Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 8/15 p. 4-7
  • Malapit Na Ngayon ang Wakas ng Krimen!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Malapit Na Ngayon ang Wakas ng Krimen!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maka-Diyos na Pagkatao Laban sa Pagkainggit
  • Pananampalataya Laban sa Kasakiman
  • Ang mga Tao’y Lalong Mahalaga Kaysa mga Ari-arian
  • Krimen​—Nawala Na Ba?
  • Pag-aalis sa Krimen​—Ang mga Maaasahan
  • Bakit Napakaraming Krimen?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Zaqueo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Pinagaling ni Jesus ang mga Lalaking Bulag at Tinulungan si Zaqueo
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
  • Ang Pagtuturo ni Jesus sa Jerico
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 8/15 p. 4-7

Malapit Na Ngayon ang Wakas ng Krimen!

ANG mga tiktik ay nagsisikap na lutasin ang mga krimen sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga himatong na nagsisiwalat ng katauhan at mga motibo ng mga salarin. Ang mga paraan at kadalubhasaan ng tiktik ang paksa ng mga popular na nobela sa buong daigdig. Bagaman siya’y magtagumpay sa wakas at makita niya ang kriminal, ang gawain ng tiktik ay karaniwan nang nagsisimula pagkatapos ng krimen, pagka nangyari na ang krimen.

Gaya ng makikita sa patuloy na pagdami ng krimen, para sa bawat kriminal na nahuhuli, mayroong marami pang iba na gumagawa ng krimen. Kaya’t hindi lamang ang paglutas sa mga kasalanang nagawa na ang kailangang gawin upang mawala ang krimen. Ano ba ang pipigil sa mga tao upang huwag maging mga kriminal?

Ang krimen ay may kinalaman sa moral. Tayo’y dagling sasang-ayon na ang pagpatay, panggagahasa, at iba pang karahasan ay mga krimen. Subalit kumusta naman ang pagdaraya pagka ating sinusulatan ang porma ukol sa buwis ng ating kinikita? Ang ganiyang gawain ay gawang kriminal din, sapagkat labag sa mga pamantayang moral ng pagtatapat. Upang lubos na masugpo ang krimen kailangan na ihinto ang lahat ng gawang kontra sa pamatayan ng moralidad.

Isaalang-alang ang tatlong halimbawa sa Bibliya na nagtatampok hindi lamang sa sanhi ng krimen kundi pati na sa paraan na gagamitin upang ito’y maalis.

Maka-Diyos na Pagkatao Laban sa Pagkainggit

Pakisuyong pansinin ang mga salita ng salmistang si Asap: “Ako’y nanaghili sa mga hambog, nang aking makita ang mismong kapayapaan ng mga taong balakyot.” (Awit 73:3) Oo, ang pananaghili sa kaunlaran at istilo ng pamumuhay ng kriminal ang nakaaakit sa marami sa paggawa ng katampalasanan. Ang pagbibihis sa krimen ng nakaaakit na kasuotan sa telebisyon at sa mga pahayagan ang humihila upang ito’y tanggapin imbis na ito’y kasuklaman dahil sa dulot nito na kasamaan.

Gayunman, ang kinasihang manunulat ng Kawikaan ay nagpapatotoo: “Huwag managhili ang iyong puso sa mga makasalanan, kundi matakot ka kay Jehova buong araw.” Ang mismong motibo at hangarin ng isang tao ang nasa ugat ng suliranin. Ang pinakamabisang paraan upang masupil ito ay ang magpaunlad ng isang maka-Diyos na pagkatakot na hindi mapalugdan ang Diyos na Jehova. “Sapagkat tunay na may kagantihan ang kinabukasan, at ang iyong sariling pag-asa ay hindi mahihiwalay.”​—Kawikaan 23:17, 18.

Pananampalataya Laban sa Kasakiman

Noong tagsibol ng 33 C.E., si Jesus ay naglalakbay at dumaraan sa bayan ng Jerico. Iyan ang bayan ni Zakeo, na ayon sa manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas ay “punò ng mga maniningil ng buwis,” at isinusog na “siya’y mayaman.” Ang mataba-ang-lupang lugar sa palibot ng Jerico ay isang mahalagang dako para sa koleksiyon ng buwis, at gaya ng ipinakikita ng sariling mga salita ni Zakeo, ang kaniyang trabaho bilang punò ng mga maniningil ng buwis ay nagbigay sa kaniya ng pagkakataon para mangikil. Subalit si Zakeo ay hindi nanatiling isang kriminal.​—Lucas 19:1-8.

Si Zakeo ay nagpauna sa karamihan ng mga tao upang mauna sa mga nagtipon sa palibot ni Jesus at dahilan sa kaniyang pagkapandak ay humanap siya ng isang mainam na lugar sa pamamagitan ng pag-akyat sa isang punong sikomoro. Siya’y napansin ni Jesus at sinabihan si Zakeo na bumaba, sapagkat Siya’y tutuloy sa bahay niya habang naroroon siya sa Jerico. Nang bandang huli, sa mga salita ni Zakeo ay nahayag ang isang nagbagong kalooban: “Ang kalahati ng aking mga pag-aari . . . ay aking ibinibigay sa mga dukha, at kung sakaling nakasingil akong may daya sa kaninumang tao ay isinasauli ko nang makaapat.” Ang pagsasauli ng nasingil na sobrang salapi ay may kasangkot na malaking kabayaran. Sa pangangako na gagawin niya ito, si Zakeo ay nagpahayag ng kaniyang pananampalataya kay Jesus. Oo, ang kaniyang binagong saloobin ay nagdulot ng nakikitang resulta, ang pagsasauli ng isang bagay na kinuha nang labag sa batas pati makatatlong beses na laki ng halagang iyon, na lahat-lahat ay makaapat na laki ng halaga ang naisauli. Sa gayo’y itinuwid ni Zakeo ang kaniyang nagawang kamalian at lumabis pa roon, na nagpapatunay ng kataimtiman ng kaniyang pagbabago ng pamumuhay.​—2 Corinto 7:11.

Ang mga Tao’y Lalong Mahalaga Kaysa mga Ari-arian

Ang Romanong Gobernador Pilato ay nagsabi tungkol sa akusadong si Jesu-Kristo: “Wala akong masumpungang sala sa taong ito.” (Lucas 23:4) Sa halip na tularan ang ugaling kriminal upang magkamit ng mga pag-aari, sa buong ministeryo niya sa lupa, si Jesus ay nagpakita ng mapagmahal na interes sa mga tao. “Nang makita niya ang mga karamihan siya’y nahabag sa kanila, sapagkat sila ay pinagsasamantalahan at nakapangalat na tulad ng mga tupa na walang pastol. Nang magkagayo’y sinabi niya sa kaniyang mga alagad: ‘Oo, ang aanihin ay marami, datapuwat kakaunti ang mga manggagawa. Kung gayon, idalangin nga ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.’” (Mateo 9:36-38) Malinaw, mga tao ang higit na pinahalagahan ni Jesus kaysa mga pag-aari, iniuna sa kaniyang sariling kaginhawahan at mga kapakanan. Makikita rin natin ito sa kaniyang kusang paggugol ng kaniyang lakas upang maasikaso ang kaniyang mga alagad at ang karamihan ng mga taong lumapit sa kaniya para paturo at patulong. (Mateo 8:20; 14:13-16) Dito, si Jesus ay nag-iwan sa atin ng isang halimbawang susundin.​—1 Pedro 2:21.

Posible ba para sa mga tao sa ngayon na sundin ang halimbawang iyan, na ang kanilang mga kapuwa tao ang higit na pahalagahan kaysa materyal na mga ari-arian? Masasagot natin iyan nang oo. Isaalang-alang ang mga Saksi ni Jehova, ngayo’y mahigit na tatlo at kalahating milyon na. Sila’y nagsisikap na magkaroon ng kaisipan ni Kristo at lakipan iyan ng gawa. Sila’y patuloy na nagsusumikap na buwagin sa kanilang puso ang masasamang hangarin na umaakay sa marami na gumawa ng krimen. Bago naging mga Saksi, samantalang sila’y nag-aaral ng Bibliya at pinauunlad nila ang pag-ibig sa Diyos, ito’y nakabagbag-damdamin sa iba sa kanila na dati’y mga kriminal; ito’y humila sa ilan sa kanila na isauli ang mga bagay na kanilang ninakaw noon pa. Hindi, hindi ginawa ito ng gayong mga tao para mapatanyag lamang kundi upang magkaroon ng mapayapang kaugnayan sa Diyos na Jehova at sa gayo’y makinabang sa kaniyang di-sana nararapat na awa na inihayag sa pamamagitan ng pantubos na hain ni Jesu-Kristo.​—1 Corinto 2:16; 6:11; 2 Corinto 5:18-20.

Taglay ang pag-ibig sa kanilang kapuwa, ang gayong mga Kristiyano ay gumugugol ng panahon upang dumalaw sa iba at ipaliwanag kung papaanong ang gayong mga pamilya’y makaaasang magkamit ng buhay sa gitna ng mga kalagayang mala-Paraiso sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Bawat sanlinggo ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaraos ng regular na mga pagpupulong sa kanilang mga Kingdom Hall. Isang nangumpisal na magnanakaw ang nagpaunlak sa paanyaya na dumalo upang masaksihan kung ano ang mga pulong na iyon. Ganito ang kaniyang paglalahad: “Ang masasabi ko, ako’y takang-taka. Bahagya man ay hindi iyon nakaaantok o nakaiinip di-gaya ng inaasahan ko noon. Ang init ng damdamin at ang pag-iibigan, na halatang-halata, ay talagang tunay. At ang pagpapahalaga na waring taglay ng lahat ng Saksi para sa espirituwal na mga bagay ay namumukod-tangi.” Ganiyan na lamang ang kaniyang paghanga kung kaya’t nagpatuloy siya ng pagdalo, at ito ang tumulong sa kaniya upang magbago. Napasangkot ka man sa krimen o hindi, pagka ikaw ay nakisama sa mga lingkod ng Diyos, ikaw man ay magkakaroon ng tunay na interes sa mga tao imbis na sa mga ari-arian.​—Mateo 22:39.

Krimen​—Nawala Na Ba?

Kung ang mga tao’y hindi na kumikilos na mistulang mga kriminal, ito ba’y nangangahulugan na sila ay sakdal? Hindi naman! Ang mga Saksi ni Jehova, tulad ng lahat ay dumaranas ng kasalanang minana sa ating unang magulang, si Adan. (Roma 5:12; 1 Juan 1:8) Subalit sila ngayon ay nagkakaisa sa paglilingkod sa Diyos, gaya ng makikita sa kanilang pambuong sanlibutang pangangaral at pagtuturo. Ito’y mabisang patotoo sa katuparan ng hula ni Isaias: “At mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok, . . . at dadagsa roon ang lahat ng bansa.” (Isaias 2:2) Oo, angaw-angaw ang dumadagsa sa itinaas na pagsamba kay Jehova, humahanap na sila’y turuan sa kaniyang mga daan. Ikaw ay maaaring isa sa mga taong makikinabang sa pamamagitan ng pakikisama sa mga taong umiiwas sa krimen.

Pag-aalis sa Krimen​—Ang mga Maaasahan

Ang mabilis na pagdami ng krimen sa ngayon ay aktuwal na nagpapatunay na malapit nang makialam ang Diyos upang alisin ang lahat ng mga balakyot, kasali na ang lahat ng mga kriminal. “Sapagkat ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin . . . Sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya’y mawawala na.” (Awit 37:9, 10) Ang katapusan ng krimen ay tunay na malapit na ngayon, sapagkat tayo’y palapit nang palapit sa panahon na ang unang-unang kriminal, si Satanas na Diyablo, ay igagapos at ibubulid sa kalaliman. (Apocalipsis 20:1-3) Anong kawili-wiling malaman na ang pangamba sa krimen at ang dalamhati na dulot nito sa mga nabibiktima ay malapit nang maging mga bagay na lumipas!

Gayunman, kumusta naman ang angaw-angaw na mga tao na sa pagkabuhay-muli ay babalik dito sa buhay sa lupa? (Gawa 24:15) Kung sila’y magpapatuloy sa ganoon ding pagkatao at mga lakad na gaya ng tinaglay nila bago sila namatay, hindi baga sila pagmumulan ng isang bagong daluyong ng krimen? Hindi kailangang ipangamba iyan. Si Jesus ay nangako sa isang magnanakaw na siya’y bubuhaying-muli, na nagsasabi: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo sa araw na ito, ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Ito’y tiyak na nagpapakitang ang mga bubuhayin ay kailangang gumawa ng mga pagbabago; sapagkat kung hindi ay hindi magiging isang paraiso ang bagong sanlibutan.

Kung papaanong kahit na mga pusakal na kriminal ay nangangailangang turuan bago sila makapamuhay sa pamayanan nang hindi lumilikha ng mga problema, gayundin na sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, isang malaganap na kaayusan sa pagtuturo ang tutulong sa mga mamamayan upang maging masunurin sa batas. (Apocalipsis 20:12, 13) Dahilan sa bentaha na sila’y napalilibutan ng mga naninirahan sa Paraiso, na sumusunod sa mga batas ng Diyos, ang mga bubuhayin ay makararanas ng wastong mga kalagayan sa pamumuhay. (Isaias 65:21-23) Magkakaroon ng makatarungang mga namiminuno, at sinumang magpapatuloy sa gawang masama ay babawian ng buhay. (Isaias 32:1; 65:20) Samakatuwid ay may saganang dahilan na magtiwala na, sa katapus-tapusan, mawawala na ang krimen.

Bagaman tayo’y namumuhay sa gitna ng isang sanlibutang palasak ang krimen, ikaw ay makapagtitiwala kay Jehova, na nangakong gagantimpalaan ang kaniyang tapat na mga lingkod ng sakdal na buhay sa Paraiso. Gawin mo na iyan ngayon sa pamamagitan ng pagtanggap sa iniaalok ng mga Saksi ni Jehova na walang bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. (Juan 17:3) Sa susunod na pagkakataong sila’y makaharap mo, bakit hindi ka magtanong ng iba pang mga detalye? O dili kaya ay sumulat ka sa direksiyon na pinakamalapit sa inyo at nakatala sa pahina 2 ng magasing ito. Tunay na sulit ang pagpaguran ito, sapagkat malapit na ngayon ang wakas ng krimen!

[Larawan sa pahina 5]

Ang pananampalataya ni Zakeo ang nag-udyok sa kaniya na isauli ang salaping kaniyang nakikil

[Larawan sa pahina 7]

Ang kaayusan sa pagtuturo ang magtuturo sa mga sakop ng Kaharian ng Diyos upang maging masunurin sa batas

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share