Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 9/1 p. 3-4
  • Ang Pamamahala ng Klero—Iyan ba ang Sagot?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pamamahala ng Klero—Iyan ba ang Sagot?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nang ang Klero ang Namamahala sa Europa
  • Hinatulan ng Diyos “ang Taong Tampalasan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • 500 Taon ng Calvinismo​—Ano ang Nagawa Nito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Michael Servetus—Nag-iisa sa Paghahanap ng Katotohanan
    Gumising!—2006
  • “Tudlaan ng Pagkapoot ng Lahat ng mga Bansa”
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 9/1 p. 3-4

Ang Pamamahala ng Klero​—Iyan ba ang Sagot?

ANG mga tao sa buong daigdig ay sawâ na sa pang-aapi, paniniil, at katiwalian sa pulitika. Ibig nila ng isang bagay na lalong mainam at ito’y mahahalata sa kanilang pagsisikap na halinhan ang mga lider sa pulitika. Subalit ang mga bagong lider ay pambihira kung sakali man na magdulot sa mga mamamayan ng kasiyahan.

May mga nag-iisip na ang resulta ng pamamahala ng klero ay isang lalong mabuting pamahalaan. Sila’y naniniwala na ang mga klerigo ay magdadala sa pamamalakad ng pamahalaan ng mga katangiang maka-Diyos. Marahil ay sa ganitong kaisipan ang klerigong si Marion (Pat) Robertson, isang umaasang magtatagumpay sa panguluhan ng E.U. noong 1988, ay nanalangin na “maka-Diyos na mga tao” sana ang manalo sa katungkulang pulitikal. Subalit ito kaya ang talagang kasagutan sa kinakailangang lalong mabubuting tagapamahala?

Nang ang Klero ang Namamahala sa Europa

Noong panahon ng Edad Medya, ang klero ay may malawak na kapangyarihan sa pulitika. Aba, ang mga papa ay nagpuputong ng korona at nag-aalis sa trono sa mga hari! Noong 800 C.E., pinutungan ng korona ni Papa Leo III ang hari ng mga Frank na si Carlomagno bilang emperador ng Banal na Emperyong Romano. Sa loob ng isang libong taon, ang emperyong ito ay kumatawan sa pagkakaisa ng Simbahan at Estado, at sa panahong iyan ang klero ay nagtamasa ng sarisaring antas ng kapangyarihan sa makapulitikang mga maykapangyarihan.

Pasimula noong ika-11 siglo, ang papado ang gumanap ng tungkuling pagkalider sa Europa. Sa bagay na ito, The Columbia History of the World, editado ni John Garraty at Peter Gay, ay nagsasabi: “Ang simbahan ang pinakadakilang gobyerno ng Europa.” Napuna rin ng aklat na ito na ang simbahan ay “naghawak ng lalong malaking kapangyarihang pulitikal kaysa anumang ibang gobyerno sa Kanluran.” Ano ba ang katayuan ng mga mamamayan sa ilalim ng pamamahala ng klero?

Walang sinumang malaya na sumumpa ayon sa kaniyang magalingin o magpahayag ng kaniyang mga opinyon na kakaiba sa taglay ng klero. Ang ganitong panunupil na ginawa ng klero ay lumikha ng malaking takot sa buong Europa. Itinatag ng simbahan ang Inkisisyon upang iligpit ang mga taong mangangahas magtaglay ng naiibang paniniwala. Itinuturing na mga erehes, sila’y dinala sa harap ng mga inkisidor, na siyang mga nambugbog sa kanila para sila’y mangumpisal. Kalimitan, yaong mga nasumpungang nagkasala ay sinusunog sa tulos.

Tungkol sa pamamahala ng klero sa Espanya, The Columbia History of the World ay nagsasabi: “Ang mga digmaan at ang idiolohiya ng krusada ang nagbuklud-buklod sa isang tatag at mapagmatang aristokrasya at klero na may hawak ng lahat ng renda ng kapangyarihan sa estado. Ang buhay ng mga intelihente ay napilayan dahilan sa pagsenso at sa Inkisisyon, na ginagamit laban sa kaninuman na pumuprotesta laban sa opisyal na teolohiya o sa patakaran ng estado.”

Sa kaniyang aklat na The Age of Faith, sinabi ni Will Durant: “Binibigyan ng lahat ng pataan na hinihiling sa isang historyador at ibinibigay sa isang Kristiyano, ang Inkisisyon, kasama ng mga digmaan at mga pag-uusig sa panahon natin, ay maihahanay natin sa ranggo ng pinakamaitim na mantsa sa kasaysayan ng sangkatauhan, nagsisiwalat ng isang kabagsikan na hindi taglay ng alinmang ganid na hayop.” Noong Edad Medya, ang pamamahala ng klero ay nangahulugan ng pagkawasak ng personal na kalayaan.

Ang Protestanteng repormista bang si John Calvin ay napaiba sa klerong Katoliko? Bueno, isaalang-alang ang nangyari nang si Michael Servetus ay tumakas buhat sa pag-uusig ng klerong Kastila at nadakip sa Geneva, Switzerland. Doon, si Calvin ay nagtayo ng isang pamayanan na kung saan siya at ang kaniyang mga ministro ay nagpunò na taglay ang lubos na kapangyarihan. Dahilan sa itinatuwa ni Servetus ang Trinidad, nagawa ni Calvin ang hindi naisipang gawin ng Inkisisyon. Si Servetus ay hinatulan ng kamatayan dahilan sa pagkaerehes at sinunog sa tulos. Si Calvin ay nagpakita ng kaparehong pagkapanatiko na gaya ng klerong Katoliko.

Ang panunupil ba ng klero sa mga pamahalaang pulitikal ay nagdala ng kapayapaan sa mga mamamayan ng Europa? Hindi, hindi nga. Sa halip na magtamasa ng kapayapaan, sila’y nagtiis nang matagal sa mga digmaan na klero ang may kagagawan. Si Papa Urbano II ang naglunsad ng Unang Krusada at sa gayo’y nagsimula ang sunud-sunod na mga digmaan na tumagal nang may 200 taon. Bukod diyan, ang mga digmaang likha ng klero laban sa mga mamamayan na itinuturing na mga erehes ay humantong sa kamatayan ng libu-libong mga lalaki, babae at mga bata.

Inalis ba ng pamamahala ng klero ang kabulukan? Hindi bahagya man. Ang aklat na A History of the Modern World, ni R. R. Palmer at Joel Colton, ay nagsasabi: “Higit at higit na ang buhay ng simbahan ay pinasamâ ng salapi. Walang sinumang naniniwala sa suhol; subalit lahat ay nakababatid na marami sa matataas na mga klerigo (tulad ng maraming matataas na opisyales ng pamahalaan noon) ay naaaring masuhulan.” Ang katiwalian sa gitna ng klero ay isang karaniwang reklamo.

Ang pamamahala ba ng klero ay nagbunga ng habag sa karaniwang mamamayan? Hindi sa anumang paraan. Halimbawa, pag-isipan ang nangyari nang si Cardinal Richelieu ng Pransiya ay manaig sa pamamalakad ng pamahalaan noong panahon ng paghahari ni Louis XIII. Sa aklat na The History of the Nations, editado ni Henry Cabot Lodge, sinasabi na “ang patakaran [ni Richelieu] ay salig sa panunugpo sa mga kalayaang Pranses.”

Sa Mexico noong ika-17 siglo, ang mga bayang Indiyan ay malimit na pinamamahalaan ng klero. Sang-ayon sa aklat na Many Mexicos, ni Lesley Simpson, itinuring ng klero na ang gulpihang poste ay “isang di-maihihiwalay na tulong para sa pagtatanim at pananatili ng mga katangiang Kristiyano, at gayundin para sa pagpaparusa sa mga kasalanan laban sa pamahalaan.”

Sa pamamagitan ng mga aklat ng kasaysayan ay nasusuri natin ang rekord ng pamamahala ng klero sa lumipas na daan-daang taon. Ano ba ang isinisiwalat ng rekord? Ang nakagigitlang pagwawalang-bahala sa kaligayahan, kalusugan, at kalayaan ng karaniwang mamamayan. Oo, ang pamamahala ng klero ay pagmamalupit ng isang naghahari-harian na mahirap pagtiisan. Gaya ng isinulat ni Daniel Defoe sa kaniyang aklat na The True-Born Englishman: “At sa lahat ng salot na sumasalot sa sangkatauhan, ang kalupitan ng klero ang pinakamalala.”

Maliwanag, kung gayon, na ang pamamahala ng klero ay hindi siyang kasagutan ng pangangailangan ng tao ng isang lalong mabuting pamahalaan. Kung gayon, kanino tayo makababaling? Ang sagot ay nasa abot ng lahat, gaya ng makikita natin.

[Larawan sa pahina 4]

Ang Protestanteng si Calvin ay nagpakita ng gayunding pagkapanatiko na gaya ng klerong Katoliko

[Credit Line]

Sa Kagandahang-loob ng Tagapangalaga ng British Museum

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share