Sila’y Nag-ipon ng Katapangan
HINDI laging madali na mag-ipon ng katapangan upang makapangaral. Sa katunayan, sinabi ni apostol Pablo na minsan, ginawa niya ito “nang may labis na pakikipagpunyagi.” (1 Tesalonica 2:2) Sulit ba naman ang “pakikipagpunyagi”? Walang garantiya na magkakaroon ng kagila-gilalas na mga karanasan, subalit ang bayan ng Diyos ay madalas na natutuwa na sila’y nakapag-ipon ng katapangan. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
Isang walong-taóng-gulang na batang babae na nagngangalang Tara ang matamang nakikinig habang isinasaysay ng kaniyang guro sa klase na noong Digmaang Pandaigdig II, ang mga bilanggo sa kampong piitan ng mga Judio ay kinailangang maglagay sa kanilang kasuutan ng isang kulay-dilaw na Bituin ni David bilang pagkakakilanlan. Pinag-isipan ni Tara kung magsasalita siya. “Nanalangin ako nang nakadilat,” nagunita niya. Pagkatapos ay itinaas niya ang kaniyang kamay at sinabing ang mga Saksi ni Jehova ay naroroon din sa mga kampong iyon, at kinailangang maglagay sila ng tatsulok na lila. Nagustuhan ito ng guro at nagpasalamat sa kaniya. Ang komento ni Tara ay nagbukas ng daan para sa higit pang pakikipagtalakayan sa guro, na nang maglaon ay siya pang nagpalabas ng video na Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault sa kaniyang buong klase.
Sa Guinea, Kanlurang Aprika, isang kabataang di-bautisadong mamamahayag na nagngangalang Irène ang nagnais na sumulong sa kaniyang ministeryo. Pinalakas ng misyonerong nakipag-aral ng Bibliya sa kaniya ang kaniyang loob na subuking magpasakamay ng mga magasing Bantayan at Gumising! sa kaniyang mga kaeskuwela sa paaralan. Alinlangan si Irène sapagkat ang kaniyang mga kaklase ay malaon nang ayaw tumanggap. Magkagayunman, palibhasa’y napakilos ng pampalakas-loob na ginawa ng misyonero, nagpasiya si Irène na lapitan muna ang estudyanteng sa wari’y siyang pinakasalansang. Laking gulat ni Irène, sumang-ayon ang batang babae at sabik na tumanggap ng mga magasin. Gayundin ang ginawa ng iba pang estudyante. Nakapagpasakamay si Irène ng mas maraming magasin para sa buwang iyon kaysa noong nakaraang limang buwan na pinagsama-sama.
Sa Trinidad, isang elder ang medyo nag-aalinlangan kung lalapitan niya ang prinsipal ng isang paaralan upang ipakita rito ang edukasyonal na kahalagahan ng magasing Gumising! Gayunman, nakapag-ipon siya ng katapangan. Sabi niya: “Nanalangin muna ako bago pumasok sa bakuran. Hindi ako makapaniwala nang makita kong napakabait naman pala ng prinsipal.” Tinanggap niya ang magasing Gumising! tungkol sa “Ano ang Pag-asa ng mga Kabataan sa Ngayon?” at sumang-ayon pa ngang gagamitin niya iyon sa pagtuturo sa klase. Mula noon, nakatanggap na siya ng 40 magasin na tumatalakay sa iba’t ibang isyu.
Bilang isang kabataan, laging mahirap para kay Vaughn ang mangaral. “Ninenerbiyos ako, pinagpapawisan ang aking mga palad, at napapabilis ang aking pagsasalita—hindi ko magawang magdahan-dahan.” Magkagayunman, siya’y naging isang buong-panahong ministro. Hanggang ngayon, hindi pa rin laging madali para sa kaniya ang magsalita. Minsan, matapos ang nakasisira-ng-loob na maghapong paghahanap ng trabaho, ninais niyang magpatotoo sa isang nakasakay sa tren, “upang sa paanuman ay may mangyaring mabuti sa masamang araw na iyon.” Ngunit natakot siya sa isang wari’y tinitingalang negosyante na nasa subwey ng tren. Sa wakas, nakapag-ipon siya ng katapangan upang kausapin ang isang matandang lalaki sa tabi niya. Nagkaroon ng mahabang usapan. “Magaganda ang mga tanong mo bagaman kabataan ka pa,” sabi ng negosyante, sabay tanong, “Teologo ka ba?” Sumagot si Vaughn, “Hindi po, isa po ako sa mga Saksi ni Jehova.” “A,” napangiti ang lalaki. “Kaya pala.”
Lahat ng mga Saksing ito—at ng di-mabilang na iba pa—ay natutuwa na sila’y nakapag-ipon ng katapangan upang makapangaral. Gayundin ba ang gagawin mo?
[Larawan sa pahina 25]
Tara
[Larawan sa pahina 25]
Vaughn