Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 2/15 p. 30-31
  • Korona—Ang Literal at Makasagisag na Gamit Nito

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Korona—Ang Literal at Makasagisag na Gamit Nito
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Makasagisag na Gamit
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 2/15 p. 30-31

Korona​—Ang Literal at Makasagisag na Gamit Nito

ISANG uri ito ng pang-ulong kagayakan, simple o maraming palamuti, na isinusuot ng mga kilalang tao, tulad ng mga hari, reyna, iba pang tagapamahala, saserdote, at mga indibiduwal na pantanging pararangalan o gagantimpalaan. Pagkatapos ng Baha, ginamit ang mga korona bilang sagisag ng awtoridad, dignidad, kapangyarihan, karangalan, at gantimpala.

Ang naunang anyo ng korona ay maliwanag na yaong diadema (Heb., neʹzer), isang simpleng banda na malamang na unang ginamit upang hawiin ang mahabang buhok ng nagsusuot nito. Gayunman, ginamit iyon bilang isang maharlikang putong maging ng mga taong may maikling buhok. Ang gayong mga laso ay inilalarawan sa mga lilok ng Ehipto, Nineve, at Persepolis. Ipinakita ang pagkakaiba niyaong para sa mga taong pinararangalan nang sumunod na mga panahon sa pamamagitan ng paggamit ng mga diadema na may sari-saring kulay at uri ng pagkakahabi o disenyo. Ang ilan sa mga bandang ito ay mga 5 centimetro (2 pulgada) ang lapad at yari sa lino, seda, at maging sa pilak at ginto. Kung minsan ay ipinapatong ang diadema sa isang gora. Mayroon ding nakausling mga diadema (may mga tulis sa palibot ng paha na nakalitaw mula rito na parang mga sinag), at mayroong iba na nalalatagan ng mahahalagang bato.

Ang Hebreong salita na neʹzer, bukod pa sa kahulugang “diadema” (2 Cronica 23:11), ay maaaring tumukoy sa isang bagay na pinili, ibinukod, o inialay, gaya sa kaso ng punong saserdote na sa kaniya ay may “tanda ng pag-aalay, ang ipinapahid na langis ng kaniyang Diyos.” (Levitico 21:10-12; ihambing ang Deuteronomio 33:16, talababa sa Ingles.) Dahil sa saligang kahulugang ito, angkop na isinalin kung minsan ng New World Translation ang neʹzer bilang “tanda ng pag-aalay,” na ang tinutukoy ay ang ohas na ginto na isinusuot ng mataas na saserdote ng Israel sa kaniyang turbante. Sa gintong ohas na ito ay nakasulat ang mga salitang “Ang kabanalan ay nauukol kay Jehova.”​—Exodo 29:6; 39:30, talababa sa Ingles; Levitico 8:9.

Ang mga diadema bilang sagisag ng pagkamaharlika ay isinusuot ng mga Hebreong hari, tulad ni Saul. (2 Samuel 1:10) Gayunman, ang pangunahing salitang Hebreo na tumutukoy sa korona sa karaniwang diwa at kadalasang isinasaling “korona” ay ʽata·rahʹ, mula sa ʽa·tarʹ, na ang ibig sabihin ay “palibutan.” (Ihambing ang Awit 5:12.) Hindi ito laging lumalarawan sa isang diadema. Ang korona (ʽata·rahʹ) na kinuha ni David bilang gantimpala sa pakikidigma mula sa mga Amonita sa Raba ay unang nakalagay sa ulo ng idolong si Malcam. Hindi isiniwalat kung ano ang anyo ng koronang ito, ngunit iyon ay “may bigat na isang talentong ginto, [c. 34 kg; 92 lb t], at iyon ay may mahahalagang bato.” “Iyon ay napasa ulo ni David,” anupat malamang ay sandaling ipinatong niya ang mabigat na koronang ito sa kaniyang ulo, marahil upang sumagisag sa kaniyang tagumpay laban sa huwad na diyos.​—1 Cronica 20:2.

Ang ilang korona ay yari sa dinalisay na ginto (Awit 21:3); ang iba naman ay dinagdagan ng mahahalagang bato. (2 Samuel 12:30) Kung minsan, pinagsasama ang ilang banda, o mga diadema, at ito’y waring siyang karaniwang anyo ng “isang maringal na korona.” (Job 31:36) Ang pananalitang “maringal na korona” sa Zacarias 6:14 ay, sa literal, “mga korona” sa Hebreo, ngunit kalakip ang isang pandiwa na pang-isahan. Kaya naman, lumilitaw na iyon ay sa pangmaramihang bilang ng kahigitan o karingalan.

Nang ang Hilaga at Timugang Ehipto ay nagkakaisa sa ilalim ng isang monarkiya, ang maharlikang putong ng Ehipto ay naging isang pinagsamang korona. Ang korona ng Timugang Ehipto (isang lapad na pulang gora na patulis sa likod at isang bahaging nakausli na may kurbadong dulo na nakaungos nang pahilis patungo sa harapan) ay ipinatong sa korona ng Hilagang Ehipto (isang pabilog, mataas at puting gorang patulis sa isang globito). Karaniwan nang ang uraeus (ang sagradong munting kobra ng mga Ehipsiyo) ay makikita sa harapan ng korona. Ang maharlikang putong ng hari ng Asirya, na inilarawan bilang isang mataas na mitra, ay kadalasang napapalamutian ng mga bagay gaya ng mga bulaklak at nakaayos sa mga banda na seda o lino. Ito ay isang uri ng hugis balisungsong na gora na waring kagaya ng modernong fez, bagaman mas mataas. Mas simple ang mga koronang Griego at Romano; kung minsan ay mga nakausling diadema ang mga ito o nasa anyong koronang bulaklak ang mga ito.

Bumanggit si Jehova ng mga taong naglalagay ng pulseras sa mga kamay nina Ohola at Oholiba at ng “magagandang korona” sa kanilang mga ulo. (Ezekiel 23:36, 42) Sa nakalipas na mga siglo, ang tanyag at mayayamang babaing Arabe ay nagsusuot (sa palibot ng hugis-simboryong mga gora) ng mga korona na napapalamutian ng mga bilugang hiyas na yari sa ginto. Isang katulad na uri ng putong ang maaaring isinusuot ng ilang babae noong unang panahon.

Ang Griegong salita na steʹpha·nos ay isinaling “korona.” Bilang paglibak sa maharlikang kalagayan ni Kristo at malamang na upang dagdagan din ang kaniyang matinding paghihirap, ang mga sundalong Romano ay nagtirintas ng isang korona ng mga tinik at ipinatong iyon sa ulo ni Jesus. (Mateo 27:29; Marcos 15:17; Juan 19:2) May iba’t ibang palagay kung tungkol sa halaman na ginamit. Gayunman, hindi sinabi ng mga manunulat ng Ebanghelyo ang pangalan ng halaman.

Ang mga koronang bulaklak o bungkos ng mga bulaklak ay ginamit may kinalaman sa mga laro. (2 Timoteo 2:5) Ang mga nagwawagi sa mga Griegong palaro ay pinagkakalooban ng mga korona o mga putong na karaniwang yari sa mga dahon ng punungkahoy at napapalamutian ng mga bulaklak. Halimbawa, sa Palaro ng Pythia ay tumanggap ang mga nagwagi ng isang koronang yari sa laurel; ang mga nagtagumpay sa Palaro sa Olympia ay nakakuha ng mga koronang yari sa mga dahon ng ligaw na olibo; at ang mga nagtagumpay sa Palaro ng Isthmus (idinaraos malapit sa Corinto) ay pinagkalooban ng mga koronang yari sa pino.

Ang Ingles na salitang “crown” ay ikinakapit din, kabilang sa iba pang bagay, sa tuktok ng ulo. Ginamit din ito sa Kasulatan sa ganitong diwa.​—Genesis 49:26; Deuteronomio 28:35; Awit 68:21.

Makasagisag na Gamit

Ang isang may-kakayahang asawang babae ay itinuturing na “isang korona sa kaniyang may-ari,” dahil sa ang kaniyang mabuting paggawi ay nagdudulot ng karangalan sa kaniyang asawa, anupat itinataas siya sa pagtingin ng iba. (Kawikaan 12:4) Ang simbolikong babae sa Sion ay naging “isang korona ng kagandahan” sa kamay ni Jehova, malamang na nagpapakita na siya ay bunga ng kaniyang pagkakagawa na iniaangat ng kamay, wika nga, upang malasin siya ng iba nang may paghanga.​—Isaias 62:1-3.

Ang ministeryo ni Pablo at niyaong naglalakbay na mga kasama niya ay umakay sa pagkakabuo ng Kristiyanong kongregasyon sa Tesalonica, na ipinagsaya ni Pablo bilang isang “koronang ipinagmamataas,” palibhasa’y isa ito sa mga pangunahing sanhi ng kaniyang kagalakan.​—1 Tesalonica 2:19, 20; ihambing ang Filipos 4:1.

Ang pagiging may-uban ay tulad ng isang maluwalhating “korona ng kagandahan kapag iyon ay nasumpungan sa daan ng katuwiran,” isang buhay na ginugol sa pagkatakot kay Jehova na maganda sa kaniyang pangmalas at nararapat igalang ng lahat ng tao bilang isang mabuting halimbawa. (Kawikaan 16:31; tingnan ang Levitico 19:32.) Ang karunungan, tulad ng isang korona, ay nagtataas at umaani ng paggalang sa nagtataglay nito. (Kawikaan 4:7-9) Si Jesu-Kristo, na ginawang “mababa nang kaunti kaysa sa mga anghel,” ay “nakoronahan ng kaluwalhatian at karangalan [bilang isang makalangit na espiritung nilalang na itinaas sa ibabaw ng lahat ng anghel] dahil sa pagdurusa ng kamatayan.” (Hebreo 2:5-9; Filipos 2:5-11) Sa langit, ang mga pinahirang tagasunod ni Jesus ay tumatanggap ng “di-kumukupas na korona ng kaluwalhatian,” “isa na walang-kasiraan,” bilang gantimpala dahil sa katapatan. (1 Pedro 5:4; 1 Corinto 9:24-27; 2 Timoteo 4:7, 8; Apocalipsis 2:10) Subalit ang kawalang-katapatan na humahantong sa pagkawala ng isa sa kapakanan ng Kaharian sa lupa ay nangangahulugan din ng pagkawala niya ng makalangit na korona. Kaya naman, nagpayo ang niluwalhating si Jesu-Kristo: “Patuloy mong panghawakang mahigpit ang iyong taglay, upang walang sinumang kumuha ng iyong korona.”​—Apocalipsis 3:11.

Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang Griegong salita na di·aʹde·ma ay isinaling “diadema” ng modernong mga tagapagsalin. Lagi itong ginagamit bilang sagisag ng maharlikang dignidad, iyon ma’y tunay o inaangkin lamang. Ang “malaking kulay-apoy na dragon” (si Satanas na Diyablo) ay may isang diadema sa bawat isa sa pitong ulo nito. (Apocalipsis 12:3, 9) Napapalamutian ng isang diadema ang bawat isa sa sampung sungay ng simbolikong “mabangis na hayop” na may pitong ulo na umahon mula “sa dagat.” (Apocalipsis 13:1) Ang isa na tinawag na Tapat at Totoo, samakatuwid nga, si Jesu-Kristo, ay may “maraming diadema” sa kaniyang ulo, yamang siya’y galing kay Jehova, ang legal na Pinagmumulan ng awtoridad at kapangyarihan. (Apocalipsis 19:11-13; 12:5, 10) Gayundin sa Apocalipsis 6:2 at 14:14, si Jesu-Kristo ay inilalarawan na may isang korona (steʹpha·nos).

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share