Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 8/15 p. 25-28
  • Ang mga Taga-Guatemala ay Tumatanggap sa Mabuting Balita

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Taga-Guatemala ay Tumatanggap sa Mabuting Balita
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Nagsisimula ang Pagbabalita sa Kaharian
  • Pangangaral sa mga Matataas na Lugar
  • Dito Naman sa Mabababang Lugar sa Baybaying-Dagat
  • Karahasan at Pag-uusig ang Kabaligtaran ng Kapayapaan
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 8/15 p. 25-28

Ang mga Taga-Guatemala ay Tumatanggap sa Mabuting Balita

BUGHAW na mga kabundukan at dambuhalang mga bulkan ang biglang lumitaw sa malayo habang papalapit sa kabisera ang eroplano. Ang mga pasahero sa isang banda ay dumungaw sa kanilang bintana at nakita nila ang Bundok Pacaya na pumuputok, nagbubuga ng maraming usok na para bang isang malaking haligi na tumataas at saka matutunaw sa kaitaasan. Ang mga pasahero naman sa kabilang tabi ay nagsisidungaw sa ibaba at kanilang natatanaw ang mga bangkang de-layag at mga bangkang de-sagwan na buong katahimikang bumabagtas sa Loók Amatitlán. Ito ay Guatemala, ang lupain ng maraming pagkakaiba-iba.

Ang Guatemala ay nasa Sentral Amerika, at ito’y may lawak na 109,000 kilometro kuwadrado. Ang paysahe nito ay nabubudburan ng nagtatangkarang mga bundok​—kasali na ang 33 bulkan, na 4 nito ay aktibo​—at mayroon pa rin itong mga kagubatan sa libis, makakapal na kakahuyan, at sinlinaw-kristal na mga loók at mga ilog. Ang taas nito ay nagkakaiba-iba mula sa patag ng dagat hanggang sa 4,211 metro. Sa kabiserang lunsod, walang katapusan ang tagsibol, at ang katamtamang temperatura ay 24° C. sa buong santaon. Samantalang sa may kaitaasan ng kabundukan ang temperatura ay maaaring bumaba pa sa pagyeyelo, ang mga lugar sa baybaying dagat ay maaaring tumaas ang temperatura hanggang sa init na 38° C. Ito’y isang bansa na maaaring bumagay sa panlasa ng sinuman, may mga tabing-dagat, kagubatan, kabundukan, mga lugar na tigang, at mabubungang libis. At sa lahat ng mga lugar na ito, ang mabuting balita ng Kaharian ay ipinangangaral.

Nagsisimula ang Pagbabalita sa Kaharian

Ang pangangaral ng Kaharian ay nagsimula sa Guatemala humigit-kumulang taóng 1920. Sumapit ang panahon na maliliit na mga grupo ng mga taong interesado at mga tagapagbalita ng Kaharian ang nagsimulang natatag sa iba’t ibang panig ng bansa. Nang ang unang dalawang misyonero ay dumating doon noong Mayo 21, 1945, sila’y nakasumpong ng maraming interesado. Ganito ang paglalahad ng isa: “Noong ikalawang Sabado pagkatapos na dumating kami roon, minabuti kong gumawa ng pangangaral sa kalye sa tulong ng mga magasin. Nang gabing iyon ako ay umalis na taglay ang aking bag na punô ng literatura, at sa loob ng isang oras at kalahati, iyon ay wala nang laman, anupa’t ako’y nakapagpasakamay ng 32 magasin, 34 na pulyeto, 4 na aklat, at isang Bibliya.” Nang unang buwan na iyon sila’y nagdaos ng 17 pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya! Ang unang sister na misyonera na dumating ay masigla pa ring nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian makalipas ang 44 taon.

Sa pinangangaralang teritoryo ay maraming mga bagay na makikitaan ng pagkakaiba-iba. Ang kabiserang lunsod, ang Guatemala City, ay maraming modernong pagkatatayog na mga gusali, at gayundin namumukod-tanging mga lugar na residensiyal na may magagandang tahanan, na kung saan mga katulong ang sumasagot sa may pintuan sa pamamagitan ng isang intercom. Subalit sa banda roon nang kaunti ay makikita mo naman ang mga tirahang lupa ang pinaka-sahig at may mga dingding na bato at inatipan ng mga bubong na kung saan hamak na mga pangarap lamang ang koryente at tubig-gripo. Sa ganiyang sarisaring-uring teritoryo, wala ritong tinatawag na karaniwang araw sa paglilingkod sa larangan.

Noong nakalipas na mga taon marami ang mga bahay na hindi nagbubukas dahilan sa ang asawang lalaki at ang kaniyang maybahay ay kapuwa nagtatrabaho sa labas. Kaya’t upang makapagpatotoo sa gayong mga tao, ang mga Saksi ay kalimitang doon nangangaral sa kalye. Ang iba’y nagsisimula sa ganap na ika-5:30 n.u., nag-aalok ng literatura sa mataong hintuan ng bus. Ang isang Saksi ay kailangang nasa mabuting kalagayan ang pangangatawan upang matugunan ang pangangailangan ng mga taong nagmamadalian upang makasakay sa kanilang sasakyang bus. Isang umaga isang grupo ng mga Saksi ang nagpasiyang lumapit sa mga ilang driver ng taksi dahil sa medyo bumagal ang aktibidad ng mga bus-line. Sila’y nagtaka nang marami sa mga taksi driver ang naglabas ng kanilang mga kopya ng magasing Watchtower na sinalungguhitan na. Isa o dalawa ang may mga katanungan, na ikinalugod ng mga kapatid na sagutin at ginamit pa ang sariling mga Bibliya ng mga taksi driver.

Pangangaral sa mga Matataas na Lugar

Ang Panajachel ay isa sa mga bayan-bayanan sa palibot ng Loók Atitlán, isang magandang bughaw-luntiang loók na napalilibutan ng mariringal na kabundukan at tatlong bulkan. Ang mga ilang bayan-bayanan doon ay isinunod ang mga pangalan sa ngalan ng mga apostol. Mga 95 porsiyento ng mga mamamayan ang nagmula sa lahing Mayan, at ang Cakchiquel at Tzutuhil ang dalawa sa mga pangunahing wika. Bagaman ang mga lalaki’y nagsasalita rin ng Kastila, karamihan ng mga babae’y hindi nagsasalita nito, sapagkat ang kalakhang bahagi ng panahon nila ay ginugugol sa tahanan. Bawat bayan-bayanan ay may kaniyang sariling kaakit-akit na katutubong kasuotan, na karaniwan nang hinabi ng mga babae.

Sa pagdating ninyo sa Panajachel, mapapansin ninyo na ito’y hindi katulad ng ibang maliliit na bayan sa Guatemala. Katabi ng maralitang mga tahanang adobe o hollow blocks, makikita mo ang magagandang chalet. At ang lalong malaking pagkakaiba ay ang makikita mong modernong mga otel. Mga tao sa buong daigdig ang pumupunta sa Panajachel dahil sa Loók Atitlán.

Isang Saksi ang ganito ang paglalarawan sa kung papaano isinasagawa rito ang pangangaral: “Bago pa man ay isang bangka ang inaarkila para sa maghapon, at ang ating mga kapatid na nanggaling sa karatig na Sololá, kasama ang iba pang dumadalaw na taga-Guatemala City, ay iniimbitahan na tumulong sa paggawa sa malaking teritoryo. Ang mga kapatid na taga-Sololá ay malaking tulong sapagkat karamihan sa kanila ay doon naninirahan sa kabundukan na nahahawig sa lugar na pupuntahan namin. Sila’y nagsasalita rin ng lokal na wika. Ang biyahe ay maagang nagsisimula. Samantalang ang bangka ay tumatawid sa loók, ang mga bata ay naaakit sa bughaw-kristal na tubig, habang ang mga magulang naman ay nag-eensayo ng ilang mga pananalita sa wika roon.

“Ngayon ay limang bayan-bayanan ang dadalawin. Una, bumubuo ng tatlong grupo. Pagkatapos ay pinagtatambal-tambal sila​—yaong mga nagsasalita at yaong mga hindi nagsasalita ng wika roon. May tatatlo-tatlong maliliit na daungan na kung saan kami’y makabababa upang marating ang mga bayan-bayanang ito, kaya’t isang grupo ang ibinababa sa bawat isa. Nakagagalak na panoorin ang ating mga kapatid sa kani-kanilang matitingkad-kulay na katutubong kasuotan at gumagawang kasa-kasama yaong mga nakadamit ng istilong-kanluran. Iyan sa ganang sarili ay isang mabuting patotoo sa mga tagaroon. Mga batang mausyoso ang karaniwa’y sumasalubong sa amin. Pagkatapos alamin kung bakit kami dumadalaw, sila’y magtatakbuhan na upang ipagbigay-alam sa lahat ng mga tagaroon ang aming pagbisita.

“Sa mga sandaling marating namin ang mga tahanan ng dukha, maraming tao ang sabik na naghihintay upang matunghayan ang aming magagandang brosyur o Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya na ibinalita sa kanila ng kanilang mga anak. Anumang literatura sa Bibliya na naiwan sa naunang bahay ay siya ring hihingin sa sumunod na mga tahanan sapagkat bawat isa roon ay naghahangad ng ganoon ding magandang babasahín na gaya ng sa kaniyang kapitbahay. Marami ang hindi makabasa, kaya’t ang lalo nang nakaaakit sa kanila ay yaong mga larawan tungkol sa darating na Paraiso. Masayang-masaya ang kanilang mukha habang sila’y nakikinig sa pag-asa sa hinaharap na ipinangako ng Bibliya sa Apocalipsis 21:3, 4. Kami’y humihinto sandali para magsalu-salo sa pananghalian na mistulang piknik at pagkatapos ay nagpapatuloy ng pakikipag-usap sa mga tao hanggang ika-3:00 n.h. Pagkatapos ay bumabalik kami sa daungan upang hintayin ang bangka na sasakyan uli namin. Minsang nakasakay na ang lahat, ang mga kapatid ay masayang nagkukuwento ng kani-kanilang karanasan.

“Sariwa pa sa alaala ng isang sister ang kaniyang kagalakan nang marinig niya ang isang babae sa gawing itaas niya na humihiyaw, ‘Sister, sister, narito ako. Bumalik ka na pala upang dalawin ako. Salamat, salamat.’ Siya’y tumingala sa sunud-sunod na baytang sa bundok at nakilala niya ang babaing masiglang kumakaway sa kaniya. Nang huling dalawin niya ang bayan-bayanang iyon ang babae ay nagpakita ng malaking interes nang kanilang pag-usapan ang tungkol sa Bibliya. Ang babae’y naghihintay sa kaniyang ipinangakong pagbabalik. Sila’y muling nagkapiling upang muling mag-aral ng Bibliya.

“Bagaman ang bawat isa ay nahahapo sa paglalakad ng malalayong distansiya sa mabatong kabundukan, sila’y sabik na malaman kung kailan ang susunod na pagbibiyahe. Nang sumapit na sa dalampasigan ang bangka, kami’y nagpaalaman na sa isa’t isa kasabay ng mga komento tungkol sa susunod na masayang okasyon.”

Dito Naman sa Mabababang Lugar sa Baybaying-Dagat

Ang Guatemala ay mayroon ding dalawang nagkakaibang baybayin: ang baybaying Pasipiko na may pambihirang maiitim na buhanginan at ang tabing-dagat ng Caribbeano na may maputing buhangin.

Sa 45-minutong pagbibiyahe mula sa kabisera patungo sa gawing Pasipiko, malaki ang ipinagbabago ng kapaligiran at ng klima. Mainit at maumidong lagay ng panahon ang umiiral sa kahabaan ng baybayin, na may kasamang pagdami ng mga insekto. Ang mga punong palma, niyog, at ceiba at ang maraming halaman ay patotoo na ikaw ay nasa tropiko. May malalaking kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa marami sa mga bayan ng rehiyong iyan.

Dito ang bisikleta ang humalili sa kabayo na dati’y siyang kinaugaliang gamitin, kaya karaniwan nang makikita ang ating mga kapatid na maliksing namimisikleta sa pagtawid sa mga taniman ng tubó sa kanilang pangangaral sa mga kubo. Isang kapatid na lalaki ang nagdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa isang lalaki na nakatira sa layong 35 kilometro. Sa linggu-linggo ay doble ng layong iyan ang nilalakbay niya sa kaniyang bisikleta upang turuan ang interesadong taong ito ng katotohanan sa Bibliya.

Malamang na aakalain mong ang pinasok mo’y isa pang naiibang bansa kung ang dadalawin mo ay ang magkakambal na daungan ng Santo Tomas de Castilla at Puerto Barrios sa baybaying Caribbeano. Ang istilo ng pamumuhay ay naiiba sa makikita sa natitirang bahagi ng Guatemala. Ang mga bahay ay may mga damuhan at mga halaman sa harap na nakikita ng lahat; pambihirang makakakita ka ng isang pader na bato sa palibot ng isang looban, na isang katangian naman ng Mexico at Sentral Amerika. Isa pa, hindi mo makikita rito ang pantribong kasuotan na palasak sa natitira pang bahagi ng buong Guatemala.

“Yamang ito’y isang bayang-daungan, may pagkakataon ka na ipaliwanag ang mensahe ng Bibliya sa lahat ng uri ng mga tao,” ang paliwanag ng isang buong-panahong ministro. “Pumasok ako sa isang bar na may umuugoy na mga pinto. Kinuha ng ‘ale’ ang alok na aklat at isang Bibliya, at ako’y kaniyang inanyayahan na bumalik upang turuan siya kung papaano pag-aaralan ang mga iyon. Nang ako’y bumalik nang sumunod na linggo, siya’y naghihintay na sa isang malaking mesa na kinaroroonan ng Bibliya at ng aklat. Ako’y kaniyang masayang sinenyasan upang maupo, at sinabihan akong maghintay sandali habang kaniyang tinatawag ang lahat ng ‘babae.’ Ibig niyang sila’y matuto rin. Bago ko natanto ang lahat, ang buong lamesa ay napalilibutan na ng kaniyang mga ‘babae.’ Pagkatapos ay binalingan niya ako at ang sabi, ‘Bueno ipakita mo sa amin kung papaano mag-aaral ng Bibliya.’ Naisip ko tuloy: ‘Ano’t napasuot ako sa ganito?’ Subalit mahinahong nagpatuloy ako, na parang sanay akong makipag-aral ng Bibliya sa isang bar.” Ang ale ay mabilis na sumulong, iniwan ang kaniyang negosyo, at naging bautismadong Saksi. Ngayon siya ay aktibo sa ibang kongregasyon at nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga interesado.

Sa isang oras na pagbibiyahe sa canoe pagkatapos tumawid sa loók ay darating tayo sa nakabibighaning bayan ng Livingstone, isang tulóg na bayan ng palakaibigang mga tao na naimpluwensiyahan nang malaki ng pamahiin at voodoo ng mga Aprikano. Karaniwan na’y makaririnig ka roon ng tunog ng mga tambol sa kadiliman ng gabi at makakapanood ka ng istilong-Aprikanong pagsasayaw sa mga lansangan kung may mga kapistahan. Mahahalata mo rin ang isang diyalektong nakatutuwa sa pandinig​—Caribe, o Garifuna. Isang maliit ngunit mabilis lumagong grupo ng mga tagapagbalita ng Kaharian ang naglilingkod para matulungan ang mga tao roon.

Karahasan at Pag-uusig ang Kabaligtaran ng Kapayapaan

May mga suliranin na bumangon noong 1982 nang ang bagong pangulo ng Guatemala ay nagtangkang sugpuin ang kilusang gerilya na naging mabilis ang pagsulong nang ang namumuno’y ang kaniyang hinalinhan. Ang kaniyang estratehiya ay ang pagbuo ng mga patrolyang sibilyan na binubuo ng mga armadong sibilyan na nagpapatrolya sa mga kalye kung gabi, nagtatanggol sa mga bayan at nagtatawag-pansin sa militar ng anumang kahina-hinalang aktibidad. Sa maraming lugar ang kilusang ito ng mga patrolyang sibilyan ay nagsilbing isang pagsubok sa pagkaneutral ng ating mga kapatid.

Sa isang bayan ang buong kongregasyon ay ginipit upang labagin ang kanilang pagkaneutral bilang mga Kristiyano sa pamamagitan ng pagsali sa pagpatrolya. Palibhasa’y binantaan sila na papatayin, sila’y nagsitakas at naparoon sa kabisera, na kung saan sila’y pansamantalang tumuloy sa isang Kingdom Hall hanggang sa sila’y patuluyin sa mga tahanan ng mga kapatid. Oo, maraming kapatid ang nagtiis ng matitinding pagsubok at pag-uusig samantalang pinagtatangkaan ng militar na puwersahin silang magpatrolya.

Isang kapatid na lalaki ang nagbibida: “Ako’y 20 anyos at naninirahang kasama ng aking kapatid at ng kaniyang maybahay. Ang aking suliranin ay nagsimula nang ang kilusang gerilya at militar ay dumating na roon sa bukid na aking pinagtatrabahuhan. Minsan, sa mismong harap namin, walong katao ang kinuha samantalang nakaamba sa kanila ang baril. Dalawa lamang ang nakabalik; yaong anim ay hindi na nakita.

“Noong Abril 1984 ay may mga sundalong dumating sa rantso upang humanap ng mga bagong rekluta. Kanilang hiniling sa amin na mga magkakamanggagawa na kami’y umanib sa hukbo. Nang ako’y tumanggi, kanilang ginulpi ako nang walang patumangga. Nang makita ito ng aking mga kamanggagawa, sila’y nag-iyakan na mistulang mga bata, anupa’t ipinamanhik sa akin na kunin ko ang armas at ako’y magsundalo na. Isang sundalo ang sumakal sa akin sa leeg at kaniyang piningot ang aking tainga samantalang isa ang pumipigil sa akin upang may isa namang sumampal at sumipa sa akin. Isang opisyal ang nagalit at sumigaw, ‘Ano ka ba? Ikaw ba’y hayop, o ikaw ba’y Diyos?’ Sa wakas ay isa pang opisyal ang dumating at ang sabi, ‘Pabayaan ninyo siyang mag-isa sapagkat ganiyan ang mga Saksi. Papatayin mo muna sila bago sila sumunod.’ Ang unang opisyal ay nagsabi, ‘Barilin na siya!’ Ngunit sa halip ay kinuha lamang niya ang kaniyang baril at pinukpok ako sa sikmura ng puluhan ng kaniyang riple. Nang sila’y kumbinsido nang hindi ako sásama sa kanila, sila’y huminto ng panggugulpi sa akin. Pagkaraan ng tatlong araw, ako’y pinalaya nila. Sa tulong ni Jehova ay hindi ko hinayaang masira ang aking katapatan. Kaya naman sinasabi ko sa mga ibang kabataan na sila’y lubusang magtiwala kay Jehova, na siyang tutulong sa atin na magtiis kung kailangan.” Nakatutuwa, ang kalagayan ay nagbago pagkatapos na manungkulan ang bagong pangulo simula noong Enero 1986.

Kaylapit-lapit nang ang pagkakaiba na namamagitan sa digmaan at kapayapaan, sa kayamanan at karalitaan, sa buhay at kamatayan, ay mapaparam na magpakailanman. Sa napipintong pangglobong Paraiso, ang kaiga-igayang pagkakaiba sa pagitan ng gabi at araw, ng bundok at ng libis, ng humuhugong na karagatan at ng tahimik na mga loók, ay tatamasahin ayon sa nilayon ng Diyos na Jehova. Baka ikaw ay naroroon din kung, katulad ng mahigit na sampung libong mga tagapagbalita ng Kaharian sa Guatemala, ikaw ay buong pusong tatanggap sa mabuting balita.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share