Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 12/15 p. 29
  • Ang Kahulugan ng mga Balita

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kahulugan ng mga Balita
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Hindi Bahagi ng Sanlibutan”
  • Hindi Kasalanan ang Magnakaw?
  • Idolatrosong Komersiyo
  • Bakit ang Pagnanakaw ay Dumarami?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Binibigyang-matuwid ba ng Karalitaan ang Pagnanakaw?
    Gumising!—1997
  • Pagnanakaw—Bakit Hindi Dapat?
    Gumising!—1995
  • Pagnanakaw
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 12/15 p. 29

Ang Kahulugan ng mga Balita

“Hindi Bahagi ng Sanlibutan”

Nang mahigit na isandaang libong katao ang dumagsa sa Olympic Stadium ng Kanlurang Berlin para sa katapusang sesyon ng German Evangelical Church Conference, ang pangulo ng iglesiya na si Helmut Simon ay nanawagan sa kanila na sila’y sumangkot sa pulitika.

Binanggit ni Simon ang mga isyu na gaya baga ng tamang paggamit sa mga ari-arian, pag-iingat ng ecology, pagtatatag ng isang makatarungang sistemang pangkabuhayan, paghinto na sa pagpaparamihan ng armas, at pag-aalis sa kawalang hanapbuhay. Kaniyang inaaakala na ang mga ito ay kabilang sa mga bagay na nagsisilbing panganib sa sangkatauhan. Upang ang mga nakikinig sa kaniya ay gisingin sa pangangailangan na apurahang harapin ang mga isyung ito, ang Alemang peryodikong Frankfurter Allgemeine Zeitung ay nag-ulat na “kaniyang sinabing walang mabuting maaaring maganap sa komunidad sa Kanluran at Silangan kaysa ang kanilang mga mamamayan ay mapasangkot sa pulitika.” Lahat ng dumalo ay hinimok ni Simon na “ituring na ang gayong pagkasangkot ay isang tungkulin at malasin ang komperensiya ng iglesiya bilang isang kilusang Protestante sa mga karapatang sibil.”

Subalit, ang mga tunay na Kristiyano kaya ay may karapatang makapagsasangkot ng kanilang sarili sa ganiyang mga kilusang pulitikal? Hindi baga’t sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan, [kagaya rin niya] na hindi bahagi ng sanlibutan”? (Juan 17:16) Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ipanalangin ang pagdating ng Kaharian ng Diyos bilang ang tanging tunay na pag-asa para sa sangkatauhan. Bakit? Sapagkat, gaya ng inihula ni propeta Daniel noong malaon nang panahong lumipas, ang Kaharian ng Diyos ang ‘dudurog at wawakasan nito’ ang bigong mga pamahalaan ng sanlibutan, “at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”​—Daniel 2:44.

Hindi Kasalanan ang Magnakaw?

Hindi ba kasalanan ang magnakaw? Hindi lagi, sang-ayon sa isang paring Katoliko na si Ivo Storniolo. Ang O Estado de S. Paulo, isang pahayagan sa Brazil, ang sumipi kay Storniolo sa kaniyang sinabing “pinagpapala ng Diyos at ginagawa niyang legal ang pagnanakaw na ginagawa ng mga dukha.” Nang bandang huli, kaniyang sinabi na ang tinutukoy niya ay “yaon lamang mga dukha na nagnanakaw upang may ikabuhay.” Sa liwanag ng sinabi ng paring ito, ang delingkuwenteng mga kabataan na nagnanakaw ay hindi dapat parusahan, sapagkat sila “sa nakaraang panahon ay ninakawan ng mga may kapangyarihan.” “Ayon sa kaniyang opinyon,” ang banggit ng O Estado, “ang marginais [mga yagit ng lipunan o mga misfits, na tumutukoy sa mga dukha, walang hanapbuhay] ay kabilang din ‘sa mga pinili ng Diyos.’”

Ang ganiyan bang pangangatuwiran ay sinusuportahan ng Bibliya? Hindi. Bagaman ipinayo ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na magpakita ng awa sa mga maralita, hindi niya sinabi na ang mga suliranin ng lipunan, tulad halimbawa ng karalitaan, ay isang matuwid na dahilan para magnakaw. Bagkus, gaya ng isinulat ni apostol Pablo: “Sinuman na isang magnanakaw ay kailangang huminto na ng pagnanakaw; sa halip ay dapat na magpagal at gamitin ang kaniyang sariling mga kamay sa mabuting bagay upang siya’y may maibahagi sa mga nasa pangangailangan.”​—Efeso 4:28, The New Jerusalem Bible.

Idolatrosong Komersiyo

Isang pambansang eksibisyon ng relihiyosong mga bagay at mga muwebles, na ginanap sa gawing norte ng Italya, ang nagbigay ng pagkakataon sa 97 mga kompanya na itanghal ang kanilang mga produkto. Kabilang sa mga bagay na itinanghal doon ay isang tagapagpainit, sumisipsip ng hugong na kumpisalan na may pangkalinisang grating at silyang may pading. Mayroon ding mga ilang “Pope John” walang-amoy na pampanatang mga kandila na may 40-oras na mga timer; de computer na mga konsiyerto ng tunog ng mga kampana; “safelike” armoradong mga kahong pangkawanggawa; edukasyonal na mga video para sa mga bata (alalaong baga, The Bible according to Johnny); at mga portfoliong di-tunay na katad at may laman na mga gamit para sa isang Misa sa labas.

Kasali rin sa pagtatanghal na iyon ang kausuhang kasuotan ng klero. Dalawang “disenyador ng kasuotang relihiyoso” ang nagpaliwanag sa pahayagang Italyano na La Stampa na ‘higit sa lahat, ang ibig ng mga nakababatang pari ay isang bagong hitsura, taganas na lana na may istilo-Aleman na burda, linear, uniporme, linso ngunit marangya. At ang negosyo, salamat sa Diyos ay mabuti ang takbo.’

Ang relihiyosong turismo ay lumilikha rin ng pananalapi para sa komersiyo. “Taun-taon may 15 milyong katao na naglalakbay para sa mga kadahilanang relihiyoso, at mga tour operators, relihiyoso man o hindi, ang nagkukumpitensiyahan upang magkaroon ng mga ito,” ulat ng Italyanong pahayagan na La Repubblica. Sa paghahalimbawa nito, ang pahayagang Italyanong Il Messaggero ay nagsasabi tungkol sa basilica ni “San” Anthony sa Padua na “ang mga tao’y naghuhulog ng angaw-angaw hindi lamang sa mga otel kundi lalo na sa mga kahong abuluyan sa basilica para sa mga banal na larawan at mga bagay na maiuuwi.”

Hindi nga katakataka na pagka ang Sangkakristiyanuhan, kasama na ang lahat ng huwad na relihiyon, ay pinuksa, ‘ang naglalakbay na mga mangangalakal sa lupa ay tatangis at mananaghoy dahil sa kaniya.’ Gaya ng pagpapatuloy pa ng Apocalipsis 18:11: “Wala nang bibili pa ng kanilang lahat na kalakal.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share