Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
“Nagpatuloy Sila Nang Walang Humpay”
SAPOL noong kaarawan ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol, ang mga lider ng relihiyon ay gumamit ng anumang posibleng paraan sa kanilang pagsisikap na hadlangan ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang mga apostol ay paulit-ulit at mahigpit na “inutusan” ng lokal na mga awtoridad sa Jerusalem na “tumigil na sa pagsasalita salig sa pangalan ni Jesus.” (Gawa 5:27, 28, 40) Gayunpaman, sinasabi ng ulat ng Bibliya na “ang salita ng Diyos ay nagpatuloy sa paglago, at ang bilang ng mga alagad ay patuloy na dumarami nang labis sa Jerusalem.”—Gawa 6:7.
Makalipas ang dalawang milenyo masusumpungan pa rin natin ang mga relihiyosong lider sa Israel na inuudyukan ang lokal na mga awtoridad na hadlangan ang gawain ng mga tunay na Kristiyano sa bansang iyon. Sa ilalim ng panggigipit ng radikal na mga relihiyonista, noong Nobyembre 1987, ang lokal na mga awtoridad sa Tel Aviv, Israel, ay nag-utos na itigil ng mga Saksi ang pagdaraos ng Kristiyanong mga pulong sa Kingdom Hall na nasa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower. Ang utos ay nagkabisa noong Oktubre 1989. Bilang pagsunod, ang mga Saksi ay nagpulong sa inuupahang mga pasilidad sa lugar na iyon sa loob ng tatlong taon samantalang ang kanilang Kingdom Hall ay nanatiling halos hindi nagagamit.
Samantala, ang bagay na ito ay itinawag-pansin sa Israeli High Court of Justice. Ang argumento na iniharap ng mga Saksi ay nirepaso ng tanggapan ng abogado ng estado at nagpahayag na walang posibleng depensa laban sa kanilang pag-apela dahil sa lantarang relihiyosong pagtatangi na nasasangkot. Kaya naman, ang lokal na mga awtoridad ay walang nagawa kundi baligtarin ang kanilang desisyon, at ang mga Saksi ni Jehova ay masayang nagbalik sa kanilang Kingdom Hall.
Ang gawaing pangangaral ba ng mga katotohanan ng Bibliya ay umurong noong mga taóng iyon? Hinding-hindi! Noong panahon na ipasará ang Kingdom Hall, may dalawang kongregasyon sa Tel Aviv at isang bukod na grupo ng pag-aaral sa Bibliya sa karatig-bayan ng Lod. Makalipas ang tatlong taon, nang muling buksan ang Kingdom Hall, ang mga Saksi ni Jehova ay dumami hanggang maging apat na kongregasyon, at isang bagong grupo ng pag-aaral sa Bibliya ang nagpupulong sa Beersheba.
Ang paglago sa Israel ay hindi limitado sa mga grupo ng pangunahing wika, ang Arabiko at Hebreo. May maramihang pagdagsa ng mga dayuhan buhat sa dating Unyong Sobyet, kaya ang mga Saksi ni Jehova na Ruso ang wika ay abala ngayon sa pamamahagi sa kanila ng mabuting balita. Ang ilang pulong sa wikang Ruso ay ginaganap sa tatlong kongregasyon; mahigit na isang daan katao ang nagkatipon kamakailan para sa asamblea sa wikang Ruso.
Walang alinlangan, ang may-kinikilingang mga relihiyonista ay magpapatuloy sa kanilang kampanya laban sa tunay na pagsamba. Subalit ang mga tagapaghayag ng Kaharian ay patuloy na tumutulad sa unang-siglong mga Kristiyano na, sa kabila ng pagsalansang, ay ‘nagpatuloy nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.’—Gawa 5:42.