“Masusumpungan ang Kapahingahan ng Inyong mga Kaluluwa”
1 Ang taong napapagal at nabibigatang lubha ay kadalasang humahanap ng kapahingahan sa pamamagitan ng paggawa ng ilang pagbabago. Gayon ang paanyaya ni Jesus sa mga tao na gawin. Ang lahat ng pumapasan sa “pamatok” ni Jesus at nagiging kaniyang mga alagad ay ‘nakakasumpong ng kapahingahan ng kanilang mga kaluluwa.’—Mat. 11:28-30.
2 Ang karamihan sa atin ay lubhang abala sa mga pangangailangan sa araw-araw. Ang mga pangulo ng sambahayan at ang mga maybahay ay abala sa pangangalaga sa sambahayan. Maging ang mga bata ay abala sa paaralan, aralin sa bahay, at mga gawaing bahay. Gayumpaman, ano ang nagdudulot sa atin ng kaginhawahan? Hindi ba iyon ang palagiang pakikibahagi sa mga pulong ng kongregasyon at sa ministeryo sa larangan?
ANG PAMATOK NI KRISTO AY NAKAGIGINHAWA
3 Ang paanyaya ni Jesus sa Mateo 11:29 ay maaaring isaling: “Sumailalim kayong kasama ko sa aking pamatok at maging aking mga alagad.” (Rbi8 footnote) Kaya ang pamatok na ito ay nangangahulugan ng isang buhay na lubusang nakaalay sa Diyos bilang mga alagad ni Kristo. (Mat. 16:24-26) Subali’t papaano ito makagiginhawa sa kaluluwa?
4 Una sa lahat ang kapahingahan na ating natatamo ay ang kagalakang panloob dahilan sa pagkakaalam na tayo ay may malapit na kaugnayan sa Diyos na Jehova. Ito ay ang kapayapaan ng isip na ating tinatamasa sa pagkakaalam ng katotohanan at sa paggawa ng kalooban ng Diyos. (Sant. 1:25) Ito ay ang payapang puso at kasiyahan na di masayod ng lahat ng pag-iisip.—Juan 14:27; Fil. 4:6, 7.
5 Sa kongregasyon, ang simulain ng teokratikong pagka-pangulo ay sinusunod. Kaya naman ang kapayapaan at kaayusan ay nakikita sa ating mga pagpupulong. (1 Cor. 14:33) Bagaman tayo ay pagod na pagod pagkatapos ng maghapong paggawa, tayo ay nakadarama ng kapahingahan sa ating mga pulong. Gayundin, sa pagdating nang nasa panahon at pakikibahagi sa mga pulong, nakapaglalaan tayo ng kapayapaan at kaginhawahan sa iba.—Kaw. 10:22; Isa. 48:17.
6 Ang teokratikong sambahayan din ay nakapaglalaan ng kapahingahan. Mapatitibay ng mga magulang ang kanilang mga anak sa paraang espirituwal sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang palagiang pag-aaral sa Bibliya at sa pamamagitan ng palagiang pagdalo sa pulong. (Efe. 6:4) Maaaring sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa paglilingkod sa larangan at tulungan silang magkaroon ng kagalakan na ibahagi ang katotohanan sa iba. Ang unang Linggo ng buwan ay isang napakainam na panahon para ang buong pamilya ay magkasama-sama sa paglilingkod sa larangan. Ang mga ama ang nangunguna sa pagsasaayos nito. (1 Cor. 11:3) Sila rin naman ay nagsasaayos ng paglilibang para sa pamilya. Maaaring tumulong ang mga ina sa pamamagitan ng lubusang pakikipagtulungan at pagtataguyod sa mga kaayusang ito. Ang magiging bunga nito ay teokratikong kaayusan at kapahingahan para sa lahat.—Efe. 5:22; 6:2, 3.
7 Sa pamamagitan ng pagtulad sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo, ang lahat ng mga tunay na alagad ay magbibigay kaginhawahan taglay ang katotohanan at makapagpapakita ng personal na pagmamalasakit sa lahat “na nangapapagal at nangabibigatang lubha.” Bukod pa sa mga kapuwa Kristiyano, magpakita din ng pagmamalasakit sa mga tao sa inyong teritoryo, lalo na sa buwang ito ng Abril. (Mat. 5:43-45; Apoc. 22:17) Maging masigasig sa ministeryong Kristiyano. Tanggapin ang paanyaya ni Kristo at “masumpungan ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.”