Natatandaan Mo Ba?
Nasumpungan mo bang may praktikal na kahalagahan sa iyo ang mga kamakailang isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon ay bakit hindi subukin ang iyong memorya sa pamamagitan ng sumusunod na mga tanong:
◻ Anong aral ang matututuhan natin buhat sa pagbagsak ng mga Ammonita? (Zefanias 2:9, 10)
Hindi ipinagwawalang-bahala ni Jehova kapag ang kaniyang kabaitan ay ginagantihan ng poot, at sa kaniyang takdang panahon, muli siyang kikilos, gaya ng ginawa niya noong sinaunang panahon. (Ihambing ang Awit 2:6-12.)—12/15, pahina 10.
◻ Sa anu-anong paraan ang mga Kristiyano ay may kapayapaan?
Una, sila ay may “kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng [kanilang] Panginoong Jesu-Kristo.” (Roma 5:1) Pangalawa, sila ay may kapayapaan sa kanilang sarili sa pamamagitan ng paglinang ng “karunungan mula sa itaas,” na “una sa lahat malinis, pagkatapos ay mapayapa.” (Santiago 3:17)—1/1, pahina 11.
◻ Ano ang ilang bagay na doo’y inihalintulad ang Salita ng Diyos, at papaano ito nakatutulong sa atin?
Ang Salita ng Diyos ay inihalintulad sa nakapagpapalusog na gatas, matigas na pagkain, nakapagpapanariwa at nakalilinis na tubig, isang salamin, at isang matalas na tabak. Ang pagkaunawa sa ipinahihiwatig ng mga terminong ito ay tutulong sa isang ministro na gamitin ang Bibliya nang mahusay.—1/1, pahina 29.
◻ Ang balanseng sekular na edukasyon ay tutulong sa atin na gawin ang ano?
Na bumasa nang mahusay, sumulat nang malinaw, mahutok sa mental at moral na paraan, at magtamo ng praktikal na pagsasanay na kailangan para sa pamumuhay sa araw-araw at sa epektibong sagradong paglilingkod.—2/1, pahina 10.
◻ Anong mahalagang leksiyon hinggil sa edukasyon ang matututuhan natin kay Jesus?
Ang edukasyon ay nararapat gamitin, hindi upang luwalhatiin ang ating sarili, kundi upang magdulot ng kapurihan sa pinakadakilang Edukador, ang Diyos na Jehova. (Juan 7:18)—2/1, pahina 10.
◻ Ano ang Kaharian ng Diyos?
Ang Kaharian ay isang makalangit na pamahalaan na itinatag ng Diyos na magsasakatuparan sa kalooban ng Diyos na alisin ang mga epekto ng kasalanan at kamatayan at upang ibalik ang matuwid na mga kalagayan sa lupa. (Daniel 2:44; Apocalipsis 11:15; 12:10)—2/1, pahina 16.
◻ Papaano inilalaan ng Bibliya ang edukasyon na kailangan upang ganap na wakasan ang karahasan?
Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, tinuturuan ni Jehova ang mga tao na maging maibigin sa kapayapaan at maging matuwid. (Isaias 48:17, 18) Ang Salita ng Diyos ay may kapangyarihan na abutin at antigin ang puso ng isang tao, anupat binabago ang kaniyang pag-iisip at asal. (Hebreo 4:12)—2/15, pahina 6.
◻ Sa anong paraan masasabi na ang hula sa Isaias kabanata 35 ay may tatlong katuparan?
Ang hula ni Isaias ay may unang katuparan nang bumalik ang mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya noong 537 B.C.E. Ito ay may nagaganap na espirituwal na katuparan sa ngayon sapol nang mapalaya ang espirituwal na Israel buhat sa pagkabihag sa Babilonyang Dakila. At ito ay magkakaroon ng ikatlong katuparan may kaugnayan sa Biblikal na katiyakan ng literal na paraisong mga kalagayan sa lupa. (Awit 37:10, 11; Apocalipsis 21:4, 5)—2/15, pahina 17.
◻ Papaano naipamalas ang personal na interes ng Diyos sa mga tao sa mga himalang ginawa ng kaniyang Anak, si Jesus?
Yamang si Jesus ay “hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lamang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama,” ang kaniyang pagdamay ay naglalarawan ng nakaaantig na pagmamalasakit ni Jehova para sa bawat isa sa kaniyang mga lingkod. (Juan 5:19)—3/1, pahina 5.
◻ Ano ang ipinahihiwatig ng pananalita ni Jesus na “mga alaalang libingan” na ginamit sa Juan 5:28, 29?
Ang Griegong salitang mne·mei’on (alaalang libingan) na ginamit dito ay nagpapahiwatig na naaalaala ni Jehova ang rekord ng taong namatay, kasali na ang kaniyang minanang mga katangian at kumpletong memorya. Ito ay matibay na patotoo na ang Diyos ay nagmamalasakit sa mga tao sa indibiduwal na paraan!—3/1, pahina 6.
◻ Anong babalang mensahe sa hula ni Zefanias ang praktikal na makatutulong sa atin?
Hindi ngayon ang panahon upang mag-ugat sa ating puso ang pag-aalinlangan at ipagpaliban sa ating isip ang pagdating ng araw ni Jehova. At saka, dapat tayong maging mapagbantay laban sa nakapagpapahinang epekto ng kawalang-interes. (Zefanias 1:12, 13; 3:8)—3/1, pahina 17.
◻ Bakit naghaharap ng hamon ang pagkamatapat sa Diyos?
Sapagkat ang pagkamatapat ay salungat sa mapag-imbot na hilig na minana natin sa ating mga magulang. (Genesis 8:21; Roma 7:19) Higit pa rito, determinado si Satanas at ang kaniyang mga demonyo na sirain ang ating pagkamatapat sa Diyos. (Efeso 6:12; 1 Pedro 5:8)—3/15, pahina 10.
◻ Sa anong apat na pitak kailangang harapin natin ang hamon ng pagkamatapat, at ano ang tutulong sa atin na magawa iyon?
Ang apat na pitak ay ang pagkamatapat kay Jehova, sa kaniyang organisasyon, sa kongregasyon, at sa ating kabiyak. Ang isang tulong sa pagharap sa mga hamong ito ay ang pagkaunawa na ang hamon sa pagkamatapat ay may malapit na kaugnayan sa pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova.—3/15, pahina 20.
◻ Anong aral ang matututuhan natin buhat sa karanasan ni David sa pagtatangkang dalhin ang kaban ng tipan pabalik sa Jerusalem? (2 Samuel 6:2-7)
Hindi sinunod ni David ang tagubilin ni Jehova hinggil sa pagdadala ng Kaban, at nagbunga ito ng kapahamakan. Ang aral ay na hindi natin dapat sisihin si Jehova sa mga suliranin na ibinubunga ng hindi natin pagsunod sa kaniyang malinaw na mga tagubilin. (Kawikaan 19:3)—4/1, pahina 28, 29.