Pag-uusig sa Burundi—Sinirang Pangako ng Kalayaan ng Relihiyon!
Ang kalayaan ng relihiyon ay ipinagwawalang bahala sa maraming bansa sa Kanluran. Gayunman, ang relihiyosong pag-uusig na nagaganap sa Aprika sa lupain ng Burundi ay nagpapakita kung gaano karupok ang maaaring kalabasan ng kalayaang iyan. Oo, habang ang mga pangunahing karapatan ng tao sa anumang grupo ng mga mamamayan ay niyuyurakan, walang mga karapatan ninuman ang panatag. Kaya aming hinihimok ang aming mga mambabasa na suriin ang nagaganap sa Burundi.
PEBRERO 16, 1989, nang sa Aprika sa lupain ng Burundi ay masaksihan ang paglaganap ng Panahong Kadiliman. Sa petsang iyan ang pangulo ng Republika ng Burundi, si Pierre Buyoya, ay nakipagpulong sa mga gobernador ng lalawigan. Pagkatapos ng pulong na iyon, isang ubod-sama, malaganap na relihiyosong pag-uusig ang sumiklab laban sa mga Saksi ni Jehova. Mga lalaki, babae, at pati mga bata ang di-nagtagal ay naging biktima ng labag-sa-batas na mga pag-aresto, panggugulpi, pagpapahirap, at gutom.
Kahiya-hiya nga na ang ganiyang mga kalupitan ay nangyayari sa kaarawan at kapanahunang ito. Datapuwat, ang pag-uusig sa Burundi ng mga Kristiyano ay lalong higit na nakasusuklam. Bakit? Sapagkat ito’y isang pagtataksil sa ipinangakong kalayaan ng relihiyon.
Ipinagkanulo ng Gobyerno
Ang Burundi ay isang malayong bansa sa Aprika na naroon sa gawing timog lamang ng equador, bagaman ang bulubunduking lupaing ito ay may malamig, kaaya-ayang klima. (Tingnan ang mapa.) Kakaunting mga tao sa buong globo ang nakababatid na umiiral ang Burundi hanggang noong Agosto 1988, nang ito’y mapabantog sa mga paulong-balita sa daigdig. Noon ay isang madugong labanan ang sumiklab sa pagitan ng naritong dalawang mga pangunahing grupo ng mga tribo, ang Tutsi at ang Hutu. Walang alinlangan na ito ang nag-iwan ng isang negatibong impresyon ng Burundi sa kaisipan ng marami.
Gayunman, maraming mabubuting bagay na masasabi tungkol sa maunlad na lupaing ito. Ang kaniyang mga mamamayan ay masisipag at puspusang nagpapagal. Sa isang artikulo sa The New York Times Magazine ay sinabi pa na “sa sarisaring paraan na nahahalata ng isang panauhin, ang Burundi, bagaman maralita, ay gumagawa. Ayon kay Maurice Gervais, ang residenteng kinatawan ng World Bank, ito ay ‘isang bansang may napakataas na uri ng paggawa.’”
Gayunman, dahil sa relihiyosong kalagayan sa Burundi ay nanganganib ang positibong punto-de-vistang ito. Humigit-kumulang 80 porsiyento ang nag-aangking mga Kristiyano, na ang karamiha’y mga Romanong Katoliko. Subalit, ang mga rehimeng pulitikal ay nagpakita ng isang nakagagambalang pamarisan ng panunupil sa relihiyon. Noong Oktubre 16, 1985, iniulat ng The Christian Century: “Sa nakalipas na taon ang gobyerno ng Burundi ay naglunsad ng sunud-sunod na pagkilos na may layuning sirain ang pag-iral ng simbahan . . . Ang karapatan sa pampubliko at pampribadong pagsamba at panalangin ay lubhang sinupil. Lahat ng mga simbahan ng ilang mga denominasyon . . . ay isinara at pinagbawalan na umandar; . . . dose-dosenang indibiduwal na mga Kristiyano ang ibinilanggo, ang iba’y pinahirapan pa man din . . . pawang dahil sa paggamit sa kanilang karapatan na sundin ang kanilang relihiyon.”
Sa gayo’y nabuhay ang pag-asa nang, noong Setyembre 1987, isang bagong pamahalaan sa ilalim ng pangunguna ni Pangulong Pierre Buyoya ang napalagay sa kapangyarihan sa Burundi. Ang bagong pangulo ay nangako sa kaniyang bansa ng kalayaan ng relihiyon, at siya’y agad gumawa ng mga hakbang upang tupdin ang kaniyang ipinangako. Isang report ng Kagawaran ng Estado ng E.U. ang nagsasabi: “Nang kaniyang unang taon sa tungkulin, si Pangulong Buyoya ay gumawa ng malawak na mga pagbabago sa mga patakaran ng Burundi tungkol sa organisadong relihiyon, na binaligtad ang pagsupil sa kalayaan ng relihiyon sa ilalim ng [dating] rehimen. Pinalaya ni Buyoya ang lahat ng mga ibinilanggo dahil sa relihiyon; muling ipinabukas ang ipinasarang mga simbahan; isinauli ang lahat ng kinumpiskang mga ari-arian ng simbahan.” Kaya naman sa ginawa niyang ito ay nakamit ni Pangulong Buyoya ang pagpapahalaga ng mga mangingibig ng kalayaan sa buong daigdig.
Kung gayon, bakit ang mga Saksi ni Jehova lamang ang pinili kamakailan upang supilin dahil sa kanilang relihiyon?
Ang mga Saksi ni Jehova—Nagpupunyagi Upang Sila’y Kilalanin
Sa loob ng lumipas na mga dekada, ang Iglesiya Katolika ay “bumangon at naging isang malakas na pangkabuhayan at pampulitikang organisasyon,” ayon sa pag-uulat ng The New York Times. Nang ang bansa’y isang kolonya, pinayagan ang simbahan na “halos magpunò sa bansa,” samantalang ito ang “gumaganap ng pangunahing bahagi sa pangangalaga sa kalusugan at sa edukasyon.” Hindi katakataka, kung gayon, na marahil naramdaman ng gobyerno na siya’y nanganganib dahil sa organisadong relihiyon.
Gayunman, nang simulan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pangmadlang pangangaral ng ebanghelyo sa Burundi noong 1963, sila’y hindi nagtangkang manghimasok sa gawain ng Estado. Bagkus ang ginawa nila ay wala kundi ipangaral “ang mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14) Yamang sinasabi ng Bibliya na ang mga tunay na Kristiyano’y “hindi bahagi ng sanlibutan,” ang mga Saksi ni Jehova ay nanatiling walang kinikilingan sa pulitika, anupa’t ito ang paninindigan ng mga Saksi sa buong daigdig.—Juan 17:16.
Ang mga Saksi ay buong ingat na tumatangging sumama sa mga partido ng pulitika at ipagsigawan ang mga salawikain ng mga partido sa pulitika. Kadalasa’y mali ang pagkakilala ng mga pamahalaan sa ganitong pagkaneutral at kanilang itinuturing na kakulangan ng pagkamakabayan o nagbabadya pa nga ng layuning ibagsak ang pamahalaan. Subalit iyan ay hindi totoo. Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay kilala bilang uliran, masunurin-sa-batas na mga mamamayan. Kanilang dinidibdib ang utos ng Bibliya na “pasakop” sa mga pamahalaan ng sanlibutan. (Roma 13:1) Bagaman sila’y hindi sumasaludo o sa anumang paraa’y nagpapakita ng debosyon sa pambansang mga simbulo na gaya baga ng mga bandila, ang gayong mga emblema ay hindi naman nila niwawalang-galang.—Exodo 20:4, 5.
Noong 1975 ang mga Saksi ni Jehova ay humiling na kilalanin ng batas ang kanilang gawain. Subalit noong 1976 ang gobyerno ay naibagsak ng militar at inilagay sa tungkulin si Pangulong Jean-Baptiste Bagaza. Kaniyang ipinangako na magbibigay siya ng kalayaan ng pagsamba. Subalit noong Marso 1977, ang mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal sa opisyal na paraan! Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nagsisikap na liwanagin ang bagay na iyan para sa mga kagawad ng pamahalaan ni Bagaza, ngunit ang mga liham, mga pagharap sa mga embahada ng Burundi sa Pransiya at Belgium, at mga pakikipagpulong sa mga opisyales ng gobyerno sa Burundi ay pawang nawalang-kabuluhan. Noong 1987 mga 80 Saksi sa Burundi—mga lalaki at mga babae—ay ibinilanggo sa loob ng kung ilang mga buwan. Isang Saksi ang namatay roon.
At noong 1987 sa pamamagitan ng isang coup ay napalagay sa kapangyarihan si Major Pierre Buyoya. Mga Katoliko at mga Protestante ang sa madaling panahon ay nakinabang sa kaniyang pagbibigay-kalayaan sa relihiyon—ngunit hindi ang mga Saksi.
Ang Pagsiklab ng Relihiyosong Pag-uusig
Pagkatapos na makipagpulong si Pangulong Buyoya sa mga gobernador ng mga lalawigan noong Pebrero 16, 1989, ibinalita ng radyo na isa sa malalaking suliranin na nakaharap sa Burundi ay ang pagdami ng mga Saksi ni Jehova. Para bang pinakikilos ng isang hudyat, ang mga gobernador ng interyor na mga probinsiya ay nagbangon ng mistulang daluyong ng pag-uusig. Bagaman ang mga detalye ay hindi pa gaanong malinaw, ang sumusunod na pag-uulat ay nagbibigay ng bahagyang ideya ng nagaganap doon:
Probinsiya ng Gitega: Nag-utos si Gobernador Yves Minani na ang pulisya at ang populasyon ay ihanda para sa pagdakip sa lahat ng mga Saksi ni Jehova. Sa sumunod na nangyari, ang mga ahente ng panseguridad na pulisya ang lumusob sa tahanan ni Ntibatamabi Edmond, isang ebanghelisador na special payunir, at inaresto siya. Samantalang siya’y nakakulong, pinagkaitan siya ng pagkain. Maraming beses na siya’y hinimatay dahil sa gutom. Siya’y pinahirapan din sa pagtatangka na patunayan niya ang isang balita na ang mga Saksi ni Jehova ay kumakain ng dugo ng tao—isang ubod-samang kasinungalingan!
Pagkatapos na arestuhin si Edmond, sina Ntikarahera Aaron at Ntimpirangeza Prime, na mga Saksi ni Jehova rin, ay inaresto at ikinulong sa bilangguan sa Gitega. Sila’y tumanggap rin ng nahahawig na tratong may kalupitan.
Si Nijimbere Charlotte, maybahay ng isang tagapangasiwa ng sirkito—isang naglalakbay na ministrong dumadalaw sa kung ilang mga kongregasyon—ay nakabalita sa nangyari sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano. Kaniyang sinubukang magdala ng pagkain sa piitan ngunit siya’y inaresto noong Marso 16, 1989, at ginawang pinakaprenda sa pagtatangka ng mga maykapangyarihan na arestuhin ang kaniyang asawang lalaki.
Probinsiya ng Muramvya: Si Gobernador Antoine Baza ay nagpadala ng isang pautos sa lahat ng kilaláng Saksi upang makipagpulong sa kaniya at sumagot sa mga katanungan. Noong Marso 4 isang grupo ang sumunod sa kahilingang iyan. Bagaman magalang sa pagsagot sa kaniyang mga katanungan, sila’y tumangging ipagsigawan ang mga salawikain ng partido pulitikal.
Bilang pagtugon ang gobernador ay kumilos upang pukawin ang mga mamamayan na atakihin ang mga Saksi ni Jehova. Noong Marso 16 may mga pulis na pumasok sa mga tahanan ng kilalang mga Saksi at kanilang ginulpi ang mga lalaki at mga babae dahil sa pagtangging ipagsigawan ang mga salawikain ng partido. Isang tindahan na pag-aari ng Saksi ang kinumpiska at ipinasara—anupa’t nawalan ang pamilya ng pantawid-buhay.
Noong Marso 17 apat na babae ang ginulpi dahilan sa sila’y tumangging itatwa ang kanilang pananampalataya. Sila’y ikinulong sa isang selda sa bilangguan na wala man lamang mapasukan ng hangin, bagaman isa sa kanila ay ina ng isang sanggol na 20 araw lamang na naipanganganak.
Noong Marso 20 isang pangkat ng mga mang-uumog na may dalang mga patpat at mga sulô ang sumalakay sa mga tahanan ng mga ilang babaing Saksi, na pinagbubugbog at itinaboy upang magsilayas sa kanilang mga tahanan. Kabilang sa mga pinagmalupitan ay isang 75-anyos na babaing nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at ilang mga kabataan na wala pang 14 anyos ang edad!
Si Pierre Kibina-Kanwa, ang direktor ng paaralang primarya ng Nyabihanga, ay sumubok na puwersahin ang mga batang Saksing nag-aaral sa paaralan upang sumaludo sa bandila ng bansa. Nang hindi niya magawa ang gayon, sila’y kaniyang pinaalis sa paaralan. Dalawampu’t dalawang Saksi sa bayang iyon ang napilitang tumakas, at naiwan nila ang lahat nilang ari-arian. Kabilang sa mga inaresto sina Ndayisenga Leonidas, Kanyambo Leanard, Ntahorwamamiye Abednego, Bankangumurindi P., Kashi Grégoire, at Mbonihankuye Thadée.
Probinsiya ng Bujumbura: Ang administrador ng komunidad Muhuta, si Nahimana Macaire, ay nag-utos kina Kavunzo Vincent, Ndabazaniye Sylvestre, at Ndizwe-Nzaniye—pawang mga Saksi—na dumalo sa isang pulong. Doon ay inakusahan niya sila ng pagiging kasangkot sa isang hidwaan ng mga tribo noong Agosto 1988. Bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay maliwanag na hindi kasangkot, mga panggugulpi at mga pag-aresto ang sumunod.
Probinsiya ng Bubanza: Dalawang Saksi ang inaresto dahil lamang sa mayroon silang literatura sa Bibliya. Nang sila’y tumangging sumaludo ng saludo ng partido, sila’y ipinadala ni Gobernador Kimbuza Balthazar sa isang kampo ng militar. Doon sila’y pinahirapan sa pamamagitan ng pagdurog sa kanilang mga daliri.
Kung Ano ang Maaari Ninyong Gawin
Karamihan ng mga pang-aabusong ito ay naganap sa interyor, malayo sa paningin ng mga nagmamasid na banyaga. Gayunman, mahigit na 13 milyong kopya ng artikulong ito ang ipamamahagi sa buong daigdig sa 105 mga wika. Ang mga kalupitan sa Burundi ay hindi na maililihim. Ang mga taong maibigin sa kalayaan ay magigitla sa gayong mga tahasang paglabag sa mga karapatan ng tao na nagaganap ngayon—mga karapatan na pinaghirapan ng libu-libong mga Aprikano.
Malaki kung gayon ang nawawala sa Burundi sa hindi niya pagtupad sa kaniyang pangako tungkol sa kalayaan ng relihiyon. Siya’y nanganganib na maipahamak ang kaniyang mabuting pangalan na pinagsumikapan niyang maitatag, yaong sa isang maunlad na bansang puspusang gumagawa. Nais ba ng Burundi na siya’y makilala na isang bansa ng pulos mga panatiko at relihiyosong mang-uusig? Sa palagay namin ay hindi naman. Ang tanging masasabi natin ay maling-mali ang pagkakilala ni Pangulong Buyoya, iniligaw ng mga tagapayo niya.
Ang mga paratang laban sa mga Saksi ni Jehova ay pusakal na kasinungalingan na ang layunin ay pagningasin ang walang katuwirang mga silakbo ng damdamin. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi isang panganib sa katiwasayan ng pamahalaan ng Burundi o ng anumang bansa. Sila’y mga taong mapayapa at masunurin-sa-batas, magalang sa pambansang mga sagisag. Laban sa mga bali-balita, sila’y lubusang tumatanggi sa pagpapasok sa kanilang katawan ng anumang uri ng dugo—kahit na kung nanganganib ang kanilang buhay.—Gawa 15:28, 29.
Ang mga tunay na Kristiyano sa buong daigdig ay magkakaisa ngang manalangin alang-alang sa kanilang mga kapatid sa Burundi. (1 Timoteo 2:1, 2) Maraming mambabasa ang kikilos din upang sumulat nang tuwiran kay Pangulong Pierre Buyoya, na mapitagang makikiusap na pahintuin ang relihiyosong pag-uusig at opisyal na kilalanin ang mga Saksi ni Jehova bilang isang tatag na relihiyon. Ang Burundi ay kailangang tumugon sa katuwiran kung ibig nito na mapawalang-sala ang kaniyang sarili sa paningin ng daigdig.
His Excellency Major Pierre Buyoya
President of the Republic of Burundi
Bujumbura
REPUBLIC OF BURUNDI
[Mga mapa sa pahina 22]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
RWANDA
ZAIRE
BURUNDI
TANZANIA
LAKE TANGANYIKA