Kaayusan sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat
Bahagi 2—Pangangailangang Maghanda at Makibahagi
1 Ang gantimpala ay malaki para sa taong humahanap ng karunungan at kaunawaan. (Kaw. 3:13, 14, 16-18) Ang espirituwal na karunungan ay nagpapangyari sa isang Kristiyano na gamitin ang kaniyang kaalaman sa Salita ng Diyos sa aktibong pagsamba, na nilulutas ang pang-araw-araw na mga suliranin, at gumagawa ng mga pagpapasiya hinggil sa kaniyang mga tunguhin sa buhay.
2 Ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay dinisenyo upang tulungan tayong lumaki sa karunungan at espirituwal na kaunawaan. Ang regular na pagdalo ay dapat na maging isang mahalagang bahagi ng ating personal na palatuntunan ng pagkuha ng karunungan.—Kaw. 4:7-9.
MAGHANDA NANG LUBUSAN
3 Ang ilan noong unang siglo ay hindi nagsumikap na matuto ng katotohanan at umalinsabay sa sumusulong na liwanag. Sila’y nanatili bilang mga sanggol kay Kristo at hindi naging bihasa sa salita. (Heb. 5:11-13) Hinimok ni Pablo ang kongregasyon na “sumulong sa pagkamaygulang.” (Heb. 6:1) Ito’y nangangailangan ng higit pa kaysa karaniwang pakikinig sa iba samantalang tinatalakay ang katotohanan. Ang pag-iisip at pagsasaliksik ay kailangan upang pukawin ang ating “mga kakayahang mag-isip,” at dapat tayong lubusang magsumikap sa ganang sarili.—2 Ped. 3:1, 2; Luc. 13:24.
4 Ang lubusang paghahanda para sa pag-aaral ng aklat ay nagpapalaki sa ating kaunawaan at pagpapahalaga sa materyal. Subalit ito’y higit pa kaysa pagbabasa lamang ng parapo at madaling pagsasalungguhit ng mga sagot. Kailangan nating bulaybulayin ang kahulugan nito at ang kahalagahan nito sa atin nang personal. Tingnan ang mga binanggit na kasulatan at isipin kung ano ang kaugnayan nito sa mga parapo.
5 Ang personal na pag-aaral ay maaaring maging isang mahirap na gawain, subalit ipinakita ni Pablo ang mga kapakinabangan ng gayong masikap na pag-aaral sa pagsasabing: “Ang pagkaing matigas ay para sa mga may gulang, samakatuwid ay doon sa mga sa pamamagitan ng paggamit ay nasanay ang kapangyarihang umunawa upang makilala ang mabuti at ang masama.” (Heb. 5:14) Ang gayong pag-aaral ay tumutulong sa atin upang lumaki tungo sa pagkamaygulang, upang tayo ay makagawa ng wastong mga pagpapasiya sa buhay.
MAKIBAHAGI
6 Dapat nating pagsikapang makibahagi sa bawat pulong. Bakit? Ang ating mga komento ay kapahayagan ng ating pananampalataya at ang mga ito ay nagpapasigla at nagpapatibay sa ating mga kapatid. (Roma 10:10; Heb. 10:23-25) Ang aktibong pakikibahagi ay tumutulong din sa pagsulong ng ating espirituwalidad. Kung ang mga makaranasan, mga bata, at mga baguhan ay malayang nakikibahaging lahat, tinatamasa ng grupo ang iba’t ibang mayamang kapahayagan, na nakapagtuturo at nakakaaliw sa lahat.
7 Kung tayo’y masikap na naghahanda para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, palagiang dumadalo, at malayang nakikibahagi, ang ating paghahanap ng karunungan ay magiging matagumpay at ating “masusumpungan ang tunay na kaalaman ng Diyos.”—Kaw. 2:4, 5.