Pinahahalagahan Mo Ba ang Pagtitiis ni Jehova?
1 Kung si Jehova ay hindi naging matiisin sa nakaraang 10, 20, at higit pang mga taon, upang maibigay ang isang pinalawig na patotoo, natutuhan mo kaya ang katotohanan? Anong laki ng ating pasasalamat na pinahintulutan niya na ang marami pang tao “ay makaabot sa pagsisisi.” Subalit, ang dakilang araw ng paghatol ni Jehova “ay darating na gaya ng isang magnanakaw.” (2 Ped. 3:9, 10) Kaya, ang pagtitiis ng Diyos ay hindi dapat ipagkamali bilang isang pagkaantala sa pagdadala ng kawakasan sa sistemang ito ng mga bagay.—Hab. 2:3.
2 Pagkadama ng Habag sa mga Tao: Ang mahabang-pagtitiis ni Jehova ay lubhang nakahihigit sa ating pagkaunawa. Hindi natin dapat kaligtaan ang layunin nito. (Jonas 4:1-4, 11) Nakikita ni Jehova ang kahabag-habag na kalagayan ng sangkatauhan at siya’y naaawa sa kanila. Gayundin ang nadarama ni Jesus. Dahil sa habag sa napakaraming tao na kaniyang pinangaralan, nais niyang ang gawaing pag-eebanghelyo ay lumawak upang marami pa ang magkaroon ng pagkakataong magtamo ng buhay na walang hanggan.—Mat. 9:35-38.
3 Kapag sumasapit ang mga trahedya at mga sakuna, hindi ba’t nagkakaroon tayo ng empatiya sa mga tao na hindi nakaaalam ng katotohanan? Ang mga tao sa ngayon ay gaya ng “mga tupang walang pastol” habang sinisikap nilang harapin at unawain ang kaligaligan sa sanlibutan. (Mar. 6:34) Sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral ng mabuting balita, ating inaaliw ang mga pusong wastong nakaayon at ipinakikita ang ating pagpapahalaga sa pagtitiis ni Jehova.—Gawa 13:48.
4 Ang Ating Gawain ay Apurahan: Noong nakaraang taon 323,439 ang nabautismuhan at mahigit sa 14,000,000 ang dumalo sa Memoryal. Ano ngang potensiyal para sa marami pa na makaiwas sa pagkapuksa ng balakyot na sistemang ito! Kung magiging gaano kalaki ang “malaking pulutong,” hindi natin nalalaman. (Apoc. 7:9) Kung gaano ang itatagal ng ating atas na mangaral, hindi natin nalalaman. Subalit alam ni Jehova. Ang mabuting balita ay ipangangaral sa kaniyang ikasisiya, “at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mat. 24:14.
5 Ang panahong natitira ay pinaikli, at ang araw ng Diyos ay napipinto na. (1 Cor. 7:29a; Heb. 10:37) Walang alinlangan, “mas malapit na ngayon ang ating kaligtasan kaysa noong panahon nang tayo ay maging mga mananampalataya.” (Roma 13:11) Huwag nawa tayong sumala sa layunin ng pagtitiis ng Diyos. Sa halip, tayo ay apurahang mangaral upang ang marami pa na nananabik sa katuwiran ay makaranas ng dakilang kaawaan ni Jehova.