Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Pumupuri sa Diyos ang mga Kabataan sa Demokratikong Republika ng Congo
NOONG nakalipas na mga siglo, malugod na inanyayahan ng salmista ang mga kabataan na makisama sa pagpuri sa Haring walang hanggan: “Kayong mga kabataang lalaki at kayo rin na mga birhen, kayong matatandang lalaki kasama ng mga batang lalaki . . . , purihin ang pangalan ni Jehova, sapagkat tanging ang kaniyang pangalan ang di-maabot sa kataasan.” (Awit 148:12, 13) Itinatampok ng sumusunod na mga karanasan mula sa Demokratikong Republika ng Congo ang walang katulad na pribilehiyong ito.
• Ang kasero ng isang special pioneer ay hangang-hanga sa asal ng mga Saksi ni Jehova. Kaya naman pinayagan niya ang mga Saksi na makipag-aral ng Bibliya sa kaniyang limang-taong-gulang na anak na babae, si Fifi. Pagkaraang maobserbahan ang pagsulong ni Fifi sa pag-aaral ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya,a pinahintulutan siya ng kaniyang ama na dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Doon, natuto si Fifi ng mga awiting pang-Kaharian mula sa aklat-awitan ng mga Saksi. Higit niyang nagustuhan ang awit bilang 4, na pinamagatang “Paraisong Pangako ng Diyos.”
Isang araw ay ipinasiya ng ama ni Fifi na isama siya sa kaniyang simbahan. Nagulat ang lahat nang si Fifi ay tumangging umawit ng mga awit ng simbahan. Bakit? Dahil para sa kaniya ang mga awiting inaawit sa simbahan ng kaniyang ama ay hindi kasuwato ng kaniyang natutuhan sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya. Sa halip, lakas-loob niyang inawit ang kaniyang paboritong awiting pang-Kaharian.
Pagkaraan ng ilang bigong pagtatangkang baguhin ang kaniyang kaisipan, ipinasiya ng mga lider ng simbahan na itiwalag sa iglesya ang limang-taong-gulang na si Fifi! Sa kabila ng malupit na pagtratong ito, nanatiling kalmado ang kaniyang ama. Ikinararangal niya na nanindigang matatag si Fifi sa paniniwala nito. Kapuwa ang ama at ina ni Fifi ay nagnanais na magpatuloy siya sa pakikisama sa mga Saksi ni Jehova.
• Nang ang isang tin-edyer na batang lalaking nagngangalang Lukodi ay magpasiyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, salansang na salansang ang kaniyang ama. Minsan nang naghahanda si Lukodi upang dumalo sa isang pagpupulong sa Kingdom Hall, pinagbantaan siyang tatagain ng matsete ng kaniyang ama. Sa isa pang pagkakataon ay hinambalos si Lukodi ng kaniyang ama, anupat nasugat nang malalim ang kaniyang likod. Sa kabila ng matinding pagsalansang na ito, nanatiling matatag si Lukodi sa kaniyang pasiyang maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Patuloy siyang sumulong at nabautismuhan. Ngayon ay naglilingkod siya bilang isang regular pioneer.
Si Sona, ang nakababatang kapatid na babae ni Lukodi, ay totoong humanga sa paninindigan ng kaniyang kuya kung kaya siya rin ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Subalit upang mahadlangan siya sa pag-aaral, si Sona ay pinapag-aral ng kanilang ama sa ibang nayon, kung saan walang mga Saksi. Gayunpaman, naging ugali na ni Sona na ipakipag-usap sa iba ang mga bagay na kaniyang natututuhan. Bilang resulta, naging interesado rin ang kaniyang pinsan.
Nang mabalitaan ng mga Saksi sa isang karatig na nayon ang pangangaral ni Sona, dinalaw nila siya at isinaayos na pagdausan siya ng regular na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Patuloy siyang sumulong at di-nagtagal ay tumulad sa kaniyang kuya bilang isang nag-alay, bautisadong Saksi ni Jehova. Karagdagan pa, ang kaniyang pinsan ay isa na ngayong di-bautisadong mamamahayag, at isang pag-aaral sa aklat ang idinaraos sa nayong ito.
Tunay ngang kamangha-mangha at nakagiginhawa kapag ang mga kabataan ay nakikisama sa pagpuri sa pangalan ni Jehova!
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.