‘Ipakipaglaban ang Mainam na Pakikipaglaban ng Pananampalataya’
1 Pinayuhan ni apostol Pablo si Timoteo na “ipakipaglaban mo ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya.” (1 Tim. 6:12) Namuhay mismo si Pablo kasuwato ng mga salitang iyan. Sa pagtatapos ng kaniyang buhay, siya’y nagsalita nang may katiyakan na siya’y personal na nakipaglaban nang mainam na pakikipaglaban. (2 Tim. 4:6-8) Sa bawat paraan, kaniyang itinaguyod ang ministeryo nang may katapangan, tibay ng loob, at pagbabata. Sa pagtulad sa kaniyang halimbawa, maaari rin tayong magkaroon ng gayunding panloob na katiyakan na ginagawa natin ang ating buong makakaya sa ating pakikipaglaban para sa Kristiyanong pananampalataya.
2 Gawin ang Kinakailangang Pagsisikap: Si Pablo ay nagpagal sa ministeryo. (1 Cor. 15:10) Gayundin naman tayo habang ating hinahanap ang lahat ng mga karapat-dapat sa ating teritoryo. (Mat. 10:11) Upang maabot ang ilan sa kanila, ito’y mangangahulugan ng pagbangon nang maaga upang magpatotoo sa mga masusumpungan natin sa lansangan. O ito’y maaaring mangahulugan ng paggawa sa dapit-hapon o pagkagat ng dilim upang matagpuan ang mga tao kapag nagsiuwi na ang mga ito sa kanilang mga tahanan.
3 Nangangailangan ng disiplina-sa-sarili at mabuting pagpaplano upang dumating nang nasa oras kapag nakikipagtipon sa grupo ng ating pag-aaral sa aklat para sa paglilingkod sa larangan. Halimbawa, ang ilang miyembro ng pamilyang Bethel ay kailangang maglakbay ng isang oras o mahigit pa papunta at gayunding katagal pabalik upang makabahagi sa ministeryo sa mga dulong sanlinggo kasama ng kanilang mga atas na kongregasyon. Gayundin, marahil ay humahanga tayo sa ilang mga mamamahayag at mga pamilya sa ating kongregasyon na naglalakbay nang malayo subalit laging nasa oras. Ang gayong mga halimbawa ng pagsisikap at personal na organisasyon ay karapat-dapat na tularan.
4 Dapat tayong maganyak na subaybayan ang lahat ng nasumpungang interesado. Kahit na sa pagpapasakamay ng literatura sa lansangan o sa di-pormal na mga kalagayan, dapat nating pagsikapang kunin ang direksiyon o ang numero ng telepono ng indibiduwal. Pagkatapos tayo ay maaaring tumawag sa kaniya upang malinang ang interes at mapagsikapang masimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.
5 Maging Regular sa Paglilingkod: Si Pablo ay patuluyan at puspusan sa pangangaral. (Roma 15:19) Kumusta ka naman? Mayroon ka bang regular na pakikibahagi sa ministeryo? Nakabahagi ka na ba sa paglilingkod sa larangan sa buwang ito? Interesado ang mga konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat na makitang ang bawat isa sa kanilang grupo ay nakikibahagi sa ministeryo sa Agosto. Sila ay tutulong sa iyo na magawa mo ito.
6 Sa pagtulad sa halimbawa ni Pablo sa lubos na pagtataguyod sa mabuting balita, tayo ay patuloy na ‘makikipaglaban ng mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya.’