Masdan ang Ginawa ni Jehova Para sa Atin!
“NAGING ugali natin na manalangin para sa ganiyang okasyon,” ang sabi ng isang lalaki. Isa naman ang gumigising tuwing umaga nang alas kuwatro upang manalangin. Para sa ano? “Upang manalangin na balang araw tayo sana ay magkaroon ng kalayaan na sumamba kay Jehova,” ang sabi niya. Noong Enero 1992, nang ang mga Saksi ni Jehova sa Ethiopia ay magkatipon sa Addis Ababa para sa kanilang “Mga Umiibig sa Kalayaan” na Pandistritong Kombensiyon, maliwanag na ang mapagpakumbaba, taimtim na mga panalanging ito ay sinagot.
Ang kombensiyong iyan sa Ethiopia ay isang patotoo ng kung papaano nagbabago ang mga bagay sa Aprika. Noong nakalipas na mga taon ang bayan ni Jehova sa 13 lupain doon ay nagalak na tumanggap ng legal na kalayaan kung saan sila ay dating ipinagbabawal o pinaghihigpitan. Sa Ethiopia, 34 na taon ng opisyal na pagbabawal ang natapos noong Nobyembre 11, 1991, nang sila’y kilalanin ng mga opisyales ng gobyerno at naganap ang muling pagrerehistro. Karaka-raka, ang mga Saksi ay gumawa ng mga kaayusan na magdaos ng isang internasyonal na kombensiyon. Gayunman, ang pagkakita ng isang pulutong ng 7,573 na nagkatipon sa Addis Ababa City Stadium ay higit pa sa naguguniguni ng bawat isa roon. Para sa karamihan ng mga nagsidalo, para bang sila ay nangangarap. Ulit at ulit na kanilang sinasabi sa isa’t isa: “Kapatid, masdan ang ginawa ni Jehova na ating Diyos para sa atin!”—Ihambing ang Awit 66:1-5; 126:1.
Ang pagbabawal sa kanila sa loob ng 34 na taon ay lumikha ng ilang di-inaasahang suliranin. Ang karamihan ay hindi nakaaalam ng magagandang awiting pang-Kaharian. Papaano nila matututuhan na awitin ang mga ito bago magkombensiyon? Apatnapung awit, kasali na ang 17 na ginamit sa programa ng kombensiyon, ang isinalin sa wikang Amharic. Pagkatapos ay isang natatanging koro ang inorganisa upang irekord ang mga awit sa audiocassette. Bawat kongregasyon sa kabisera ay tumanggap ng isang kopya ng tape, at ang buong kongregasyon ay gagamit ng 30 minuto bago at pagkatapos ng mga pulong upang mag-ensayo ng mga awit. Ang resulta? Ang istadyum ay napuno ng buong puso at masayang mga pag-awit sa panahon ng kombensiyon.
Dahilan sa mga kaguluhan sa silangang panig ng bansa, ang daan patungo sa kabisera buhat sa Diredawa at Harar ay sinarhan. Ang tanging masasakyan sa paglalakbay mula roon ay eruplano. Palibhasa’y hindi nila kaya ang bayad sa eruplano, ngunit desididong makadalo sa kombensiyon, walong kapatid na lalaki sa Harar ang naparoon sa isang base militar at humiling na sila’y pasakayin sa isang eruplanong militar. Sa kanilang pagtataka ang kanilang kahilingan ay ipinagkaloob. Sila’y nakapagbiyahe nang libre patungo sa kombensiyon!
Sa pagkakitang sinagot ang kanilang mga panalangin lumuha dahil sa kagalakan ang mga kapatid na ito sa Ethiopia, na noong nakalipas na tatlumpung taon ay nagtiis ng mga kahirapan at pag-uusig at nakita pa man din nila na pinatay ang kanilang mga kaibigan dahil sa kanilang pananampalataya. Isang delegadong lalaki ang nagsabi: “Ako’y umiiyak na sa pag-uumpisa pa lamang ng kombensiyon.” Ang sabi ng isa naman: “Kung ikaw ay nakababasa ng mga puso, makikita mo kung gaano ako kasaya.” Oo, anong kahanga-hangang bagay ang ginawa ni Jehova para sa tapat na mga Saksing ito!—Awit 66:16, 19.
Higit na Kalayaan sa Kanluran at Sentral Aprika
Ang Benin ay isa pang lupain na kung saan ang gawain ng bayan ni Jehova ay ginawang legal kamakailan. Ano ba ang nadama ng mga Saksi tungkol dito? Isang tagapagpahayag sa isang pagtitipong Kristiyano roon ang nagsabi: “Ang kalayaan ng pagsambang ito ay tunay na isang regalo buhat kay Jehova.” Oo, ang mga lingkod ni Jehova roon ay lubhang napasasalamat na ngayon sila ay makapagtatamasa nang lubos na kalayaan na magkatipon sa pagsamba at magsalita sa kanilang mga kalapit-bahay tungkol sa Kaharian ni Jehova—ang mga kalayaan na ipinagwawalang-bahala ng napakarami sa atin.
Papaano nila maipakikita ang kanilang kagalakan? Ang sinipi-sa-itaas na tagapagpahayag ay bumanggit ng isang paraan nang kaniyang sabihin: “Ang aming pakikibahagi sa pangangaral—lalo na sa aming pagbabahay-bahay na dala ang mabuting balita—ay nagpapakita ng aming pagpapahalaga sa kalayaang ito.” Sa Benin ay gayon nga ang nangyayari. Bilang katibayan, masdan lamang ang mga ulat para sa mga payunir. Noong Enero 1990, ang buwan nang alisin ang 14-na-taóng pagbabawal, 77 mamamahayag ang nagsasagawa ng regular na buong-panahong paglilingkod. Makalipas ang dalawang taon, ang bilang ay mahigit na tatlong beses ang idinami, naging 244!
Hindi ibig sabihin na ang mga Saksi sa Benin ay hindi aktibo bago alisin ang pagbabawal. Oo, ang kanilang pagtitiis ay nagkaroon ng matinding epekto sa isang opisyal ng militar na inatasan sa isang kampo na pinagdalhan sa kanila nang sila’y arestuhin. Yamang ang kanilang determinasyon na maglingkod kay Jehova ay humantong sa malimit na mga pag-aresto, halos palagi nang siya’y nakakaharap nila. Ngunit ito’y nagpapaalaala lamang sa kaniya ng kaniyang nakatutuwang pakikipagtalakayan sa kanila sa Bibliya noong nakalipas na mga araw na sila’y nagtatamasa ng legal na kalayaan.
Sa wakas, dahil sa kanilang matibay na pananampalataya ay napukaw sa kaniyang kalooban ang espirituwal na pagkagutom. Siya’y dumalaw sa iba’t ibang simbahan at mga sekta ngunit hindi mabigyang-kabusugan ang gutom na iyon. Pagkatapos lamang na alisin ang pagbabawal noong Enero 1990 maaari na siyang makipagtalakayan ng Bibliya sa mga Saksi at masumpungan ang sagot sa kaniyang espirituwal na pangangailangan. Siya ngayon ay bautismado na at naglilingkod bilang isang payunir. Sa isang diwa, ang kaniyang pagbabago ay nagpapagunita sa mga kapatid sa Benin ng nangyari kay Saulo ng Tarso: “Ang taong dating umuusig sa atin ay nangangaral na ngayon ng mabuting balita tungkol sa pananampalataya.”—Galacia 1:23.
Noong Disyembre 1991, ang mga Saksi ni Jehova sa isa pang bansa sa Kanlurang Aprika, ang Niger, ay inirehistro bilang isang legal na korporasyon, at natapos na ang paghihigpit sa kanilang gawain. Dito rin naman ay nagkaroon ng isang masayang reaksiyon. Ang sangay sa Nigeria, na nangalaga sa Niger, ay nag-ulat ng tugon sa isang kombensiyon: “Pagkatapos ng pahayag sa pinakatema ng kombensiyon sa Maradi noong Biyernes, ipinatalastas sa mga kapatid na tayo ngayon ay legal na kinikilala na sa Niger. Sila’y tuwang-tuwa at kung ilang minutong naghumugong ang palakpakan. Sa katapusan ng sesyon, saganang ibinulalas ng mga kapatid ang kanilang damdamin, nagyayakapan at nagsasaya sa gayong mabuting balita.” Ating maguguniguni ang tanawin, at tayo’y nakikigalak sa kanila.
Papaano gagamitin ng mga kapatid doon ang kanilang bagong katutuklas na kalayaan? Isang sister na payunir sa Niger ang tiyak ang kasagutan sa tanong na iyan. Siya’y sumulat: “Ipinakikita ng mga pangyayari na sa aming teritoryo sa Niger, yaong mga nagsisilabas sa Babilonyang Dakila bago sumapit ang wakas ay marami. Bilang patotoo nito, ako’y nakapag-ulat ng mula 80 hanggang 85 mga pagdalaw muli bawat buwan at nagsasagawa ng 13 o 14 na mga pag-aaral sa Bibliya, bagaman marami sa aking mga pagdalaw ay ibinigay ko na sa ibang mamamahayag.” Isinusog pa ng tapat na sister na ito: “Dahilan sa mga suliranin sa aking kalusugan, hindi ako makagawa ng gaya ng ibig ko sa paglilingkod sa larangan, subalit bawat isa ay gumagawa ng kaya niyang gawin.”
Sa Rwanda sa Sentral Aprika, malaki rin ang ipinagbago ng mga kalagayan ng mga Saksi ni Jehova. Noong Abril 1992 isang dokumento ang inilabas na nagsasabi na sila sa wakas ay isa nang legal na organisasyon. Ang dokumento ay tinanggap noon ding linggong iyon na idinaos ang Memoryal, at ang 1,526 na mamamahayag sa Rwanda ay totoong galak na galak na makitang 6,228 ang dumalo sa okasyong iyon. Ang mahal na mga kapatid bang ito ay magpapakita ng kagalakan ng pagpapahalaga sa pamamagitan ng higit pang pagsisikap na maihayag ang mabuting balita? Maliwanag na gayon nga! Sa buwan ding iyan ng Abril, ang mga mamamahayag ng kongregasyon ay nagkaroon ng pamantayang 27.7 oras sa pangangaral at 17 pagdalaw-muli, na may pamantayang 2.4 na mga pag-aaral sa Bibliya. At mga 40 porsiyento sa kanila ang nasa isang anyo ng buong-panahong paglilingkod.
Ginawang Legal sa Timog Aprika
Doon sa Timog Aprika, nakaranas ng panibagong kalayaan sa dalawang magagandang lupain, ang Mozambique at Angola. Sa Mozambique ay naging legal ang gawain noong Pebrero 1991. Yamang nagluwag ang kalagayan doon, ang Watch Tower Bible and Tract Society ay nagsugo ng mga misyonero sa bansa, na nakalulungkot sabihing winasak ng gera sibil. Ang mga misyonero ay nakasumpong ng matabang lupa. Ang mga lathalain ng Bibliya—lalo na ang aklat na Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas—ay kailangang-kailangan. Isang misyonero ang nag-uulat na nakapagpasakamay ng 50 aklat sa wala pang dalawa at kalahating oras.
Ang mga taong interesado ay dagling tumutugon. Isang misyonero ang dumalaw sa isang direksiyon na ibinigay sa Samahan, at iyon pala ay sa isang taong nasa militar. Nagkaroon ng mainam na pakikipagtalakayan sa taong iyon mismo at sa dalawa sa kaniyang mga kamag-anak. Sa isang pagdalaw na muli, nagkaroon na naman ng isa pang mabungang pakikipagtalakayan sa taong iyon at sa limang iba pa. Pagkatapos ay kanilang tinanggap ang isang paanyaya na dumalo sa pahayag pangmadla at sa Pag-aaral ng Ang Bantayan—lahat-lahat sa loob lamang ng apat na araw.
Sa Angola ang mga Saksi ay nagtamasa ng lumalaking kalayaan na humantong sa pagiging legal ng kanilang gawain noong Abril 1992. Papaano nila ginagamit ang kanilang lalong malaking kalayaan? Sila’y nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan! May humigit-kumulang 17,000 mamamahayag sa Angola, at ang mga mamamahayag na iyon ay nagdaraos ng halos 60,000 pag-aaral sa Bibliya. Anong gandang pag-asa para sa pagsulong sa hinaharap!
Ang mga Kabataan ay Nakikibahagi sa Pagpapatotoo
Sa mga bansang ito na kung saan ginawang legal kamakailan ang pangangaral, maging ang kabataan at ang mga hindi pa bautismado ay nagpapakita ng kanilang pagpapahalaga sa pamamagitan ng paglahok sa ministeryo. Sa Cape Verde Republic, na kung saan ang mga Saksi ni Jehova ay ginawang legal noong Nobyembre 1990, sa isang kombensiyon isang 17-taóng-gulang na dalagita ang tumayo upang magpahayag sa madla ng kaniyang pananampalataya. Pagkatapos ng bautismo, nakita ng isang panauhin na maraming nakapalibot sa kaniya. Ito’y naparoon sa kaniya upang batiin siya at tanungin kung sino yaong mga taong iyon. “Ah,” ang tugon niya, “sila ay aking mga inaaralan ng Bibliya.” Siya’y nagdaraos ng mga pitong pag-aaral, at sila’y naroon upang batiin siya sa kaniyang pagpapabautismo. Siya’y nagsumite na ng kaniyang aplikasyon upang mag-auxiliary pioneer at inaasam-asam niya na sa wakas siya ay magiging kuwalipikado para sa pagreregular pioneer.
Isang sampung-taóng-gulang na batang babae sa Angola ang tinanong kung siya ba ay isang mamamahayag. Siya’y sumagot: “Opo.” Siya ba’y may idinaraos na mga pag-aaral sa Bibliya? “Siyempre.” Ilan? “Pito,” ang tugon ng sampung-taóng-gulang na ito.
Nabasa natin sa aklat ng Mga Gawa na minsan noong unang siglo, “ang kongregasyon sa buong Judea at Galilea at Samaria ay nagkaroon ng kapayapaan, palibhasa’y pinatibay; at sa paglakad na may takot kay Jehova at may kaaliwan ng banal na espiritu ay patuloy na nagsirami.” (Gawa 9:31) Ating idinadalangin para sa ating mga kapatid sa Aprika, na ito man ay maging isang panahon ng kapayapaan. Tayo’y nakikigalak sa kanila habang sila’y pinatitibay, at idinadalangin natin na harinawang sumakanila ang espiritu ni Jehova habang kanilang sinasamantala ang kanilang kalayaan na palaganapin ang mabuting balita at patuloy na dumami.
[Mapa sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mga Lupain na Kung Saan ang mga Saksi ni Jehova ay Ginawang Legal o Inalisan ng mga Paghihigpit
1. Ang Gambia, Disyembre 1989
2. Benin, Enero 1990
3. Cape Verde Republic, Nobyembre 1990
4. Mozambique, Pebrero 1991
5. Ghana, Nobyembre 1991
6. Ethiopia, Nobyembre 1991
7. Congo, Nobyembre 1991
8. Niger, Disyembre 1991
9. Togo, Disyembre 1991
10. Chad, Enero 1992
11. Kenya, Marso 1992
12. Angola, Abril 1992
13. Rwanda, Abril 1992
[Larawan sa pahina 23]
Sa Benin isang mamamahayag ng Kaharian ang tumutugtog sa kaniyang nangungusap na tambol ng mga salita ng Mateo 24:14
[Larawan sa pahina 25]
Sa maraming lupain sa Aprika, sinasamantala ng tunay na mga Kristiyano ang paggamit sa kanilang bagong katutuklas na kalayaan
[Larawan sa pahina 26]
Mga bagong Saksi na sinasagisagan ang kanilang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig