Isang Pambihirang Pamanang Kristiyano
AYON SA PAGKALAHAD NI BLOSSOM BRANDT
Umulan ng yelo sa San Antonio, Texas, noong Enero 17, 1923, ang araw na ako’y isinilang. Malamig sa labas, ngunit ako’y masayang tinanggap ng maiinit na bisig ng mapagmahal na Kristiyanong mga magulang, sina Judge at Helen Norris. Buhat sa aking pinakamaagang mga alaala,lahat ng ginawa ng aking mga magulang ay nakasentro sa kanilang pagsamba sa Diyos na Jehova.
NOONG 1910 nang si Inay ay walong taóng gulang, ang kaniyang mga magulang ay lumipat mula sa malapit sa Pittsburgh, Pennsylvania, tungo sa isang bukid sa labas ng Alvin, Texas. Doon ay natuwa sila nang matuto ng mga katotohanan sa Bibliya buhat sa isang kapitbahay. Ginugol ni Inay ang nalalabing bahagi ng kaniyang buhay sa pagsisikap na magkainteres ang mga tao sa pag-asa sa Kaharian. Siya’y nabautismuhan noong 1912 matapos lumipat ang pamilya sa Houston, Texas.
Si Charles T. Russell, unang pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society, ay nakilala ni Inay at ng kaniyang mga magulang nang siya’y dumalaw sa kanilang kongregasyon sa Houston. Malimit na binibisita ang kanilang tahanan ng naglalakbay na mga kinatawan ng Samahan, na noon ay tinatawag na mga pilgrim. Makalipas ang ilang taon, si Inay kasama ng kaniyang mga magulang ay lumipat sa Chicago, Illinois, at si Brother Russell ay dumadalaw rin sa kongregasyon doon.
Noong 1918, si Lola ay dinapuan ng trangkaso Espanyola, at dahil sa naapektuhan nito ang kaniyang kalusugan, inirekomenda ng mga doktor na doon siya manirahan sa isang lugar na may mainit na klima. Palibhasa si Lolo ay nagtatrabaho sa kompanya ng tren ng Pullman, noong 1919 ay muling inilipat siya sa Texas. Doon, sa San Antonio, may nakilala si Inay na isang masigasig na kabataang miyembro ng kongregasyon na nagngangalang Judge Norris. Sila’y agad na naakit sa isa’t isa, at di-nagtagal sila ay napakasal, at si Judge ang naging tatay ko.
Natuto si Itay ng Katotohanan sa Bibliya
Si Judge (hukom) ay binigyan ng kaniyang di-karaniwang pangalan nang siya’y isilang. Nang unang masilayan siya ng kaniyang tatay, sinabi niya: “Ang sanggol na iyan ay kasingseryoso ng isang judge (hukom),” at iyan nga ang naging pangalan niya. Noong 1917, nang si Itay ay 16, siya’y binigyan ng mga tract na Where Are the Dead? at What is the Soul? nilimbag ng Watch Tower Bible and Tract Society. Ang ama ni Itay ay may dalawang taon nang patay noon, at ang mga tract ang nagbigay sa kaniya ng mga kasagutan na kaniyang hinahanap tungkol sa kalagayan ng mga patay. Hindi nagtagal pagkatapos siya ay nagsimulang dumalo sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova.
Gusto ni Itay na sumali agad sa mga gawain ng kongregasyon. Kumuha siya ng isang teritoryo na kaniyang mapangangaralan, at pagkatapos ng klase ay namimisikleta siya patungo sa teritoryo upang mamahagi ng mga tract. Siya’y lubusang nakibahagi sa pagpapalaganap ng pag-asa sa Kaharian, at noong Marso 24, 1918, kaniyang sinagisagan ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
Nang sumunod na taon nang lumipat si Inay sa San Antonio, agad na naakit si Itay sa ang sabi niya’y “ang pinakamatamis na ngiti at pinakabughaw na mga mata” na kaniyang nakita. Hindi nagtagal at kanilang ipinahayag na ibig nilang pakasal, ngunit nahirapan sila na kumbinsihin ang mga magulang ni Inay. Subalit, noong Abril 15, 1921, sila’y ikinasal. Kapuwa sila may tunguhing buong-panahong ministeryo.
Maagang Pagpapasimula sa Ministeryo
Nang sina Inay at Itay ay abala ng pagpaplano para dumalo sa kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong 1922, natuklasan nila na ako’y ipinagbubuntis ni Inay. Hindi nagtagal pagkatapos na ako’y isilang, nang si Itay ay 22 taóng gulang lamang, siya’y naatasan na service director ng kongregasyon. Ito’y nangangahulugan na siya ang gumawa ng lahat ng kaayusan sa paglilingkod sa larangan. Mga ilang linggo lamang matapos na ako’y isilang, ako’y kasa-kasama na ni Inay nang siya’y nagbabahay-bahay. Sa totoo, gusto rin ng aking mga nuno na ako’y kasama nila sa ministeryo.
Nang ako’y dalawang taon lamang, lumipat ang aking mga magulang sa Dallas, Texas, at sinimulan nila ang buong-panahong ministeryo bilang mga payunir makalipas ang tatlong taon. Kung gabi, sila ay natutulog sa isang teheras sa tabi ng daan at ako’y inilalagay sa upuan sa hulihan ng kotse. Siyempre pa, naisip ko na ito ay masaya, ngunit hindi nagtagal at nahalata na sila’y hindi pa handa noon sa pagpapayunir. Kaya si Itay ay nagsimula ng isang negosyo. Di-nagtagal, gumawa siya ng isang trailer bilang paghahanda sa muling pagpapasimula ng pagpapayunir.
Bago ako pumasok sa paaralan, tinuruan ako ni Inay na bumasa at sumulat, at alam ko ang hanggang sa ikaapat na multiplication table. Nakatutok lagi ang kaniyang pansin sa pagtulong sa akin na matuto. Kaniyang itinatayo ako sa isang silya sa tabi niya upang mapunasan ko ang mga pinggan pagkatapos niyang mahugasan, at tuturuan niya ako na magsaulo ng mga teksto at umawit ng mga awiting pang-Kaharian, o mga himno gaya ng tawag namin noon sa mga iyon.
Paglilingkod sa Diyos Kasama ng Aking mga Magulang
Noong 1931 kaming lahat ay dumalo sa napakasayang kombensiyon sa Columbus, Ohio, na kung saan tinanggap namin ang pangalang mga Saksi ni Jehova. Bagaman ako ay walong taon lamang noon, naisip ko na iyon ang pinakamagandang pangalang narinig ko. Di-nagtagal pagkauwi namin, ang negosyo ni Itay ay nasunog, at sina Itay at Inay ay may paniwala na ito “ang kalooban ng Panginoon” na sila’y muling magpayunir. Kaya naman, pasimula ng tag-araw ng 1932, kami’y masayang naglingkod nang maraming taon sa buong-panahong ministeryo.
Ang aking mga magulang ay nagpayunir sa may kalagitnaan ng Texas upang manatiling malapit sa mga magulang ni Inay, na naroon pa sa San Antonio. Ang paglipat-lipat sa mga distino ay nangangahulugan na ako’y nagbago ng paaralan nang napakadalas. Kung minsan ay sinasabi ng walang-ingat na mga kaibigan, “Bakit hindi kayo pumirmi sa isang lugar at magkaroon ng isang tahanan para sa batang iyan,” na para bang hindi wasto ang pag-aasikaso sa akin. Subalit inakala ko na ang aming buhay ay nakatutuwa at natutulungan ko sina Itay at Inay sa kanilang ministeryo. Sa totoo, ako’y sinasanay at inihahanda para sa magiging sarili kong istilo ng pamumuhay sa bandang huli.
Sa paglakad ng mga buwan ay patuloy na sinabi ko kina Itay at Inay na ibig kong pabautismo, at malimit na kinakausap nila ako tungkol dito. Ibig nilang tiyakin na alam ko kung gaano kahalaga ang naging pasiya ko. Noong Disyembre 31, 1934, sumapit ang araw para sa mahalagang pangyayaring ito sa aking buhay. Gayunman, nang gabi bago maganap ito, tiniyak ni Itay na ako’y nanalangin kay Jehova. Pagkatapos ay gumawa siya ng isang magandang bagay. Lahat kami ay kaniyang pinaluhod, at siya’y nanalangin. Sinabi niya kay Jehova na siya ay totoong maligaya dahil sa pasiya ng kaniyang munting anak na ialay sa Kaniya ang kaniyang buhay. Tiyak iyan, sa lahat ng darating na panahon, hindi ko kailanman malilimutan ang gabing iyan!
Pagsasanay sa Akin ng Aking mga Nuno
Sa pagitan ng 1928 at 1938, gumugol ako ng malaking panahon sa pagdalaw sa aking mga nuno sa San Antonio. Ang rutin nila ay kapareho rin ng sa aking mga magulang. Si Lola ay naging isang colporteur, gaya ng tawag nila noon sa mga payunir, at pagkatapos siya ay naging pana-panahong payunir. Si Lolo ay inatasang isang payunir noong Disyembre 1929, kaya ang paglilingkod sa larangan ay naging isang regular na araw-araw na gawain niya.
Ako’y kinakalong ni Lolo kung gabi at tinuturuan ng mga pangalan ng mga bituin. Siya’y bumibigkas sa akin ng mga tula na saulado niya. Kasama niya ako sa kaniyang maraming pagbibiyahe sakay ng tren ng Pullman nang siya’y nagtatrabaho pa sa perokaril. Sa tuwina’y sa kaniya ako lumalapit pagka ako ay may problema; inaaliw niya ako at pinapahid ang aking mga luha. Subalit, pagka ako’y nadisiplina dahil sa maling paggawi at lumapit sa kaniya sa paghanap ng kaaliwan, sasabihin lamang niya (ang mga salitang hindi ko maunawaan nang panahong iyon, subalit napakaliwanag ng kanilang tono): “Mahal, pagka ang isa’y gumagawa ng masama, siya ay nahihirapan.”
Mga Taon ng Pag-uusig
Noong 1939, nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II, at ang bayan ni Jehova ay dumanas ng pag-uusig at ng karahasan buhat sa mga mang-uumog. Nang katapusan ng 1939, si Inay ay malubha at sa wakas ay nangailangan ng operasyon, kaya bumalik kami sa San Antonio.
Samantalang namamahagi kami ng magasin sa mga lansangan ng San Antonio, magtitipon naman ang mga mang-uumog. Subalit bawat linggo, bilang isang pamilya, kami ay naroroon, bawat isa sa kani-kaniyang kanto. Malimit na ako’y nakabantay habang dinadala nila si Itay sa istasyon ng pulisya.
Pinagsikapan ni Itay na ipagpatuloy ang pagpapayunir bagaman kinailangang huminto si Inay. Gayunman, siya’y hindi kumita nang sapat sa pana-panahong pagtatrabaho, kaya kinailangan ding huminto siya. Nakatapos ako ng pag-aaral noong 1939, at ako ay nagtrabaho na rin.
Ang pangalan ni Itay na Judge (hukom) ay nakatulong nang malaki sa loob ng mga taóng iyon. Halimbawa, isang grupo ng mga kaibigan ang naparoon upang magpatotoo sa isang bayan na nasa hilaga ng San Antonio, at silang lahat ay sinimulang ikulong ng sheriff. Mga 35 ang ipinaaresto niya, kasali na ang aking mga nuno. Kanilang ipinasabi ito kay Itay, at siya’y naparoon. Dumiretso siya sa opisina ng sheriff at ang sabi: “Ako’y si Judge Norris buhat sa San Antonio.”
“Opo Sir, ano po, Judge, ang maipaglilingkod ko sa inyo?” ang tanong ng sheriff.
“Ako’y naparito upang alamin kung ang mga taong ito’y mailalabas sa bilangguan,” ang tugon ni Itay. Pagkatapos ay pinayagan na sila ng sheriff na makalaya nang walang piyansa—at hindi na pinagtatanong!
Si Itay ay mahilig magpatotoo sa mga gusali ng opisina sa kabayanan, at napakahilig niyang dumalaw sa mga hukom at mga abugado. Ganito ang kaniyang sasabihin sa receptionist: “Ako’y si Judge Norris, at naparito ako upang makipagkita kay Judge ganoo’t-ganiyan.”
Pagkatapos, pagka nakilala na niya ang hukom, laging una niyang sinasabi: “Buweno, bago ako magsalita tungkol sa layunin ng aking pagdalaw, ibig kong ipaliwanag na ako’y naging isang Hukom nang mas matagal kaysa inyo. Ako’y isang hukom sa buong buhay ko.” At pagkatapos ay ipaliliwanag niya kung papaano niya nakuha ang kaniyang pangalan. Ito’y nagsilbing isang palakaibigang pagpapakilala ng sarili, at kaniyang napaunlad ang maraming mabubuting kaugnayan sa mga hukom noong panahong iyon.
Nagpapasalamat sa Patnubay na Ibinigay ng mga Magulang
Ako noon ay nasa panahon ng maligalig na mga taon ng pagkatin-edyer, at batid ko na sina Itay at Inay ay malimit na nababalisa samantalang sila’y nagmamasid at sabik na malaman kung ano ang susunod na gagawin ko. Gaya ng ginagawa ng lahat ng bata, maraming beses na sinubok ko sina Itay at Inay, na ako’y humihiling na gawin ang isang bagay o pumaroon sa kung saan taglay ang patiunang pagkaalam na ang magiging sagot nila ay hindi. Kung minsan ay mayroon pang mga pagluha. Sa totoo, marahil ako ay lubhang nabahala kung ang sagot nila ay: “Sige, gawin mo ang gusto mo. Wala kaming pakialam.”
Nagdulot sa akin ng katiwasayan ang pagkaalam na sila’y hindi ko mahihikayat na baguhin ang kanilang mga pamantayan. Sa katunayan, dahil dito’y naging mas madali sa akin pagka ang ibang mga kabataan ay nagmumungkahi ng di-mabuting libangan, sapagkat nasasabi ko: “Hindi ako papayagan ng aking tatay.” Nang ako’y 16 na taóng gulang, tinuruan ako ni Itay na magmaneho anupat nakakuha ako ng lisensiya sa pagmamaneho. Gayundin, binigyan niya ako ng isang susi sa bahay. Ganiyan na lang ang aking paghanga dahil pinagkakatiwalaan niya ako. Ang pakiramdam ko’y nasa hustong gulang na ako, at nadama ko ang pananagutan at ang pagnanasang huwag biguin ang kanilang pagtitiwala.
Nang mga panahong iyon hindi gaanong nagbibigay ng maka-Kasulatang payo tungkol sa pag-aasawa, subalit si Itay ay may kaalaman sa Bibliya at sa sinasabi nito tungkol sa pag-aasawa sa “nasa Panginoon lamang.” (1 Corinto 7:39) Kaniyang niliwanag ito sa akin na kung sakaling mag-anyaya ako ng isang makasanlibutang binata upang makilala ng aking mga magulang, o pag-isipan ang makipagtipan sa isang makasanlibutang binata, siya’y lubhang masisiraan ng loob. Batid ko na tama naman siya, sapagkat nasaksihan ko ang kaligayahan at pagkakaisa sa kanilang pagsasama sapagkat sila’y nag-asawa ng “nasa Panginoon.”
Noong 1941, nang ako’y 18, ang akala ko’y umiibig na ako sa isang binata sa kongregasyon. Siya’y isang payunir at nag-aaral na maging isang abugado. Ako’y tuwang-tuwa. Nang sabihin namin sa aming mga magulang na ibig na naming pakasal, sa halip na tumutol o pahinain ang aming loob, wala silang sinabi kundi: “Mayroon lamang sana kaming isang pakiusap sa iyo, Blossom. Inaakala namin na ikaw ay napakabata pa, at nais naming hilingin sa iyo na maghintay ng isang taon pa. Kung ikaw ay talagang umiibig, walang diperensiya ang isang taon.”
Ganiyan na lamang ang aking pasasalamat at nakinig ako sa matalinong payo na iyan. Sa loob ng isang taon, ako’y gumulang at nakita ko na ang binatang ito ay wala ng mga katangian na makikita sa isang mabuting kabiyak. Sa wakas ay umalis siya sa organisasyon, at ako ay nakaligtas sa isa sanang kapahamakan sa aking buhay. Totoong kahanga-hanga na magkaroon ng marurunong na magulang na maaasahan ang mga pasiya!
Ang Pag-aasawa at ang Gawaing Paglalakbay
Nang taglamig ng 1946, pagkatapos na gumugol ako ng anim na taon sa pagpapayunir at pana-panahong pagtatrabaho, ang mahusay na binatang nakilala ko ay pumasok sa aming Kingdom Hall. Si Gene Brandt ay naatasan na maging kasama ng aming naglalakbay na lingkod sa mga kapatid, gaya ng tawag noon sa tagapangasiwa ng sirkito. Iyon ay pagkaakit sa isa’t isa, at noong Agosto 5, 1947, kami ay napakasal.
Di-nagtagal, si Itay at si Gene ay nagbukas ng isang negosyo. Subalit sinabi ni Itay kay Gene: “Sa araw na ang opisinang ito ay makahadlang sa atin sa pagdalo sa pulong o sa isang atas teokratiko, isasara ko ang negosyo.” Pinagpala ni Jehova ang espirituwal na pangmalas na ito, at ang negosyo ay nagbigay ng sapat para sa aming materyal na pangangailangan at nagpahintulot pa ng panahon na makapagpayunir. Sina Itay at Gene ay mahuhusay na negosyante, at madali sana kaming yayaman, subalit hindi ito ang kanilang tunguhin.
Noong 1954, si Gene ay inanyayahan sa gawaing pansirkito, na nangangahulugang isang malaking pagbabago sa aming buhay. Ano kaya ang magiging epekto sa aking mga magulang? Minsan pa, ang kanilang ikinababahala ay hindi ang kanilang sarili kundi ang mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos at ang espirituwal na ikabubuti ng kanilang mga anak. Hindi nila sinabi sa amin: “Bakit hindi kayo mag-anak upang kami ay magkaroon naman ng mga apo?” Sa halip, iyon ay laging: “Ano ba ang magagawa namin upang matulungan kayo sa buong-panahong paglilingkuran?”
Kaya nang sumapit ang araw ng aming pag-alis, ang tanging narinig ay mga salitang pampatibay-loob at kagalakan sa aming dakilang pribilehiyo. Hindi nila ipinadama sa amin na iniiwanan na namin sila kundi sa tuwina’y 100 porsiyento ang pagsuporta sa amin. Pagkaalis namin, nagpatuloy sila na laging abala sa pagpapayunir sa loob ng isa pang sampung taon. Si Itay ay inatasan na maging tagapangasiwa sa lunsod ng San Antonio, na ginampanan niya nang mga 30 taon. Siya’y nagalak na makita ang paglago mula sa isang kongregasyon sa lunsod noong mga taon ng dekada ng 1920 hanggang 71 bago siya namatay noong 1991.
Para sa aming dalawa ni Gene, ang buhay ay puno ng katuwaan. Nagkaroon kami ng kagalakan ng paglilingkod sa mahal na mga kapatid sa mahigit na 31 estado at, marahil ang tampok sa lahat, ang pribilehiyo na mapabilang sa ika-29 klase ng Watchtower Bible School of Gilead noong 1957. Pagkatapos ay bumalik kami sa gawaing paglalakbay. Noong 1984, pagkaraan ng 30 taon sa pansirkito at pandistritong gawain, may kagandahang-loob na binigyan si Gene ng Samahan ng atas sa isang sirkito sa San Antonio, yamang ang mga magulang namin ay mahigit nang 80 taóng gulang at masasakitin.
Pag-aalaga sa mga Magulang
Isang taon lamang at kalahati pagkabalik namin sa San Antonio nang si Inay ay nahulog na sa kalagayang semicoma at namatay. Biglaan ang pangyayaring iyon kung kaya hindi ko na nakuhang sabihin ang ilang mga bagay na ibig kong sabihin sa kaniya. Naturuan ako nito na kausapin si Itay nang lalong madalas. Pagkaraan ng 65 taon ng pagsasama, lungkot na lungkot siya na maulila kay Inay, subalit naroon naman kami upang magpakita sa kaniya ng pag-ibig at ng pag-alalay.
Ang habang-buhay na halimbawa ni Itay ng pagdalo sa mga pulong, ng pag-aaral, at paglilingkuran bilang Kristiyano ay nagpatuloy hanggang sa kaniyang kamatayan. Mahilig siyang magbasa. Yamang siya’y kailangang mag-isa samantalang kami’y nasa paglilingkuran, ako’y uuwi at magtatanong, “Kayo po ba’y nalungkot?” Naging abala siya sa pagbabasa at pag-aaral, kaya naman hindi pumasok sa kaniyang isip ang kalungkutan.
May isa pang ugaling panghabang-buhay na aming ipinagpatuloy. Laging iginigiit ni Itay ang pagsasalu-salo sa pagkain ng mag-anak, lalo na kung panahon ng almusal pagka isinasaalang-alang ang pang-araw-araw na teksto sa Kasulatan. Nang bata pa ako, hindi ako pinapayagang umalis ng bahay nang hindi nakikibahagi roon. Kung minsan ay sasabihin ko: “Pero Itay, mahuhuli ako sa eskuwela (o sa trabaho).”
“Hindi ang pagsasaalang-alang ng teksto ang dahilan kung kaya ka náhuhuli; hindi ka bumangon sa tamang oras,” ang sasabihin niya. At ako ay kinailangang huwag munang umalis at pakinggan iyon. Tiniyak niya na ang mabuting halimbawang ito ay sinusunod pa rin hanggang sa mga huling araw ng kaniyang buhay. Ito’y isa pang pamana na iniwan niya sa akin.
Si Itay ay may maliwanag na isip hanggang sa sandali ng kaniyang kamatayan. Naging madali na siya’y alagaan dahil sa kailanman ay hindi siya makuskos-balungos o mareklamo. Oh, kung minsan ay babanggitin niya ang kaniyang arthritis, subalit ipinagugunita ko sa kaniya na ang kaniyang talagang sakit ay “Adamitis,” at siya’y tatawa. Samantalang kami ni Gene ay nakaupo sa tabi niya, si Itay ay tahimik na pumanaw noong umaga ng Nobyembre 30, 1991.
Ako’y mahigit na 70 taon na ngayon at nakikinabang pa rin buhat sa mainam na halimbawa ng aking mapagmahal na mga magulang na Kristiyano. At aking taimtim na dalangin na mapatunayan ko ang aking lubos na pagpapahalaga sa manang ito sa pamamagitan ng wastong paggamit nito sa walang-hanggang panahong darating.—Awit 71:17, 18.
[Larawan sa pahina 5]
Ako kasama si Inay
[Mga larawan sa pahina 7]
1. Ang aking unang kombensiyon: San Marcos, Texas, Setyembre 1923
2. Ang huling kombensiyon ni Itay: Forth Worth, Texas, Hunyo, 1991 (nakaupo si Itay)
[Larawan sa pahina 9]
Sina Gene at Blossom Brandt