Ang Pinagmulan ng Impiyerno
“ANG impiyerno,” paliwanag ng New Catholic Encyclopedia, ang salita na “ginagamit upang tumukoy sa dako ng mga napahamak.” Sang-ayon sa isang ensayklopediang Protestante, ang impiyerno “ang lugar ng hinaharap na pagpaparusa sa mga balakyot.”a Subalit hindi lamang ang mga pangunahing relihiyon ang naniniwala sa gayong dako ng kaparusahan pagkamatay ng isa. Ito’y nagsimulang umiral maraming daan-daang taon na bago umiral ang Sangkakristiyanuhan.
Ang Impiyerno ng mga taga-Mesopotamia
Mga 2,000 taon bago isinilang si Jesus, ang mga Sumerio at ang mga Babiloniko ay naniniwala sa isang daigdig sa ilalim ng lupa na kanilang tinatawag na Lupain ng Kawalang-Pag-asa. Ang sinaunang paniniwalang ito ay mababanaag sa mga tulang Sumerio at Akkadio na kilala sa tawag na “Ang Epiko ni Gilgamesh” at ang “Pagbaba ni Ishtar sa Daigdig sa Ilalim.” Kanilang inilalarawan ang tirahang ito ng mga namatay bilang isang bahay ng kadiliman, “ang bahay na hindi na maaaring lisanin niyaong mga pumasok doon.”
Tungkol naman sa mga kalagayang umiiral doon, isang sinaunang tekstong Asiryo ang nagsasabi na “ang daigdig sa ilalim ay punô ng kakilabutan.” Ang prinsipeng Asiryo na ipinagpapalagay na nakasilip sa tirahang ito ng mga patay sa ilalim ng lupa ay nagpatotoo na, “nanginig ang kaniyang mga paa” sa kaniyang napagmasdan doon. Sa paglalarawan kay Nergal, na hari ng daigdig sa ilalim, siya’y sumulat: “Kasabay ng isang mabalasik na sigaw siya’y nagtitili sa akin nang may pagkagalit tulad ng isang nagngangalit na bagyo.”
Mga Relihiyon sa Ehipto at sa Silangan
Ang sinaunang mga Ehipsiyo ay naniniwala sa pagkawalang kamatayan ng kaluluwa, at sila’y may sariling paniwala tungkol sa kabilang daigdig. Sinasabi ng The New Encyclopœdia Britannica: “Sa Ehipto ang mga aklat tungkol sa mga nangamatay ay tumatalakay sa mga daan na patungo sa susunod na daigdig bilang punung-punô ng katakut-takot na mga panganib: nakakikilabot na mga halimaw, mga dagat-dagatang apoy, mga pintuang pasukan na hindi mo mapapasukan kundi sa pamamagitan ng paggamit ng mga pormula sa madyik, at isang nakatatakot na ferryman [tagapagtawid] na ang masamang intensiyon ay kailangang biguin sa pamamagitan ng madyik.”
Ang mga relihiyong Indo-Iranian ay nakapagpaunlad ng iba’t ibang paniniwala tungkol sa pagpaparusa pagkamatay. Tungkol sa Hinduismo, ang Pranses na Encyclopœdia Universalis (Universal Encyclopedia) ay nagsasabi: “May napakaraming paglalarawan ng 21 impiyerno na naguguniguni ng mga Hindu. Ang mga makasalanan ay nilalamon ng mababangis na hayop at ng mga ahas, pinahihirapan na litsunin, nilalagari at pinagpuputul-putol, pinahihirapan sa pamamagitan ng pagkauhaw at pagkagutom, pinakukuluan sa langis o nililigis hanggang sa mapulbos sa mga sisidlang bakal o bato.”
Ang Jainismo at Buddhismo ay kapuwa may kani-kanilang bersiyon ng impiyerno, na kung saan ang mga makasalanang di-nagsisisi ay pinahihirapan. Ang Zoroastrianismo, na itinatag sa Iran, o Persya, ay mayroon ding impiyerno—isang malamig, mabahong lugar na kung saan ang mga kaluluwa ng mga makasalanan ay pinahihirapan.
Kapuna-puna, lumilitaw na ang pagpapahirap na ginagawa ayon sa mga bersiyon ng impiyerno na Ehipsiyo, Hindu, Jain, Buddhista, at Zoroastriano ay hindi walang-hanggan. Sang-ayon sa mga relihiyong ito, pagkatapos ng isang yugto ng panahon ng pagdurusa, ang mga kaluluwa ng mga makasalanan ay lumilipat sa mga ibang dako o estado, depende sa partikular na paniniwala ng relihiyon tungkol sa patutunguhan ng tao. Ang kanilang mga ideya ng impiyerno ay nahahawig sa purgatoryo ng Katolisismo.
Mga Impiyerno ng Griego, Etruskano, at Romano
Ang sinaunang mga Griego ay naniniwala sa pagsasakabilang-buhay ng isang kaluluwa (psy·kheʹ, ang salitang ginagamit din nila para sa paruparo). Ang tawag nila sa Hades ay ang dako ng mga patay at sila’y naniniwala na iyon ay pinaghaharian ng isang diyos na may ganoon ding pangalan. Sa kaniyang aklat na Orpheus—A General History of Religions, ang iskolar Pranses na si Salomon Reinach ay sumulat tungkol sa mga Griego: “Ang isang malaganap na paniniwala ay na pumasok [ang kaluluwa] sa mga rehiyon ng impiyerno pagkatapos tumawid sa ilog Styx sa bangka ng matandang tagapagtawid-ilog na si Charon, na ang tinatanggap na bayad sa pagtatawid ay isang obolus [barya], na inilalagay sa bibig ng taong patay. Sa mga rehiyon ng impiyerno ay humaharap ito sa tatlong hukom ng lugar . . . ; kung ito’y hinatulan dahil sa ginawang mga krimen, ito’y kailangang magdusa sa Tartarus. . . . Ang mga Griego ay umimbento pa man din ng isang Limbo, ang tirahan ng mga bata na namatay sa pagkasanggol, at isang Purgatoryo, na kung saan ang paglalapat ng isang bahagyang parusa ang naglilinis sa mga kaluluwa.” Sang-ayon sa The World Book Encyclopedia, ang mga kaluluwang pumupunta sa Tartarus ay “dumaranas ng walang-hanggang pahirap.”
Sa Italya ang mga Etruskano, na ang kabihasna’y nauna sa kabihasnan ng mga Romano, ay naniniwala rin sa pagpaparusa pagkamatay. Ang Dictionnaire des Religions (Dictionary of Religions) ay nagsasabi: “Ang labis na pangangalaga ng mga Etruskano sa kanilang mga patay ay ipinaliliwanag ng kanilang paniniwala tungkol sa mga rehiyong pinupuntahan ng mga patay. Tulad ng mga Babilonyo, ang mga ito ay kanilang itinuturing na mga dako ng pagpapahirap at kawalan ng pag-asa para sa mga manes [mga espiritu ng mga namatay]. Ang tanging kaginhawahan para sa kanila ay manggagaling sa pantakip-salang mga handog na ibinibigay ng kanilang mga inapo.” Isa pang aklat reperensiya ang nagsasabi: “Ang mga libingang Etruskano ay makikitaan ng mga eksena ng kakilabutan na naging inspirasyon ng mga Kristiyano sa pagpipinta ng impiyerno.”
Ang mga Romano ang nanghiram ng impiyernong Etruskano, na Orcus o Infernus ang itinawag nila roon. Kanila ring hiniram ang mga alamat Griego tungkol kay Hades, ang hari ng daigdig sa ilalim, at tinawag siya na Orcus o Pluto.
Ang mga Judio at ang Kasulatang Hebreo
Kumusta naman ang mga Judio bago noong kaarawan ni Jesus? Tungkol sa kanila, mababasa natin sa Encyclopœdia Britannica (1970): “Mula ng ika-5 siglo B.C. pasulong, ang mga Judio ay matalik na mga kahalubilo ng mga Persiyano at Griego, na kapuwa may maunlad na mga ideya tungkol sa kabilang-buhay. . . . Nang dumating ang panahon ni Kristo, nagkaroon ang mga Judio ng isang paniwala na ang balakyot na mga kaluluwa ay parurusahan sa Gehenna pagkamatay.” Subalit, ang Encyclopœdia Judaica ay nagsasabi: “Ang huling ideyang ito tungkol sa Gehenna ay hindi masusumpungan sa Kasulatan.”
Ang huling pangungusap na ito ang tama. Walang sinasabi sa Kasulatang Hebreo tungkol sa pagpaparusa sa kaluluwa sa isang maapoy na impiyerno pagkamatay. Ang nakakikilabot na doktrinang ito ay nagsimula noon pagkatapos ng Baha sa mga relihiyon ng Babilonya, hindi sa Bibliya. Ang doktrina ng Sangkakristiyanuhan na pagpaparusa sa impiyerno ay nagmula sa sinaunang mga Babilonyo. Ang Katolikong ideya ng pansamantalang pagdurusa sa purgatoryo ay uso na sa sinaunang mga relihiyon sa Ehipto at sa Silangan. Ang Limbo ay kinopya sa Griegong mitolohiya. Ang mga pagdarasal at mga paghahandog para sa mga namatay ay kaugalian ng mga Etruskano.
Subalit sa anong saligang pala-palagay nakasandig ang mga doktrinang ito ng may kamalayang pagpaparusa?
[Talababa]
a M’Clintock and Strong’s Cyclopœdia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature, Tomo 4, pahina 165.
[Larawan sa pahina 5]
Pagtawid sa Styx ayon sa paglalarawan sa “Impiyerno” ni Dante
[Credit Line]
Dover Publications, Inc.