Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang Kusa at Handang Espiritu
1 Napapansin ba ninyo kung papaanong ang ilang tao ay hindi nawawalan ng sigla sa katotohanan? Kahit na pagkatapos ng maraming taon ng paglilingkod sila ay nagkukusa pa rin at handang ibahagi ang mabuting balita sa iba. Lahat tayo ay kailangang linangin ang ganitong positibong saloobin. (1 Tim. 6:18; ihambing ang Hebreo 3:14.) Ang paghaharap ng mabuting balita sa lahat ng pagkakataon ay pagpapakita ng handa at nagkukusang espiritu.
SA LAHAT NG PAGKAKATAON
2 Tayong lahat ay nakakatagpo ng mga tao sa iba’t ibang paraan. Sa katunayan, ang ating pang-araw-araw na gawain ay humihiling na tayo ay makitungo doon sa hindi mga Saksi ni Jehova, maging sa tindahan o sa ating mga kapitbahay. Ang mga kalagayang ito ay nagbibigay sa atin ng isang kamangha-manghang pagkakataon upang ibahagi ang mabuting balita. May mga pagkakataon na tayo ay nag-aatubiling lumapit sa mga tao dahilan sa hindi natin alam kung ano ang sasabihin. Ang paghahanda ay kailangan upang sa araw-araw ay may pagkakataong magpatotoo.
3 Halimbawa, maaaring mayroon tayong pakikipagtipan sa doktor at nalalaman natin na gugugol tayo ng panahon sa paghihintay. Maaari tayong magdala ng pinakabagong magasin at maging handa na talakayin ang isang artikulong pupukaw ng interes sa sinumang makausap natin. Maaari tayong magpasimula sa pagsasabing gaano kabuti kung walang sakit, at pagkatapos ay ipakita ang isang espesipikong punto sa Ang Bantayan o Gumising! Marahil ay makapag-aalok ng suskripsiyon. Kung tayo ay handa at may pagkukusang ibahagi ang ating pag-asa sa iba, ang mga pagkakataong gaya nito ay hindi masasayang.
4 Ang ating mga kapatid na kabataan ay maaaring magpatotoo sa mga kamag-aral o sa mga guro. Sa pamamagitan ng paglalagay ng Bantayan at Gumising! sa kanilang desk, ang ilan ay nilapitan ng ibang estudiyante o ng kanilang guro. (Ecles. 11:6) Bakit hindi maging palaisip sa ganitong pamamaraan upang magpatotoo sa paaralan?
5 Tayong may sekular na trabaho ay may pagkakataong magpatotoo sa kamanggagawa. Ang isang kapatid na naging matagumpay sa pagkuha ng suskripsiyon mula sa mga kamanggagawa niya ay gumamit ng payak at tuwirang paglapit sa pamamagitan ng pagtatanong lamang kung nasisiyahan silang magbasa ng mabubuting babasahin. Kung nagsabi sila ng Oo, aalukin niya sila ng suskripsiyon. Napansin ng isang kapatid na ang isang kamanggagawa niya ay nananalangin bago kumain ng tanghalian. Sinamantala niya ang pagkakataon upang magpatotoo, at karakarakang tumanggap ang tao ng katotohanan. Pagkatapos, ang lalaking ito ay naglingkuran sa isa sa mga tanggapang pansangay ng Samahan. Ang ilang kapatid ay nagdadala ng mga literatura upang basahin sa panahon ng pamamahinga. Sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga kapuwa manggagawa kung ano ang kanilang nababasa, nalilinang nila ang interes sa katotohanan. Muli, ang susi ay ang panatilihin ang nagkukusa at handang espiritu, at maging handa sa pagbibigay ng patotoo. Sinasamantala ba ninyo ang lahat ng pagkakataong taglay ninyo upang magbigay ng patotoo at mag-alok ng ating mga publikasyon? Kung ginagawa ninyo, kayo ay pagpapalain nang sagana.
6 May maiisip pa ba kayo na karagdagang kalagayan na makapaghaharap kayo ng alok na literatura o marahil ng suskripsiyon? Bakit hindi gumawa ng ekstrang pagsisikap sa Disyembre upang maging palaisip sa pagsasalita sa impormal na paraan sa iba?