Pinakamabuti ang Simple
1 Bakit kalimitang nakukuha ng mga kabataang mamamahayag ang atensiyon niyaong binabahaginan nila ng mensahe ng Kaharian? Ang isang dahilan ay sapagkat simple ang kanilang mga pananalita. Maaaring iniisip ng ilang mamamahayag na upang makapagpatotoo nang mabisa ay kailangan ang isang magarang presentasyon. Gayunman, ipinakikita ng karanasan na ang isang simple at malinaw na presentasyon ang pinakamabuti.
2 Inihayag ni Jesus ang Kaharian ng Diyos sa paraang simple at tuwiran at sinanay niya ang kaniyang mga alagad na gayundin ang gawin. (Mat. 4:17; 10:5-7; Luc. 10:1, 9) Gumamit siya ng simpleng mga pambungad, mga tanong, at mga ilustrasyon upang makuha ang atensiyon ng kaniyang mga tagapakinig at maabot ang kanilang puso. (Juan 4:7-14) Makabubuting tularan natin ang kaniyang halimbawa at magbigay ng mga presentasyon na madaling maunawaan.
3 Ang “mabuting balita ng kaharian” ang mensahe na dapat nating ihayag. (Mat. 24:14) Ang paggamit sa Kaharian bilang iyong saligang tema ay tutulong upang mapanatiling simple ang iyong presentasyon. Magsalita tungkol sa mga bagay na ikinababahala ng iyong kausap. Ang mga babae ay kalimitang higit na interesado sa kanilang pamilya kaysa sa mga paksang pampulitika. Ang tuwirang ikinababahala ng isang ama ay ang kaniyang hanap-buhay at ang kaligtasan ng kaniyang pamilya. Ang mga kabataan ay interesado sa kanilang kinabukasan; ang mga may-edad na ay sa mabuting kalusugan at sa kanilang seguridad. Ang mga tao ay karaniwang higit na interesado sa lokal na mga pangyayari kaysa sa nangyayari sa malalayong lupain. Pagkatapos pag-usapan ang mga bagay na doo’y interesado siya, akayin ang kaniyang pansin sa mga pagpapala na tatamasahin ng masunuring sangkatauhan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Ang ilang simple at piling mga salita na may kasamang isang kasulatan ay maaaring maging ang pinakamabuting paraan upang pukawin ang interes ng iyong kausap.
4 Maaari mong pasimulan ang pakikipag-usap sa pagsasabing:
◼ “Walang alinlangang sasang-ayon ka na ang sangkatauhan ay sinasalot ng maraming sakit na hindi na mapagagaling. Ngunit alam mo bang nangako ang Diyos na malapit na niyang alisin ang lahat ng uri ng sakit, gayundin ang kamatayan?” Hayaang sumagot, at pagkatapos ay basahin ang Apocalipsis 21:3, 4.
5 Sa pamamagitan ng malinaw at simpleng presentasyon, harinawang maabot mo ang kaisipan at puso ng mas marami pang tao sa iyong teritoryo, na tinutulungan silang matutuhan ang tungkol kay Jehova at ang pag-asang tamasahin ang buhay na walang hanggan.—Juan 17:3.