Bakit Kaya Kakaunti ang Panahon?
PANAHON. Maaaring mahirapan tayong ibigay ang eksaktong katuturan ng salita, subalit tiyak na alam natin na waring hindi tayo nagkaroon kailanman ng sapat na panahon. Alam din natin na mabilis itong lumilipas. Sa katunayan, madalas tayong magbuntung-hininga, “Ang bilis ng panahon.”
Gayunman, lumilitaw na mas tama ang makatang Ingles na si Austin Dobson nang kaniyang sabihin noong 1877: “Lumilipas ba ‘ika mo ang panahon? A mali! Aba, Nananatili ang panahon, tayo ang lumilipas.” Mula nang mamatay siya noong 1921, halos 80 taon nang wala si Dobson; ang panahon naman ay nagpapatuloy.
Maraming Panahon
Tungkol sa Maylalang sa sangkatauhan, sinasabi sa atin ng Bibliya: “Bago ipanganak ang mga bundok, o bago mo iluwal na waring may mga kirot ng pagdaramdam ang lupa at ang mabungang lupain, mula sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda ay ikaw ang Diyos.” (Awit 90:2) O gaya ng pagkasabi rito ng The New Jerusalem Bible, “mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan ay ikaw ang Diyos.” Kaya ang panahon ay mananatili hangga’t ang Diyos mismo ay nananatili—magpakailanman!
Kabaligtaran naman ng Diyos, na may hawak ng pagkawalang-hanggan ng panahon, ganito ang mababasa natin tungkol sa mga tao: “Sapagkat ang lahat ng aming mga araw ay sumasapit sa kanilang pagtatapos dahil sa iyong poot; natapos namin ang aming mga taon na katulad lamang ng bulong. Sa ganang sarili ang mga araw ng aming mga taon ay pitumpung taon; at kung dahil sa natatanging kalakasan ay walumpung taon, ngunit ang kanilang pinagpupunyagian ay ang kabagabagan at nakasasakit na mga bagay; sapagkat ito ay madaling lumilipas, at kami ay lumilipad.”—Awit 90:9, 10.
Bakit ba napakaikli ng buhay ngayon, gayong maliwanag na itinuturo ng Bibliya na layunin ng Diyos na ang tao ay mabuhay nang walang hanggan? (Genesis 1:27, 28; Awit 37:29) Sa halip na magkaroon ng walang takdang haba ng buhay tulad ng nilayon ng Diyos, bakit ang katamtamang haba ng buhay ng mga tao ay wala pang 30,000 araw? Bakit kaya kakaunti ang panahon ng mga tao? Sino o ano ang dahilan ng malungkot na kalagayang ito? Ang Bibliya ay naglalaan ng maliwanag at kasiya-siyang mga sagot.a
Lalong Kumakaunting Panahon
Patutunayan ng mga matanda na nitong mga nakaraang dekada lamang, ang takbo ng buhay ay bumilis. Isang peryodista, si Dr. Sybille Fritsch, ang nagsabi na sa nakalipas na 200 taon, ang sanlinggong pagtatrabaho ay bumaba mula sa 80 tungo sa 38 oras, “gayunman ay hindi pa rin nito napahinto ang ating pagrereklamo.” Niliwanag pa niya: “Walang sapat na panahon; ang panahon ay salapi; ang paghabol sa panahon ay parang paghabol sa hininga; isang abalang buhay.”
Ang bagong mga imbensiyon ay nagbukas ng mga pagkakataon at mga posibilidad na hindi kailanman naisip ng mas naunang salinlahi. Subalit habang mas marami ang posibilidad na makibahagi sa napakaraming gawain, mas marami rin ang pagkasiphayo bunga ng pagkakaroon lamang ng kaunting panahon para magawa ang gayon. Sa ngayon, sa maraming bahagi ng daigdig, mahigpit ang iskedyul ng mga tao, anupat nagmamadali na matapos sa takdang panahon ang sunud-sunod na gawain. Si Itay ay dapat pumasok sa trabaho nang 7:00 n.u., kailangang maihatid ni Inay sa paaralan ang mga bata sa ganap na 8:30 n.u., si Lolo ay kailangang makipagkita sa doktor nang 9:40 n.u., at kaming lahat ay kailangang maghanda para sa isang mahalagang pagpupulong sa ganap na 7:30 n.g. Sa pagmamadali na matapos sa takdang panahon ang sunud-sunod na gawain, kaunti na lamang ang panahong natitira para sa anumang paglilibang. At nagrereklamo tayo tungkol sa nakababagot na rutin sa araw-araw, sa nakapapagod na pagmamadali.
Hindi Lamang Tayo ang May Kakaunting Panahon
Ang Kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo, ang isa na ang pakana ay naging sanhi ng pag-ikli ng buhay ng sangkatauhan, ay naging biktima ngayon ng kaniyang sariling kabalakyutan. (Ihambing ang Galacia 6:7, 8.) Sa pagbanggit sa pagsilang ng Mesiyanikong Kaharian sa langit, ang Apocalipsis 12:12 ay nagbibigay sa atin ng dahilan na magkaroon ng pag-asa nang sabihin nito: “Dahil dito ay matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan sa mga iyon! Kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.”
Ayon sa maaasahang kronolohiya ng Bibliya at sa katuparan ng hula sa Bibliya, tayo ngayon ay nabubuhay sa huling bahagi ng ‘maikling yugto ng panahong’ iyon. Kay sayang malaman na ang natitirang panahon ni Satanas ay malapit nang lubusang magwakas! Kapag siya ay naibulid na, ang masunuring mga tao ay isasauli na sa kasakdalan, at maaari na nilang tamuhin ang walang-hanggang buhay na nilayon ni Jehova para sa kanila nang pasimula. (Apocalipsis 21:1-4) Hindi na magiging suliranin ang kakulangan ng panahon.
Naguguniguni mo ba kung ano ang kahulugan ng pagkakaroon ng walang-hanggang buhay—ang mabuhay magpakailanman? Hindi ka na bibigyan ng problema ng mga bagay na kailangan mong iwan na hindi nagawa. Kung kailangan mo nang higit pang panahon, may bukas pa, o susunod na linggo, o susunod na taon—sa katunayan, nasa harapan mo ang napakalawak na kawalang-hanggan!
Matalinong Paggamit sa Panahong Taglay Natin Ngayon
Palibhasa’y alam na limitado lamang ang kaniyang panahon para maimpluwensiyahan ang mga tao, sinisikap ni Satanas na panatilihing abala ang mga tao anupat wala na silang masumpungang panahon para makinig sa mabuting balita tungkol sa nakatatag na Kaharian ng Diyos. Samakatuwid, makabubuti sa atin na makinig sa payo ng Diyos: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng mga taong marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong mga sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot. Dahil dito ay tumigil kayo sa pagiging di-makatuwiran, kundi patuloy ninyong unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.”—Efeso 5:15-17.
Napakahalaga nga na gamitin natin nang may katalinuhan ang ating panahon ukol sa mga bagay na pinakamahalaga sa halip na sayangin ito sa walang-saysay na mga gawain na walang naidudulot na namamalaging kapakinabangan! Dapat nating linangin ang mismong saloobin na taglay ni Moises nang siya’y magsumamo kay Jehova sa ganitong taos-pusong mga salita: “Ipakita mo sa amin kung paano bibilangin ang aming mga araw upang makapagtamo kami ng pusong may karunungan.”—Awit 90:12.
Totoo, abala ang bawat isa sa kasalukuyang sanlibutan. Gayunman, ikaw ay masidhing hinihimok ng mga Saksi ni Jehova na gugulin ang ilan sa iyong napakahalagang panahon upang matuto tungkol sa mga kahilingan ng Diyos para sa pagtatamo ng walang-hanggang buhay sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian. Ang isang oras sa isang linggo na gugugulin sa sistematikong pag-aaral ng Bibliya, anupat ‘inuunawa kung ano ang kalooban ni Jehova,’ ay magpapangyari sa iyo na personal na maranasan ang katuparan ng mga salitang ito: “Talikuran mo ang masama at gawin mo ang mabuti, sa gayon ay tatahan ka hanggang sa panahong walang takda. Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:27, 29.
[Talababa]
a Tingnan ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, kabanata 6, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.