Maging Alistong Magpasimula ng mga Pag-aaral sa Bibliya
1 Ang pagpapasimula at pagdaraos ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay bahagi ng ating atas bilang mga Saksi ni Jehova. (Mat. 28:19, 20) Kung gayon, tayo ba ay magiging isa sa mga kamanggagawa ng Diyos sa pagsasagawa nito? (1 Cor. 3:9) Anong laking pribilehiyo na makatulong sa iba na makilala ang pinakadakilang Persona sa sansinukob!
2 Dahilan sa napakaraming suliranin ang kaakibat ng mabilis na mga pangyayari sa daigdig, maraming tapat-pusong mga indibiduwal ay humahanap ng kasagutan kung bakit nagaganap ang mga bagay na ito. Matagal nang naglaan si Jehova ng mga kasagutan sa kanilang mga katanungan. Kapag ang taimtim na mga tao ay naturuan sa Salita ng Diyos, sila’y naaaliw. Kaya, kailangan tayong maging gising sa mga pagkakataong makapagsimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.—Kaw. 3:27.
MAGING ALISTO SA MGA PAGKAKATAON
3 Naisaalang-alang na ba ninyo ang magpasimula ng pag-aaral sa Bibliya sa isang malapit na kamag-anak o sa isang kakilala na wala pa sa katotohanan? Ang pagiging kakilala nila ay nagbibigay sa inyo ng kalamangan upang mabatid ang angkop na panahon kung kailan ipakikipag-usap ang bagay na ito sa kanila. Kapag napukaw na ang interes ng indibiduwal, isang mabungang pag-uusap ang kadalasang kasunod nito, at ang isang pag-aaral sa Bibliya ay maaaring mapasimulan.
4 Sa maraming kaso ang mainam na paggawi ng isang asawang Kristiyano ay nagbubukas ng daan para ang isang di kapananampalataya ay sumapit sa katotohanan. (1 Ped. 3:1, 2) Ang di sumasampalatayang asawa at iba pang di sumasampalatayang kasambahay ay kadalasang nagpapahalaga kapag sila’y kinikilala at iginagalang ng mga miyembro ng kongregayon. Ang pagpapakita ng personal na interes sa kanila ay malaki ang nagagawa upang maitatag ang mabuting relasyon. Sa pamamagitan ng paggawang kasama ng asawa o miyembro ng pamilya na nasa katotohanan, maaaring kayo ay makapagtatag ng isang pag-aaral sa Bibliya.
5 Habang nagbabahay-bahay, sikapin ninyong magpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya sa unang pagdalaw. Ang ilang mamamahayag ay naging matagumpay sa paggawa nito kapag ang maybahay ay nagtanong ng mga katanungan na maaaring tuwirang sagutin mula sa isang publikasyon. Kung ang maybahay ay sumang-ayon na basahin ang literatura o kaya’y pinatuloy tayo, maaari nating samantalahin ang pagkakataon na ipagpatuloy ang pag-uusap at marahil ay itanghal ang pag-aaral. Sa susunod na mga pagdalaw, maaaring ipagpatuloy ninyo ang pag-uusap sa paksang iniharap ninyo noong unang pagdalaw.
MGA OKASYONG IMPORMAL
6 Maging alisto sa mga okasyon para sa impormal na pagpapatotoo, at maging handa sa pamamagitan ng pagdadala ng maraming suplay ng mga tract at magasin na magpapalaki sa interes ng mga nakikinig sa katotohanan. (Ecles. 11:1) Ang impormal na pagpapatotoo ay isa pa ring paraan ng ating pagsisikap na makapagsimula ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
7 Ang paggawa ng mga alagad ay hindi para lamang sa iilan. Ito ay para sa lahat sa kongregasyon. Kapag laging iniisip na isang Kristiyanong atas ang paggawa ng mga alagad, ito ay magpapasigla sa atin na maging alisto sa mga pagkakataon na makapagsimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.