Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 10/15 p. 3
  • Mayroon Bang Kabilang Buhay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mayroon Bang Kabilang Buhay?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Matagal Nang Itinatanong
  • Isang Masusing Pagsusuri sa Ilang Haka-haka Tungkol sa Kamatayan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Dapat Mo Bang Katakutan ang Patay?
    Gumising!—2009
  • Bakit Tayo Natatakot sa Kamatayan?
    Gumising!—2007
  • Ano ang Nangyayari Kapag Namatay Tayo?
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 10/15 p. 3

Mayroon Bang Kabilang Buhay?

DALAWANG katanungan ang libu-libong taon nang gumugulo sa isip ng tao: Bakit tayo tumatanda at sa wakas ay namamatay? Mayroon kayang anumang uri ng kamalayan matapos mamatay?

Ang una ay nakalilito sa maraming tao sapagkat kahit ang modernong siyensiya sa medisina, lakip na ang lahat ng kahanga-hangang mga tuklas nito, ay hindi nakapagbigay ng isang tiyak o nakasisiyang sagot.

Napakarami at sari-sari naman ang sagot sa ikalawang tanong. Subalit karaniwan, ang mga sagot tungkol sa kung mayroon ngang may malay na buhay matapos mamatay ay nagkakasalungatan sa pagitan niyaong mga positibo na hindi lamang hanggang dito ang buhay at niyaong mga naggigiit na natatapos ang may malay na buhay sa kamatayan. Karamihan sa huling grupong ito ay nagsasabi sa atin na walang alinlangan sa kanilang isip na ang maikling buhay ng tao ang tanging maaasahan niya. Madalas, anumang ibangon na pangangatuwirang salungat dito ay may kayabangang sinasagot, “Buweno, wala pang nakabalik para magsabi sa atin, hindi ba?”

Katulad sa ibang kontrobersiyal na mga tanong, marami ang hindi pa nakapagpapasiya​—anupat iginigiit na sa paano man sila ay maaari pang mahikayat. Ngunit ang iba ay sasagot, marahil nang wala sa loob, “Tingnan na lang natin pagdating ng panahon!”

Matagal Nang Itinatanong

Ang isang naunang tanong tungkol sa kabilang buhay ay ibinangon mga 3,500 taon na ang nakalilipas ng isang kilalang taga-Silangan na si Job, na napabalita dahil sa kaniyang pagtitiis sa kabila ng pagdurusa. Ganito ang tanong ni Job: “Ang tao ay namamatay at inililibing; siya’y nalalagutan ng hininga at wala na. Kung paanong ang tubig ay nawawala sa dagat o ang pinakasahig ng ilog ay natitigang at natutuyo, gayon ang tao ay nahihiga at hindi bumabangon . . . Kung mamatay ang isang tao, mabubuhay pa ba siya?”​—Job 14:10-14, New International Version.

Subalit hindi nag-iisa si Job sa kaniyang pagtatanong tungkol sa kabilang buhay. Nagbibigay ng ganitong nakapagtuturong impormasyon ang Encyclopædia of Religion and Ethics sa ilalim ng titulong “State of the Dead”: “Walang paksa tungkol sa kaniyang espirituwal na buhay ang pinagbuhusan ng isip ng tao na kagaya sa kaniyang kalagayan pagkatapos mamatay. [Ang mga katutubong tao] sa lahat ng rehiyon sa daigdig ay karaniwan nang may napakalinaw at buháy na buháy na paglalarawan ng dako ng mga espiritu​—ang buhay rito, mga katangian at kapaligiran nito​—at ito’y nagpapahiwatig ng matinding pagtutuon ng pansin sa paksa. Ang malaganap na takot sa mga patay ay nagtuturo ng isang lubhang sinaunang ideya na ang kanilang kalagayan ay hindi siyang wakas ng buhay. Pinutol ng kamatayan ang lakas; maliwanag iyan; ngunit hindi ba may ibang lakas na kumikilos, o hindi ba may kakayahan ang lakas na iyon na magparamdam sa palihim, mahiwagang mga paraan? Naniniwala man sa simula ang mga tao sa isang espiritu, kaluluwa, o multo, na hiwalay sa katawan, o hindi, waring may lahat ng dahilan upang maniwala na itinuturing nilang umiiral pa rin ang mga patay.”

Maaaring kabilang kayo sa isa sa tatlong kategoryang nabanggit na: hindi nakatitiyak kung ano ang nangyayari pagkamatay; kumbinsido na may isang uri ng kabilang buhay; o kumbinsido na hanggang dito lamang ang buhay. Anuman ang kalagayan, inaanyayahan naming suriin ninyong mabuti ang susunod na artikulo. Tingnan kung makasusumpong kayo rito ng kapani-paniwalang patotoo sa Bibliya na may isang kahanga-hangang pag-asa ng maligayang buhay pagkamatay, kung paano ito mangyayari, saan, at kailan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share