Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 12/15 p. 26-29
  • Isang Pasiya sa Pagpili

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Pasiya sa Pagpili
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Pampublikong Patakaran at Moral
  • Nakagugulat na Pampatibay-Loob
  • Ang Desisyon
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 12/15 p. 26-29

Isang Pasiya sa Pagpili

WALANG iba kundi ang pinakadakilang Persona sa buong sansinukob ang tumatangkilik sa may-kabatirang pagpili. Siya ang ating Maylalang. Palibhasa’y walang-katapusan ang kaniyang kaalaman hinggil sa mga pangangailangan ng tao, siya’y saganang nagbibigay ng mga instruksiyon, babala, at patnubay ukol sa matalinong landas na dapat tahakin. Gayunman, hindi niya ipinagwawalang-bahala ang malayang kalooban na ipinagkaloob niya sa kaniyang matatalinong nilalang. Ipinamalas ng kaniyang propetang si Moises ang pananaw ng Diyos: “Inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo, ang pagpapala at ang sumpa; at dapat mong piliin ang buhay upang manatili kang buháy, ikaw at ang iyong mga supling.”​—Deuteronomio 30:19.

Ang simulaing ito ay nakaaapekto sa larangan ng medisina. Ang konsepto ng may-kabatirang pagpili, o may-kabatirang pagsang-ayon, ay unti-unti nang tinatanggap sa Hapon at iba pang lupain na dati’y hindi ito gaanong kinaugalian. Ibinigay ni Dr. Michitaro Nakamura ang paglalarawang ito tungkol sa may-kabatirang pagsang-ayon: “Ito ay ang ideya na ipinaliliwanag ng doktor sa pasyente sa madaling unawaing wika ang karamdaman, ang tsansa ng paggaling, ang paraan ng panggagamot, at ang mga posibleng masamang epekto nito, na iginagalang ang karapatan ng pasyente na magpasiya sa kaniyang sarili kung anong paraan ng panggagamot ang gusto niya.”​—Japan Medical Journal.

Sa loob ng mga taon, ang mga doktor sa Hapon ay nakapagharap na ng iba’t ibang dahilan sa pagtanggi sa ganitong paraan ng panggagamot sa mga pasyente, at pinanigan naman ng mga korte ang paggalang sa medikal na kaugalian. Kaya naman, naging isang napakalaking balita nang ilabas ni Punong Hukom Takeo Inaba ng Mataas na Hukuman ng Tokyo ang naging desisyon hinggil sa may-kabatirang pagpili noong Pebrero 9, 1998. Ano ba ang desisyong iyon, at ano ang naging isyu kung kaya dinala sa korte ang kaso?

Noong Hulyo 1992, ang 63-taóng-gulang na si Misae Takeda, isang Saksi ni Jehova, ay pumunta sa Institute of Medical Science Hospital, sa Unibersidad ng Tokyo. Napag-alaman na siya’y may malubhang bukol sa atay at kailangang operahan. Palibhasa’y desididong sundin ang utos ng Bibliya laban sa maling paggamit ng dugo, niliwanag niya sa kaniyang mga doktor na papayag lamang siya kung ang panggagamot ay hindi gagamitan ng dugo. (Genesis 9:3, 4; Gawa 15:29) Tinanggap ng mga doktor ang isang dokumento na magpapatunay na sila at ang ospital ay hindi mananagot sa anumang maaaring masamang mangyari dahil sa kaniyang naging desisyon. Tiniyak nila sa kaniya na igagalang nila ang pasiya.

Gayunman, matapos ang operasyon, at habang wala pang malay si Misae, siya’y sinalinan ng dugo​—tuwirang salungat sa kaniyang maliwanag na ipinahayag na mga kahilingan. Nabunyag ang pagsisikap na mailihim ang walang-pahintulot na pagsasalin nang sa wari’y maibulong ng isang empleado sa ospital ang bagay na ito sa isang tagapagbalita. Gaya ng dapat asahan, parang pinagsakluban ng langit at lupa ang tapat na Kristiyanong babaing ito nang malaman niya ang walang-pahintulot na pagsasaling ito. Nagtiwala siya sa mga doktor, anupat naniwalang tutuparin nila ang kanilang sinabi at igagalang ang kaniyang relihiyosong pananalig. Dahil sa labis na sama ng loob na idinulot ng malubhang paglabag na ito sa ugnayang doktor/pasyente at sa pag-asang makapagtatag ng isang pamarisan na magliligtas sa iba mula sa ganitong maling panggagamot, ipinaabot niya ang bagay na ito sa korte.

Pampublikong Patakaran at Moral

Dininig ng tatlong hukom ng Pandistritong Hukuman ng Tokyo ang kaso at nagpasiya sa panig ng mga doktor at, samakatuwid, laban sa karapatan ukol sa may-kabatirang pagsang-ayon. Sa kanilang naging desisyon, na inilabas noong Marso 12, 1997, isinaad nila na walang bisa ang anumang pagtatangkang gumawa ng kontrata para sa di-mapasusubaliang panggagamot nang walang dugo. Ang kanilang katuwiran ay na ito’y magiging paglabag sa kojo ryozoku,a o pamantayan ng lipunan, para sa isang doktor na pumasok sa isang pantanging kasunduan na hindi magsasalin ng dugo kahit na bumangon pa ang isang kritikal na kalagayan. Ang kanilang opinyon ay na ang pangunahing obligasyon ng isang doktor ay ang magligtas ng buhay sa pinakamabuting paraan na magagawa niya, kaya ang gayong kontrata ay magiging walang bisa sa pasimula pa lamang, anuman ang relihiyosong pananalig ng pasyente. Ipinasiya nila na sa huling pagsusuri, dapat na unahin ang propesyonal na opinyon ng isang doktor kaysa sa anumang patiunang kahilingan sa panggagamot na maaaring gawin ng isang pasyente.

Isa pa, binanggit ng mga hukom na sa katulad na mga dahilan, bagaman inaasahang ipaliliwanag ang pangunahing paraan, epekto, at panganib ng isang mungkahing pag-oopera, “maaaring hindi na sabihin [ng doktor] kung may intensiyon siyang magsalin ng dugo o hindi.” Ang kanilang hatol ay: “Hindi masasabing labag sa batas ni mali ang bagay na naunawaan ng Nasasakdal na mga doktor ang kahilingan ng Nagsasakdal na huwag siyang salinan ng dugo anuman ang mangyari at magkunwang igagalang nila ang kaniyang kahilingan upang pumayag siyang magpaopera.” Ang katuwiran ay na kung hindi gayon ang ginawa ng mga doktor, baka hindi na magpaopera ang pasyente at umalis na sa ospital.

Ang pasiyang iyan ng korte ay ikinagulat at ikinabahala ng mga tagapagtaguyod ng may-kabatirang pagsang-ayon. Sa pagtalakay sa naging desisyon sa kasong Takeda at sa mga implikasyon ukol sa may-kabatirang pagsang-ayon sa Hapon, ganito ang isinulat ni Propesor Takao Yamada, nangungunang awtoridad sa batas sibil: “Kung pahihintulutang magkabisa ang katuwiran ng pasiyang ito, ang pagtanggi sa pagpapasalin ng dugo at ang legal na simulain ng may-kabatirang pagsang-ayon ay magiging gaya ng isang kandilang aandap-andap dahil sa hihip ng hangin.” (Magasin tungkol sa batas na Hogaku Kyoshitsu) Sa matitinding salita ay tinuligsa niya ang sapilitang pagsasalin ng dugo bilang “isang nakaririmarim na paglapastangan sa tiwala, na gaya ng isang palihim na pagsalakay.” Idinagdag pa ni Propesor Yamada na ang gayong sumisira-ng-tiwalang gawain ay dapat na “huwag na huwag pahintulutan kailanman.”

Dahil sa likas na kahinhinan ni Misae, naging mahirap para sa kaniya na lumantad sa publiko. Subalit nang mapag-isip-isip niya na magiging bahagi siya ng pagtatanggol sa pangalan at sa matuwid na pamantayan ni Jehova may kinalaman sa kabanalan ng dugo, nagpasiya siyang gawin ang kaniyang bahagi. Sumulat siya sa kaniyang abogado: “Ako’y gaya lamang ng alabok, mas masahol pa nga. Nagtataka ako kung bakit ang isang gaya ko na walang kakayahan ay ginagamit. Ngunit kung sisikapin kong sundin ang sinasabi ni Jehova​—ang isa na makapagpapasigaw sa mga bato​—bibigyan niya ako ng lakas.” (Mateo 10:18; Lucas 19:40) Nang humarap na siya sa hukuman sa panahon ng paglilitis, inilarawan niya sa nanginginig na tinig ang napakasakit na karanasang nadama niya dahil sa panlilinlang. “Pakiramdam ko’y nilapastangan ako, tulad sa isang babaing hinalay.” Marami ang napaluha sa loob ng silid-hukuman nang araw na iyon dahil sa kaniyang salaysay.

Nakagugulat na Pampatibay-Loob

Dahil sa desisyon ng Pandistritong Hukuman, ang kaso ay karaka-rakang idinulog sa Mataas na Hukuman. Nagsimula ang pambungad na mga argumento sa hukuman sa paghahabol noong Hulyo 1997, at ang ngayo’y maputla ngunit determinadong si Misae ay naroroon at nakaupo sa isang silyang de-gulong. Bumalik ang kanser, at patuloy ang kaniyang panghihina. Lubhang napatibay ang loob ni Misae nang ang punong hukom, sa isang di-pangkaraniwang aksiyon, ay magpaliwanag sa tutuntuning direksiyon ng korte. Niliwanag niya na ang korte sa apelasyon ay hindi sang-ayon sa desisyon ng mababang hukuman​—na ang isang doktor ay may karapatang ipagwalang-bahala ang kahilingan ng pasyente, na magkunwang susundin niya ang kahilingan ngunit sa totoo’y hindi naman. Sinabi ng punong hukom na hindi susuportahan ng korte ang paternalistikong etika ng “Shirashimu bekarazu, yorashimu beshi,”b na nangangahulugang, “Panatilihin silang ignorante at umaasa” sa mga doktor. Pagkaraan ay sinabi ni Misae: “Maligayang-maligaya ako sa narinig kong makatarungang komento ng hukom, na ibang-iba sa naging pasiya ng Pandistritong Hukuman.” Dagdag pa niya: “Ito ang matagal ko nang idinadalangin kay Jehova.”

Nang sumunod na buwan ay namatay si Misae, na napaliligiran ng nagmamahal na pamilya at ng mga doktor ng ibang ospital, kung saan inunawa at iginalang ang kaniyang tapat na paninindigan. Bagaman labis na nalungkot sa kaniyang pagkamatay, determinado ang kaniyang anak na lalaki, si Masami, at ang iba pang kapamilya na makitang natapos ang kaso, ayon sa kaniyang kahilingan.

Ang Desisyon

Sa wakas, noong Pebrero 9, 1998, ibinaba ng tatlong hukom ng Mataas na Hukuman ang kanilang pasiya, na binabaligtad ang desisyon ng mababang hukuman. Ang maliit na silid-hukuman ay punô ng mga reporter, akademiko, at iba pa na masugid na sumubaybay sa paglilitis. Nag-ulat ang mga pangunahing pahayagan at telebisyon tungkol sa desisyon. Ilan sa mga ulong balita ay kababasahan ng ganito: “Korte: Maaaring Tumanggi sa Panggagamot ang mga Pasyente”; “Mataas na Hukuman: Isang Paglapastangan sa Karapatan ang Pagsasalin”; “Natalo sa Korte ang Doktor na Nagsagawa ng Sapilitang Pagsasalin ng Dugo”; at “Nakakuha ng Bayad-Pinsala ang Saksi ni Jehova Dahil sa Pagsasalin.”

Ang mga ulat hinggil sa naging desisyon ay tumpak at lubhang kasiya-siya. Nag-ulat ang The Daily Yomiuri: “Sinabi ni Hukom Takeo Inaba na hindi nararapat para sa mga doktor na gawin ang isang bagay na ayaw ng pasyente.” Maliwanag ding isinaad nito: “Ipinagkait sa kaniya ng mga doktor na nagsagawa [ng pagsasalin ng dugo] ang pagkakataon na makapili ng panggagamot.”

Ipinaliwanag ng Asahi Shimbun na bagaman ipinalalagay ng korte na sa kasong ito ay walang sapat na ebidensiya na may kontratang umiiral na doo’y nagkasundo ang dalawang panig na hindi gagamit ng dugo kahit na manganib pa ang buhay, ang mga hukom ay hindi sumang-ayon sa mababang hukuman hinggil sa legalidad ng gayong kontrata: “Kung may makatuwirang kasunduan sa pagitan ng dalawang panig na nasasangkot na walang gagawing pagsasalin ng dugo anuman ang mangyari, hindi ituturing ng Hukumang ito na ito’y labag sa pampublikong patakaran kung kaya ito’y walang-bisa.” Bukod diyan, binanggit ng pahayagang ito ang pananaw ng mga hukom na “bawat tao ay nakatakdang mamatay balang araw, at ang pamamaraan tungo sa sandaling iyan ng kamatayan ay pagpapasiyahan ng bawat indibiduwal.”

Ang totoo, nasaliksik na ng mga Saksi ni Jehova ang bagay na ito at sila’y kumbinsido na pinipili nila ang pinakamahusay na paraan ng pamumuhay. Kabilang diyan ang pagtanggi sa nalalamang panganib ng pagsasalin ng dugo at sa halip ay tumatanggap ng walang-dugong pamamaraan na laganap na ginagamit sa maraming lupain at na kasuwato ng batas ng Diyos. (Gawa 21:25) Nagpaliwanag ang isang kilalang Hapones na propesor ng saligang batas: “Ang totoo, ang pagtanggi sa pinagtatalunang panggagamot [na may pagsasalin ng dugo] ay hindi yaong pagpili kung paano mamamatay’ kundi, sa halip, kung paano mabubuhay.”

Ang desisyon ng Mataas na Hukuman ay dapat na magsilbing babala sa mga doktor na ang kanilang mga karapatan ayon sa kanilang sariling pagpapasiya ay hindi kasinlawak na gaya ng akala ng ilan. At dapat na ito’y maging dahilan upang magtatag ng etikal na mga panuntunan ang marami pang ospital. Bagaman ang pasiyang ito ng hukuman ay tinanggap na sa pangkalahatan at nakapagpapatibay-loob sa mga pasyente, na halos walang karapatang magpasiya sa panggagamot sa kanila, hindi lahat ay buong-pusong sumang-ayon dito. Iniapela ng pang-estadong ospital at ng tatlong doktor ang kaso sa Korte Suprema. Kaya maghihintay tayo kung sasang-ayunan din ng pinakamataas na hukuman ng Hapon ang karapatan ng pasyente, na tulad ng Soberano ng sansinukob.

[Mga talababa]

a Isang malabong konsepto ng batas na ipinauubaya sa mahistrado ang paliwanag at pagkakapit.

b Ito ang turo ng mga feudal lord noong panahon ng Tokugawa may kinalaman sa paraan ng pamamahala nila sa kanilang mga nasasakupan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share