Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 6/1 p. 4-7
  • Bakit Tayo Dapat Matakot sa Diyos, Hindi sa mga Tao?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Tayo Dapat Matakot sa Diyos, Hindi sa mga Tao?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Silo ng Pagkatakot sa Tao
  • Sino ang Dapat Nating Katakutan?
  • Takot sa Isang Diyos ng Pag-ibig?
  • Sino ba ang Iyong Kinatatakutan?
  • Bakit Tayo Dapat Matakot sa Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Hubugin ang Iyong Puso Upang Matakot kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Ang Pagkatakot sa Diyos—Mapapakinabangan Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Matutong Makasumpong ng Kasiyahan sa Pagkatakot kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 6/1 p. 4-7

Bakit Tayo Dapat Matakot sa Diyos, Hindi sa mga Tao?

ANG pagkatakot sa tao ay nagdadala ng silo, ngunit ang naglalagak ng kaniyang tiwala kay Jehova ay maliligtas.” (Kawikaan 29:25) Sa pamamagitan ng mga salitang ito ang sinaunang kawikaan ay gumigising sa atin sa uri ng pagkatakot na tunay na isang lason ng isip​—ang takot sa tao. Ito’y inihahalintulad sa isang silo. Bakit? Sapagkat ang isang munting hayop, katulad ng kuneho, ay walang magagawa pagka nahuli sa isang silo. Ang ibig nito ay makatakbo, subalit dahil sa silo ay hindi siya makagalaw man lamang. Ang biktima, sa katunayan, ay paralisado.

Kung tayo’y pinangingibabawan ng takot sa tao, tayo’y halos katulad ng kunehong iyan. Baka alam natin kung ano ang dapat nating gawin. At gusto rin nating gawin iyon. Subalit ang takot ang pumipigil sa atin. Tayo’y paralisado at hindi makakilos.

Ang Silo ng Pagkatakot sa Tao

Pag-isipan ang mga ilang halimbawa noong panahon na tinutukoy sa Bibliya tungkol sa mga nahuli sa silo ng pagkatakot. Noong kaarawan ni Josue, 12 mga lalaki ang pinapunta upang mag-espiya sa lupain ng Canaan bago pa ng isinaplanong paglusob ng mga Israelita. Ang mga espiya ay nagsibalik at kanilang ibinalita na ang lupain ay mataba at mayaman, gaya ng sinabi ng Diyos. Subalit sampu sa mga tiktik na iyon ang nangilabot sa lakas ng mga taong tagaroon. Sa gayon, palibhasa’y pinangibabawan ng takot sa tao, ang lakas na ito ay pinalabisan nila ang pagbabalita sa mga Israelita at sa gayo’y pinangibabawan ng takot ang buong bansa. Ang mga Israelita ay tumangging sumunod sa utos ng Diyos na pumasok sa Canaan at ariin ang lupain. Kaya naman, sa loob ng sumunod na 40 taon, ang buong populasyong binubuo ng mga lalaki nang panahong iyon, maliban sa ilan, ay nangamatay sa ilang.​—Bilang 13:21–14:38.

Si Jonas ay isa pang biktima ng pagkatakot sa tao. Nang siya’y atasang mangaral sa malaking lunsod ng Nineve, siya’y “lumulan [sa sasakyan] at tumakas patungong Tarsis mula sa harapan ni Jehova.” (Jonas 1:3) Bakit? Ang mga taga-Nineve ay napabantog sa pagiging mga taong malulupit at mararahas, tunay na alam iyan ni Jonas. Ang pagkatakot sa tao ang humila sa kaniya na tumakas patungo sa direksiyong malayo sa Nineve. Totoo, nang bandang huli ay tinanggap niya ang atas sa kaniya ngunit pagkatapos lamang na siya’y dumanas ng pambihirang disiplina buhat kay Jehova.​—Jonas 1:4, 17.

Maging ang mga hari man ay marahil may mga taong kinatatakutan. Minsan, si Haring Saul ay tuwirang sumuway sa isang utos buhat sa Diyos. Ang kaniyang dahilan? “Ako’y sumalansang sa utos ni Jehova at sa iyong mga salita, sapagkat ako’y natakot sa bayan at sa gayo’y sumunod sa kanilang tinig.” (1 Samuel 15:24) Makalipas ang mga ilang siglo, nang ang Jerusalem ay sinasalakay ng mga taga-Babilonya, si Jeremias, isang tapat na propeta, ay nagpayo kay Haring Zedekias na siya’y sumuko at sa gayo’y iligtas ang Jerusalem sa pagdanak ng maraming dugo. Subalit tumanggi si Zedekias. Bakit? Inamin niya kay Jeremias: “Ako’y natatakot sa mga Judio na kumampi sa mga Caldeo, baka ako’y ibigay nila sa kanilang kamay at sila’y aktuwal na makitungo sa akin nang may pag-aabuso.”​—Jeremias 38:19.

Sa wakas, maging ang isang apostol man ay maaaring matakot. Nang araw na si Jesus ay papatayin, kaniyang ipinaalaala sa kaniyang mga tagasunod na siya’y iiwanan nilang lahat. Gayunman, may katapangang sinabi ni Pedro: “Panginoon, ako’y handang sumama sa iyo maging sa bilangguan man at sa kamatayan.” (Lucas 22:33; Mateo 26:31, 33) Anong laking pagkakamali ang mga salitang iyan! Mga ilang oras lamang pagkatapos, si Pedro ay natakot at kaniyang itinatuwa na siya’y nakasama ni Jesus o na nakikilala niya ito. Ang takot sa tao ang nanaig sa kaniya! Oo, ang takot sa tao ay isa ngang lason ng isip.

Sino ang Dapat Nating Katakutan?

Papaano natin madadaig ang takot sa tao? Kung iyon ay ating hahalinhan ng isang lalong mabuting pagkatakot. Ang uri ng pagkatakot na ito ang ipinayo ng apostol ding iyan, si Pedro, nang kaniyang sabihin: “Mangatakot kayo sa Diyos.” (1 Pedro 2:17) Ang anghel na nakita ni Juan sa Apocalipsis ay nanawagan sa sangkatauhan: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-kaluwalhatian sa kaniya.” (Apocalipsis 14:7) Ang pantas na si Haring Solomon ay nagpayo rin ng gayong pagkatakot, nang kaniyang sabihin: “Ito ang wakas ng bagay, pagkatapos na marinig ang lahat, ay: Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sundin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong obligasyon ng tao.” (Eclesiastes 12:13) Oo, ang pagkatakot sa Diyos ay isang obligasyon.

Ang pagkatakot sa Diyos ay nagdudulot ng pakinabang. Ang sinaunang salmista ay umawit: “Tunay na ang pagliligtas [ni Jehova] ay malapit sa mga nangatatakot sa kaniya.” (Awit 85:9) Isang kawikaan sa Bibliya ang nagdiriin din: “Ang mismong pagkatakot kay Jehova ay nagpapahaba ng mga araw.” (Kawikaan 10:27) Oo, ang pagkatakot kay Jehova ay isang mabuti, at kapaki-pakinabang na bagay. ‘Subalit totoo nga iyan,’ marahil ay sasabihin mo, ‘na si Jehova ay isang mapagmahal na Diyos. Bakit tayo dapat matakot sa isang Diyos ng pag-ibig?’

Takot sa Isang Diyos ng Pag-ibig?

Dahilan sa ang takot sa Diyos ay hindi yaong kaaba-abang, pumipigil na takot na nangingibabaw sa mga tao sa mga ilang situwasyon. Iyon ang uri ng takot na maaaring madama ng isang bata sa kaniyang ama, bagaman kaniyang iniibig ang kaniyang ama at nalalaman niya na iniibig din siya ng kaniyang ama.

Ang pagkatakot sa Diyos ay tunay na isang matinding pagpapakundangan sa Maylikha na nagmumula sa pagkatanto na siya ang pinaka-sagisag ng ganap na katuwiran, katarungan, karunungan, at pag-ibig. Kasangkot dito ang isang malusog na pangambang di-makalugod sa Diyos sapagkat siya ang kataas-taasang Hukom na may kapangyarihang magbigay ng gantimpala at magparusa. “Kakila-kilabot na bagay na mahulog sa kamay ng Diyos na buhay,” ang isinulat ni apostol Pablo. (Hebreo 10:31) Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi isang bagay na mapawawalang-halaga, ni maipagwawalang-bahala man ang kaniyang kahatulan. Kaya naman ang Bibliya ay nagpapaalaala sa atin: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.”​—Kawikaan 9:10.

Gayunman, tandaan natin na bagaman si Jehova ay may kapangyarihang parusahan yaong mga sumusuway sa kaniya​—at kadalasa’y gayon nga ang ginawa niya​—sa ano mang paraan ay hindi siya uhaw sa dugo o malupit. Tunay na siya’y isang Diyos ng pag-ibig, bagaman siya, tulad ng isang maibiging magulang, kung minsan ay makatuwirang nagagalit. (1 Juan 4:8) Kaya naman ang pagkatakot sa kaniya ay nagdudulot ng pakinabang. Ito ang umaakay sa atin na sundin ang kaniyang mga kautusan, na nilayon ukol sa ating ikabubuti. Ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay nagdadala ng kaligayahan, samantalang ang pagsuway ay laging nagdadala ng masasamang bunga. (Galacia 6:7, 8) Ang salmista ay kinasihan na magpahayag: “Mangatakot kayo kay Jehova, kayong mga banal niya, sapagkat walang kakulangan sa kanila na nangatatakot sa kaniya.”​—Awit 34:9.

Sino ba ang Iyong Kinatatakutan?

Papaanong ang pagkatakot sa Diyos ay tumutulong sa atin na madaig ang takot sa tao? Bueno, kung marahil tayo ay kinukutya ng tao o pinag-uusig pa nga dahil sa paggawa natin ng mabuti, na naglalagay sa atin sa kagipitan. Subalit ang isang may pitagang pagkatakot sa Diyos ang magtutulak sa atin na huwag humiwalay sa tamang landas, yamang hindi natin ibig na tayo’y hindi niya kalugdan. Isa pa, ang pag-ibig sa Diyos ay mag-uudyok sa atin na gawin ang nagdudulot ng kaluguran sa kaniyang puso. Isa pa, tinatandaan natin na ginaganti tayo ng Diyos nang sagana sa paggawa natin ng matuwid, na nag-uudyok sa atin na ibigin siya nang lalong higit at sa gayo’y nagnanais tayo na gawin ang kaniyang kalooban. Kung gayon, ang isang timbang na pangmalas sa Diyos ay tumutulong sa atin na daigin ang anumang takot na maaaring taglay natin tungkol sa mga tao.

Halimbawa, marami ang ginigipit at nahihilang gumawa ng mali dahil sa takot na kung ano kaya ang sasabihin ng kanilang mga kabarkada. Ang mga kabataang nag-aaral ay marahil naninigarilyo, malaswang magsalita, nangangalandakan ng kanilang karanasan sa sekso (tunay man o guniguni), at nag-eeksperimento sa alkohol o mga droga. Bakit? Hindi naman laging dahilan sa ibig nila, kundi dahil sa sila’y natatakot kung ano kaya ang sasabihin ng kanilang mga kabarkada kung sila’y hindi makikiayon. Sa isang tin-edyer, ang pagkutya at paglibak ay baka mahirap tiisin bilang pisikal na pag-uusig.

Ang isang taong nasa hustong gulang ay baka dahil sa kagipitan, gumawa ng mali. Baka ang boss sa trabaho ay magsasabi sa isang empleyado na palakihin ang nakalistang takdang bayarin ng isang kliyente o sa porma para sa pagbabayad ng buwis ng kompanya ay mandaya upang mabawasan ang babayarang buwis sa gobyerno. Baka isipin ng Kristiyano na kung hindi siya susunod, siya’y aalisin sa kaniyang trabaho. Kung gayon, baka dahil sa pagkatakot sa tao ay mapilitan siyang gawin ang mali.

Sa dalawang kasong iyan, ang isang mabuting pagkatakot sa Diyos at paggalang sa kaniyang mga utos ay hahadlang sa Kristiyano na maging paralisado dahil sa takot sa tao. Ang pag-ibig sa Diyos ay pipigil sa kaniya sa paggawa ng mga bagay na ibinabawal ng Diyos. (Kawikaan 8:13) Isa pa, ang kaniyang pananampalataya sa Diyos ang titiyak na kung siya’y kikilos ayon sa kaniyang budhing nasanay sa Bibliya, siya’y aalalayan ng Diyos anuman ang kalabasan. Si apostol Pablo ay nagpahayag ng kaniyang pananampalataya sa mga pananalitang ito: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay sa akin ng kapangyarihan.”​—Filipos 4:13.

Sa Bibliya’y makikita ang maraming halimbawa ng mga lalaki at babae na tapat kay Jehova sa ilalim ng kahit na pinakamahihigpit na pagsubok. Sila’y “sinubok sa pamamagitan ng mga paglibak at mga hagupit, . . . sa pamamagitan ng mga tanikala at bilangguan. Sila’y pinagbabato, pinagtutukso, pinaglalagari, pinagpapatay sa tabak.” (Hebreo 11:36-37) Subalit hindi nila pinayagang ang pagkatakot sa tao ang sumupil sa kanilang pag-iisip. Bagkus, kanilang sinunod ang kaparehong matalinong hakbangin na nang malaunan ipinayo ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Huwag kayong matakot sa nagsisipatay ng katawan datapuwa’t hindi makapatay ng kaluluwa; kundi bagkus ang katakutan ninyo’y siya [ang Diyos] na makapupuksa ng kapuwa kaluluwa at katawan sa Gehenna.”​—Mateo 10:28.

Sa pagsunod sa payong ito ni Jesus na matakot sa Diyos sa halip na sa mga tao nagawa ng mga unang Kristiyano na mapagtiisan ang lahat ng uri ng kahirapan, pagsubok, at pag-uusig “alang-alang sa mabuting balita.” (Filemon 13) Si apostol Pablo ay isang mahalagang halimbawa nito. Sa kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto, kaniyang ipinakita kung papaanong ang pagkatakot sa Diyos ang nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob na mapagtiisan ang mga pagkabilanggo, panggugulpi, pambabato, pagkalubog ng sasakyang-dagat, sarisaring panganib sa daan, mga gabing walang tulog, gutom, uhaw, ginaw, at kahubaran.​—2 Corinto 11:23-27.

Ang pagkatakot sa Diyos ay nagpalakas-loob din sa mga unang Kristiyanong iyon na mapaglabanan ang matinding pag-uusig sa ilalim ng Imperyong Romano, na ang iba sa kanila’y inihagis pa man din sa mababangis na hayop sa arena. Noong Edad Medya, ang malalakas-loob na mga mananampalataya ay hayagang sinunog hanggang sa mamatay dahil sa hindi nila ikinumpromiso ang kanilang pananampalataya. Noong huling digmaang pandaigdig, mas gusto pa ng mga Kristiyano na magdusa at mamatay sa mga concentration camp imbis na gumawa ng mga bagay na hindi nakalulugod sa Diyos. Anong lakas na puwersa ang maka-Diyos na pagkatakot! Tiyak iyan, kung pinalakas nito ang mga Kristiyano upang madaig ang pagkatakot sa tao sa ilalim ng gayong mahirap-tiising mga kalagayan, ito’y makapagpapalakas din sa atin sa anumang kalagayang kinaroroonan natin.

Sa ngayon, ginagawa ni Satanas na Diyablo ang lahat ng magagawa niya upang gipitin tayo para tayo’y hindi makalugod sa Diyos. Ang mga tunay na Kristiyano kung gayon ay dapat na magkaroon ng ganoon ding determinasyon na ipinahayag ni apostol Pablo nang siya’y sumulat: “Hindi kami ang uri na umuurong tungo sa kapahamakan, kundi ang uri na may pananampalataya sa ikaliligtas na buháy ng kaluluwa.” (Hebreo 10:39) Ang takot kay Jehova ay isang tunay na pinagmumulan ng lakas. Sa tulong nito, harinawang tayo’y “magkaroon ng tibay ng loob at magsabing: ‘Si Jehova ang aking katulong; ako’y hindi matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?’”​—Hebreo 13:6.

[Larawan sa pahina 7]

Ang pagkatakot sa Diyos ang nagpalakas-loob kay Pablo upang mapagtiisan ang lahat ng bagay kasali na ang mga panggugulpi, pagkabilanggo, at maging ang pagkalubog ng barko.​—2 Corinto 11:23-27

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share