Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Paghahanap ng Katotohanan sa Bibliya Ginanti sa Israel
PARAMI nang paraming tao sa Israel tulad din sa lahat ng dako ang nakakikita ng kawalang-kabuluhan ng pagsisikap ng tao na magdala ng walang-hanggang kapayapaan at magbigay ng pag-asa para sa kinabukasan. Ang 370 mga Saksi ni Jehova sa maganda, makasaysayang lupaing iyan ay nagdadala ng nagbibigay-buhay na pag-asa sa mga taong humahanap sa Diyos. (Isaias 55:2, 3) Ang sumusunod na ulat buhat sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Tel Aviv ang nagpapakita na ginaganti ng Diyos yaong mga humahanap ng katotohanan sa Bibliya.
“Ang mga panggugulo ng magugulong relihiyosong mga panatiko ay unti-unting humuhupa, at ang kanilang dating pagsisikap na manghimasok sa ating mga pulong ay patuloy na tumatalbog sa kanila. Halimbawa, isang may edad nang mag-asawang Ruso ang nakikisama sa isang grupong Adventista na hindi nasisiyahan sa kanilang natututuhan. Wala silang nakitang ebidensiya ng mga pag-uusig na inihulang makikita sa tunay na pagka-Kristiyano. Isang araw sila’y nakatagpo ng isang lumang, itinapon nang magasin ng balita sa wikang Romanian at ito’y nag-uulat tungkol sa mga karahasan ng mga mang-uumog noong 1985 sa gusali ng tanggapang sangay ng Samahan at sa Kingdom Hall sa Tel Aviv. Palibhasa’y napukaw na ang kanilang interes, sila’y nagbiyahe upang pumaroon sa Tel Aviv at sila’y lumakad nang lumakad nang may apat na oras hanggang sa makita nila ang gusaling tinutukoy sa artikulo sa pahayagan. Sila’y nagalak na tumanggap ng mga kasagutan sa ilan sa kanilang mga katanungan at naghintay na sila roon para sa pagdalo sa pulong sa gabi, at ikinagalak nila na makilala ang mga ilang Saksing ang wika’y Ruso. Magmula noon, sila’y pinagdausan ng regular na pag-aaral sa Bibliya. Mientras sila’y natututo, lalo namang nakukumbinse sila na natagpuan na nila ang kanilang hinahanap—ang katotohanan!
“Sa isa pang karanasan, isang kapatid ang nagpatotoo sa isang may kabataang padre de-pamilya na tutol sa ilang mga puntong sinubok niyang sa kaniya’y ipaliwanag kaya’t hindi nagpatuloy na magsuri ng mensahe ng Kaharian. Makalipas ang mga ilang taon, ang anak na babae ng lalaking ito ay nagkasakit, at sinabi sa kaniya ng mga kaibigan niyang mapamahiin na ang problema’y malamang na may kinalaman sa mezuzah na nakakabit sa kaniyang poste sa pintuan. Kanilang ipinayo na siya’y pasuri sa rabbi. Ito’y minabuti niyang gawin. Kasabay nito, siya’y taimtim na nanalangin sa Diyos na patnubayan siya sa paghahanap sa katotohanan.
“Nang siya’y papunta na sa tahanan ng rabbi, ang taong iyon ay biglang nagpasiyang pumaroon at kunin sa klinika ang isang reseta ng doktor. Nang siya’y dumating, sino ba ang naroroon kundi ang Saksi na nangaral sa kaniya mga ilang taon na ang nakalipas! Sinabi ng kapatid na siya’y walang planong pumaroon sa klinika nang gabing iyon hanggang sa biglang-biglang naalaala niya ang isang bagay na kailangan niya. Ang kapatid at ang taong iyon ay umupo at nag-usap nang may dalawang oras ng gabing iyon, at isang pag-aaral sa Bibliya ang isinaayos upang aralan ang lalaking iyon. Ito’y nagsimulang dumalo sa mga pulong, ang kaniyang pagsulong ay patuloy, at siya’y sumali na sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Hindi nagtagal at siya’y sumama na sa ministeryo sa larangan, at siya ngayon ay isang bautismadong kapatid. Hindi na siya nakarating doon sa bahay ng rabbi!”
Ang paghahanap ng mga taong ito ng katotohanan ng Bibliya ay saganang ginanti, yamang sila’y nakasumpong ng isang kayamanan na lalong mahalaga kaysa dalisay na ginto.—Kawikaan 3:13-18.