Pagdiriwang ng Memoryal sa 1990
1 Ang Martes, Abril 10, 1990 ay magiging tanda ng ika-1,957 anibersaryo ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Kapag gumagawa tayo ng plano na dumalo, kailangan nating isipin ang iba na nangangailangan ng paanyaya o ng ating personal na tulong sa anumang paraan. Ngayon na ang panahon na magpasimulang gumawa ng mga paghahanda para sa Memoryal at isipin ang hinggil sa pag-aanyaya sa iba.—Pakisuyong tingnan ang “Mga Bagay na Ihahanda Para sa Memoryal” sa pahina 3.
2 Papaano natin mamalasin ang pagdalo sa Memoryal? Dapat nating malasin ito bilang isang pribilehiyo at isang pagkakataon na magpakita ng pagpapahalaga sa hain ni Kristo. Kung nalalaman ninyo na malalayo kayo sa inyong kongregasyon, tiyakin na mayroon kayong direksiyon ng Kingdom Hall sa dakong inyong bibisitahin upang kayo ay makadalo doon.
GAMITIN ANG PANTANGING MGA PAANYAYA
3 Maaari na kayong magsimula sa paggamit ng pantanging mga paanyaya sa Memoryal sa panahon ng pantanging pahayag pangmadla sa Marso 25. Tandaan na hindi ito dapat na gamitin bilang mga handbills kundi dapat na ibigay nang personal sa mga interesado. Dahilan sa kadalasa’y nakalilimot ang mga tao sa mga petsa at oras, iminumungkahi na isulat natin nang masinop o makinilyahin ang direksiyon ng Kingdom Hall at ang oras ng Memoryal sa ibaba ng paanyaya. Ang mga bagong interesado ay maaaring mag-atubili na magtungo sa Kingdom Hall sa ganang sarili nila. Maaari bang samahan ninyo sila o salubungin sa labas ng Kingdom Hall? Gayundin, isang pantanging pagsisikap ang dapat na gawin upang tulungan ang mga nakaalam na ng katotohanan sa nakaraang mga taon subali’t hindi na dumadalo sa mga pulong nang palagian.—Luc. 11:23; Juan 18:37b.
KINAKAILANGANG MGA PAGHAHANDA
4 Nanaising tiyakin ng mga matatanda sa kongregasyon na ang lahat ng mga kaayusan para sa Memoryal ay maingat na naisasagawa nang patiuna. Tiyaking piliin ang kuwalipikadong mga kapatid na lalake upang magpasa ng mga emblema. Ang mga kapatid na ito ay dapat na mga matatanda o mga ministeryal na lingkod, hangga’t maaari. Magkaroon ng sapat na bilang ng mga kapatid upang magsagawa nito upang ang pagpapasa ng mga emblema ay hindi naman magtagal. Pagkatapos na mapaglingkuran ng mga tagapagsilbi ang mga dumalo, ang mga tagapagsilbi ay mauupo sa unang hanay ng upuan sa harapan at sila’y pagsisilbihan ng tagapagsalita. Pagkatapos, ang isa sa kanila ay magsisilbi sa tagapagsalita.
5 Sa paglipas ng bawa’t taon, tayo ay lalong nalalapit sa araw na hindi na kakailanganing ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon. Ipinag-utos ni Jesus na alalahanin ang kaniyang kamatayan hanggang ang lahat ng kaniyang mga kapatid ay makasama na niya sa Kaharian. (Luc. 22:19; 1 Cor. 11:25) Hanggang sa pagsapit ng panahong iyon tayo ay masunurin at may katapatang magtitipon bawa’t taon sa pagdiriwang ng Memoryal taglay ang malaking kagalakan at pagpapahalaga.
[Kahon sa pahina 3]
Mga Bagay na Ihahanda Para sa Memoryal
(Tingnan ang Pebrero 15, 1985 ng Bantayan, pahina 19.)
1. Ang bawa’t isa ba, lakip na ang tagapagsalita, ay napatalastasan na sa oras at lugar ng selebrasyon? May masasakyan ba ang tagapagsalita?
2. May naisagawa bang tiyak na mga kaayusan sa paglalaan ng mga emblema?
3. May mga kaayusan bang naisagawa para may magdala ng isang malinis na mantel at mga kinakailangang dami ng baso at plato?
4. Anong mga kaayusan ang naisagawa sa paglilinis ng bulwagan?
5. May naatasan na bang mga attendant at tagapagsilbi? May naka-eskedyul na bang pulong kasama ng mga ito bago ang Memoryal upang repasuhin ang kanilang mga tungkulin? Kailan? Anong mga kaayusan ang susundin upang matiyak na mapagsisilbihang maayos ang lahat?
6. Kumpleto ba ang mga kaayusan upang tulungan ang mga may edad at mga may kapansanang mga kapatid? May mga kaayusan ba upang mapagsilbihan ang sinumang pinahiran na maaaring hindi makadalo sa Kingdom Hall?