Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
‘Isang Mahusay na Ulat Buhat sa Malalayong Lupain’
◻ SA TAGANAS ang yelong Greenland may mga mamamahayag na naglalakbay at nangangaral ang nakakilala ng isang kabataang Norwego na tumanggap sa aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Gayunman, hindi siya nagpakita ng malaking interes. Sa kanilang sumunod na pagdalaw sa malayong lugar na ito, kaniyang sinabi sa kanila na kaniyang nabasa nang kung ilang ulit ang aklat at ibig niya ng higit pang mga aklat. Nag-iwan sa kaniya ng mga ilang aklat at mga brosyur. Ikinalungkot niya nang sabihin na hindi makababalik ang mga mamamahayag sa susunod na taon ngunit hiningi niya ang direksiyon ng tirahan ng mga Saksi. Isang buwan ang nakalipas, sa kanilang pagtataka, siya’y tumuktok sa kanilang pinto. Kaniyang ibinida na siya pala’y tuluy-tuloy na nahulog sa isang butas sa yelo kasama pati ang kaniyang scooter na pangyelo sa pagpunta niya sa kaniyang bangka, at gumugol siya ng anim na oras ng paglalayag upang makarating sa mga Saksi. Ibig niyang makakuha ng higit pang literatura at makipagtalakayan tungkol sa katotohanan. Siya’y dumalo sa pulong nang gabing iyon at nagplano na dumalo minsan isang buwan. Siya’y dumalo nang dumadalaw ang tagapangasiwa ng sirkito at napalakas nang husto. Siya’y humiwalay na sa kaniyang dating relihiyon at ngayo’y nangangaral ng mabuting balita sa kaniyang lugar. Kung panahon ng tagyelo na siya’y hindi makadalo sa mga pulong sakay ng bangka, siya’y sumasakay ng helicopter, na ginagastahan niya ng $150 isang biyahe.
Ilan sa atin ang kailangang gumawa ng ganitong pagsisikap upang mapasulong ang ating ministeryo?
◻ Marami ang tumutugon sa mabuting balita sa Madagascar. Bagaman ito’y mayroon lamang mahigit na 3,200 mamamahayag ng Kaharian, 16,205 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Ang mga kapatid ay gumagawa ng malaking pagsisikap na marating ang lahat ng tao sa isla.
Halimbawa, 17 sa 30 mamamahayag ng Isaonjo Congregation ang nagpasiyang magpatotoo sa isang teritoryo na kung ilang kilometro ang layo. Sila’y umalis sa kanilang nayon ng ikalabindalawa’t kalahati ng hatinggabi. May dalawang oras na sila’y naglakad sa matatarik na mga landas at tumawid sa mapuputik na mga latian. Pagkatapos ay pumasok sila sa tropikal na mga gubat ng alas 2:30 n.u. Dahilan sa madilim sa gubat, may mga kapatid na nahulog sa mabababang burol. Ang iba naman ay natalisod sa mga lawa ng tubig sa mga batuhan. Sa gubat ay may mga linta, at maraming insekto ang kumakagat sa kanila. Karamihan sa mga kapatid na babae ang dumaranas nito. Ang putik ay hanggang tuhod kung minsan. Lahat ng 17 mamamahayag ay nasasaktan sa anumang paraan, subalit sa wakas sila’y nakalalabas din sa gubat pagsapit ng 6:30 n.u.!
Ang paglilingkod sa larangan ay nagsisimula sa 6:45 n.u. May kabaitan namang tinatanggap ang mga mamamahayag ng karamihan ng tao. Ang isang sa simula’y hindi gayon ay yaong maybahay ng isang relihiyosong lider Protestante. Sinabi niya: “Mayroon akong sariling relihiyon; tama na iyan sa akin. Alam ko ang lahat ng sinasabi ng Bibliya.” At nang ilabas ng mamamahayag ang isang magasing Bantayan, may pangangalandakang tinanggihan iyon ng babae, na ang sabi: “Marami na akong mga iba pang bagay na binabasa.” Subalit siya’y nagsimulang magtanong: “Sino ka ba, at tagasaan, at sino ang nagpapunta sa iyo rito?” Pagkatapos na sumagot nang may kaamuan at ilahad sandali ang lahat ng pagsisikap na ginawa nila upang marating ang kanilang nayon, tinanggap ng babaing iyon Ang Bantayan, at ang sabi: “Bibilhin ko na ito. Baka Diyos nga ang nagsugo sa inyo, ano?”
Nang ala-1:30 n.h., ang 17 ay lumisan sa teritoryo upang umuwi na, at ang biyahe nila’y wala pang apat na oras sapagkat maliwanag pa noon. Sila’y pagod subalit ligtas, at mababakas sa kanilang mukha ang kagalakan. Ang sabi nila: “Ito’y isang di-malilimot na araw para sa 17 sa amin buhat sa Isaonjo Congregation.”
Tunay naman, ang espiritu ni Jehova ang nagpapakilos sa kaniyang nag-alay na mga lingkod upang mangaral ng mabuting balita ng Kaharian “sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa,” at marami ang tumutugon sa puspusang pagsisikap ng mga Saksi.—Gawa 1:8.
[Larawan sa pahina 31]
Daungan ng Umanak, Greenland