‘Paano Nila Maririnig?’
1 Mariing sinabi ni Jesus: “Sa lahat ng mga bansa ay kailangang ipangaral muna ang mabuting balita.” (Mar. 13:10) Sa kabila ng ating puspusang mga pagsisikap, daan-daang milyong tao ang hindi pa personal na nakatatanggap ng patotoo. Ipinagbawal ng ilang pamahalaan ang ating gawain. Maraming lupain na may napakalalaking populasyon ang patuloy sa mabilis na paglago. Kaya, ‘paano nila maririnig?’—Roma 10:14.
2 Magtiwala kay Jehova: Dapat nating tandaan na alam ni Jehova ang kalagayan ng puso ng lahat ng tao. Anuman ang kalagayan ng isang tao, kung taimtim siyang naghahanap ng katotohanan tungkol sa Diyos, masusumpungan niya ito.—1 Cro. 28:9.
3 Nabahala si Abraham tungkol sa mga naninirahan sa Sodoma at Gomorra. Subalit tiniyak sa kaniya ng Diyos na ang Sodoma ay hindi mapupuksa kahit na sampu lamang matuwid na tao ang masumpungan doon. (Gen. 18:20, 23, 25, 32) Hindi kailanman pinuksa ni Jehova ang matutuwid kasama ang mga balakyot, gaya ng ipinakita sa pagliligtas kay Lot at sa kaniyang mga anak na babae.—2 Ped. 2:6-9.
4 Minsan ay inakala ni Elias na nag-iisa lamang siya sa paglilingkod sa tunay na Diyos. Gayunman, tiniyak sa kaniya ni Jehova na siya’y tunay na hindi nag-iisa at na ang gawaing kaniyang pinasimulan ay matatapos. (1 Hari 19:14-18) Kumusta naman ang kalagayan sa ating panahon?
5 Manatiling Abala sa Paglilingkod sa Diyos: Kung gaano pa kalawak dapat na maisagawa ang pagpapatotoo, hindi natin alam. Si Jehova ang may pananagutan sa gawaing ito at ginagamit niya ang kaniyang mga anghel upang pangasiwaan ito. (Apoc. 14:6, 7) Siya ang magpapasiya kung hanggang saan aabot ang pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa. Kung mamarapatin ni Jehova, magagawa niyang mapalaganap ang mensahe ng Kaharian sa mga paraan na hindi natin sukat akalain upang mas marami pang tao ang ‘makarinig ng salita ng mabuting balita at maniwala.’ (Gawa 15:7) Ang gagawin ni Jehova ay magiging lubos na kasuwato ng kung sino siya—isang maibigin, marunong, at makatarungang Diyos.
6 Isang karangalan para sa atin na gumawang kasuwato ng kalooban ni Jehova, na ginagawa ang ating pinakamagaling upang marinig ng lahat ang mabuting balita.—1 Cor. 9:16.