Ngayon Na ang Panahon
1 Nang sulatin ni apostol Pablo ang kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto, ipinaalaala niya ang kanilang binuong kapasiyahan para sa mainam na gawa sa kapakanan ng kanilang kapuwa mananampalataya sa Jerusalem. Gayunpaman, nakalipas na ang isang taon, at hindi pa rin natatapos ang gawaing kanilang pinasimulan. Kaya kaniyang hinimok sila: “Humayo at tapusin ito: magkaroon ng pananabik na kompletuhin ang plano na gaya nang ito’y una ninyong pinanukala.”—2 Cor. 8:11, The New English Bible.
2 May panahon na tayong lahat ay nakapaglagay ng mga tunguhin para sa ating sarili. Maaaring napagpasiyahan natin na pasulungin ang ating bahagi sa ministeryo sa larangan, na makilala ng higit ang ating mga kapatid, na maging kuwalipikado sa isang pribilehiyo ng paglilingkod, o na mapagtagumpayan ang ilang kahinaan. Bagaman nagpasimula tayo taglay ang mabuting intensiyon, maaaring hindi tayo nakapagpatuloy upang matamo ang ating tunguhin. Bago nating mamalayan, maaaring lumipas na ang mga linggo, mga buwan, o maging mga taon na hindi tayo nakagagawa ng anumang pagsulong. Ang kailangan ba ay ang pagkakapit ng payo na “humayo at tapusin” ang ating pinasimulan?
3 Pagsasakatuparan ng Ating mga Tunguhin: Kay daling gumawa ng personal na pagpapasiya subalit mas mahirap na isakatuparan ang ating tunguhin. Ang pagpapaliban ay maaaring humadlang sa anumang pagsulong. Kailangan tayong maging determinado na magpatuloy nang walang pagkabalam. Mahalaga na maglaan ng kinakailangang panahon upang matapos ang gawain. Makabubuting maglagay ng takdang petsa at tiyaking yao’y matugunan.
4 Kapag nahihirapan tayong abutin ang ating mga tunguhin, madaling mangatuwirang: ‘Saka ko na gagawin ito.’ Subalit hindi nating nalalaman kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Nagbabala ang alagad na si Santiago: “Hindi ninyo nalalaman kung ano ang magiging buhay ninyo bukas. . . . Kaya nga, kung nalalaman ng isa kung paano gagawin ang tama at gayunma’y hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kaniya.”—Sant. 4:13-17.
5 Dahilan sa napakaraming kaabalahan at mga kahilingan ng iba, madaling makaligtaan ang ating mga tunguhin. Ang isang taimtim na pagsisikap ay kailangan upang mapanatiling sariwa ang mga ito sa ating kaisipan. Ang laging pananalangin ukol dito ay makatutulong. Ang paghiling sa iba na paalalahanan at pasiglahin tayo ay maaaring kapakipakinabang din. Ang paglalagay ng tanda sa ating kalendaryo ay magpapagunita sa atin na masubaybayan ang ating pagsulong. Dapat na magpasiya ang isang tao na “gawin ang ayon sa ipinasiya ng kanyang puso.”—2 Cor. 9:7.
6 Ang buwan ng Oktubre ay naglalaan ng isang mainam na pagkakataon para harapin nang lubusan ang ating mga tunguhin. Ating iaalok ang suskrisyon sa Ang Bantayan at Gumising! Maaari ba tayong maglagay ng makatuwirang mga tunguhin na maaaring maabot? Ano kaya kung sikaping pasulungin ang ating nailalagay na magasin? Ang magpasiyang gumawa ng mas maraming pagdalaw muli at magpasimula ng isang bagong pag-aaral sa Bibliya ay makatuwirang mga tunguhin para sa marami.
7 Hindi katalinuhang ipagpaliban ang mahalagang bagay, yamang ang “sanlibutang ito ay lumilipas.” (1 Juan 2:17) Ang pantanging mga pribilehiyo ng paglilingkod ay maaaring kamtan natin ngayon. Nasa atin na samantalahin ang mga ito.