Ang Kabayaran ng Amor Propyo—Gaano Kataas?
NAKITUNGO ka na ba sa isang tao na sadyang minamaliit ka? Marahil isang manedyer, isang amo, isang tagapangasiwa, o maging isang kamag-anak na mababa ang tingin sa iyo at humahamak sa iyo? Ano ang nadarama mo sa taong iyan? Naaakit ka ba sa kaniyang personalidad? Siyempre hindi! Bakit? Dahil sa ang amor propyo ay nagiging sagabal at pumipigil sa pag-uusap.
Dahil sa amor propyo ay hinahamak ng isang tao ang lahat, upang lagi siyang magtinging nakahihigit. Bihirang magsabi ng magandang bagay tungkol sa iba ang taong may gayong saloobin. Lagi na lamang may kaakibat na negatibong salita—“oo, maaaring totoo iyan, pero mayroon siyang ganitong problema o kapintasan.”
Sa Thoughts of Gold in Words of Silver, ang amor propyo ay inilalarawan na “isang nakasisiphayong bisyo. Sinisira nito ang isang tao, anupat wala nang natitira pa para hangaan.” Nakapagtataka ba kung walang sinuman ang nagiging komportable kapag kasama ang isang taong mapagmataas? Sa katunayan, ang kabayaran ng amor propyo ay kadalasan nang ang kawalan ng mga tunay na kaibigan. “Sa kabaligtaran,” sinabi pa ng aklat ding ito, “gustung-gusto ng mga tao ang mapagpakumbaba—hindi ang mapagpakumbabang ipinagmamalaki ito, kundi ang mga talagang mapagpakumbaba.” Angkop nga ang sinabi ng Bibliya: “Ang amor propyo ng isang tao ay nagdadala sa kaniya ng kahihiyan, siya na nagpapakumbaba ay umaani ng karangalan.”—Kawikaan 29:23, The Jerusalem Bible.
Gayunman, higit pa sa pakikipagkaibigan o karangalan mula sa mga tao, paano ba nakaaapekto ang amor propyo sa kaugnayan ng isa sa Diyos? Paano minamalas ng Diyos ang mga mapagmataas, ang mga palalo, at ang mga pangahas? Amor propyo o kapakumbabaan—mahalaga ba ito sa kaniya?
Isang Aral Tungkol sa Kapakumbabaan
Sinabi ng kinasihang manunulat ng Kawikaan: “Ang kapalaluan ay nagpapauna sa kapahamakan, at ang espiritu ng pagmamataas ay nangunguna sa pagkabuwal. Mas maigi ang magpakumbaba kasama ng maaamo kaysa sa hatiin ang samsam kasama ng mga nagtataas sa sarili.” (Kawikaan 16:18, 19) Ang karunungan sa mga salitang ito ay pinatunayan nang husto sa kaso ng Siryanong heneral na si Naaman, na nabuhay noong panahon ni propeta Eliseo sa Israel.
Si Naaman ay isang ketongin. Sa kaniyang paghahanap ng lunas, naglakbay siya sa Samaria sa pag-aakalang makakaharap niya roon si Eliseo. Sa halip, isinugo ng propeta ang kaniyang tagapaglingkod taglay ang mga tagubilin na maligo si Naaman nang pitong beses sa Ilog Jordan. Nainsulto si Naaman sa ginawang pagtrato at sa payo. Bakit hindi lumabas ang propeta at kausapin siya nang personal sa halip na magpadala ng isang tagapaglingkod? At tiyak, alinmang ilog sa Sirya ay katumbas din ng Jordan! Amor propyo ang problema niya. Ang resulta? Mabuti na lamang, nanaig ang mas matalinong payo. “Sa gayon ay lumusong siya at nagsimulang lumubog sa Jordan nang pitong ulit ayon sa salita ng lalaki ng tunay na Diyos; pagkatapos ay bumalik ang kaniyang laman tulad ng laman ng isang maliit na bata at siya ay naging malinis.”—2 Hari 5:14.
Kung minsan, malaking pakinabang ang natatamo mula lamang sa kaunting kapakumbabaan.
Ang Kapalit ng Kahambugan
Gayunman, ang kabayarang sinisingil sa atin ng amor propyo ay maaaring napakataas kaysa sa basta lamang pagkawala sa atin ng isang benepisyo o pakinabang. May isa pang antas ng amor propyo na ipinahihiwatig ng salitang Griego na hybris. Ayon sa iskolar sa Griego na si Barclay, “ang hubris (sa Ingles) ay pinaghalong amor propyo at kalupitan . . . , ang aroganteng paghamak na nagpapangyaring tapakan [ng isang tao] ang puso ng kaniyang kapuwa tao.”
Ang isang maliwanag na halimbawa ng ganitong uri ng labis na amor propyo ay lumilitaw sa Bibliya. Iyon ang kaso ni Hanun, hari ng Ammon. Ganito ang paliwanag ng Insight on the Scriptures: “Dahil sa maibiging-kabaitan na ipinakita sa kaniya ni Nahash, nagsugo si David ng mga mensahero upang aliwin si Hanun sa pagkamatay ng kaniyang ama. Ngunit si Hanun, palibhasa’y nakumbinsi ng kaniyang mga prinsipe na ito ay isa lamang panlilinlang ni David upang makapag-espiya sa lunsod, ay humiya sa mga tagapaglingkod ni David sa pamamagitan ng pag-ahit sa kalahati ng kanilang mga balbas at pagputol ng kanilang mga kasuutan hanggang sa kanilang puwitan at saka sila pinalayas.”a Hinggil sa pangyayaring ito, sinabi ni Barclay: “Ang pagtratong iyan ay hubris. Iyon ay pinagsama-samang pang-iinsulto, pag-alipusta at hayagang panghihiya.”—2 Samuel 10:1-5.
Oo, ang isang taong mapagmataas ay may kakayahang maging hubris, maging walang-pakundangan, anupat nagdadala ng kahihiyan sa iba. Nasisiyahan siyang saktan ang isa sa isang malamig at walang-malasakit na paraan at saka ikinatutuwa ang kabalisahan at kahihiyan ng ibang tao. Ngunit ang paghamak at pagsira sa paggalang-sa-sarili ng isang tao ay tulad ng isang tabak na may dalawang talim. Humahantong ito sa pagkawala ng isang kaibigan at, malamang, pagkakaroon ng isang kaaway.
Paano magagawang magpamalas ang isang tunay na Kristiyano ng gayong nakasasakit na amor propyo, gayong iniutos ng kaniyang Panginoon na ‘dapat niyang ibigin ang kaniyang kapuwa na gaya ng kaniyang sarili’? (Mateo 7:12; 22:39) Talagang iyon ay salungat sa lahat ng kumakatawan sa Diyos at kay Kristo. Dahil dito, ganito ang seryosong sinabi ni Barclay: “Ang hubris ang amor propyo na siyang nagpapangyaring hamunin ng tao ang Diyos.” Amor propyo ang nagsasabi: “Walang Jehova.” (Awit 14:1) O gaya ng ipinahayag sa Awit 10:4: “Ang balakyot ayon sa kaniyang matayog na kapalaluan ay hindi naghahanap; lahat ng kaniyang ideya ay: ‘Walang Diyos.’ ” Ang gayong amor propyo, o kapalaluan, ay naghihiwalay sa isa hindi lamang mula sa mga kaibigan at kamag-anak kundi pati na rin sa Diyos. Anong laking kabayaran!
Huwag Hayaang Sirain Ka ng Amor Propyo
Maraming mukha ang amor propyo—amor propyo na udyok ng nasyonalismo, ng pagtatangi sa lahi, pagtatangi sa uri at antas sa lipunan, edukasyon, kayamanan, prestihiyo, at kapangyarihan. Sa iba’t ibang paraan, ang amor propyo ay maaaring madaling makaimpluwensiya sa iyo at sirain ang iyong personalidad.
Maraming tao ang waring mapagpakumbaba kapag nakikitungo sa mga nakahihigit o sa mga kasamahan. Pero ano ang nangyayari kapag ang waring mapagpakumbabang tao ay nagkaroon ng posisyong may awtoridad? Biglang-bigla, siya’y nagiging abusado na nagpapahirap sa mga ipinalalagay niyang nakabababa sa kaniya! Maaari itong mangyari sa ilan kapag nakasuot sila ng uniporme o ng tsapa na nagpapahiwatig ng kapangyarihan. Kahit ang mga manggagawa sa pamahalaan ay maaaring maging mapagmataas sa pakikitungo nila sa publiko, anupat iniisip na naroon ang publiko para maglingkod sa kanila, at hindi ang kabaligtaran nito. Maaari kang gawing malupit at walang-malasakit ng amor propyo; gagawin ka namang mabait ng pagpapakumbaba.
Maaari namang maging mapagmataas at malupit si Jesus sa kaniyang mga alagad. Siya’y isang sakdal na tao, ang Anak ng Diyos, na nakikitungo sa mga di-sakdal, mapusok, at pangahas na mga tagasunod. Subalit ano bang paanyaya ang kaniyang ipinaabot sa mga nakinig sa kaniya? “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang pagpapanariwa ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may kabaitan at ang aking pasan ay magaan.”—Mateo 11:28-30.
Lagi ba nating sinisikap na tularan ang halimbawa ni Jesus? O tayo’y nagiging mabalasik, di-mapagparaya, mapang-abuso, walang-awa at mapagmataas? Tulad ni Jesus, sikaping makaginhawa, huwag mang-api. Labanan ang nakasisirang epekto ng amor propyo.
Dahil sa mga nabanggit, lagi bang mali ang amor propyo?
Paggalang-sa-Sarili Laban sa Kapalaluan
Ang amor propyo ay “isa [ring] makatuwiran o nararapat na paggalang-sa-sarili.” (Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary) Ang paggalang-sa-sarili ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng paggalang sa iyong sarili. Nangangahulugan ito na nababahala ka sa kung ano ang iniisip ng ibang tao tungkol sa iyo. Nababahala ka tungkol sa iyong hitsura at reputasyon. Totoo ang kawikaan ng mga Kastila, “Sabihin mo sa akin kung sino ang kasama mo at sasabihin ko naman sa iyo kung sino ka.” Kung mas gusto mong makisama sa mga taong burara, tamad, magaspang, at mahalay magsalita, kung gayo’y magiging kagaya ka nila. Mahahawa ka sa kanilang ugali, at tulad nila, mawawalan ka ng paggalang-sa-sarili.
Sabihin pa, nariyan ang isa pang kalabisan—ang amor propyo na humahantong sa kapalaluan o kayabangan. Ipinagmamalaki ng mga eskriba at mga Fariseo noong panahon ni Jesus ang kanilang mga tradisyon at ang kanilang napakarelihiyosong kaanyuan. Nagbabala si Jesus tungkol sa kanila: “Lahat ng mga gawa na kanilang ginagawa ay ginagawa nila upang makita ng mga tao; sapagkat pinalalapad nila ang naglalaman-ng-kasulatang mga sisidlan na kanilang isinusuot bilang pananggalang, at pinalalaki ang mga palawit ng kanilang mga kasuutan [upang magmukhang lalong banal]. Gusto nila ng pinakatanyag na dako sa mga hapunan at ang mga upuan sa unahan sa mga sinagoga, at ang mga pagbati sa mga pamilihang-dako at ang tawagin ng mga tao na Rabbi.”—Mateo 23:5-7.
Ang angkop na amor propyo, kung gayon, ay isang timbang na saloobin. Tandaan din na nakikita ni Jehova ang puso, hindi lamang ang panlabas na anyo. (1 Samuel 16:7; Jeremias 17:10) Ang pagmamatuwid-sa-sarili ay hindi katuwiran ng Diyos. Gayunman, ang tanong ngayon ay, Paano natin malilinang ang tunay na kapakumbabaan at maiiwasang pagbayaran nang malaki ang amor propyo?
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 4]
Ang kaunting kapakumbabaan ay nagdulot kay Naaman ng malalaking pakinabang