Bakit Dapat Mong Maalaman ang Katotohanan Tungkol kay Abraham
SI Abraham—isa bang bayani sa isang kuwento o isang tunay na propeta? Gaano kahalaga ang sagot sa tanong na iyan? Sang-ayon sa kronolohiya ng Bibliya, si Abraham ay nabuhay noong mga 4,000 taon na ngayon ang lumipas. Kaya marahil ay ikakatuwiran ng iba, ‘Ano ba ang diperensiya kung siya’y talagang umiral o hindi?’
Bueno, kalahati ng populasyon ng daigdig ang nasa mga relihiyon na nag-aangking naniniwala kay Abraham. Ang 1988 Britannica Book of the Year ay nagsasabi sa kaniyang talaan na 32.9 porsiyento ng daigdig ay Kristiyano, 17.2 porsiyento ang Muslim, at 0.4 porsiyento ang Judio, at si Abraham ay tanyag sa lahat ng tatlong relihiyong ito. Tunay, ang taimtim na mga mananampalataya na nasa mga relihiyong ito ay magnanais na magkaroon ng katiyakan na ang itinuro sa kanila tungkol kay Abraham ang siyang katotohanan. Kahit na yaong kabilang sa mga ibang relihiyon o yaong mga nagsasabing sila’y walang relihiyon ay dapat maging interesado. Bakit?
Sapagkat sinasabi ng Bibliya na si Abraham ay isang propeta. (Genesis 20:7) Iyan ay isang salita sa Bibliya na ginagamit upang tukuyin ang isang kinatawan ng Diyos na may mensahe para sa mga ibang tao. Kung si Abraham ay isang tunay na propeta, lahat ay maaaring makinabang. Bakit? Sapagkat ang mensahe na kaniyang tinanggap ay may mabuting balita para sa lahat ng tao. (Galacia 3:8) Sang-ayon sa Bibliya, ipinangako ng Diyos kay Abraham: “Pagpapalain ng lahat ng angkan sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan mo.”—Genesis 12:3.
Iyan ay hindi isang biru-birong pangako, at narinig iyan ni Abraham sa humigit-kumulang dalawang iba pang okasyon. (Genesis 18:18; 22:18) Upang matupad ito, bubuhayin ng Diyos ang mga kinatawan ng mga angkan na pumanaw na. Ang buhay para sa mga binuhay na iyon ay magiging isang tunay na pagpapala, yamang karamihan sa kanila ay babalik sa isang makalupang kalagayan na nahahawig sa Paraiso na naiwala ng tao. Pagkatapos, sila’y tuturuan kung papaano nila makakamit ang pagpapala ng buhay na walang-hanggan.—Genesis 2:8, 9, 15-17; 3:17-23.
Sa kabilang dako, kung si Abraham ay isa lamang tauhan ng isang kuwento, walang dahilan na paniwalaan ang kamangha-manghang pangako na tinanggap niya. Isa pa, kung hindi mapanghahawakan ang mga pangakong nasa Bibliya, ang iba ay baka mangatuwiran na sila’y magpapakasawa na lamang sa mga kalayawan ng kasalukuyang buhay. Gaya ng isinulat ng isa sa mga sinaunang Kristiyano: “Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, ‘magsikain at magsiinom tayo, yamang bukas tayo’y mamamatay.’”—1 Corinto 15:32.
Kung gayon, ikaw ay may lahat ng dahilan na suriin ang tanong na, Si Abraham ba ay isa lamang bayani sa isang kuwento o siya ba’y isang tunay na propeta? Baka magitla ka kung malalaman mo kung ano ang sinabi tungkol dito ng tanyag na mga klerigo noong ika-19 na siglo. Samantala ang mga arkeologo ay nagkaroon ng kamangha-manghang mga tuklas na nagsisilbing hamon sa mga paniwala ng mga klerigong iyon.