Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ang Diyos ba ay may pagtatangi sa pagpili ng mga lalaki para sa sinaunang lupong tagapamahala na galing sa iisang lahi at bansa—anupat pawang mga Judio?
Wala, tiyak na wala siyang pagtatangi. Lahat ng unang tinawag ni Jesus bilang kaniyang mga alagad ay mga Judio. Pagkatapos, noong Pentecostes 33 C.E., ang mga Judio at mga Judiong proselita ang mga unang pinahiran ng banal na espiritu at sa gayo’y naging karapat-dapat na magharing kasama ni Kristo sa langit. Nang dakong huli saka lamang idinagdag ang mga Samaritano at di-tuling mga Gentil. Sa gayon, mauunawaan na ang lupong tagapamahala nang panahong iyon ay binubuo ng mga Judio, ‘mga apostol at nakatatandang mga lalaki sa Jerusalem,’ gaya ng binanggit sa Gawa 15:2. Ito’y mga lalaki na may mas malawak na maka-Kasulatang kaalaman at mga taon ng karanasan sa tunay na pagsamba, at sila’y may higit na panahon na sumulong upang maging maygulang na Kristiyanong matatanda.—Ihambing ang Roma 3:1, 2.
Pagsapit ng panahon ng pagpupulong ng lupong tagapamahala na iniuulat sa Gawa kabanata 15, marami nang Gentil ang naging mga Kristiyano. Kasali rito ang mga Aprikano, Europeo, at mga tao buhat sa ibang mga lugar. Gayunman, walang ulat na may sinumang Gentil na idinagdag sa lupong tagapamahala upang ang Kristiyanismo ay gawing kaakit-akit sa mga di-Judio. Bagaman ang bagong kumberteng mga Kristiyanong Gentil ay kapantay na mga miyembro ng “Israel ng Diyos,” kaipala ay kanilang iginalang ang pagkamaygulang at mas malawak na karanasan ng mga Kristiyanong Judio, tulad ng mga apostol, na noon ay kabilang sa lupong tagapamahala. (Galacia 6:16) Pansinin sa Gawa 1:21, 22 ang mataas na pagpapahalaga sa gayong karanasan.—Hebreo 2:3; 2 Pedro 1:18; 1 Juan 1:1-3.
Sa loob ng maraming dantaon ang Diyos ay nakitungo sa isang natatanging paraan sa bansang Israel, na buhat dito pinili ni Jesus ang kaniyang mga apostol. Hindi isang pagkakamali o kawalang-katarungan na walang mga apostol na pinili buhat sa ngayo’y Timog Amerika o Aprika o Malayong Silangan. Sa takdang panahon mga lalaki at babae mula sa mga lugar na iyan ay magtatamo ng pribilehiyong higit na dakila kaysa pagiging isang apostol sa lupa, pagiging miyembro ng unang-siglong lupong tagapamahala, o pagkahirang sa isang tungkulin sa gitna ng bayan ng Diyos sa ngayon.—Galacia 3:27-29.
Isang apostol ang kinasihang magsabi na “ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Oo, ang mga pakinabang ng pantubos ni Kristo ay maaaring makamit ng lahat, nang walang itinatangi. At mga tao buhat sa bawat tribo at wika at bansa ang makakasali sa makalangit na Kaharian at sa malaking pulutong na mabubuhay magpakailanman sa lupa.
Maraming tao ang nagiging sensitibo tungkol sa lahi, wika, o bansang pinagmulan. Ito’y inilalarawan sa mababasa natin sa Gawa 6:1 tungkol sa isang usapin na naging sanhi ng pagbubulungan sa pagitan ng mga Kristiyano na Griego ang wika at yaong mga Hebreo ang wika. Marahil dahil sa kinalakihan o sa kapaligiran ay naimpluwensiyahan tayong maging labis na sensitibo may kinalaman sa wika, lahi, pinagmulang angkan, o kasarian. Dahil sa katunayang ito, makabubuti na gumawa tayo ng puspusang pagsisikap na mahubog ang ating mga damdamin at saloobin ayon sa pangmalas ng Diyos, na ang lahat ng tao ay pantay-pantay sa harap niya, anuman ang ating panlabas na hitsura. Nang ipasulat ng Diyos ang mga kuwalipikasyon para sa matatanda at mga ministeryal na lingkod, wala siyang binanggit na lahi at bansang pinagmulan. Hindi, siya ay nagtuon ng pansin sa espirituwal na mga kuwalipikasyon niyaong maaaring maglingkod. Totoo ito sa lokal na matatanda, naglalakbay na mga tagapangasiwa, at mga nagtatrabaho sa mga sangay sa ngayon, tulad din sa lupong tagapamahala noong unang siglo.