Ang Pagtatalo Tungkol sa Kamatayan ni Jesus
NOONG araw ng Paskuwa 33 C.E., tatlong pagbitay ang naganap. Tatlong nahatulang mga lalaki ang sama-samang dinala sa isang lugar sa labas ng pader ng Jerusalem at doon pinatay sa isa sa pinakamasaklap, at napakaabang paraan: ang pagbabayubay sa nakatindig na mga tulos na kahoy. Ang gayong mga pagbitay ay karaniwan na noong panahon ng mga Romano, kaya’t maaasahan na sa mga sandaling iyon ang mga pagpatay na ginawa noong Paskuwa ay matagal bago malimutan. Gayunman, isa sa mga lalaking pinaslang ay si Jesu-Kristo. Ang kaniyang kamatayan ay pinagmulan ng makasaysayang pagbabago sa relihiyon at pagtatalu-talo.
Halos dalawang libong taon na ang nakalipas sapol nang maganap ang pangyayaring iyon, kaya marahil ay aakalain mo na iyon ay isa lamang sinaunang kasaysayan. Gayunman, naiisip mo ba na ang pagtatalong ibinunga ay malayo pa sa kalutasan?
Gaya ng marahil alam mo, angaw-angaw ang naniniwala na alang-alang sa kanila namatay si Jesus. Sila’y masugid na naniniwalang ang kamatayan ni Kristo ang susi sa katubusan at kapatawaran ng mga kasalanan, na ang pananampalataya sa kaniyang kamatayan ang paraan ng kaligtasan. Ngunit, katakataka man, isang artikulo sa Anglican Theological Review ang nag-uulat na ang paboritong turong ito ay “may suliranin.” At ang “suliranin” ay nanggagaling sa mga lider ng relihiyon.
Ganito ang paliwanag ng Anglican Theological Review: “Ang doktrina ng pantubos may kaugnayan sa kaisipang Kristiyano ay may suliranin dahilan sa ang saligan nito sa Bibliya ay kinukuwestiyon, ang pagkabuo nito ay hitik sa panandalian [pangmadalian] na mga ideya . . . , at ang kapahayagan nito sa palasak na espirituwalidad ay nasa anyo ng personal na emosyonalismo at di-pinipintasang pagkamatuwid sa sarili.” Oo, kapuwa ang Protestante at Katolikong mga teologo ay hindi nakabuo ng anumang uri ng kasunduan tungkol sa kung ano, kung mayroon man, ang kahulugan ng kamatayan ni Jesu-Kristo.
Baka iniisip mo na ito ay pagbabangay-bangayan lamang ng ilang espesyalistang teologo, na ito’y may kaugnayan sa iyong buhay. Subalit pag-isipan mo ito: Kung ang kamatayan ni Jesus ay talagang walang kaugnayan sa iyong katayuan sa harap ng Diyos at sa iyong mga pag-asa na magtamo ng buhay na walang-hanggan (sa langit o saan pa man), kung gayon ang pagtatalong ito ay humihingi ng iyong pagsasaalang-alang.
Bakit ba ang mga teologo ay nagtatalu-talo pa rin sa bagay na iyan? Nariyan, halimbawa, ang Iglesiya Katolika Romana. Ito’y may mainam ang pagkaporma na mga paniwala tungkol sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa at sa Trinidad. Gayunman, ang simbahan ay nakapagtataka sa kaniyang kawalang-panatag na paninindigan tungkol sa katubusan sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo. Inaamin ng New Catholic Encyclopedia: “Marami at nagkakaiba-ibang mga sistema ang napaunlad upang ipaliwanag kung papaanong ang tao ay nahahango buhat sa kasamaan ng kasalanan at naipanunumbalik sa biyaya . . . Subalit walang isa man sa mga sistemang ito ang lubusang nagtagumpay. . . . Ang teolohiya ng Katubusan sa ilang bahagi ay bigo at patuloy na napapaharap bilang isang suliranin sa teolohiya.”
Hindi katakataka sa iyo, kung gayon, na sa angaw-angaw na taimtim na pagpapasyon na ‘namatay si Jesus alang-alang sa atin,’ kakaunti ang may malinaw na ideya tungkol sa kung ano talaga ang ibig sabihin niyan. Gaya ng pagkasabi sa Anglican Theological Review: “Pagka pinilit . . . ang naniniwalang Kristiyano ay kalimitan hindi makapagturo kung saan sa Bibliya nanggaling ang doktrinang iyan, o makapagpaliwanag kung papaano iyan kumakapit.” Palibhasa’y nagiging pabigat sa kanila ang isang turong hindi nila naiintindihan ni maipaliliwanag man, ang mga nagsisimba ay walang alam kung papaanong ang kamatayan ni Kristo ay may kaugnayan sa kanilang buhay.
Ang pagkabigo ng Sangkakristiyanuhan na ipaliwanag ang isang malinaw na doktrina tungkol sa pantubos ay nakapigil din sa kaniyang pagsisikap na marating ang mga Judio, mga Hindu, Buddhista, at iba pa upang madalhan ng mensaheng Kristiyano. Yamang marami sa gayong mga tao ang humahanga at gumagalang sa marami sa mga turo ni Jesus, ang pagkalito kung tungkol sa kamatayan ni Kristo at kung ano ang kahulugan nito ay nagsisilbing isang hadlang sa pananampalataya.
Ang kahulugan ba ng kamatayan ni Kristo ay talagang isang misteryo—na hindi maaaring maunawaan ng tao? O mayroon bang makatuwiran, salig-sa-Bibliyang paliwanag tungkol dito? Ang mga tanong na ito ay karapat-dapat na iyong isaalang-alang, sapagkat ang Bibliya ay may ganitong nakapagtatakang sinabi tungkol kay Kristo: ‘Lahat ng sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapupuksa kundi magtatamo ng buhay na walang-hanggan.’—Juan 3:16.