Isang Taong Edukado
“MASDAN ninyo ang pagkatawag niya sa inyo, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong sa laman ang tinawag, hindi ang maraming maykapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao.” (1 Corinto 1:26) Gaya ng ipinakikita ng mga salitang ito, may panganib na mapababad sa makasanlibutang karunungan o sa pagkakaroon ng isang mataas na puwesto sa lipunan. Ang ganiyang mga bagay ay maaaring makahadlang sa isa sa pagtanggap sa mabuting balita.—Kawikaan 16:5; Marcos 10:25.
Gayumpaman, noong kaarawan ni Pablo may ilan na marurunong ayon sa isang makalamang paraan na tumanggap sa katotohanan, at isa na rito si Pablo mismo. Bagaman may mataas na pinag-aralan at waring galing sa isang tanyag na pamilya, si Pablo ay isang masigasig na ebanghelisador. Sa gayo’y ipinakita niya na ang mga taong may pribilehiyo sa sanlibutang ito ay makapaglilingkod kay Jehova kung tama ang kanilang saloobin. Maaari pa nga nilang gamitin ang kanilang mga sekular na kakayahan sa paglilingkuran kay Jehova.—Lucas 16:9.
Isang Katutubong Taga-Tarso
Si Pablo ay isinilang sa Tarso, “hindi isang siyudad na nakatago,” gaya ng pagkasabi niya noong malaunan. (Gawa 21:39) Marahil doon siya natuto ng mga wika—lalung-lalo na ang pagiging dalubhasa sa Griego—na kailangan sa kaniyang pagmimisyonero. Kaypala ang buhay sa Tarso ay maghahantad kay Pablo hindi lamang sa mga paraan ng mga Judio kundi pati na rin sa kultura ng mga Gentil, ang karanasan na kaniyang ginamit noong mga huling taon bilang apostol sa mga bansa. Alam niya kung papaano ipahahayag ang katotohanan sa paraan na nauunawaan nila. (1 Corinto 9:21) Bilang halimbawa, isaalang-alang ang kaniyang pahayag sa mga taga-Atenas na iniulat sa Gawa kabanata 17. Doon, buong-husay na pinag-ugnay-ugnay niya ang mga reperensiya sa relihiyon ng Atenas at sumipi pa buhat sa isa sa kanilang mga makata bilang bahagi ng kaniyang presentasyon ng katotohanan.
Isang Mamamayang Romano
Si Pablo ay may isa pang makasanlibutang bentaha. Siya ay isang mamamayang Romano, at ginamit din niya ito para sa ikalalawak ng mabuting balita. Sa Filipos, siya at ang kaniyang mga kasama ay binugbog at ibinilanggo nang walang paglilitis. Ito ay labag sa batas na gawin sa isang mamamayang Romano, at nang ito’y itawag-pansin ni Pablo sa mga awtoridad, kanilang pinayagan siya na dumoon muna at maglingkod sa kongregasyon bago siya lumisan para sa kaniyang susunod na pupuntahan.—Gawa 16:37-40.
Nang malaunan, samantalang nililitis sa harap ni Gobernador Festo, sinamantala ni Pablo ang kaniyang pagkamamamayang Romano upang idulog ang kaniyang kaso kay Cesar. Samakatuwid, kaniyang ipinagtanggol ang mabuting balita sa harap ng pinakamataas na awtoridad ng Imperyo Romano.—Gawa 25:11, 12; Filipos 1:7.
Si Pablo ay sinanay sa isang praktikal na paraan na noong bandang huli ay napakinabangan. Siya’y tinuruan ng paggawa ng tolda, malamang na tinuruan siya ng kaniyang ama. Dahil dito, siya’y may naitutustos sa kaniyang sarili sa ministeryo pagka kinakapos ng panggastos. (Gawa 18:1-3) Siya’y tumanggap din ng isang puspusang edukasyon sa relihiyon. Siya’y lumaking “isang Fariseo, isang anak ng mga Fariseo.” (Gawa 23:6) Oo, siya’y nag-aral kay Gamaliel mismo, isa sa pinakatanyag sa mga gurong Judio. (Gawa 22:3) Ang gayong edukasyon, na marahil maihahambing sa isang de kalidad na edukasyon sa unibersidad sa ngayon, ay nagpapahiwatig na ang kaniyang pamilya ay lubhang prominente.
Isang Wastong Pananaw
Dahilan sa pinag-aralan at pagsasanay ni Pablo, isang magandang kinabukasan sa Judaismo ang naghihintay sa kaniya. Malayo na sana ang kaniyang narating na tagumpay rito. Subalit, nang tanggapin niya na si Jesus ang Mesiyas, nagbago ang mga tunguhin ni Pablo. Sa pagsulat sa mga taga-Filipos, kaniyang binalangkas ang ilan sa kaniyang dating makasanlibutang bentaha at nagsabi: “Ang mga bagay na sana’y pakikinabangan ko ay inari kong kalugihan alang-alang sa Kristo. Kaya naman, lahat ng bagay ay itinuring kong kalugihan dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Kristo Jesus na Panginoon ko.”—Filipos 3:7, 8.
Ang taong edukadong ito ay hindi nanghinayang sa maaari sanang nagawa niya dahilan sa kaniyang makasanlibutang edukasyon; ni ginamit man niya ang kaniyang “dakilang karunungan” upang pahangain ang iba. (Gawa 26:24; 1 Corinto 2:1-4) Bagkus, samantalang naglalagak ng buong pananampalataya sa Diyos na Jehova, binanggit niya ang kaniyang dating inaasahan, na nagsasabi: “Kinalilimutan ang mga bagay na nasa likuran at tinatanaw ang mga bagay na hinaharap, ako’y patuloy na nagsusumikap tungo sa pagkakamit ng gantimpala ng paitaas na pagkatawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 3:13, 14) Mahalaga kay Pablo ang espirituwal na mga bagay.
Gayunman, ginamit ni Pablo sa paglilingkuran kay Jehova ang dating kasanayan niya. Nang kaniyang sabihin tungkol sa mga Judio: “Sila’y pinatototohanan ko na sila ay may sigasig sa Diyos,” siya’y nagsalita buhat sa sariling karanasan. (Roma 10:2) Bilang isang aktibong Fariseo, tunay na mayroon siyang sigasig sa Diyos at sa Kasulatan. Pagkatapos maging Kristiyano si Pablo, ang kaniyang sigasig ay may kalakip na tumpak na kaalaman, at maaari niyang gamitin ang kaniyang unang pinag-aralan para sa isang matuwid na layunin. Halimbawa, sa aklat ng Hebreo, ay ginamit niya ang kaniyang malawak na kaalaman sa kasaysayan ng mga Israelita at sa pagsamba sa templo upang ipakita ang kahigitan ng sistemang Kristiyano.
Sa ngayon ang ilan na marunong sa makalamang paraan ay tumutugon din sa mabuting balita. Ang mga taong kuwalipikado sa lahat ng uri ng edukasyon, at gayundin ang mga miyembro ng lahat ng uri ng propesyon at hanapbuhay, ay tumanggap ng katotohanan at ginamit ang kanilang dating pinagsanayan sa paglilingkuran kay Jehova. Gayumpaman, anuman ang kanilang sekular na edukasyon, hindi kailanman nakaliligtaan ng mga Kristiyano ang katotohanan na ang mahahalagang kuwalipikasyon ay espirituwal. Ito “ang lalong mahahalagang bagay” sapagkat maaakay tayo nito sa buhay na walang-hanggan.—Filipos 1:10.