Talambuhay
Nagpapasalamat Dahil sa Aking Mahahalagang Alaala!
AYON SA SALAYSAY NI DRUSILLA CAINE
Taóng 1933 noon, at kakakasal lamang namin ni Zanoah Caine, na gaya ko ay isa ring colporteur—isang buong-panahong ebanghelisador. Palibhasa’y tuwang-tuwa ako, nagplano akong samahan ang aking asawa sa kaniyang atas, ngunit upang magawa ito, kailangan ko ng bisikleta—isang luho na hindi ko kayang bilhin, dahil mahirap ang kabuhayan noong panahon ng depression. Ano ang magagawa ko?
NANG marinig ang aking mahirap na kalagayan, naghanap ang mga bayaw ko ng mga lumang piyesa sa mga tambakan ng basura para ibuo ako ng bisikleta. Nakahanap nga sila at binuo ito, at tumakbo naman! Nang matuto na akong magbisikleta, naglakbay na kami ni Zanoah, masayang nagbibisikleta sa mga bayan ng Worcester at Hereford sa Inglatera, na nagpapatotoo sa lahat ng natatagpuan namin.
Hindi ko akalaing ang maliit na hakbang na iyon ng pananampalataya ay aakay sa isang buhay na punô ng magagandang alaala. Gayunman, ang espirituwal na pundasyon ng aking buhay ay inilatag ng aking mahal na mga magulang.
Mahihirap na Taon ng Malaking Digmaan
Isinilang ako noong Disyembre 1909. Hindi nagtagal ay nakakuha ang aking ina ng isang kopya ng The Divine Plan of the Ages, at noong 1914 ay isinama ako ng aking mga magulang upang panoorin ang “Photo-Drama of Creation,” sa Oldham, Lancashire. (Parehong ginawa ng mga kilalá ngayon bilang mga Saksi ni Jehova.) Bagaman bata pa ako noon, malinaw pa sa aking alaala na paluksu-lukso ako noon sa galak nang pauwi na kami sa bahay dahil sa napanood ko! Pagkatapos ay sinimulan ni Frank Heeley ang isang grupo ng pag-aaral sa Bibliya sa Rochdale, kung saan kami nakatira. Ang pagdalo rito ay nakatulong sa amin bilang isang pamilya na mapalago ang aming unawa sa Kasulatan.
Ang kapayapaan ng aming buhay ay nawasak nang taon ding iyon nang sumiklab ang Malaking Digmaan—Digmaang Pandaigdig I, gaya ng tawag natin dito sa ngayon. Kinalap ang aking ama sa hukbo ngunit nanindigan siya bilang neutral. Inilarawan siya sa hukuman bilang “isang napakadisenteng tao,” at maraming liham ang ipinadala na nagmula sa “mga ginoo na nagpapahayag na naniniwala silang taimtim siya sa kaniyang pagtanggi na gumamit ng mga armas,” ang iniulat ng isang lokal na pahayagan.
Gayunman, sa halip na pagkalooban siya ng lubusang eksemsiyon, itinala ang aking ama na eksemted “mula sa Serbisyo sa Pakikipagbaka lamang.” Agad siyang naging tudlaan ng pag-alipusta, gaya namin ng aking ina. Nang maglaon, ang klasipikasyon sa kaniya ay muling isinaalang-alang, at inatasan siya sa gawaing pang-agrikultura, ngunit sinamantala ng ilang magsasaka ang situwasyon at binayaran siya ng kakaunti o wala pa nga. Upang matustusan ang pamilya, nagtrabaho ang aking ina—kapalit ng maliit na sahod—anupat ginagawa ang mabibigat na trabaho sa isang pribadong palabahan. Gayunman, nakikita ko ngayon kung gaano nakapagpalakas sa akin ang paggugol ko sa mga taon ng aking kabataan na pinagtitiisan ang gayong mahihirap na kalagayan; tinulungan ako nito na pahalagahan ang higit na mahahalagang espirituwal na mga bagay.
Isang Maliit na Pasimula
Di-nagtagal ay naging bahagi ng aming buhay si Daniel Hughes, isang masugid na estudyante ng Bibliya. Siya ay isang minero ng karbon sa Ruabon, isang nayon na mga 20 kilometro mula sa Oswestry, kung saan kami lumipat. Si Tiyo Dan, gaya ng tawag ko sa kaniya, ay laging nakikipag-ugnayan sa aming pamilya, at sa tuwing dumadalaw siya sa amin, ang lagi niyang ipinakikipag-usap ay tungkol sa mga bagay na mula sa Kasulatan. Hindi siya kailanman sumali sa mababaw na usapan. Isang klase sa pag-aaral ng Bibliya ang sinimulan sa Oswestry noong 1920, at binigyan ako ni Tiyo Dan ng isang kopya ng The Harp of God noong 1921. Pinahalagahan ko ito dahil higit na pinadali nito na maunawaan ko ang mga turo sa Bibliya.
Naroon din noon si Pryce Hughes,a na nang maglaon ay naging punong ministro sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa London. Nanirahan siya kasama ng kaniyang pamilya malapit lamang sa Bronygarth, sa hanggahan ng Wales, at ang kaniyang ate, si Cissie, ay naging matalik na kaibigan ng aking ina.
Naaalaala ko ang pananabik noong 1922 nang lumabas ang panawagan na ‘ianunsiyo ang Hari at ang kaniyang kaharian.’ Nang sumunod na mga taon, bagaman nag-aaral pa ako noon, buong-pananabik akong sumali sa pamamahagi ng mga pantanging tract, partikular na ang Ecclesiastics Indicted noong 1924. Sa paggunita sa dekadang iyon, kay laking pribilehiyo nga na makasama ang napakaraming tapat na mga kapatid na lalaki at babae—kabilang sa kanila sina Maud Clarkb at ang kasama niyang si Mary Grant,c Edgar Clay,d Robert Hadlington, Katy Roberts, Edwin Skinner,e kasama sina Percy Chapman at Jack Nathan,f na kapuwa nagpunta sa Canada upang tumulong sa gawain doon.
Ang pahayag sa Bibliya na “Angaw-angaw na Ngayo’y Nabubuhay Ay Hindi Na Mamamatay Kailanman” ay naging isang napapanahong patotoo sa aming malawak na teritoryo. Noong Mayo 14, 1922, si Stanley Rogers, isang kamag-anak ni Pryce Hughes, ay dumating mula sa Liverpool upang ipahayag ito sa Chirk, isang nayon na nasa gawing hilaga lamang ng aming bayan, at ipinahayag din ito nang gabing iyon sa The Picture Playhouse sa Oswestry. Nasa akin pa rin ang isa sa mga pulyetong pantanging ipinalimbag para sa okasyong iyon. Sa buong panahong iyon, ang aming maliit na grupo ay patuloy na pinatibay ng mga pagdalaw ng tatlong naglalakbay na tagapangasiwa—mga pilgrim gaya ng tawag namin sa kanila noon—sina Herbert Senior, Albert Lloyd, at John Blaney.
Isang Panahon ng Pagpapasiya
Noong 1929, nagpasiya akong magpabautismo. Ako ay 19 na taóng gulang noon, at sa panahon ding iyon, napaharap ako sa kauna-unahang tunay na pagsubok sa akin. Nakilala ko ang isang kabataang lalaki na ang ama ay isang pulitiko. Nagkagustuhan kami sa isa’t isa, at nag-alok siya ng kasal. Noong taon bago iyon, ang aklat na Government ay inilabas, kaya binigyan ko siya ng isang kopya. Ngunit hindi nagtagal ay lumitaw na wala siyang interes sa isang makalangit na pamahalaan, ang tema ng aklat na ito. Alam ko mula sa aking mga pag-aaral na ang sinaunang mga Israelita ay pinag-utusang huwag makipag-alyansa ukol sa pag-aasawa sa di-kapananampalataya at na ang simulaing ito ay kumakapit sa mga Kristiyano. Kaya, bagaman mahirap gawin, tinanggihan ko ang kaniyang alok.—Deuteronomio 7:3; 2 Corinto 6:14.
Kumuha ako ng lakas mula sa mga pananalita ni apostol Pablo: “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.” (Galacia 6:9) Ang minamahal kong si Tiyo Dan ay nakatulong din nang isulat niya: “Kapag may pagsubok, maliit man o malaki, ikapit mo ang Roma 8, talatang 28,” na nagsasabi: “Alam nga natin na pinangyayari ng Diyos na ang lahat ng kaniyang mga gawa ay magkatulung-tulong sa ikabubuti ng mga umiibig sa Diyos, niyaong mga tinawag ayon sa kaniyang layunin.” Hindi iyon madali, ngunit alam kong tama ang naging pasiya ko. Nang taóng iyon ay nagpatala ako bilang isang colporteur.
Pagharap sa Hamon
Noong 1931, tinanggap namin ang aming bagong pangalan, mga Saksi ni Jehova, at nang taóng iyon, nagkaroon kami ng puspusang kampanya na ginagamit ang buklet na The Kingdom, the Hope of the World. Binigyan ng tig-iisang kopya ang bawat pulitiko, klerigo, at negosyante. Ang aking teritoryo ay sumasaklaw mula Oswestry hanggang Wrexham, mga 25 kilometro sa gawing hilaga. Naging hamon na makubrehan ang lahat ng iyon.
Sa isang kombensiyon sa Birmingham noong sumunod na taon, nagkaroon ng panawagan para sa 24 na boluntaryo. Taglay ang pananabik, 24 kaming nagbigay ng aming pangalan para sa isang bagong pitak ng paglilingkuran, nang hindi nalalaman kung ano iyon. Gunigunihin ang aming pagkagulat nang atasan kami, pares-pares, para ialok ang buklet ding iyon, The Kingdom, the Hope of the World, habang nakasabit sa harap at likod namin ang mabibigat na karatula na nag-aanunsiyo sa Kaharian.
Habang gumagawa sa paligid ng katedral, hiyang-hiya ako, pero inaliw ko ang aking sarili na wala namang nakakakilala sa akin sa lunsod na iyon. Ngunit ang unang tao na lumapit sa akin ay isang dati kong kaibigan sa paaralan, na tumitig lamang sa akin at nagsabi: “Anong ginagawa mo at nakasuot ka ng ganiyan?” Ang karanasang iyon ay tumulong sa akin na daigin ang anumang takot sa tao na maaaring taglay ko!
Higit Pang Pakikibahagi sa Larangan
Noong 1933, nagpakasal ako kay Zanoah, isang balo na 25 taon ang tanda sa akin. Ang una niyang asawa ay naging masigasig na Estudyante ng Bibliya, at may katapatang nanatili si Zanoah sa kaniyang atas pagkamatay ng kaniyang kabiyak. Hindi nagtagal ay lumipat kami mula sa Inglatera tungo sa aming bagong teritoryo sa Hilagang Wales, mga 90 milya ang layo. Ang mga karton, mga maleta, at iba pang mahahalagang ari-arian ay mabuway na nakapatong sa manibela ng aming bisikleta, nakasuksok sa pagitan ng mga batalya nito, nakaimpake sa mga basket sa likuran, ngunit maluwalhati kaming nakarating sa aming destinasyon! Sa atas na iyon, ang mga bisikleta namin ay kailangang-kailangan—dinala kami nito kung saan-saan, maging doon sa malapit sa tuktok ng Cader Idris, isang bundok sa Wales na halos 900 metro ang taas. Tunay na kasiya-siyang masumpungan ang mga taong nagnanais na marinig “ang mabuting balitang ito ng kaharian.”—Mateo 24:14.
Hindi pa kami nagtatagal doon nang sabihin ng mga tao na may isang taong nagngangalang Tom Pryce na nangangaral sa kanila, gaya ng aming ginagawa. Sa wakas ay natagpuan namin si Tom na nakatira sa Long Mountain, malapit sa Welshpool—at talagang nasorpresa kami! Noong bagu-bago pa lamang akong nangangaral, naipasakamay ko sa kaniya ang pantulong sa pag-aaral sa Bibliya na Reconciliation. Pinag-aralan niya itong mag-isa, sumulat sa London para sa higit pang literatura, at mula noon ay buong-sigasig na niyang ibinabahagi ang kaniyang bagong natagpuang pananampalataya. Tinamasa namin ang maraming oras ng maligayang pagsasamahan, anupat kaming tatlo ay madalas na sama-samang nag-aaral upang pasiglahin ang isa’t isa.
Isang Kasakunaang Umakay sa mga Pagpapala
Noong 1934, ang lahat ng colporteur na malapit sa Hilagang Wales ay inanyayahang pumunta sa bayan ng Wrexham upang tumulong sa pamamahagi ng buklet na Righteous Ruler. Noong araw bago namin simulan ang pantanging kampanyang ito, nagkaroon ng pambansang kasakunaan. Isang pagsabog sa minahan sa Gresford (minahan ng karbon), tatlong kilometro sa gawing hilaga ng Wrexham, ang pumatay sa 266 na minero. Mahigit sa 200 bata ang naulila sa ama, at 160 babae ang nabiyuda.
Ang ipinagagawa sa amin noon ay itatala ang mga naulila, personal silang dadalawin, at iiwanan ng buklet. Ang isa sa mga pangalang ibinigay sa akin ay isang Gng. Chadwick na namatayan ng 19 na taóng gulang na anak na lalaki. Nang dumalaw ako, ang nakatatanda nitong anak na lalaki na si Jack ay dumadalaw rin sa kaniyang ina upang aliwin siya. Namukhaan ako ng kabataang lalaking ito ngunit hindi niya sinabi. Pagkaraan nito, binasa niya ang buklet at pagkatapos ay hinanap niya ang The Final War, isa pang buklet na iniwan ko sa kaniya mga ilang taon na ang nakararaan.
Nalaman ni Jack at ng kaniyang asawang si May kung saan ako nakatira at pumaroon sila para kumuha ng karagdagang literatura. Noong 1936 ay pumayag silang pagdausan ng mga pulong ang kanilang tahanan sa Wrexham. Anim na buwan pagkaraan nito matapos ang pagdalaw ni Albert Lloyd, isang kongregasyon ang itinatag, at si Jack Chadwick ang punong tagapangasiwa. Mayroon na ngayong tatlong kongregasyon sa Wrexham.
Ang Buhay sa Isang Gypsy Caravan
Hanggang sa panahong iyon, tumira kami sa anumang masumpungan naming tirahan habang nagpapalipat-lipat kami ng lugar, ngunit ipinasiya ni Zanoah na dumating na ang panahon upang magkaroon kami ng sarili naming tahanan, isa na maaaring hila-hilahin sa iba’t ibang lugar. Ang asawa ko ay isang bihasang karpintero na may lahing Gypsy, at gumawa siya ng isang Gypsy caravan (bahay na de-gulong) para sa amin. Tinawag namin itong Elizabeth, isang pangalan sa Bibliya na nangangahulugang “Diyos ng Kasaganaan.”
Partikular na naaalaala ko ang isang lugar na tinigilan namin—isang taniman sa tabi ng batis. Sa akin ay parang Paraiso iyon! Walang humadlang sa maliligayang taón na ginugol naming magkasama sa caravan na iyon, bagaman maliwanag na limitado lamang ang nailalaan nito. Kapag malamig ang panahon, ang mga sapin sa kama ay kadalasang tumitigas at dumirikit sa dingding ng caravan, at ang pagpapawis ng mga dingding ay palaging problema. Kinailangan din naming sumalok ng tubig, kung minsan sa malayo, pero magkasama naming napagtagumpayan ang mga kahirapang ito.
Isang taglamig noon nang magkasakit ako at kakaunti lamang ang pagkain namin at wala kaming pera. Umupo si Zanoah sa kama, hinawakan niya ang kamay ko, at binasa niya sa akin ang Awit 37:25: “Isang kabataan ako noon, ako ay tumanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.” Tumitig siya sa akin at sinabi: “Kung walang mangyayari sa lalong madaling panahon, mamamalimos tayo, at hindi ko maisip na pahihintulutan ng Diyos na mangyari iyan!” Pagkatapos ay lumabas siya para magpatotoo sa mga kapitbahay namin.
Nang umuwi si Zanoah noong katanghalian para gumawa ng maiinom ko, may sobreng naghihintay sa kaniya. May laman iyon na £50 mula sa kaniyang ama. Mga ilang taon na ang nakararaan, may kabulaanang inakusahan si Zanoah ng pangungurakot, ngunit ngayon lamang napatunayan ang kaniyang pagiging walang-kasalanan. Ang kaloob na iyon ay pambayad-pinsala. Tamang-tama ang dating nito!
Isang Kapaki-pakinabang na Aral
Kung minsan ay natututuhan natin ang isang aral paglipas ng maraming taon. Bilang paglalarawan: Bago ako huminto sa pag-aaral noong 1927, nagpatotoo ako sa lahat ng aking mga kaklase at mga guro—maliban sa isa, si Lavinia Fairclough. Yamang wala namang interesado sa plano kong gawin sa aking buhay, at yamang hindi ko rin gaanong kasundo si Bb. Fairclough, nagpasiya akong hindi na lamang sabihin ito sa kaniya. Gunigunihin ninyo ang aking pagkagulat—at pagkalugod—mga 20 taon pagkaraan nito nang sabihin sa akin ng aking ina na ang gurong ito ay bumalik para dalawin ang lahat ng dati niyang kaibigan at mga estudyante para sabihin sa kanila na isa na siya ngayon sa mga Saksi ni Jehova!
Nang magkita kami, ipinaliwanag ko sa kaniya kung bakit hindi ko sinabi noon sa kaniya ang tungkol sa aking pananampalataya at isinaplanong karera. Tahimik siyang nakinig at pagkatapos ay nagsabi: “Matagal ko nang hinahanap ang katotohanan. Iyon ang naging mithiin ko sa buhay!” Ang karanasang iyon ay naging isang kapaki-pakinabang na aral para sa akin—huwag kailanman mag-aatubiling magpatotoo sa lahat ng makikilala ko at huwag kailanman patiunang hahatulan ang sinuman.
Isa Pang Digmaan—At Pagkatapos Nito
Namumuo na naman ang ulap ng digmaan habang papatapos na ang dekada ng 1930. Si Dennis, ang kapatid kong mas bata sa akin nang sampung taon, ay eksemted sa paglilingkurang militar sa kondisyon na mananatili siya sa kaniyang sekular na trabaho. Hindi siya gaanong nagpakita kailanman ng interes sa katotohanan, kaya pinakiusapan namin ng aking asawa ang mga payunir doon na sina Rupert Bradbury at ang kapatid niyang si David para dalawin siya. Dinalaw nga nila siya, at siya’y pinagdausan nila ng pag-aaral sa Bibliya. Nabautismuhan si Dennis noong 1942, at nang maglaon ay pumasok sa paglilingkuran bilang payunir, at naatasan bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa noong 1957.
Ang anak naming si Elizabeth ay ipinanganak noong 1938, at para matugunan ang pangangailangan ng pamilya, pinalaki ni Zanoah ang aming caravan. Nang isilang ang pangalawa naming anak, si Eunice, noong 1942, tila isang katalinuhan kung maghahanap kami ng mas permanenteng tahanan. Dahil dito ay huminto si Zanoah sa pagpapayunir nang mga ilang taon, at lumipat kami sa isang maliit na bahay malapit sa Wrexham. Nang maglaon ay tumira kami sa Middlewich sa karatig na bayan ng Cheshire. Doon namatay ang minamahal kong asawa noong 1956.
Ang dalawa kong anak ay naging buong-panahong ebanghelisador, at pareho silang maligaya sa kanilang pag-aasawa. Si Eunice at ang kaniyang asawa, isang matanda sa kongregasyon, ay naglilingkod pa rin bilang mga special pioneer sa London. Ang asawa ni Elizabeth ay isa ring matanda sa kongregasyon, at isang kagalakan para sa akin na sila, ang kanilang mga anak, at ang aking apat na apo-sa-tuhod, ay nakatira malapit sa akin sa Preston, Lancashire.
Nagpapasalamat ako na kaya kong lumakad mula sa harap ng pintuan ng aking apartment hanggang sa Kingdom Hall sa kabila ng kalsada. Nitong nakaraang mga taon, nakaugnay ako sa isang grupo na nagsasalita ng Gujarati, na doon din nagpupulong. Hindi naging madali para sa akin na pag-aralan ang wika dahil medyo bingi na ako ngayon. Kung minsan ay mahirap unawain ang marami sa mararahang tunog nito, di-gaya ng nagagawa ng mga nakababata. Pero isa itong kawili-wiling hamon.
Kaya ko pa ring mangaral sa bahay-bahay at magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa aking tahanan. Kapag dinadalaw ako ng mga kaibigan, laging isang kagalakan na gunitain ang ilan sa aking mga karanasan noon. Nagpapasalamat ako nang malaki sa mahahalagang alaala ng mga pagpapala na natanggap ko habang nakikisama ako sa bayan ni Jehova sa loob ng halos 90 taon.
[Mga talababa]
a “In Step With the Faithful Organization,” ang talambuhay ni Pryce Hughes, na lumabas sa The Watchtower, Abril 1, 1963.
b Ang mga talambuhay ng tapat na mga lingkod na ito ni Jehova ay lumabas na sa naunang mga isyu ng Ang Bantayan.
c Ang mga talambuhay ng tapat na mga lingkod na ito ni Jehova ay lumabas na sa naunang mga isyu ng Ang Bantayan.
d Ang mga talambuhay ng tapat na mga lingkod na ito ni Jehova ay lumabas na sa naunang mga isyu ng Ang Bantayan.
e Ang mga talambuhay ng tapat na mga lingkod na ito ni Jehova ay lumabas na sa naunang mga isyu ng Ang Bantayan.
f Ang mga talambuhay ng tapat na mga lingkod na ito ni Jehova ay lumabas na sa naunang mga isyu ng Ang Bantayan.
[Larawan sa pahina 25]
Pulyeto na nag-aanunsiyo ng pahayag sa Bibliya na “Angaw-angaw na Ngayo’y Nabubuhay Ay Hindi Na Mamamatay Kailanman,” na napakinggan ko noong Mayo 14, 1922
[Larawan sa pahina 26]
Kasama si Zanoah hindi pa natatagalan pagkaraan ng aming kasal noong 1933
[Larawan sa pahina 26]
Nakatayo sa tabi ni “Elizabeth,” ang aming caravan na ginawa ng aking asawa