Kung Bakit Niya Ginamit ang Pinakadakilang Pangalan
“NAGKASALA ako, ayon sa isa sa aking mga kritiko, sa paglalagay ng salitang ‘Jehova’ sa halip na ‘ang Panginoon,’ na siyang kinaugaliang katumbas nito sa loob ng mga siglo.”
Ito ang komento ni J. J. Stewart Perowne sa paunang-salita sa ikalawang edisyon ng kaniyang salin ng aklat ng Mga Awit, na unang inilathala noong 1864. Ang kritiko, na sumulat sa Saturday Review ng Hulyo 2, 1864, ay tumutol sa paggamit ng pangalan ng Diyos sa salin, yamang hindi na ito ginagamit alinman sa Judio o Kristiyanong mga simbahan. Ikinatuwiran niya na ang pangalang Jehova ay may napakalapit na kaugnayan sa mga Judio at na dapat gumamit ng ibang salita, gaya ng “Panginoon” o “Diyos,” “na walang katangiang lokal o pambansa na kaakibat nito.”
Hindi sumang-ayon si Perowne sa mga pangangatuwirang ito, yamang hindi niya “nais na alisin ang isang titik” sa pagsisiwalat ng Diyos sa tao. Wastong ikinatuwiran niya na hindi nakita ng mga tagapagsalin na gumamit ng salitang “Panginoon” para sa Hebreong banal na pangalan ang kaibahan sa pagitan ng dalawang Hebreong salita.
Isa pa, iginiit ni Perowne na may mahuhusay na awtoridad na sumang-ayon sa pagsasauli ng banal na pangalan. Sinipi niya ang bantog na makatang Ingles na si Samuel Taylor Coleridge:
“Bakit itutuloy ang pagsasalin ng Hebreo sa Ingles na nakuha lamang sa iba, sa pamamagitan ng paggamit ng Septuagint? Hindi ba tinanggap natin ang Hebreong salitang Jehova? Hindi ba ang Κύριος, o Panginoon, sa Septuagint, ay isang kahalili nang napakaraming ulit para sa Hebreo, na Jehova? Kung gayon, bakit hindi isauli ang orihinal na salita; at sa Lumang Tipan ay maingat na isalin ang Jehova, ng Jehova; at sa bawat teksto sa Bagong Tipan, na sumisipi sa Luma, ay gamitin ang Hebreong salita na sinipi?”
Inamin ni Perowne na ang eksaktong bigkas ng Hebreong Tetragrammaton ay nakalimutan na, ngunit sinabi niya: “Kung dahil lamang sa mapamahiing pag-aalinlangan kung kaya inihinto ang paggamit ng pangalan sa Judiong Simbahan, at kung dahil sa napakaeksaktong pagkopya ng mga Bersiyong Griego at Latin ay naiwala ng ating sariling [Ingles na] Bersiyon ang salita, ang mga ito ay hindi matitibay na dahilan laban sa pagbabalik sa orihinal na paggamit.” Pinili ni Perowne ang anyong “Jehova” sapagkat ito ay kilalang-kilala. Mula noon ay marami pang modernong salin ang gumamit din ng banal na pangalan. Ginagamit ng New World Translation of the Holy Scriptures ang pangalang Jehova nang mahigit sa 7,200 beses sa Hebreo at sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Sa kaniyang salin ng Mga Awit, sinikap ni Perowne na sunding “maingat ang anyo ng Hebreo, kapuwa sa idyoma at sa balangkas ng mga sugnay.” Nang isinasalin ang Awit 69, talata 5 at 6, nakita niya ang pangangailangan na ipakita ang kaibahan ng Hebreong mga salita para sa “Diyos” (ʼElo·himʹ), “Panginoon” (ʼAdho·naiʹ), at “Jehova”: “O Diyos [ʼElo·himʹ], Alam mo ang aking kamangmangan, at ang aking pagkakasala ay hindi lingid sa Iyo. Huwag nawang mapahiya dahil sa akin silang mga naghihintay sa Iyo, O Panginoong [ʼAdho·naiʹ], Jehova (Diyos ng) mga hukbo. Huwag nawa silang malito, dahil sa akin, na humahanap sa Iyo, O Diyos ng Israel.”