Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 12/1 p. 28-31
  • Kami’y Bumaling sa Pinagmumulan ng Tunay na Katuwiran

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kami’y Bumaling sa Pinagmumulan ng Tunay na Katuwiran
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paghahanap ng Katuwiran
  • Sa Gawa’y Naiiba​—Mapait na Pagkabigo!
  • Pinaliwanagan Ako ni Linda Tungkol sa Diyos
  • Pagbaling sa Tamang Direksiyon
  • Mga Bagong Tunguhin sa Landas ng Katuwiran
  • Nagkasama Rin sa Wakas!
    2016 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
  • Sama ng Loob—Kapag May ‘Dahilan Para Magreklamo’
    Manumbalik Ka kay Jehova
  • Ang Aking Karera sa Basketball—Hinalinhan ng Dalawa Pang Pag-ibig!
    Gumising!—1985
  • Sindak sa “Flight 811”
    Gumising!—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 12/1 p. 28-31

Kami’y Bumaling sa Pinagmumulan ng Tunay na Katuwiran

Inilahad ni Erwin Grosse

MGA ilang taon na ngayon ang lumipas, umagang-umaga ay makikita ninyo akong naroroon na sa may pintuan ng isang malaking gawaan ng barko sa Kiel, Alemanya, at namamahagi ako ng mga papelito at nagtitinda ng Rote Fahne, ang magasin ng KPD/ML.a Kasabay rin nito na ako’y sumusubok na akitin ang mga manggagawa at mga aprendis sa pakikipagdebate. Ang pagsisikap na kumbinsihin sila na tanggapin ang aking mga opinyong komunista ay isang trabahong wala kang mapapala.

Gayunman, hindi ko pinayagang masiraan ako ng loob. Natuklasan ko ang isang tunguhin sa buhay; ang makatulong sa pag-iral ng matuwid na mga kalagayan sa pamamagitan ng pandaigdig na rebolusyon. Paano nga nakamit ko ang ganiyang punto-de-vista? Ang gayun kayang tunguhin sa buhay ay pagbibigay-kasiyahan sa aking paghahangad ng katuwiran?

Paghahanap ng Katuwiran

Ang sistema ng pamumuhay ng aking mga magulang ay ang itodo ang lahat-lahat sa materyal na kaunlaran, at ito’y hindi nakaakit sa akin bahagya man. Kaming mga nasa kabataan pa ay naghahanap ng isang bagay na lalong mainam. Mga bagong istilo ng pamumuhay ang sinusubok at mga bagong layunin sa buhay ang nahahayag. Nang panahong iyon, ang giyera sa Vietnam at ang ligalig ng mga estudyante ang mga paulong-balita. Sa aming pakiwari ay mga taong walang kasalanan ang nagbubuwis ng kanilang buhay dahilan sa pagkahibang ng mga pulitiko at mga kapitalista. Ang situwasyong ito ang naglaro sa aking isip, at unti-unting kinapootan ko ang sistema ng mga kapitalista.

Tinalikdan ko rin ang tatag na relihiyon. Isang karanasan samantalang naglilingkod ako sa hukbong sandatahan ng Kanlurang Alemanya ang tumulong sa akin na gumawa ng ganitong pasiya. Ang mga maneobrang militar na isinasagawa namin noon ay pansamantalang inihinto para ganapin ang isang serbisyo sa kampo, at ang mga sundalo ay hinati sa mga grupong Katoliko at Protestante. Sa katapusan ng serbisyo, binasbasan ng mga klerigo ng kapuwa denominasyon ang maraming armas ng artilerya! Ako’y nabigla. Hindi ba ang mga armas na ito ay ginawa upang pumatay? At nang ako’y tinuturuan ng relihiyon sa paaralan, hindi baga itinuro sa akin: “Huwag kang papatay”?​—Exodo 20:13, King James Version.

Sa palagay ko’y tama naman si Karl Marx nang kaniyang sabihin na ang relihiyon “ang opiyo ng bayan” sapagkat dahil dito’y walang magawa ang mga tao sa harap ng mga kapakanan ng kapitalismo. Kaya naman pagkatapos na umalis ako sa hukbo, ako’y nagbitiw sa pagkamiyembro ng simbahan at kumuha ako ng regular na mga leksiyon sa Marxismo-Leninismo. Nagbasa rin ako ng mga isinulat ni Mao Tse-tung. Lahat ng ito ay nagpatibay ng aking paniniwala na tanging ang pandaigdig na rebolusyon lamang ang makabubuwal sa kasamaan. Sa pamamagitan lamang ng ganiyang mga paraan, sa palagay ko, iiral ang isang bagong lipunan ng tao na tinatahanan ng katuwiran.

Ako’y sinanay ng KPD/ML na mang-akit ng mga manggagawa para sa mga turo ni Lenin at alukin sila ng mga papelito at Rote Fahne. May dala-dala rin akong mga bandilya at nagmamaneho ako ng mga sasakyan na may loudspeaker sa mga demonstrasyon. Gayunman, ang turing sa akin ay isa lamang kapanalig ng partido. Bago ako tanggapin ng sentral na komite bilang isang miyembro, kailangan pang patunayan ko ang aking sarili, maglingkod sa partido nang ilang panahon at suportahan iyon sa pananalapi.

Sa Gawa’y Naiiba​—Mapait na Pagkabigo!

Ako’y sinanay bilang isang draftsman sa inhinyerya, subalit higit na interesado ako sa sining ng mga pintor na sosyalista, at nais ko noon na maging katulad nila na abala sa paglikha. Kaya naman, ako’y nag-aplay para makapasok sa West Berlin College of Art. Ako’y tinanggap at nagsimula ako ng aking pag-aaral ng sining ng pagpipinta noong Pebrero 1972.

Dito’y muling nakipag-alam ako sa partido at hindi nagtagal ay nakatayo na naman ako sa harapan ng pintuan ng pabrika at nagtitinda ng Rote Fahne. Ako’y nagdisenyo rin ng mga kartilon at nagpinta ng mga larawan nina Marx, Engels, Lenin, at Mao Tse-tung sa mga pulang bandera.

Ako’y disidido noon na huwag na sanang mag-asawa​—kung hindi lamang nakilala ko si Linda. Nakita kong taglay niya ang isang pambihirang katangian, ang pagiging tapat, at ito ang nagpabago ng aking isip. Limang buwan ang nakalipas at kami’y mag-asawa na, ang pasimula noon ng maligayang pagsasama bilang mag-asawa.

Noong nakaraan, nakasama ko sa bahay ang isang grupo ng kabataan na mayroong sari-saring sentimiyentong makakaliwa. Kami’y nagkaroon ng malawak na mga talakayan, ngunit may kasama rin itong iringan at pagkakapootan. Halos ganiyan din ang nangyayari sa iba’t-ibang mga partidong komunista. Bawat isa’y nagsasabi na lahat ng mga iba pa’y may maling pagkaunawa sa idiolohiyang komunista at sila’y dapat sumanib sa “tunay” na partido. May pagkakahanay-hanay na para sa labanan!

Sa loob ng aking sariling partido, nauso ang paglalaban-laban sa pagitan ng panig na makakaliwa at ng panig na makakanan. Sinikap ng prominenteng mga miyembro na patalsikin ang isa-isa. Nagsawa na ako sa mga paglalaban-laban at sa mga pang-iinsulto, at ito’y humantong sa aking unti-unting pag-alpas sa lahat ng kuneksiyon sa partido. Wala akong nakitang kabutihan na maidudulot ang pagsangkot sa isang bagay na sa totoo’y hindi makapagdadala ng pagbabago. Napatunayang hindi praktikal at imposibleng makamit ang mithiing komunista! Subalit sa kaibuturan ng aking puso ay nanatili akong isang Marxista.

Pinaliwanagan Ako ni Linda Tungkol sa Diyos

Isang gabi, samantalang ako’y nagmamaneho buhat sa Kiel patungong Berlin, binigla ako ni Linda. Sinabi niya: “Ako’y kumbinsido na mayroong isang Diyos, at sa kaibuturan ng aking puso, ako’y sumasampalataya sa kaniya.” Iyan ang hindi ko akalaing maririnig ko! Si Linda’y tumangkilik sa aking mga mithiing Marxista.

Isang mainitang pagtatalo tungkol sa dialektikong materyalismo at Marxismo ang kasunod nito. Inihaharap ng Marxismo ang kuru-kuro na ang buong espirituwal, intelektuwal, at moral na buhay ay nakakamit ng tao buhat sa kaniyang kapaligirang panlipunan. Kaya naman, ang “bagong” tao ay bumabangon bilang isang resulta ng edukasyon sa ideolohiyang komunista at ito’y sa pamamagitan ng isang positibong pagbabago sa kapaligiran. Gayunman, si Linda ay isang sanay na teknisyan sa laboratoryo, at higit kaysa riyan ang alam niya! Kaniyang maaaring mapatunayan na ang ikinikilos ng tao ay naiimpluwensiyahan din ng kaniyang minanang mga katangian. Inihinto na namin ang aming pagtatalo para maiwasan ang pag-aaway.

Samantalang kami’y nasa isa na namang pagbibiyahe, hinangad na naman ni Linda na kami’y magkausap tungkol sa Diyos. Sa aking paniwala, ang teorya ng ebolusyon ay patotoo na lahat ng bagay ay nagmula sa materyal na mga bagay-bagay at resulta ng di-inaasahang pangyayari. Binanggit ni Linda ang mga prinsipyo ng thermodynamics, ang batas ng inertia, at iba pang pisikal na mga batas upang patunayan na mayroong isang intelihenteng pinagmulan ng buhay. Hindi ako tuminag sa aking opinyon. Gayunman, ang aking pilosopya sa buhay, at ang aking mga mithiin ay watak-watak na!

Isang taon ang lumipas. Isang Linggo ng umaga biglang naglabas si Linda ng isang makapal na aklat at ako’y binasahan niya roon. Ang binasa niya’y ang istorya ng isang tao na pumutol ng isang punungkahoy, ang kalahati noon ay ginawang isang idolong walang buhay at pagkatapos ay nagdasal siya roon: “Iligtas mo ako.” Ganiyan na lang ang paghanga ko sa ganitong mahusay na paglalarawan sa relihiyon. Gunigunihin mo ang aking pagtataka nang mapag-alaman ko na nanggaling iyon sa Bibliya.​—Isaias 44:14-20.

Hiniling ko sa aking maybahay na kuwentuhan pa niya ako. Gayon nga ang kaniyang ginawa nang may limang oras​—pasimula sa pagkakasala ng tao sa Eden at natatapos sa pagsasauli ng Paraiso na inilalahad sa aklat ng Apocalipsis. Dahil dito’y nahapo nang husto si Linda, ngunit ang pakiwari ko’y may mga kaliskis na nalaglag buhat sa aking mga mata at noon lamang ako nakakitang malinaw. Natural, ibig kong malaman kung saan natutuhan ni Linda ang lahat ng ito.

Sinabi niya sa akin na nang siya’y 14 na taong gulang, siya’y nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova sa Berlin at sa bandang huli ay nabautismuhan pa man din. Nang siya’y 18, siya’y lumipat sa malayo dahilan sa kaniyang trabaho, at nakalulungkot sabihin, kaniyang iniwan ang daan ng katotohanan. Pagkatapos nang siya’y bumalik sa Berlin, siya’y napasangkot sa politika ng mga makakaliwa. Ang kaligayahan na ngayo’y nalalasap niya sa aming pagsasamang mag-asawa ang nag-udyok sa kaniya na muling hanapin ang Diyos. Subalit siya kaya’y patatawarin ng Diyos sa kaniyang mga pagkakamali? Batid niya na ang tanging paraan upang magpatuloy ang aming buhay at ang ligaya ng aming pagsasamang mag-asawa ay ang magsisi at manumbalik sa Diyos. Subalit wala pa ako noon sa puntong iyon. Kailangan ko ang higit pang panahon.

Pagbaling sa Tamang Direksiyon

Isang gabi ng tag-araw, aming pinagmamasdan ang ginintuang araw habang lumulubog sa ibabaw ng siyudad. Ani Linda: “Marahil ay sandaling magtatamasa tayo ng ligaya sa pagmamasid sa ganiyang mga bagay, Erwin. Pero tayo kaya’y ingatang buhay ng Diyos kapag siya’y kumilos na? Anong dahilan mayroon siya na gawin niya iyan sa atin?” Ito ang gumising sa akin sa aking pagkakatulog. May natutuhan na nga ako tungkol kay Jehova pero maliwanag na hindi pa sapat. Kaya’t tiyakan na kailangang bumaling ako sa kaniya.

Hindi nagtagal pagkatapos nito, kami’y nasa pamilihan nang matanaw namin ang isang matandang babae na nasa isang silyang de-gulong at may hawak na Ang Bantayan. Itinanong namin sa kaniya ang mga oras ng pulong sa lokal na Kingdom Hall at kumislap ang kaniyang mga mata. Dagling hinawakan niya ang aming mga kamay: “Ako’y natutuwang ang mga taong nasa kabataan pa na katulad ninyo ay may hangaring makaalam ng Bibliya,” kaniyang sinabing paulit-ulit. Sa laki ng kaniyang kagalakan, siya’y nakaupong tuwid sa kaniyang silyang de-gulong at niyakap si Linda. Kami’y tumanggap ng mga ilang magasin at nangakong dadalo sa susunod na pulong.

Kami’y dumating doon nang malapit nang magsimula iyon. Ako’y may mahabang buhok at balbas at nakadamit ng jeans at T-shirt. Ang suot naman ni Linda ay ang 30-taong-gulang na asul-marinong trahe de-boda ng kaniyang tiya. May isang lalaki na nakaamerikana at kurbata na nakatayo sa may pintuan at sumagi sa isip ko: ‘Isang tunay na makaluma! Anong dakilang pagpapasimula!’ Gayunman, siya’y palakaibigan, at kaniyang sinabi: “Inaasahan namin ang inyong pagdating.” Ako’y nabigla pero sinabi ko sa kaniya: “Ibig po namin ang isang pag-aaral sa Bibliya.” Kahit na iyon ay hindi niya pinagtakhan. “Naisaayos na po,” ang tugon niya. Medyo hindi kami mapakali, nang kami’y pumasok.

Sa panahon ng pagpupulong, kung ilang beses na sa pakiwari ko’y ako ang personal na kinakausap ng tagapagpahayag. At ang ilan sa kongregasyon ay nangagtaka nang ilabas ni Linda ang Ang Bantayan na kaniyang inihanda nang patiuna para sa pag-aaral. Pagkaraan ng dalawang oras, ang may edad nang sister ay dumating at niyakap kami, ang kaniyang mukha’y nagniningning sa kagalakan. Siya ang nagbalita ng aming pagpunta roon. Gumawa ng mga kaayusan para sa isang regular na pakikipag-aral ng Bibliya sa kapatid na tumanggap sa amin, at pagkalipas ng siyam na buwan, noong Abril 4, 1976, ang aking pag-aalay kay Jehova ay sinagisagan ko ng pagpapabautismo sa tubig.

Anong laki ng aking kagalakan na makilala ang Isa na nangako: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay”! (Apocalipsis 21:5) At paanong pangyayarihin ng Maylikha ang tunay na katuwiran? Ang Kawikaan 2:21, 22 ang nagbibigay ng kasagutan: “Sapagkat ang mga matuwid ay siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang matitira rito. Ang mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa; at ang mga magdaraya, sila’y bubunutin dito.”

Samantalang dati rati’y nakatayo akong hawak ang Rote Fahne sa harap ng pintuan ng pabrika, ngayon ay nakatayo ako kung mga araw ng Sabado sa Karl Marx Street sa Berlin-Neukölln hawak ang Ang Bantayan. Ngayon ay nakapagsasalita ako tungkol sa isang bagay na hindi maiaalok ng alinmang gawang-taong sistema: ang buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Napag-alaman ko kung paanong “ang mga matuwid” ay kahit na ngayon sinasanay upang magbihis ng “bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago.” (Colosas 3:10) Ang pagtuturong ito para sa pamumuhay sa isang bagong sanlibutan ay hindi mabibigo!

Kung para kay Linda, siya ngayon ay disidido na huwag nang humiwalay kailanman sa Pinagmumulan ng tunay na katuwiran. Nakilala nina Peter at Reni, na nagturo sa amin ng mga daan ni Jehova, kung ano ang kailangan niya sa espirituwal at kanilang tinulungan siya na gumawa ng pagsulong.

Mga Bagong Tunguhin sa Landas ng Katuwiran

Sa kolehiyo, hayagang tinututulan ang mga paniniwala na ngayo’y buong sigasig na itinataguyod ko. Ang aking propesor sa klase, isang kilalang pintor, ang nagpahiwatig na kailangan kong magpasiya kung alin baga ang pipiliin ko, ang sining o ang aking bagong pananampalataya. Kaya’t iniwan ko ang pagiging pintor at humanap ako ng trabaho na tutulong sa amin upang marating ang aming bagong tunguhin: ang paglilingkod bilang payunir. Taglay ito sa isip, ang aming hangarin ni Linda ay paulit-ulit na binabanggit namin kay Jehova sa panalangin. Aming ipinadala ang aplikasyon namin kalahating taon na patiuna sa aming isinaplanong pagsisimulang petsa, Setyembre 1, 1977.

Bueno, iyon ay hindi madali, pero sa tulong ni Jehova narating namin ang aming tunguhin. Samantala, sapol noong Enero 1, 1985, kami ni Linda ay naglilingkod bilang mga special pioneer​—kaya’t isa pang marubdob na hangarin ang natupad. Ang paggamit ng aming buong lakas upang tulungan ang mga tao na makilala ang landas ng tunay na katuwiran ay nagbibigay sa amin ng malaking kasiyahan.

Kumusta naman ang paghahangad ko ng katuwiran? Ito ba’y nasapatan? Oo. Sa ngayon ay batid ko ang tunay na kahulugan ng mga salita ni Jesus sa Mateo 5:6: “Maligaya ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila’y bubusugin.”

[Talababa]

a Kommunistische Partei Deutschlands/Marxisten-Leninnisten (Partido Komunistang Aleman/Marxista-Leninista).

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share