Ikaw Ba ay Isang Taong Mahiyain?
1 Hindi tayo nagtataka kapag nakakakita tayo ng isang maliit na bata na sumisilip sa atin mula sa likuran ng kaniyang ina o ama. Ang pagkamahiyain ay likas sa pagkabata. Kahit na sa pagsapit sa hustong gulang, marami ang tila likas na mahiyain. Kung ang pagkamahiyain ay nakaaapekto sa iyong pakikibahagi sa ministeryo, ano ang maaari mong gawin?
2 Pananagumpay sa Pagkamahiyain: Mahalaga na bigyang-pansin “ang lihim na pagkatao ng puso.” (1 Ped. 3:4) Patibayin ang iyong pag-ibig kay Jehova at sa iyong kapuwa. Maging lubusang kumbinsido na ang pagtupad sa atas na mangaral ay isa sa pinakamabuting pamamaraan upang maipakita ang mapagsakripisyo-sa-sarili na pag-ibig. Itaguyod ang isang mabuting rutin ng personal na pag-aaral at pagdalo sa pulong. Manalangin nang palagian at espesipiko ukol sa tulong ni Jehova. Ang matibay na pananampalataya at pagtitiwala sa kaniya ay lilikha ng pagtitiwala at magbibigay “ng lalong higit pang lakas ng loob na salitain ang salita ng Diyos nang walang takot.”—Fil. 1:14.
3 Labanan ang damdamin ng kawalang-kakayahan. Lumilitaw na kailangang gawin ito ni Timoteo. Pinatibay ni Pablo si Timoteo na “kailanman ay huwag hayaang hamakin ng sinumang tao ang [kaniyang] kabataan,” anupat ipinaaalaala sa kaniya na “ang Diyos ay hindi nagbigay sa atin ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan.” (1 Tim. 4:12; 2 Tim. 1:7) Si Timoteo ay lubusang ginamit ni Jehova, na gagamit din sa iyo kung ikaw ay magsisikap na sumulong taglay ang lubos na pagtitiwala sa Kaniya.—Awit 56:11.
4 Ang pagsasaalang-alang sa isang teksto ng Bibliya, tulad ng Mateo 10:37, ay nakatulong sa isang kapatid na babae na dahilan sa pagiging mahiyain ay naging matatakutin sa kaniyang salansang na asawa. Habang siya’y nagtitiyaga, ang ministeryo ay naging mas madali para sa kaniya, at sa dakong huli ang kaniyang asawa, ina, at mga kapatid ay pawang nagsitanggap ng katotohanan!
5 Ang Paghahanda ay Mahalaga: Ang iyong pagtitiwala ay lalo pang lálakí kapag ikaw ay lubusang naghahanda para sa ministeryo. Pumili ng simpleng presentasyon mula sa aklat na Nangangatuwiran o sa mga nakaraang isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian, pag-aralan itong mabuti, at insayuhin ito. Sa halip na magkaroon ng di-kinakailangang kabalisahan, mag-isip nang positibo. Kumuha ng tibay ng loob sa paggawang kasama ng iba. Ingatan sa isipan na ang karamihan sa mga taong iyong masusumpungan sa mga pintuan ay mahiyain, na kagaya mo. Ang lahat ay nangangailangan ng mensahe ng Kaharian.
6 Kung ikaw ay mahiyain, huwag mawalan ng pag-asa. Habang itinatalaga mo ang iyong sarili, ikaw ay tutulungan ni Jehova upang maging isang mabisang tagapangaral ng mabuting balita. Sa gayo’y tatamuhin mo ang kagalakan sa iyong ministeryo.—Kaw. 10:22.