Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 2/15 p. 30-31
  • Ang Pangangayupapa ba ay Katulad ng Pagsamba?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pangangayupapa ba ay Katulad ng Pagsamba?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Pangangayupapa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan
  • Pangangayupapa sa Niluwalhating si Jesu-Kristo
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 2/15 p. 30-31

Ang Pangangayupapa ba ay Katulad ng Pagsamba?

ANG pangangayupapa ay ang pagyukod, pagluhod, pagpapatirapa ng katawan, o iba pang kilos upang ipahiwatig ang pagpapasakop; o ang pagbibigay-galang lamang. Ito sa maraming kaso ang angkop na salin ng Hebreo na hish·ta·chawahʹ at ng Griego na pro·sky·neʹo.

Karaniwan na, ang hish·ta·chawahʹ ay nangangahulugang “yumukod.” (Genesis 18:2) Ang gayong pagyukod ay maaaring gawin bilang paggalang o pagpaparangal sa ibang tao, gaya ng sa hari (1 Samuel 24:8; 2 Samuel 24:20; Awit 45:11), sa mataas na saserdote (1 Samuel 2:36), sa propeta (2 Hari 2:15), o sa ibang tao na may awtoridad (Genesis 37:9, 10; 42:6; Ruth 2:8-10), sa isang nakatatandang kamag-anak (Genesis 33:1-6; 48:11, 12; Exodo 18:7; 1 Hari 2:19), o kahit sa mga taong di-kilala bilang isang kapahayagan ng pagpipitagan (Genesis 19:1, 2).

Buhat sa nabanggit na mga halimbawa ay maliwanag na ang mismong Hebreong terminong ito ay hindi naman laging may diwang relihiyoso o nagpapahiwatig ng pagsamba. Gayunpaman, sa maraming kaso ay ginagamit ito may kaugnayan sa pagsamba, ukol man sa tunay na Diyos (Exodo 24:1; Awit 95:6; Isaias 27:13; 66:23) o sa huwad na mga diyos. (Deuteronomio 4:19; 8:19; 11:16) Maaaring yumukod ang mga tao sa pananalangin sa Diyos (Exodo 34:8; Job 1:20, 21) at madalas ay nagpapatirapa sila kapag nakatanggap ng isang pagsisiwalat buhat sa Diyos o isang kapahayagan o katibayan ng kaniyang pagsang-ayon, sa gayo’y nagpapakita sila ng pasasalamat, taimtim na paggalang, at mapagpakumbabang pagpapasakop sa kaniyang kalooban.​—Genesis 24:23-26, 50-52; Exodo 4:31; 12:27, 28; 2 Cronica 7:3; 20:14-19; ihambing ang 1 Corinto 14:25; Apocalipsis 19:1-4.

Ang pagyukod sa isang tao bilang paggalang ay pinahihintulutan, subalit ang pagyukod sa sinumang diyos liban kay Jehova ay ipinagbabawal ng Diyos. (Exodo 23:24; 34:14) Gayundin, ang pagyukod bilang pagsamba sa mga relihiyosong imahen o sa alinmang bagay na nilikha ay tiyak na hinahatulan. (Exodo 20:4, 5; Levitico 26:1; Deuteronomio 4:15-19; Isaias 2:8, 9, 20, 21) Kaya naman, sa Hebreong Kasulatan, nang ang ilan sa mga lingkod ni Jehova ay nagpatirapa sa harap ng mga anghel, ginawa lamang nila iyon upang ipakitang kinikilala nila na ang mga ito ay mga kinatawan ng Diyos, hindi upang mangayupapa sa kanila bilang mga diyos.​—Josue 5:13-15; Genesis 18:1-3.

Pangangayupapa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan

Ang Griegong pro·sky·neʹo ay halos katumbas ng Hebreong hish·ta·chawahʹ sa pagpapahayag ng diwa na kapuwa pangangayupapa sa mga nilikha at pagsamba sa Diyos o sa isang bathala. Marahil ang paraan ng pagsasagawa ng pangangayupapa ay hindi gaanong idiniriin sa pro·sky·neʹo di gaya sa hish·ta·chawahʹ, kung saan ang Hebreong termino ay malinaw na nagpapahayag ng diwa na pangangayupapa o pagyukod. Hinango ng mga iskolar ang Griegong termino buhat sa pandiwang ky·neʹo, “humalik.” Ang gamit ng salita sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (gaya rin sa salin na Griegong Septuagint ng Hebreong Kasulatan) ay nagpapakita na ang mga tao na ang ikinilos ay siyang tinutukoy ng termino ay nagpatirapa o yumukod.​—Mateo 2:11; 18:26; 28:9.

Gaya sa Hebreong termino, dapat isaalang-alang ang konteksto upang matiyak kung ang pro·sky·neʹo ay tumutukoy lamang sa pangangayupapa sa diwa na taimtim na paggalang o pangangayupapa sa diwa na relihiyosong pagsamba. Kapag iniuukol sa Diyos (Juan 4:20-24; 1 Corinto 14:25; Apocalipsis 4:10) o sa huwad na mga diyos at sa kanilang mga imahen (Gawa 7:43; Apocalipsis 9:20), maliwanag na ang pangangayupapa ay higit pa kaysa sa karaniwan o kinaugaliang iniuukol sa tao at pumapasok na sa larangan ng pagsamba. Gayundin naman, kapag ang pinag-uukulan ng pangangayupapa ay hindi tinukoy, maliwanag na ito’y tumutukoy sa Diyos. (Juan 12:20; Gawa 8:27; 24:11; Hebreo 11:21; Apocalipsis 11:1) Sa kabilang banda, ang kilos niyaong mga kabilang sa “sinagoga ni Satanas” na ‘pinapunta at pinapangayupapa’ sa paanan ng mga Kristiyano ay maliwanag na hindi pagsamba.​—Apocalipsis 3:9.

Ang pangangayupapa sa isang haring tao ay masusumpungan sa ilustrasyon ni Jesus sa Mateo 18:26. Maliwanag na ito ang uri ng pangangayupapa na iniukol ng mga astrologo sa batang si Jesus, ang “isinilang na hari ng mga Judio,” na siyang pakunwaring ninais ipahayag ni Herodes, at na may pagkutyang ikinapit ng mga sundalo kay Jesus noong bago siya ibayubay. Maliwanag na hindi nila minalas si Jesus bilang Diyos o bilang isang bathala. (Mateo 2:2, 8; Marcos 15:19) Bagaman ginagamit ng ilang tagapagsalin ang salitang “pagsamba” sa maraming pagkakataon na inilalarawan ng pro·sky·neʹo ang kilos ng tao na iniukol kay Jesus, ang katibayan ay hindi nagbibigay-katuwiran sa madalas na paggamit sa ganitong salin. Sa halip, ang mga kalagayan na nag-udyok ng pangangayupapa ay halos katumbas niyaong sa mga nagsipangayupapa sa mga sinaunang propeta at mga hari. (Ihambing ang Mateo 8:2; 9:18; 15:25; 20:20 sa 1 Samuel 25:23, 24; 2 Samuel 14:4-7; 1 Hari 1:16; 2 Hari 4:36, 37.) Ang mismong kapahayagan ng mga kasangkot ang kadalasa’y nagsisiwalat na, samantalang maliwanag na kinikilala nila si Jesus bilang kinatawan ng Diyos, nagsipangayupapa sila sa kaniya, hindi gaya ng sa Diyos o sa isang bathala, kundi bilang “Anak ng Diyos,” ang inihulang “Anak ng tao,” ang Mesiyas na may bigay-Diyos na awtoridad. Sa maraming pagkakataon ang kanilang pangangayupapa ay nagpapahayag ng pasasalamat dahil sa banal na mga pagsisiwalat o katunayan ng pagsang-ayon na gaya ng ipinahayag noong unang panahon.​—Mateo 14:32, 33; 28:5-10, 16-18; Lucas 24:50-52; Juan 9:35, 38.

Bagaman pinayagan ng sinaunang mga propeta at gayundin ng mga anghel ang pangangayupapa, pinigil ni Pedro si Cornelio sa pag-uukol ng gayon sa kaniya, at ang anghel o mga anghel sa pangitain ni Juan ay makalawang pumigil kay Juan sa paggawa ng gayon, anupat tinutukoy ang kaniyang sarili bilang “kapuwa mo alipin” at nagtapos sa pagpapayo na “sambahin mo ang Diyos [toi The·oiʹ pro·skyʹne·son].” (Gawa 10:25, 26; Apocalipsis 19:10; 22:8, 9) Maliwanag na ang pagparito ni Jesus ay nagdulot ng mga bagong ugnayan na nakaapekto sa mga pamantayan ng paggawi ng mga lingkod ng Diyos sa pakikitungo sa iba. Tinuruan niya ang kaniyang mga alagad na “iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid . . . ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo.” (Mateo 23:8-12), sapagkat sa kaniya natupad ang makahulang paglalarawan at mga tipo, anupat sinabi ng anghel kay Juan na “ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang kumakasi sa panghuhula.” (Apocalipsis 19:10) Si Jesus ay Panginoon ni David, ang dakila kaysa kay Solomon, ang propeta na dakila pa kaysa kay Moises. (Lucas 20:41-43; Mateo 12:42; Gawa 3:19-24) Ang pangangayupapa na iniukol sa mga lalaking iyon ay lumarawan sa iuukol kay Kristo. Matuwid lamang kung gayon na si Pedro ay tumangging pag-ukulan ni Cornelio ng higit kaysa nararapat.

Pangangayupapa sa Niluwalhating si Jesu-Kristo

Sa kabilang panig, si Kristo Jesus ay itinaas ng kaniyang Ama sa isang posisyong pangalawa lamang sa Diyos, upang “sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.” (Filipos 2:9-11; ihambing ang Daniel 7:13, 14, 27.) Ipinakikita rin ng Hebreo 1:6 na kahit ang mga anghel ay nagsipangayupapa sa binuhay-muling si Jesu-Kristo. Maraming salin ng tekstong ito ang gumamit sa pro·sky·neʹo bilang “pagsamba,” samantalang isinalin naman ito ng ilan sa mga kapahayagan na gaya ng “yumukod sa harap” (AT; Yg) at ‘magbigay-galang’ (NE). Anumang terminong Ingles ang ginamit, ang orihinal na Griego ay nanatiling di-nagbabago at ang pagkaunawa sa iniukol ng mga anghel kay Kristo ay nararapat na kasuwato ng iba pang bahagi ng Kasulatan. Si Jesus mismo ang mariing nagsabi kay Satanas na “si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin [anyo ng pro·sky·neʹo] mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.” (Mateo 4:8-10; Lucas 4:7, 8) Gayundin, sinabihan si Juan ng (mga) anghel na “sambahin mo ang Diyos” (Apocalipsis 19:10; 22:9), at ang utos na ito ay dumating pagkatapos buhaying-muli at itaas si Jesus, anupat ipinakikita na hindi nagbago ang mga bagay-bagay hinggil dito. Totoo, ang Awit 97, na siyang maliwanag na sinipi ng apostol sa Hebreo 1:6, ay tumutukoy sa Diyos na Jehova bilang siyang pinag-uukulan ng ‘pagyukod,’ at ikinapit din ang tekstong ito kay Kristo Jesus. (Awit 97:1, 7) Gayunman, patiunang ipinakita ng apostol na ang binuhay-muling si Kristo ang “siyang sinag ng kaluwalhatian [ng Diyos] at ang eksaktong representasyon ng kaniya mismong sarili.” (Hebreo 1:1-3) Kaya naman, kung ang nauunawaan natin bilang “pagsamba” ay waring iniuukol ng mga anghel sa Anak, ito sa katunayan ay iniuukol sa pamamagitan niya sa Diyos na Jehova, ang Soberanong Tagapamahala, “ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at dagat at mga bukal ng mga tubig.” (Apocalipsis 14:7; 4:10, 11; 7:11, 12; 11:16, 17; ihambing ang 1 Cronica 29:20; Apocalipsis 5:13, 14; 21:22.) Sa kabilang banda, ang mga salin na “yumukod sa harap” at ‘magbigay-galang’ (sa halip na “sumamba”) ay tiyak na kasuwato ng orihinal na wika, kahit ng Hebreo man sa Awit 97:7 o ng Griego sa Hebreo 1:6, sapagkat ipinahihiwatig ng gayong salin ang karaniwang diwa ng kapuwa hish·ta·chawahʹ at pro·sky·neʹo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share