rin ako ng pagbabasa sa liwanag ng isang lamparang de-gas. Doon, sa unang pagkakataon, napag-alaman ko na ang Diyos ay may personal na pangalan—Jehova. Nagalak akong malaman na mayroon palang kahanga-hangang layunin ang Diyos para sa ating lupa, oo, na ang lupa’y magiging isang paraiso para sa masunuring sangkatauhan. Siyanga pala, sa aklat na ito, lahat ng aking mga katanungan ay nasagot!
Ang mga unang ibig kong balitaan nito ay ang aking mga magulang, na nakatira sa isang munting sakahan na 138 kilometro ang layo. Ito’y nangangailangan ng pagsakay sa kabayo nang isang araw at kalahati. Nang sabihin ko kay Inay ang aking natututuhan, ako’y binigyan niya ng sorpresa sa pagsasabing siya man daw ay nag-aaral din at nasisiyahan sa ganoon ding literatura sa Bibliya! Sa mahabang paglalakbay pauwi makalipas ang isang linggo, marami akong pinag-isipan, sapagkat ang aking mga pag-aaral ay nagpakita sa akin na hindi lamang kaalaman at pananampalataya ang hinihiling ng Diyos. Ngayon ay nabatid ko na ang isang tunay na Kristiyano ay kailangang sumunod kay Jesu-Kristo at personal na maglingkod kay Jehova sa pamamagitan ng pangangaral sa iba. Kaya ipinasiya ko na subuking gawin ito tuwing dulo ng sanlinggo magmula noon.
Nakasasabik na Pagkakataon ang Nabuksan
Upang makapagpatotoo sa aming kalat-kalat na mga purok na sakahan, ako’y bumili ng isang kotseng Model-T Ford na ikinomberte sa isang trak na panghakot. Dala ko ang aking mga gamit sa pagtulog at ang mga ilan pang kinakailangang gamit, at dumadalaw ako sa mga magsasaka buong hapon ng Sabado, natutulog ako sa trak, at pagkatapos ay nagpapatuloy ng pagpapatotoo sa sunud-sunod na mga sakahan kung Linggo ng umaga. Kung kagat na ang dilim saka ako umuuwi.
Noong Abril 1936 sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa isang maliit na kombensiyon sa Perth. Isa sa mga pahayag ay nagdiin sa buong-panahong ministeryo ng pagpapayunir. Batid ko na wala naman akong maka-Kasulatang mga obligasyon na humahadlang sa akin sa pakikibahagi sa mahalagang gawaing ito, kaya noong Disyembre 1936, ako’y nagsimulang magpayunir.
Nang buwan ding iyon, dalawang payunir na may malalakas na katawan, sina Arthur Willis at Bill Newlands, ang dumating sa Perth sakay ng trak. Sila’y umalis sa Sydney doon sa baybaying silangan siyam na buwan na ang nakaraan at samantalang naglalakbay ng pagtawid sa Australya ay nagpapatotoo sila. Maguguni-guni mo ang aking katuwaan nang ako’y atasan ng Samahan na sumama sa kanila pagbibiyahe nila pabalik. Kanilang binigyan ako ng pagsasanay na walang kaparis at ito’y hindi ko makakalimutan.
Pagbagtas sa Kapatagan ng Nullarbor
Ang pangalang Nullarbor ay nangangahulugang “walang mga punungkahoy.” Ito’y angkop na ikapit sa tigang, at walang punungkahoy na kapatagan sa gitna ng Australya. Nang kalagitnaan ng mga taón ng 1930 ang ruta na aming binagtas doon ay mga 1,600 kilometro ng pinakabaku-bakong daan na maguguni-guni mo.
Tuwing gabi ay natutulog kami sa mga tiheras, karaniwan nang doon sa labas sa silong ng maaliwalas na langit. Bihirang umulan doon at halos walang hamog sa parteng iyan ng bansa. Sa aming pamamahinga sa gabi-gabi sa ilalim ng nakakulandong na mga bituin, nagniningning sa malinis, walang polusiyong hangin, malimit na nagugunita ko ang mga pambungad na salita ng ika-19 na Awit 19:1: “Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng kaniyang mga kamay.”
Ang riles na bumabagtas sa Nullarbor ay sinasabing pinakamahabang diretsong riles sa daigdig. Ito’y may habang 480 kilometro na walang bahagya mang kurba o pagliko. Kami’y nawili ng pagpapatotoo sa mga maliliit na bahay na naroon sa tabi ng riles, at sa mga taong naninirahan sa mga istasyon ng tupa, o mga rantso. Maraming malalaking lupain sa panig na iyan ng Australya. Natatandaan ko pa na mayroon doong rantso na mahigit na apat na libong metro kuwadrado ang laki at ang homestead ay 80 kilometro ang layo sa pintuan sa harap.
Sa wakas, kami’y dumating sa Katoomba sa Blue Mountains sa kanluran ng Sydney tamang-tama para sa Memoryal noong Marso 26, 1937. Ang aming atas na kung saan kami’y palipat-lipat ay nagustuhan namin at naging kapakipakinabang sa espirituwal, subalit isang nakalulugod na pagbabago na dumoon sa sandaling panahon sa piling ng isang kongregasyon ng mga lingkod ng Diyos.
Makikibahagi ba o Hindi?
Sa pagdaraos ng 1937 Memoryal, ay mayroon pa ring kalituhan tungkol sa uring “ibang tupa.” (Juan 10:16) May paniwala ang iba na ang laki ng pananampalataya at sigasig Kristiyano na ipinakikita ng isang tao ang magpapakilala kung siya’y tumanggap ng makalangit na pagkatawag o hindi. Kaya naman, gaya ng marami pang iba na nasa katulad na mga kalagayan, ako’y nakibahagi sa mga emblema. Nang sumunod na taon ang ilan sa amin na mga payunir ay muli na namang naligalig tungkol sa kung kami baga’y makikibahagi.
Sa kalooban namin ay inaasam-asam namin ang mabuhay sa isang lupang paraiso, subalit marami ang may paniwala na ang aming sigasig at ministeryo sa pagpapayunir ang patotoo ng pagkapahid ng espiritu. Sa tamang-tamang panahon ay ibinigay sa amin ni Jehova ang sagot sa pamamagitan ng kaniyang makalupang organisasyon. Noong mismong hapon na gaganapin ang Memoryal, dumating ang Marso 15, 1938, na labas ng The Watchtower. Ang pangunahing artikulo nito, “Ang Kaniyang Kawan,” ay isang detalyadong pag-aaral ng Juan 10:14-16. Anong laki ng aming kagalakan sa malinaw na paliwanag na sumagot sa aming mga katanungan!
Ang artikulo ay nagbigay ng mga halimbawa ng kung paano pinakilos nang lubusan ng espiritu ng Diyos ang kaniyang mga lingkod noong sinaunang panahon at pinapangyaring gumawa sila ng makapangyarihang mga gawa malaon pa bago nabuksan ang pagkakataon na makabilang sa mga tinawag sa langit. Sa gayunding paraan, ang kaniyang espiritu ay inilalagay ng Diyos sa kaniyang nag-alay na mga lingkod sa lupa sa ngayon sa mga taong binigyan niya ng makalupang pag-asa. Kaya naman kami ay napasasalamat at naunawaan namin ang pagkakaiba ng pagiging ipinanganak ng banal na espiritu at binigyang-lakas ng espiritu ng Diyos upang gawin ang kaniyang kalooban.
Paanyaya na “Magpalawak”
Ang iba pa sa kapana-panabik na mga pangyayari noong 1938 ay ang pagdalaw ng pangulo ng Watch Tower Society, si Brother Rutherford, at ang kombensiyon sa Sydney Sports Ground. Sa kombensiyon ay nanawagan ng mga payunir na handang maglingkod sa Burma, Malaya, Siam (ngayo’y Thailand), at Java (ngayo’y Indonesia). Si Hector Oates, Fred Paton, at ako ay nagalak na tumanggap ng atas sa Burma.
Bago noon ay wala akong nararating kundi ang Australya. Subalit, hindi lumampas ang dalawang buwan, ako, kasama ng ibang mga payunir ay sakay ng isang barko patungo na sa aming atas. Kami’y dumating sa Singapore noong Hunyo 22, 1938, at sinalubong sa piyer ni Bill Hunter, na nagpapayunir na roon. Wari bagang kakatuwa at interesante ang lahat ng bagay doon nang makita namin ang pananamit at mga kostumbre ng mga tagaroon at marinig namin ang mga wika na hindi namin maintindihan.
Inabután ako ni Brother Hunter ng isang telegrama galing sa Australya na bumago ng aking atas, mula sa Burma ay inilipat ako sa Malaya. Si Fred Paton at si Hector Oates ay magpapatuloy sa Burma na hindi na ako kasama. Ako’y natuwa nang mapag-alaman ko na ang makakasama ko’y dalawang may karanasang misyonero, si Kurt Gruber at Willi Unglaube. Sila’y mga taga-Alemanya subalit ilang panahon nang naglilingkod sa Malaya.
Pagkaraan ng tatlong buwan sa Malaya, ako’y inatasan na maglingkod sa Thailand. Si Willi Unglaube ay inatasan na sumama sa akin, at kasama pa rin si Frank Dewar, na dating misyonero roon. Kami’y dumating sakay ng tren noong Setyembre 1938, nakahanap kami ng isang lugar na titirhan pansamantala, at kami’y nagsimula sa gawaing pagpapatotoo. Aming nasumpungan na ang mga Thai ay mababait at matitiyaga samantalang kami’y nakikipagpunyagi upang matutuhan ang kanilang makahulugang wika.
Nakapagpapasiglang Kombensiyon sa Rangoon
Doon kami galing sa Bangkok, Thailand, sa aming nakahahapong biyahe patungo sa Rangoon, Burma, na binanggit na noong una. Iyon ang unang kombensiyon na ginanap sa Burma at ang magandang City Hall ay punung-puno dahil sa mahigit na isang libong kataong nakinig ng pahayag pangmadla. Kinailangang isara ang mga pintuan sapagkat wala nang lugar para sa higit pang mga tao. Kakaunti lamang ang mga Saksi sa Burma at sa karatig na mga bansa, kaya’t karamihan sa mga naparoon upang makinig sa pahayag ay mga taong tumugon sa libu-libong mga imbitasyong handbill na ipinamahagi bago ganapin ang kombensiyon.
Para sa amin na galing sa nabubukod na mga atas-misyonero, tunay na isang espirituwal na pampaginhawa iyon. Subalit nang matapos na ang kombensiyon, kami’y umuwi at bumalik na sa Thailand—subalit, ngayon ay dumaan kami sa isang mas madaling ruta na hindi na kailangan pang bumagtas sa gubat.
Ang Digmaan at ang Paglusob ng mga Hapones
Ang mga ulap ng bagyo ng digmaan ay nagbababalang ipinapadpad na ngayon patungo sa silangang Asya. Nang sakupin ng hukbong militar ng mga Hapones ang Thailand, kanilang ipinagbawal doon ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Lahat ng mga Britano, Amerikano, at mga Olandes ay ikinulong sa isang kampo sa buong panahon ng digmaan. Si George Powell, isang payunir mula sa Singapore na nagtungo sa Bangkok upang sumama sa amin, ay ibinilanggo kasama ko. Kami’y magkasamang gumugol ng tatlong taon at walong buwan sa kampo.
Samantalang kami’y nakakulong, hindi kami tumatanggap ng mga bagong literatura o anumang balita mula sa Samahan. Subalit naranasan namin ang pangako ng salmista: “Inaalalayan ni Jehova ang lahat ng nangangabuwal at itinatayo yaong nangasusubasob.”—Awit 145:14.
Bumalik sa Australya
Nang matapos ang digmaan noong 1945, ako’y bumalik sa Australya. Dahil sa mabuting pagkain at lalong kaaya-ayang kalagayan ng pamumuhay, nagsauli sa dati ang aking mabuting kalusugan at nakapagsimula na naman akong magpayunir. Nang magkagayon, noong 1952, ako’y inatasan sa gawaing paglalakbay bilang isang tagapangasiwa ng sirkito, at tinamasa ko ang pribilehiyong ito sa sumunod na 22 taon. Noong 1957, naging asawa ko si Isabell, na nagpayunir ng may 11 taon, at kaming mag-asawa’y nagpatuloy sa gawaing pansirkito.
Dahilan sa mga suliranin sa kalusugan ay naging mahirap para sa amin na patuluyang maglakbay, kaya noong 1974 ay pumirmi na kami sa isang lugar upang magpayunir sa Melbourne. Ako’y naglilingkod pa rin bilang isang panghaliling lingkod ng sirkito manaka-naka, at kamakailan ako ay nagkapribilehiyo na maging instruktor sa isa sa mga paaralan ukol sa mga payunir. Sa lahat ng gawaing ito, ang aking maybahay ay patuluyan at masayang sumusuporta sa akin. Ngayon sa edad na 78 anyos, ganiyan na lang ang pasalamat ko kay Jehova samantalang patuloy na sinasapatan niya ang bawat pangangailangan ko.
Sa pagbabalik-tanaw sa mga taóng lumipas, malimit na binubulay-bulay ko kung paano tayo sinanay ni Jehova, tinulungan tayo upang maituwid ang mga pagkakamali, at dinisiplina tayo upang dalisayin bilang kaniyang mga lingkod. Nagugunita ko ang mga pagkakataon nang maglaan ang Diyos ng mga paraan upang ako’y magtagumpay sa mga pagsubok na hindi mapagtatagumpayan kung sa kakayahan lang ng tao. Ang mga alaalang ito ay nagbibigay ng lakas at palaging nagpapaala-ala na tunay ngang sinasapatan ni Jehova ang bawat pangangailangan ko.
[Larawan sa pahina 10]
Isang kamakailang larawan ko kapiling ang aking maybahay, si Isabell
[Larawan sa pahina 12]
Pagpapatutuo sa Nullarbor