Pamamahala ng Diyos ang Pinakamagaling na Paraan
SA KASAYSAYAN ng mga pamahalaan ay maliwanag na ang di-sakdal na mga tao’y hindi wastong makagagamit ng kapangyarihan sa mga ibang tao. Gaya ng sinabi ni Lord Acton ng Inglatera: “Ang kapangyarihan ay umaakay sa kalikuan at ang ganap na kapangyarihan ay lubusang humahantong sa katiwalian.” Samakatuwid, gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.”— Eclesiastes 8:9.
Nang pasimula, binigyan ng Diyos na Jehova ang tao ng kapangyarihan sa mga hayop subalit hindi sa mga tao. Sinabi ng Diyos sa kaniyang unang nilalang na Anak sa langit: “Gawin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis, at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa maaamong hayop at sa buong lupa at sa bawat hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:26) Ang Maylikha sa tao ang kaniyang Pinuno. Kung gayon, papaano nga nagbago iyon?
Sapol ng maghimagsik ang tao sa halamanan ng Eden, siya’y nagpatuloy na itakuwil ang Diyos bilang kanyang sarili. Nang ang mga Israelita ay humiling ng isang taong hari, sinabi ni Jehova sa kanyang propetang si Samuel: “Hindi ikaw ang kanilang tinanggihan, kundi ako ang kanilang tinanggihan sa paghahari sa kanila.”—1 Samuel 8:7.
Ang pagkapunò ng Diyos sa mga Israelita ay mapagkawanggawa. Sa pamamagitan ng kaniyang kinatawang si Moises, sila’y binigyan ni Jehova ng isang kodigo ng mga batas na nagpapakita ng maibiging konsiderasyon ukol sa kanilang ikabubuti. Ito’y nagsanggalang sa kanila buhat sa maraming sakít at nag-utos na pakundanganan ang matatanda, ang mga babaing balo, at ang mga ulila. Iniutos ng Kautusan na igalang ang ari-arian ng iba at maging tapat ang isang tao sa mga pakikitungong may kinalaman sa pangangalakal. Ibinawal nito ang pagtatangi, ang bulaang pagsaksi, at ang pagsuhol. Tunay na ang pamamahala ng Diyos ay makatarungan at matuwid.
Ipinangako ni Jehova na siya’y maghahari hindi lamang sa Israel kundi sa buong sangkatauhan. Kaniyang aalisin sa makasalanang mga tao ang kapangyarihang mamahala sa kanilang kapuwa tao at ibibigay ang kapangyarihang ito sa kaniyang bugtong na Anak. Kaniyang inihula ito, at sinabi ng Diyos sa hula sa Ezekiel: “Ito rin nama’y hindi na mangyayari uli hanggang sa dumating yaong may legal na karapatan sa kaniya at aking ibibigay sa kaniya.”—Ezekiel 21:27.
Kay Jesu-Kristo ibinigay ng Diyos ang legal na karapatang magpunò sa sangkatauhan bilang isang kinatawan ng soberanya ni Jehova. Yamang ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ang pinakamagaling na paraan ng pagpupunò sa buong sangkatauhan, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na manalangin tungkol doon. “Manalangin nga kayo ng ganito,” ang sabi ni Kristo: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung papaano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
Sa paraan ng pakikitungo ni Jesus sa mga tao, kaniyang ipinakita kung anong uri siya ng tagapamahala. Tunay na si Kristo’y may pagkahabag, sapagkat “nang makita niya ang mga karamihan siya’y nahabag sa kanila, sapagkat sila’y pinagsasamantalahan at nakapangalat na tulad ng mga tupa na walang pastol.” (Mateo 9:36) Ipinakita ni Jesus ang tindi ng kaniyang pag-ibig sa kaniyang mga tagasunod nang kaniyang sabihin: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; kung papaanong inibig ko kayo, kayo man ay mag-ibigan sa isa’t isa.” (Juan 13:34) Ganiyan na lang ang kaniyang pag-ibig sa mga tao na anupa’t ibinigay niya ang kaniyang buhay bilang isang pantubos. Sa pamamagitan ng haing iyon ang lahat ng tatanggap niyaon ay makalalaya sa kasalanan, sa sakít, at maging sa kamatayan man.—1 Juan 2:1, 2; Apocalipsis 21:1-4.
Nang ihula kung papaanong sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ang pamamahala ng Diyos ay magiging makatarungan, matuwid, at mapayapa, ang propetang si Isaias ay kinasihan na sumulat: “Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang maharlikang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag at upang alalayan ng katarungan at ng katuwiran, mula ngayon hanggang sa panahong walang takda. Ang mismong sikap ni Jehova ng mga hukbo ang magsasagawa nito.”—Isaias 9:6, 7.
Ang makalupang mga kinatawan ng pamamahala ng Diyos ay makakatulad ng mga lalaking ngayo’y kababanaagan ng maibiging mga katangian ni Jesus bilang mga tagapangasiwa sa tunay na kongregasyong Kristiyano. Di-tulad ng mapaghari-hariang klero, ang mga lalaking ito ay nagpapakita ng maibiging pagmamalasakit sa kawan, gaya ng pagmamalasakit ni Jesu-Kristo. Tungkol sa gayong maka-Diyos na mga tao, si propeta Isaias ay sumulat: “Narito! Isang hari ay maghahari ayon sa katuwiran; at tungkol sa mga prinsipe, sila’y magpupunò bilang mga prinsipe ayon sa katarungan.” (Isaias 32:1) Ang gayong mga kinatawan ng pamamahala ng Diyos ay maglilingkod din sa banal na mga kapakanan sa bagong sanlibutan.—Awit 45:16.
Isang Napakalaking Pagbabago ang Napipinto Na!
Bago mapasakamay ng Kaharian ng Diyos ang lubusang pamamahala sa sangkatauhan, isang napakalaking pagbabago ang kailangang maganap. Ang pagbabagong ito ang magdadala ng wakas sa pambansang pagkakabaha-bahagi. Sa halip na ang umiral ay maraming nagbabaka-bakang mga pamahalaan ng tao, magkakaroon ng iisang matuwid na pamahalaang makalangit na siyang tagapagkaisa sa sangkatauhan upang maging isang bayan na namumuhay sa kapayapaan. Ganito ang inihula ni propeta Daniel: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng kahariang ito [mga pamahalaan ng tao], at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”—Daniel 2:44.
Ang pamamahala ng Diyos ang siyang tanging sagot sa mga suliranin ng pamahalaan na nakaharap sa sangkatauhan ngayon. Dahil sa kalagayan na kinaroroonan ng mga tao ngayon ang kanila mismong buhay ay nasa panganib! At talagang walang tao na makalulutas ng suliraning iyon. Kung gayon, isang katalinuhan na bigyang-pansin ang ibinibigay ng Bibliya na lunas at hintayin nang may pagtitiwala ang panahon na napakalapit na kapag ang matuwid-pusong mga tao ay mangagagalak sa ilalim ng pinagpalang pamamahala ng Diyos na hindi madadaig ninuman.
[Larawan sa pahina 6]
“Isang hari ay maghahari ayon sa katuwiran”