Pagka Kinuha ng Kamatayan ang Isang Minamahal
“NOONG 1981 ang aking ina ay namatay sa kanser. Siya ang umampon sa akin. Ang kaniyang kamatayan ay naging napakasaklap sa akin at sa aking kinakapatid na lalaki. Ako noon ay 17, at ang aking kinakapatid ay 11. Malaking kawalan sa akin ang aking ina. Ako’y pinalaki na isang Katoliko, at yamang itinuro sa akin na siya’y nasa langit, bueno, ibig ko na noon na magpatiwakal upang makapiling niya. Siya ang pinakamatalik na kaibigan ko.”—Roberta, 25 taóng gulang.
Nagkaroon ka na ba ng ganiyang karanasan? Kung gayon, tuwirang alam mo ang sakit ng loob na kaakibat ng pagkamatay ng isang minamahal. Wari ngang di-makatuwiran na ang kamatayan ay may kapangyarihan na agawin ang sinuman na iyong iniibig. At pagka nangyari iyan, sadyang mahirap tiisin ang kaisipan na ang iyong mahal ay hindi mo na makakausap, hindi na makikipagtawanan sa iyo, o mayayakap man lang. Gaya ng ipinakikita ng mga pananalita ni Roberta, ang sakit na iyan ng damdamin ay hindi napapawi ng pagsasabi sa iyo na ang iyong mahal ay naroroon sa langit.
Ngunit, ano kaya ang madarama mo kung alam mo na posibleng makapiling mo uli ang iyong namatay na minamahal sa malapit na hinaharap, hindi, hindi sa langit kundi dito mismo sa lupa sa gitna ng mga kalagayang mapayapa at matuwid? At ano kaya kung napag-alaman mo rin na sa panahong iyan ang mga tao ay magkakaroon ng pag-asang magtamasa ng sakdal na kalusugan at na hindi kakailanganin pang sila’y mamatay? ‘Tunay na isang guniguning walang saysay!’ marahil ay sasabihin mo.
Subalit, noon pa mang unang siglo C.E., lakas-loob na sinabi ni Jesu-Kristo: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Ang nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, bagaman siya’y mamatay, ay mabubuhay.” (Juan 11:25) Iyan ay isang pangako na ang mga patay ay muling mabubuhay—isang pag-asang totoong nakagagalak nga!
Pero, marahil ikaw ay mag-uusisa: ‘Mayroon bang matatag na batayan ang paniwala sa ganiyang pangako? Papaano ko matitiyak na iyan ay hindi isang guniguning walang-saysay? At kung may batayan upang paniwalaan iyan, ano kaya ang magiging kahulugan para sa akin at sa aking mahal sa buhay ng katuparan ng pangakong ito?’ Ang sumusunod na artikulo ang tatalakay sa mga ito at sa mga iba pang katanungan.