Mga Pamilyang Malakas ang Espirituwalidad—Paano?
1 Kapuri-puri ang mga pamilyang Kristiyano dahil sa ‘pagsasagawa ng makadiyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan.’ (1 Tim. 5:4) Gayunman, dahil sa napakaraming masasamang impluwensiya sa palibot natin na maaaring magpahina ng ating pananampalataya, mahalaga na lubusang pagsikapan ng mga pamilya na manatiling malakas sa espirituwal. Paano ito magagawa?
2 Pagsasagawa ng Tulad-Kristong Pagkaulo: Kailangang tularan si Jesu-Kristo ng mga ulo ng pamilya sa paraan ng pagsasabalikat nila ng kanilang pananagutan upang mapatibay ang kanilang sambahayan. Bukod sa minsanang pagpapakita ng kaniyang pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng kaniyang sakripisyong kamatayan, patuloy na “pinakakain at inaaruga” ni Jesus ang kongregasyon. (Efe. 5:25-29) Tinutularan ng maibiging mga magulang ang halimbawang ito ng magiliw na pangangalaga sa pamamagitan ng pag-aasikaso sa espirituwal na mga pangangailangan ng kanilang pamilya sa araw-araw. Kalakip dito ang pagdaraos ng pampamilyang pag-aaral bawat linggo, taglay ang kapaki-pakinabang na espirituwal na mga talakayan hangga’t posible, at paglutas sa bumabangong mga suliranin.—Deut. 6:6, 7.
3 Sa Ministeryo sa Larangan: Dapat maunawaan ng lahat ng miyembro ng pamilya na ang pagpapatotoo sa iba tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin ay isang mahalagang bahagi ng kanilang pagsamba. (Isa. 43:10-12) Kung kayong mga magulang ay nagnanais na maging tapat na mga Saksi ni Jehova ang inyong mga anak, kailangang maaga ninyong pasimulan ang paghahanda sa kanilang puso sa ministeryo. Talakayin ang mga dahilan kung bakit may pangangailangan na maging mapagsakripisyo-sa-sarili sa paglilingkod at makibahagi rito bawat linggo. (Mat. 22:37-39) Pagkatapos ay gumawa ng mga kaayusan upang sila ay regular na makibahagi kasama ninyo sa ministeryo sa larangan.
4 Linangin ang pagpapahalaga sa gawaing pangangaral sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon sa lingguhang pampamilyang pag-aaral para maghanda at mag-ensayo ng mabisang presentasyon. Bigyan ang inyong mga anak ng isahang pagsasanay sa ministeryo, na tinutulungan silang gumawa ng pagsulong alinsunod sa kanilang edad at kakayahan. Pagkatapos gumugol ng panahon sa paglilingkod nang magkakasama, talakayin kung paano nila nakita nang tuwiran ang kabutihan ni Jehova. Maglahad ng mga karanasang nagpapatibay ng pananampalataya. Habang higit na ‘natitikman [ng mga pamilya] na ang Panginoon ay mabait,’ lalo naman silang napapalapit kay Jehova, anupat nagpapatibay sa kanila na malabanan ang “lahat ng kasamaan.”—1 Ped. 2:1-3.
5 Sa mga Pulong: Anong inam nga kapag ang mga miyembro ng pamilya ay nagtutulungan sa isa’t isa sa pagdalo sa lahat ng pulong ng kongregasyon, lalo na kung ang isa sa kanila ay nakadarama ng pagod, nasisiraan ng loob, o nabibigatan! “Kapag umuuwi ang aking ama mula sa trabaho, siya’y pagod na,” ang sabi ng isang kabataang kapatid na babae. “Subalit ibinabahagi ko sa kaniya ang isang mabuting punto na pag-uusapan sa pulong sa gabing iyon, at ito ay nagpapasigla sa kaniya na dumalo. Pagkatapos kapag ako naman ang napapagod, pinasisigla niya akong dumalo.”—Heb. 10:24, 25.
6 Paggawa ng mga Bagay Nang Magkakasama: Ang mga pamilya ay dapat na gumawa ng mga bagay-bagay nang magkakasama, tulad ng pagtulong sa gawaing-bahay. Dapat magtakda rin ng panahon para sa pilíng-pilíng paglilibang. Ang pagpipiknik, paglalakad, paglalaro, at paglalakbay upang dumalaw sa mga kamag-anak o mga kaibigan ay maaaring magbigay ng pagkakataon para sa maliligayang sandali at masasayang alaala na maaaring gunitain.—Ecles. 3:4.
7 Napagtatagumpayan ng malalakas na pamilyang Kristiyano ang pang-araw-araw na mga hadlang sa kanilang espirituwalidad. Sa pamamagitan ng pagiging higit na malapít kay Jehova, natatamo nila ang lakas na kaniyang ibinibigay.—Efe. 6:10.