Hinahanap-hanap Ka!
1 Sa pana-panahon maaaring malibanan natin ang isa o higit pang mga pulong ng kongregasyon, at makadamang ‘walang maghahanap sa akin; ni hindi nila mapapansing wala ako roon.’ Hindi totoo iyan! Tulad ng alinmang bahagi sa ating pisikal na katawan, bawat isa sa atin ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagkilos ng kongregasyon. (1 Cor. 12:12) Ang hindi natin pagdalo sa lingguhang pulong ay makaaapekto sa espirituwal na kalusugan ng ibang dumadalo. Kung wala ka roon, makatitiyak ka na—hinahanap-hanap ka!
2 Ang Mahalagang Papel na Ginagampanan Mo: Pinanabikan ni Pablo na makasama ang kaniyang mga kapatid. Ang Roma 1:11, 12 ay nagpapaliwanag kung bakit: “Upang maibahagi ko ang ilang espirituwal na kaloob sa inyo . . . upang magkaroon ng pagpapalitan ng pampatibay-loob sa gitna ninyo, ng bawat isa sa pamamagitan ng pananampalataya ng iba, kapuwa ang sa inyo at sa akin.” Gayundin, sa pamamagitan ng ating mga komento, ng ating mga bahagi sa pulong, at ng atin mismong pagkanaroroon, malaki ang nagagawa natin upang patibayin ang isa’t isa para makapagpatuloy sa isang matapat na landasin.—1 Tes. 5:11.
3 Hindi ba’t inaasam-asam mong makita ang iba pa sa mga pulong ng kongregasyon? Matamang nakikinig ka sa kanilang mga komento at pinahahalagahan ang kapahayagan ng kanilang pananampalataya. Ang kanilang espirituwal na mga kaloob ay nakatutulong sa pagpapatibay sa iyo. Kung wala sila sa pulong, madarama mong may mahalagang bagay na nagkukulang. Ang iyong mga kapatid na lalaki at babae ay nakadarama ng gayundin hinggil sa iyo kung wala ka roon.
4 Ang Mahalagang Papel na Ginagampanan ng mga Pulong: Ang Bantayan ay minsang nagkomento kung gaano kahalaga ang mga pulong para sa ating espirituwal na kaligtasan sa pagsasabing: “Sa nag-aaway-away at imoral na sanlibutang ito, ang kongregasyong Kristiyano ay isang tunay na espirituwal na kanlungan . . . , isang kanlungan na may kapayapaan at pag-ibig. Kung gayon, palagian kang dumalo sa lahat ng mga pulong nito.” (w93-TG 8/15 11) Bawat araw, tayo ay napapaharap sa mga kalagayang unti-unting umuubos ng ating espirituwal na lakas. Kung hindi tayo mag-iingat, maaari tayong magumon sa ating sariling kabalisahan anupat mawala sa ating paningin ang lalong mahahalagang espirituwal na bagay. Tayong lahat ay umaasa sa isa’t isa para sa pampatibay-loob na kailangan natin upang manatiling nagkakaisa at masigasig sa paglilingkuran sa Diyos.—Heb. 10:24, 25.
5 Ang ating pagdalo sa mga pulong ay mahalaga. Ang sakit o di-inaasahang pangyayari ay maaaring maglayo sa atin dito paminsan-minsan. Sa anumang paraan, lagi tayong maging determinado na mapabilang sa mga nagkakatipong pulutong na sama-samang pumupuri kay Jehova!—Awit 26:12.