Mainit ba ang Impiyerno?
“SA ISANG punto sa mga taon ng mil nueve siyentos seisenta, nawala na ang Impiyerno.” Ganiyan ang sabi ng autor Britano na si David Lodge sa kaniyang aklat na Souls and Bodies, at sa kaniyang mga salita ay nababanaag ang kaisipan ng maraming Katoliko at Protestante noong mga dekada pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig. Sa loob ng isang panahon, marami sa mga pangunahing relihiyon ang medyo nagdahan-dahan sa kanilang opisyal na doktrina ng isang nag-aapoy na impiyerno sa kanilang pagsisikap na makibagay sa nauusong modernong kaisipan.
Ang ideya ng pagpaparusa pagkatapos ng kamatayan ay lalo nang di-matanggap ng mga tao dahilan sa ang paniniwala sa kasalanan mismo ay naging malabo sa kanilang mga isip. Kinapanayam noong 1984, si Kardinal Ratzinger ng Roma ay nagsabi: “Ang ating sibilisasyon . . . ay nakatutok sa nagpapagaan na mga kalagayan at pagdadahilan sa pagtatangkang pawiin ang pagkadama ng mga tao ng pagkakasala, ng kasalanan . . . , ang mismong katunayan na dito iniuugnay ang paniniwala sa impiyerno at Purgatoryo.”
Posible ba sa ngayon na maniwala sa pagiging tunay ng kasalanan nang hindi tinatanggap ang doktrina ng pagpaparusa pagkatapos ng kamatayan sa purgatoryo at impiyerno? Isang kamakailang aklat, Abrégé de la foi catholique (Sumaryo ng Pananampalatayang Katoliko), na may paunang-salita ng Pranses Kardinal Decourtray, ang nagharap ng tahasang katanungan: “Kailangan bang maniwala sa impiyerno?” Ang sagot: “Hindi maaari na makaiwas sa nakatatakot na katanungan tungkol sa impiyerno.” Ang kathang Vatican Council II—More Postconciliar Documents (1982) ay sumisipi sa “The Credo of the People of God” na nagsasabi: “Kami’y naniniwala . . . [na] yaong mga nagsitugon sa pag-ibig at awa ng Diyos ay tutungo sa buhay na walang-hanggan. Yaong mga tumanggi sa mga ito hanggang sa wakas ay dadalhin sa apoy na walang-hanggan.”
Samakatuwid, sa kabila ng lahat ng pagsisikap ng mga teologo na patunayan na walang katotohanan iyon, ang apoy ng impiyerno ay isa pa ring bahagi ng opisyal na turong Katoliko. Gayunman, sa A New Dictionary of Christian Theology (1983) ay binabanggit ang “kahihiyan” at ang “di-kaalwanan” na idinudulot ng doktrina ng walang-hanggang pagpaparusa sa maraming mga miyembro ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Sila’y nagkakaroon ng suliranin na iugnay ang turong ito sa paniwala tungkol sa isang Diyos ng pag-ibig. Sila’y nagtatanong nang may pagtataka: ‘Ang nag-aapoy na impiyerno ba ay talagang isang doktrinang Kristiyano at nasa Bibliya? Kung hindi, saan ba ito nagmula?’
[Larawan sa pahina 3]
Bourges Cathedral, France