Nasumpungan Ko ang Pagkakaisa ng Lahi sa Maligalig na Timog Aprika
Inilahad ni Merlyn Mehl
AKO’Y taga-Timog Aprika, o, gaya ng kakatuwang paglalarawan sa bansang ito, isang de-kulor na taga-Timog Aprika. Ako’y isa ring propesor sa Unibersidad ng Western Cape, ang pinakamalaking pamantasan sa bansa na may pinakamaraming itim. Ako’y may titulong doktor sa physics education. Sa loob ng lumipas na 20 taon, ako’y isa rin naman sa mga Saksi ni Jehova. Kaya’t alin ba sa dalawang situwasyong ito ang tumulong sa akin na makaranas ng pagkakaisa ng lahi sa lupaing ito ng iringan at hidwaan?
Ako’y Lumaki sa Timog Aprika
Ang Cape Town, nasa gawing dulo ng Aprika sa timog, ay tinutukoy na ‘ang pinakamagandang Cape sa buong lupa.’ Kung tatanawin mo ang mga bituin kung gabing maliwanag sa Cape Town isang pambihirang karanasan ang sasaiyo. Minsan, samantalang ginagawa ko ang gayon, nagugunita ko pa na sinabi ko sa isang kaibigan: “Ano’t kailangan pa ang lahat ng ito? Tiyak na ito’y may kabuluhan; subalit, dito’y walang katuturan ang mga bagay-bagay. Papaano ngang may mga taong napakababa ng tingin sa iba? Bakit ang mga bagay-bagay ay walang bahagya mang katarungan?”
Kung ikaw ay isinilang sa Timog Aprika makikita mo ang umiiral na pagkadi-pantay-pantay kahit sa iyong kamusmusan pa lamang. Ang suliranin ng lahi ay waring palasak sa lahat ng dako. Sa maagang kamusmusan pa lamang, ang mga tao ay pinagbubukud-bukod na at inuuri sa pamamagitan ng lahi. Ang aming pamilya ay inuri na “de-kulor” sa ilalim ng mga batas ng Timog Aprika. Bilang mga bata, itinuro sa amin na ang mga puti ang siyang mga mang-aapi samantalang kami ay kabilang sa mga inaapi. At yamang, sa aming paglaki, sa paaralan o sa lipunan ay halos wala kaming pakikisalamuha sa ibang mga lahi, madaling unawain kung bakit ang mga tao ng ibang lahi ay minamalas nang may paghihinala. Sa tingin namin ay waring taglay ng mga puti ang pinakamagagaling sa anumang bagay—kasali na ang mga bahay, pasilidad, at mga paaralan. Ang “apartheid,” ang legal na pagbubukud-bukod ng mga lahi, ang naging numero unong kinapopootang salita sa aming talasalitaan.
Bago ako nakatapos sa paaralan primarya, napilitan ang aming pamilya na lumisan sa tahanan sa pamayanan na halu-halo ang lahi at siyang sinilangan namin ng aking kapatid na babae. Bakit? Dahilan sa Group Areas Act, na nagpahintulot na masona ang isang lugar para lamang sa isang grupong magkakalahi. Kami’y lumipat sa ibang lugar, na kung saan nanirahan kami nang mga ilang taon hanggang sa iyon ay iproklama na isang “lugar ng mga puti.” Nang magkagayon, muli na naman kaming nag-alsa-balutan.
Dahilan sa halatang-halatang kawalang-katarungan, kami’y inulukan ng aming mga magulang at mga guro na mag-aral na mabuti sa paaralan. “Ipakita ninyo sa puti na kayo ay mas magaling kaysa kaniya,” ang naging sabi-sabi. Naapektuhan nito ang aking saloobin tungkol sa pag-aaral. Bagaman sobra ang aking pagkamahiyain, ibig ko namang matuto. Ang pagbabasa ng kahit na ano at ng lahat na ang umukupa ng kalakhang bahagi ng aking panahon. Sa gayon, ako’y nakatapos ng pag-aaral bilang isa sa mga pangunahing estudyante sa bansa. Kaya natural na ako’y dapat magpatuloy sa unibersidad. Dahil sa mahilig ako sa siyensiya at matematika, madaling magpasiya na mag-aral para magkaroon ng titulo sa siyensiya, at ang pinakapangunahing asignatura ay physics at matematika.
Yamang noong 1960 (na mismong taon na nagsimula akong mag-aral sa unibersidad) umandar na ang Separate Universities Act, ako’y naobligahan na mag-aral sa isang Unibersidad para sa aming lahi. Malaki ang publisidad tungkol sa mga estudyante sa hiwalay na mga unibersidad na ito. Sa taun-taon ay nagtatapos ako na isang namumukud-tanging estudyante at sa wakas ay nakuha ko ang Master of Science degree sa nuclear physics, at iyan ay nakatawag ng malaking pansin, lalo na yamang ako’y hinirang na mapalakip sa pakultad ng unibersidad ng Western Cape—ang unang de-kulor na estudyanteng napalagay sa gayong puwesto.
Gayunman, sa yugtong ito ay nakadama akong bigung-bigo ako. Wala akong maisagot sa mahalagang katanungan ng buhay: Ano ba ang layunin ng lahat ng ito? Ang sinabi ko sa aking kaibigan, na nabanggit ko na, ay binigkas ko humigit-kumulang ng panahong ito.
Sinagot ang Aking mga Tanong
Hanggang sa puntong ito, ang relihiyon ay gumanap ng isang napakaliit na bahagi sa aking buhay. Nang ako’y isang bata, ako’y nagsisimba sa Simbahang Anglicano at nakumpilan sa edad na 16. Subalit kailanman ay hindi nasagot ang aking mga katanungan. Kaya’t habang ako’y nagkakaedad, patuloy na dumalang ang aking pagsisimba at sa katapus-tapusan ay hindi na ako nagsimba.
Isang araw ay dumalaw ako sa tahanan ng isang kasamahan ko sa pamantasan. Ang kaniyang maybahay, si Julia, ay gumamit ng Bibliya upang ipakita na may kasagutan ang pulitikal at panlahi na mga suliranin hindi lamang ng Timog Aprika kundi pati ng buong daigdig. Ako’y nagtaka at nag-alinlangan. Subalit tinanggap ko ang pulyetong Basis for Belief in a New World, ako’y umuwi, at nagsimula ng pagbabasa niyaon dahil lang sa pag-uusyoso.
Alas-dos ng mag-uumaga kinabukasan, nagbabasa pa rin ako! Narito ang mga pangangatuwiran kung bakit ang Bibliya ay totoo, kung bakit ang mga hulang narito ay mapanghahawakan, kung bakit ang sangkatauhan ay nasa malubhang suliranin, kung bakit ang 1914 ay isang napakamahalagang petsa, at kung bakit makaaasa tayo na magkakaroon ng isang matuwid na bagong sistema rito sa lupa. Tiyak na ito ang katotohanan!
Kinabukasan bumalik ako sa tahanan ng aking kasamahan. “Mayroon ba kayong higit pang mga literatura na katulad nito?” ang tanong ko sa kaniyang maybahay. Ako’y lumisan na taglay ang isang bunton ng aklat tungkol sa mga pangunahing turo ng Bibliya, mga paliwanag ng mga hula ni Daniel at ng Apocalipsis, ang katotohanan tungkol sa anim na araw ng paglalang, at marami, napakarami pa. Napakahalaga, ipinakita ng mga ito na saan man sa Bibliya ay walang sinasabing pagtatangi-tangi ng lahi, yamang “ang Diyos ay hindi nagtatangi.” (Gawa 10:34) Halos sakmalin ko ang lahat ng babasahing iyon. Narito ang mga kasagutan sa mga tanong na sa tuwina’y gumugulo sa aking isip. Pagkaraan ng mga isang taong puspusang pag-aaral ng Bibliya, ako’y nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Iyan ay noong Nobyembre 21, 1967.
Bilang isang organisasyon, ang mga Saksi ni Jehova ay tunay na hindi kumikiling sa anumang lahi o sa anumang partido ng pulitika. Sila’y nanumpa ng katapatan sa iisang gobyerno, ang Kaharian ng Diyos. Sa kanila ang katayuan sa lipunan ay tunay na hindi naman mahalaga. Subalit sa Timog Aprika, sa tuwina’y may mga problema tungkol sa mga isyu sa lahi. Dahilan sa Group Areas Act, sa mga kongregasyon ay mababanaag ang komposisyon ng lahi ng mga lugar na kinaroroonan ng mga ito. Kaya’t sa Claremont Congregation na dinadaluhan ko, ang karamihan ng tao roon ay de-kulor. Ang mga iilang puti na dumadalo roon ay mga misyonero o dili kaya’y mga lalaking nasa mga tungkulin ng pangangasiwa.
Natatandaan ko pa, pagkalipas ng lahat ng mga taóng ito, dalawang insidente na nagpapakita kung papaanong mahirap na iwaksi ng isa ang mga maling saloobin tungkol sa lahi. Sa mga asamblea, ang mga puting dumadalo ay doon nahirating pumaroon sa harap ng mga pilahan sa kapiterya, kukuha ng kanilang pagkain, at pupunta kung saan upang kumain nang nakabukod, samantalang ang iba sa amin ay nakatayo roong naghihintay. Iyan ay nakayamot sa akin. Ang mga puting Saksi ay may hilig ding ipakilala ang kani-kanilang maybahay na ganito: “Mahal, ipinakikilala ko sa iyo si Merlyn. Siya’y nag-aaral ng Bibliya.” “Merlyn, ito ang aking maybahay, si Sister Ganoon-at-ganiyan.” Kanilang tinatawag ako sa aking unang pangalan, pero ako’y kailangang gumamit ng “Sister” o “Brother.” Nagpanting ang aking tainga!
Subalit ako’y nagsimulang magbulay-bulay. Ang problema ay na sa tuwina’y nadarama mong yaong ibang tao ang siyang makalahi. Subalit ang isang lipunang may sari-saring lahi na katulad na nga ng Timog Aprika ay tiyak na may epekto sa sinumang namumuhay rito. Totoo naman, may mga puting Saksi na kailangang pahusayin ang kanilang relasyon sa mga taong may ibang kulay. Subalit kung totoo iyan sa kanila, totoo rin iyon sa akin. Sa puntong ito ang Bibliya ay nagbibigay ng ganitong mabuting payo: “Huwag kang magagalitin sa iyong kalooban; sapagkat ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang.” (Eclesiastes 7:9, The New English Bible) Oo, ang kailangan ko’y magsikap na huwag maging labis na mararamdamin at huwag mag-isip na sa tuwina’y inaaglahi kami bilang isang lahi.
Dapat ko ring banggitin na ang pangkalahatang kalagayan sa bansa ay medyo nagbago sapol noon. Noong nakalipas na mga taon, isang limitadong bilang ng mga puti ang pinapayagang dumalo sa mga relihiyosong pagtitipon ng mga ibang lahi, at sila’y kinakailangang kumain nang bukod. Ngayon ay hindi na gayon.
Datapuwat, pinakamahalaga ay na mayroong isang organisasyon ng mga taong malayang nakikihalubilo, na malugod na tinatanggap sa mga tahanan ng isa’t isa, at nagtatawagan ng brother at sister at talaga namang ganoon ang ibig nilang sabihin! Ang mga paniwalang ito ay pinanghahawakang matatag at nakasalig sa mga simulain ng Bibliya. Kaya’t pagka may bumangong suliranin tungkol sa lahi—at sa Timog Aprika ay halos hindi maiiwasan ang mga ito—ang pagbubulay-bulay ng mga katotohanang ito ay laging nagpapalamig ng silakbo ng aking damdamin. Habang lumilipas ang mga taon, ako’y natututong magkapit ng mga simulain ng Bibliya nang lalong mahusay at sa gayo’y may lalong malaking kapayapaan sa aking kalooban kung tungkol sa lahi. Subalit kailangang kumilos ang isa tungkol dito!
Ang Buong-Panahong Ministeryo
Hindi nagtagal pagkatapos ng aking bautismo, nadama kong kailangang palawakin ko pa ang aking ministeryo. Ako’y binata at may kakaunting pananagutan lamang, kaya noong Oktubre 1, 1968, nagsimula ako bilang isang regular payunir. Ito’y napabalita, yamang nangangahulugan ito na lilisanin ko na ang unibersidad at hindi na magpapatuloy sa isang itinuturing ng marami na isang magandang karera. Isang artikulo sa pahayagan tungkol sa aking gagawin ang may paulong balita: “Top Scientist Goes Bible-Punching.” Hindi nagtagal at ako’y nagdaraos ng sampu o higit pang mga pag-aaral sa Bibliya sa iba’t ibang tao o mga pamilya. Sa isang asamblea dalawa sa mga taong ito ang nabautismuhan, sa susunod ay apat; pagkatapos ay pito, at patuloy pa.
Noong Setyembre 17, 1969, naging asawa ko si Julia, ang Saksi na nagdala sa akin ng katotohanan. Siya’y nakakuha ng diborsiyo batay sa mga kadahilanang legal at maka-Kasulatan noong bago kami napakasal. Kaya naman nagkaroon kaagad ako ng isang pamilya, yamang siya’y may dalawang anak na lalaki, si John at si Leon. Kami’y nagpasiyang magpatuloy sa pagpapayunir hangga’t magagawa namin, anupa’t nakatulong ito nang malaki sa paghahanda sa mga bata at sa akin upang magtagumpay ang aming pamilya.
Ang mga unang taon ng 1970’s ay isang nakatutuwang panahon na maglingkuran nang buong panahon, gaya ng ipinakikita ng mga karanasang ito. Samantalang nangangaral sa bahay-bahay, kami’y may nakausap na isang babaing nagngangalang Annabel. Agad niyang tinanggap ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan at ang isang Bibliya. (Napag-alaman namin pagkatapos na ang ibinayad niya sa aklat na iyan ay ang huling pera na taglay niya—ang tagarasyon ng gatas ay napilitang bumalik sa susunod na linggo para singilin ang bayad!) Sa simula pa lamang, siya’y naghanda nang mainam para sa linggu-linggong pag-aaral ng Bibliya sa kabila ng pagkakaroon niya ng isang sanggol na namemerhuwisyo. Siya’y nagsimula na rin na ibalita sa kaniyang pamilya ang kaniyang natututuhan. Hindi nagtagal, ang kaniyang asawang lalaki, si Billy, ay sumama na sa kaniya sa mga pulong. Ang limang anak ng mga magulang ni Annabel ay pinanganlan ng mga ito ng mga pangalang sunod sa abakada. Ang kaniyang kapatid na babaing si Beattie ay nagsimulang mag-aral. Si Charlie at ang kaniyang maybahay ay ayaw na sila’y mapapuwera. Si Daphne ay nagpakita rin ng interes, at si Edna at ang kaniyang asawa ay nakisali. Sa ngayon ang buong pamilyang iyan ay naglilingkod nang buong katapatan sa loob ng maraming taon. Ang mga lalaki ay mga hinirang na matatanda o ministeryal na mga lingkod, at marami sa mga babae ang mga payunir.
At nariyan din si Stanley. Aming nakilala siya sa pagbabahay-bahay, nang nasa huling bahay kami isang maginaw na tanghali ng Lunes. Subalit anong init na pagtanggap sa amin! Kami’y inanyayahan ng kaniyang maybahay na tumuloy, at nahalata namin pagdaka na kami’y nakikipag-usap sa isang taong maka-Diyos. Ang totoo, katatapus-tapos lamang niyang manalangin na tulungan siyang maunawaan ang Bibliya. Ang unang tinalakay namin ay nakasentro sa doktrina ng Trinidad. Pagkatapos ng isang oras na talakayan, waring siya’y kumbinsido na. Nang sumunod na linggo, kami’y binati niya ng mga salitang ito: “Kayong mga tao ay tama. Binasa ko ang buong ‘Bagong Tipan’ nang tuluy-tuloy, at walang Trinidad. Naparoon ako sa ministro upang tanungin siya kung bakit ako’y inililigaw niya. Siya’y tumangging makipagkita sa akin, kaya’t isinauli ko ang mga sobreng pangkoleksiyon na ginagamit ko upang mangulekta ng salapi sa mga ibang miyembro ng simbahan.” At lahat ng ito ay wala namang kapalit kahit na isang lathalain na galing sa amin! Ibig niyang dumalo sa mga pulong at kami’y nangako na susunduin siya. Subalit nang Linggong iyon kami’y naatraso nang may limang minuto kaysa aming ipinangako. Nasalubong namin siya na nakasakay sa kaniyang bisikleta patungo sa pulong! “Akala ko’y nalimutan na ninyo ako,” ang sabi niya. Kami’y nag-aral nang tatlong beses isang linggo, at siya’y nabautismuhan tatlong buwan pagkatapos ng aming unang pagkikilala. Si Stanley ay naglilingkod na nang maraming taon taglay ang gayon ding sigasig na gaya noong una.
Aming tinataya ni Julia na sa lumipas na mga taon, kami’y nagkapribilehiyo na tulungan ang humigit-kumulang na 50 katao upang maging mga Saksi ni Jehova.
Pagbabalik sa Trabahong Sekular
Pagkaraan ng apat na taon sa pagpapayunir, halos naubos na ang aming pera. Ang gastos sa pamumuhay ay tumaas, at ang mga bata ay lumalaki na. Kaya, bagaman masakit at mabigat sa aming loob, ipinasiya namin na huminto sa buong-panahong ministeryo. Iyan ay noong Setyembre 1972. Ano ang susunod? Mga isang taon lamang pagkatapos, noong Enero 1, 1974, ako’y bumalik sa pagtuturo sa unibersidad nang magkaroon ng bakante sa physics. Dahil dito’y kinailangan ang malaking pagbabagay-bagay at pag-iwas na maagnas ang pag-asa. Subalit taglay ang matatag na pag-alalay ni Julia, nagawa ko rin na maiayos ang aming kalagayan. Isang napakalaking tulong ang manatiling lubusang aktibo sa ministeryo at sa kongregasyon—na talagang nagpapatuloy na ‘hanapin muna ang kaharian.’—Mateo 6:33.
Yamang lahat ng mga instruktor sa unibersidad ay inaasahang gagawa ng pagsasaliksik, ang suliranin ng pagbabalik sa nuclear physics ay bumangon. Natuklasan kong lubhang mahirap na gunigunihin ang paggawa ng ganitong esoteric na klase ng pagsasaliksik sapagkat ang panahon ko sa labas ng unibersidad ay ginagamit sa pagtuturo sa mga tao ng katotohanan buhat sa Bibliya. Wari ngang walang kabuluhang gumawa ka ng pagsasaliksik alang-alang lamang sa paggawa ng gayon. At, mangyari pa, ang pagsasaliksik sa nuclear-physics ay walang mapaggagamitan kundi ang hukbong militar, at ito’y maaaring magdala ng suliranin tungkol sa pagkaneutral ng isang Kristiyano.—Isaias 2:2-4.
Sa Timog Aprika ang isang unibersidad na katulad na nga ng Western Cape ay maraming mga estudyante na tinatawag na “disbentaha.” Sila’y pumapasok sa unibersidad na kulang sa paghahanda dahilan sa palsong pag-aaral at iba pang mga salik na socioeconomic. Malimit na sila’y hindi nagkukulang ng potensyal—kaya lamang ay hindi sila nagkaroon ng pagkakataon. Noong nakalipas na 13 taon, bilang bahagi ng aking trabaho sa unibersidad, ako’y nananaliksik tungkol sa mga suliranin sa pagkatuto ng gayong mga estudyante at nagsasaayos ng mga pamamaraan sa pagtuturo na maaaring magamit. Dahil sa pananaliksik na ito ay binigyan ako ng isang titulo sa pagkadoktor sa physics education at ang resulta’y ang aking promosyon sa pagkapropesor. Mga kooperatibang programa sa pananaliksik ang ngayo’y ginaganap sa Estados Unidos at Israel. Kawili-wiling paghambingin ang natuklasan sa pananaliksik na ito at ang mga pamamaraan sa pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova.
Isang teorya na binuo ni Propesor Reuven Feuerstein at ng kaniyang kamanggagawa sa Israel ang tinatawag na Mediated Learning Experience. Ang pinakadiwa ng teorya ay na napauunlad ng mga bata ang kakayahang umisip hindi lamang buhat sa isang panlabas na bagay na sumasapit sa kanila sa pamamagitan ng kanilang mga sentido kundi rin naman buhat sa isang taong tagapamagitan na nagpapaliwanag sa kanila ng bagay na iyon. Kung ito’y hindi gagawin, ang mga bata ay hindi nakapagpapaunlad ng kanilang kakayahang umisip gaya ng dapat na mangyari.
Ang mga Saksi ni Jehova ay lubhang nagpapahalaga sa papel na ginagampanan ng magulang bilang pangunahing tagapagturo sa anak. Ang mga magulang na Saksi ay gumugugol ng maraming oras sa pagsusuri ng may larawang mga tulong sa pag-aaral ng Bibliya kasama ang kanilang mga anak, tinatanong sila tungkol sa kanilang nakikita at tinuturuan sila na masakyan ang kahulugan ng mga aral sa Bibliya. Kanilang idiniriin na kailangan hindi lamang ang linggu-linggong pag-aaral sa Bibliya kundi pati na rin ang palagiang pagtuturo, lalo na ng mga simulain ng Bibliya. (Deuteronomio 6:6-8) Ang pananaliksik na binanggit sa itaas ay waring nagpapakilala na sa paggawa ng gayon, aktuwal na pinauunlad ng mga magulang ang katalinuhan ng kanilang mga anak.
Ang constructivism ay isa pang teorya na nagtuturong ang pagtuturo ay hindi lamang isang simpleng paglilipat ng impormasyon buhat sa isip ng instruktor tungo sa isip ng tinuturuan. Bagkus, bawat tao’y bumubuo ng kaniyang sariling mga ideya buhat sa kaniyang nakikita o naririnig o nararanasan. Kaya naman dalawang katao ang maaaring makapakinig sa iisang impormasyon at manghinuha ng iba’t ibang mga konklusyon. Upang ang mga tao’y matuto sa paraang epektibo, sila mismo ang kailangang magbasa ng impormasyon.
Ang mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay mga pampatibay-loob tungkol sa bagay na ito. Bawat isa’y inaasahang maghahanda bago pa man ng impormasyong tatalakayin buhat sa literaturang pinag-aaralan. Sa mga sandali ng pulong, humihingi ng mga komento buhat sa mga tagapakinig na naghanda ng pinag-aaralang materyal. Sa ganitong paraan ang mga tao ay napatitibay-loob hindi lamang upang maipahayag ang kanilang natutuhan kundi upang makinabang sa paghahanda na ginawa ng iba.
Ang pagdating ng salig-computer na edukasyon ay ipinagbunyi bilang siyang paraan upang maging personal ang pagtuturo. Subalit, ang gawaing pag-aaral ng Bibliya na itinataguyod ng mga Saksi nang marami nang taon sa mga tahanan ng tao ay higit pa riyan! Ang isang nagtuturo ay tumutulong sa isa, dalawa, o tatlong tao (bihirang humigit pa riyan) upang pag-aralan ang nalimbag na materyal tungkol sa isang paksa sa Bibliya na nirepaso ng estudyante nang siya’y naghahanda. Ang estudyante ay hinihimok na ipaliwanag ang kaniyang nauunawaan parapo por parapo, at pagkatapos ito ay tinatalakay—tunay na isang personal na pag-aaral ng Bibliya. Palibhasa’y ikinakapit ang gayong mahusay na mga simulain sa pagtuturo hindi katakataka na umunlad ang mga Saksi ni Jehova gaya ng pag-unlad nila ngayon. Kung sabagay, hindi nila natututuhan ang mga simulaing ito buhat sa pamantasan. Kanilang nakakamit ito buhat sa isang nakatataas na aklat—ang Bibliya.—Mateo 28:19, 20; Juan 6:45.
Ang Pagkakaisa ng Lahi ang Humahalili sa Alitan ng Lahi
Mahigit na 20 taon na ang mabilis na lumipas sapol ng ako’y maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Si John at si Leon, ang mga anak ng aking maybahay sa una niyang asawa, ngayo’y malalaki na, ay kapuwa bautismado at naglilingkod nang may katapatan. Noong 1976 ang aming lalaking anak na si Graeme ay isinilang. Isang pribilehiyo na palakihin din siya sa daan ng katotohanan. Ang aming pamilya ay pinagpala sapagkat si Julia ay muli na namang nakapagpapayunir, samantalang ako’y nag-aauxiliary payunir humigit-kumulang tatlong beses isang taon. Sa palibot namin sa Timog Aprika, may isang unti-unting lumulubhang igtingan ng lahi. Ito’y mahahalata sa makikitang sulat-sulat sa mga gusali at nararamdaman din ito sa buong palibot. Gayunman, sa gitna ng lahat ng kaguluhang ito tungkol sa lahi, isang modernong himala ang nagaganap. Palibhasa’y niluwagan na ng Estado ang mga batas tungkol sa asosasyon, ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagtitipon na ngayong sama-sama nang medyo malaya, lalo na sa malalaking asamblea. Ako’y nagkaroon ng pribilehiyo na makibahagi sa pag-oorganisa ng ilan sa mga asambleang ito para sa lahat ng grupo ng lahi. Doon ay makikita natin na gumagana ang pagkakapantay-pantay ng lahi, yaong mga taong tinuruan sa mga dakilang pamantayan ng Bibliya ay tunay na hindi nagtatangi dahilan sa kulay! Narito ang mga taong nakakakita ng kung ano ang nasa kalooban ng iba, hindi lamang ng kung ano ang kulay ng kanilang balat.
Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay bumubuo ng tanging tunay na pangglobong pagkakapatiran ng tao. Hindi na magtatagal, sa kaniyang bagong sistema ng mga bagay, “papahirin [ni Jehova] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man.” Kasama ng angaw-angaw na mga kapatid ko sa buong daigdig, aking buong kasabikang hinihintay ang nakalulugod, matuwid, walang-pagtatangi-ng-lahi na bagong sanlibutang iyan.—Apocalipsis 21:3-5.