Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 9/1 p. 15-20
  • Ang Pamilyang Kristiyano ay Magkakasámang Gumagawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pamilyang Kristiyano ay Magkakasámang Gumagawa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Gagawang Magkakasama?
  • Pagsasama-sama sa Pampamilyang Pag-aaral
  • Pagsasama-sama sa Pag-eebanghelyo
  • Pagsasama-sama sa Paglutas ng mga Suliranin
  • Pagsasama-sama sa Paglilibang
  • Ang mga Pagpapala ng Pagsasama-sama
  • Ang Pamilya—Kailangan ng Tao!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • May Lihim ba ang Kaligayahan sa Pamilya?
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Regular na Pag-aralan ang Salita ng Diyos Bilang Isang Pamilya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Tulong Para sa mga Pamilya
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2011
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 9/1 p. 15-20

Ang Pamilyang Kristiyano ay Magkakasámang Gumagawa

“Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, . . . kayo’y magkaroon ng lubos na pagkakaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.”​—1 CORINTO 1:10.

1. Ano ang kalagayan tungkol sa pagkakaisa sa maraming pamilya?

IKAW ba’y may nagkakaisang pamilya? O bawat isa’y waring lumalakad ng kaniyang sariling lakad? Kayo ba’y magkakasama kung gumawa? O lahat kayo ay bihirang sabay-sabay na nasa isang lugar? Ang mismong salitang “pamilya” ay nagpapahiwatig ng isang nagkakaisang sambahayan.a Subalit, hindi lahat ng pamilya ay may pagkakaisa. Isang gurong Britano ang nagsabi pa: “Sa halip na maging saligan ng mabuting lipunan, ang pamilya . . . ang pinagmumulan ng lahat ng ating pagkadiskontento.” Totoo ba iyan sa iyong pamilya? Kung gayon, kailangan bang magkaganiyan?

2. Aling mga tauhan sa Bibliya ang may patotoo na nanggaling sa isang maka-Diyos na pamilya?

2 Ang pagkakaisa o di-pagkakaisa ng isang pamilya ay karaniwan nang depende sa nangunguna rito, maging iyon man ay may dalawang magulang o nagsosolong magulang. Noong panahon ng Bibliya, ang nagkakaisang mga pamilya na sama-samang sumasamba ay nagtamasa ng pagpapala ni Jehova. Naging totoo ito sa sinaunang Israel, na kung saan ang anak na babae ni Jepte, si Samson, at si Samuel, bawat isa sa iba’t ibang paraan, ay may patotoo na sila’y galing sa isang maka-Diyos na pamilya. (Hukom 11:30-40; 13:2-25; 1 Samuel 1:21-23; 2:18-21) Noong sinaunang panahong Kristiyano, si Timoteo, ang tapat na kasama ni Pablo sa ilang paglalakbay misyonero, ay pinalaki na taglay ang kaalaman sa Kasulatang Hebreo ng kaniyang lolang si Loida at ng kaniyang ina, si Eunice. Tunay na siya’y naging isang kilalang alagad at misyonero!​—Gawa 16:1, 2; 2 Timoteo 1:5; 3:14, 15; tingnan din ang Gawa 21:8, 9.

Bakit Gagawang Magkakasama?

3, 4. (a) Anong mga katangian ang dapat makita sa isang nagkakaisang pamilya? (b) Papaanong ang isang tahanan ay magiging higit pa kaysa isang bahay lamang?

3 Bakit kapaki-pakinabang para sa mga pamilya na gumawang magkakasama? Sapagkat ito’y nagpapatibay ng pagkaunawa at paggalang sa isa’t isa. Sa halip na layuan natin ang isa’t isa, nagkakalapit-lapit tayo at nagbibigay ng lakas na ikatitibay. Isang kamakailang artikulo sa lathalaing Family Relations ang nagsabi: “Isang malinaw na larawan ang lumabas na nagpapaliwanag ng espesipikong mga katangian ng ‘matitibay na pamilya.’ Kasali sa gayong mga katangian ang pagkilala ng pananagutan at pagpapahalaga sa isa’t isa, pagkadama ng pagkamalapit sa isa’t isa, mabuting komunikasyon, kakayahan na lumutas ng mga suliranin, at isang matibay na espirituwalidad.”

4 Pagka umiiral ang mga katangiang ito sa isang pamilya, ang tahanan ay hindi na gaya ng isang istasyon ng gasolina, isang dako na hihintuan para magkarga ng gasolina. Ito’y higit pa kaysa isang bahay lamang. Ito’y isang kawili-wiling dako na nakaaakit sa mga miyembro ng pamilya. Ito’y isang kanlungang-dako ng kasiglahan at pagmamahalan, pagkahabag at pagkakaunawaan. (Kawikaan 4:3, 4) Ito’y isang pugad na kasusumpungan ng pagkakaisa ng pamilya, hindi isang tirahan ng alakdan na punô ng alitan at pagkakabaha-bahagi. Subalit papaano nga ito nakakamit?

Pagsasama-sama sa Pampamilyang Pag-aaral

5. Ano ang ating ginagamit upang matuto ng tunay na pagsamba?

5 Ang tunay na pagsamba kay Jehova ay natututuhan sa pamamagitan ng paggamit ng ating sangkap sa pangangatuwiran o ang “kakayahang mangatuwiran.” (Roma 12:1) Ang ating paggawi ay hindi dapat ugitan ng panandaliang emosyon katulad ng damdaming pinupukaw ng oratorikal na mga sermon at mapanlinlang na mga organisasyong relihiyoso na nagpapalaganap ng kanilang mga paniniwala sa pamamagitan ng telebisyon. Bagkus, tayo’y nauudyukan ng ating regular na pag-aaral at pagbubulay-bulay sa Bibliya at sa mga literatura sa pag-aaral sa Bibliya na inilaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Ang ating mga pagkilos bilang Kristiyano ay resulta ng pagsunod sa kaisipan ni Kristo sa anumang situwasyon o tukso na maaaring bumangon. Sa bagay na iyan, si Jehova ang ating Dakilang Tagapagturo.​—Awit 25:9; Isaias 54:13; 1 Corinto 2:16.

6. Mayroon tayo ng anong pandaigdig na halimbawa ng pampamilyang pag-aaral?

6 Ang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya ay may mahalagang papel na ginagampanan sa espirituwalidad ng bawat pamilyang Kristiyano. Kailan ba ang inyong pampamilyang pag-aaral? Kung iyon ay di-isinaplano o isang biglaang pagpapasiya, malamang na iyon ay madalang gawin. Ang pagsasama-sama sa pampamilyang pag-aaral ay nangangailangan ng isang regular, na takdang iskedyul. Kung gayon ay alam ng lahat kung aling araw at anong oras inaasahang sila’y naroroon upang magtamasa ng kasiyahan sa isang espirituwal na pampamilyang pagsasalu-salo. Ang mahigit na 12,000 miyembro ng pandaigdig na pamilyang Bethel ay nakababatid na ang kanilang pampamilyang pag-aaral ay kung Lunes ng gabi. Anong makabagbag-damdaming mga sandali para sa mga boluntaryong ito sa Bethel na alalahaning silang lahat ay nakikibahagi sa iisang pag-aaral samantalang nagtatapos ang maghapon, sa mga isla ng Pasipiko at New Zealand, pagkatapos ay sunud-sunod na sa Australia, Hapón, Taiwan, Hong Kong, pagkatapos ay sa Asia, Aprika, at Europa, at sa wakas ay sa buong Amerika. Bagaman pinaghiwa-hiwalay ng libu-libong milya at ng maraming wika, ang pampamilyang pag-aaral na ito ay pumupukaw sa mga miyembro ng pamilyang Bethel ng damdaming magsama-sama. Sa isang munting paraan, maaari mong pagyamanin ang ganoon ding damdamin sa pamamagitan ng inyong pampamilyang pag-aaral.​—1 Pedro 2:17; 5:9.

7. Sang-ayon kay Pedro, papaano natin mamalasin ang salita ng katotohanan?

7 Si apostol Pedro ay nagpapayo sa atin: “Gaya ng mga sanggol na bagong silang, magnasa kayo nang may pananabik sa gatas na walang daya na ukol sa salita, upang sa pamamagitan nito ay magsilago kayo sa ikaliligtas, kung inyong napagkilala na ang Panginoon ay mabait.” (1 Pedro 2:2, 3) Anong gandang larawan ang napupukaw ni Pedro sa pamamagitan ng mga salitang iyon! Ginamit niya ang pandiwang Griego na e·pi·po·theʹsa·te, na, sang-ayon sa Linguistic Key to the Greek New Testament, nanggagaling sa salitang nangangahulugang “panabikan, naisin, pagmithian.” Ito’y nagpapahiwatig ng matinding naisin. Napansin mo ba kung papaanong ang isang pasusuhing hayop ay buong kasabikang naghahanap ng pasusuhan ng kaniyang ina at kung papaanong kuntentung-kontento ang isang sanggol pagka sumususo sa kaniyang ina? Ganoon din ang dapat na maging naisin natin sa salita ng katotohanan. Sinabi ng iskolar sa Griego na si William Barclay: “Para sa taimtim na Kristiyano, ang pag-aaral ng salita ng Diyos ay hindi isang pagpapagal kundi isang kaluguran, sapagkat doon masusumpungan ng kaniyang puso ang pagkain na pinananabikan nito.”

8. Sa anong hamon napapaharap ang ulo ng pamilya sa pagiging konduktor sa pag-aaral ng pamilya?

8 Ang pampamilyang pag-aaral ay naglalagay ng malaking pananagutan sa ulo ng pamilya. Kailangang tiyakin niya na ang pag-aaral ay kawili-wili sa lahat at na lahat ay maaaring makibahagi. Hindi dapat madama ng mga anak na ang pag-aaral ay talagang para lamang sa malalaki na. Ang uri ng pag-aaral ay higit na mahalaga kaysa dami ng materyal na nasaklaw. Gawing buháy ang Bibliya. Kung saan angkop, tulungan ang iyong mga anak na gunigunihin ang mga lugar at ang mga bahagi ng Palestina na kung saan naganap ang mga pangyayaring tinatalakay. Lahat ay dapat himukin na gumawa ng kanilang personal na pagsasaliksik at ibahagi iyon sa pamilya. Sa ganitong paraan pati ang mga anak ay ‘lalaking kaalinsabay ni Jehova.’​—1 Samuel 2:20, 21.

Pagsasama-sama sa Pag-eebanghelyo

9. Papaano magagawang isang maligayang karanasan ng pamilya ang pangangaral?

9 Sinabi ni Jesus: “Sa lahat ng bansa ay kailangan munang maipangaral ang mabuting balita.” (Marcos 13:10) Ang mga salitang iyan ay nagbibigay sa bawat taimtim na Kristiyano ng isang atas​—mag-ebanghelyo, ibahagi sa iba ang mabuting balita ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Ang paggawa nito nang sama-sama bilang isang pamilya ay maaaring magsilbing isang nakapagpapatibay at nakagagalak na karanasan. Ang mga ina at mga ama ay nalulugod sa pagpapahayag ng kanilang mga anak ng mabuting balita. Isang mag-asawa na may tatlong anak na lalaking nasa pagitan ng mga edad 15 at 21 ang nagsabing sa tuwina’y nakaugalian na nilang samahan ang kanilang mga anak sa pangmadlang pangangaral tuwing Miyerkules pagkatapos ng klase at tuwing Sabado ng umaga. Sinabi ng ama: “Tinuturuan namin sila sa bawat pagkakataon. At tinitiyak namin na iyon ay isang karanasan na kapana-panabik, nakapagpapatibay.”

10. Papaano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak upang ang mga ito ay sumulong sa ministeryo?

10 Ang paggawang sama-sama bilang isang pamilya sa pangangaral at pagtuturo ay maaaring maging lubhang mabunga. Kung minsan ang mga tao ay tumutugon nang lalong positibo sa isang simple ngunit tunay na presentasyon ng isang bata. Pagkatapos, naroon naman si Inay o si Itay upang tumulong kung kinakailangan. Matitiyak ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay tumatanggap ng pasulong na pagsasanay at sa gayo’y nagiging mga ministro “na walang anumang dapat ikahiya, na ginagamit nang tumpak ang salitang katotohanan.” Ang pangangaral nang magkakasama sa ganitong paraan ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga magulang na maobserbahan ang saloobin, pagkaepektibo, at mabubuting asal ng kanilang anak sa ministeryo. Sa pagkakaroon ng isang regular na rutin, nakikita nila ang pagsulong ng anak at nakapagbibigay ng regular na pagsasanay at pampalakas-loob upang mapatibay ang kaniyang pananampalataya. Kasabay nito, nakikita ng mga anak na ang kanilang mga magulang ay mabubuting halimbawa sa ministeryo. Sa mapanganib at maligalig na mga panahong ito, ang paggawa bilang isang nagkakaisa at nagmamahalang pamilya ay maaari pa ngang magbigay ng sapat na kaligtasan sa mga pamayanan na palasak ang krimen.​—2 Timoteo 2:15; Filipos 3:16.

11. Ano ang madaling makababawas sa sigasig ng isang bata ukol sa katotohanan?

11 Madaling mahalata ng mga bata ang magkabilan na pamantayan sa mga adulto. Kung ang mga magulang ay hindi nagpapakita ng tunay na pag-ibig sa katotohanan at sa ministeryo ng pagbabahay-bahay, mahirap asahang magiging masisigasig ang mga anak. Sa gayon, ang isang malusog na magulang na ang tanging paglilingkod sa larangan ay ang lingguhang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga anak ay baka makaranas ng di-nakalulugod na mga resulta pagka ang mga ito’y medyo nagkaedad na.​—Kawikaan 22:6; Efeso 6:4.

12. Papaano makakamit ng ilang pamilya ang isang pantanging pagpapala buhat kay Jehova?

12 Ang isang kapakinabangan sa “lubos na pagkakaisa sa iisang isip” ay na maaaring ang pamilya’y magtulungan upang kahit man lamang isang miyembro ay makapaglingkod bilang isang buong-panahong ministrong payunir sa kongregasyon. Maraming pamilya sa buong daigdig ang gumagawa nito, at lahat ay tumatanggap ng pagpapala mula sa mga karanasan at higit pang pagsulong ng isang miyembro nila na payunir.​—2 Corinto 13:11; Filipos 2:1-4.

Pagsasama-sama sa Paglutas ng mga Suliranin

13, 14. (a) Anong mga kalagayan ang makaaapekto sa pagkakaisa ng pamilya? (b) Papaano maiiwasan ang maraming suliraning pampamilya?

13 Sa mahihirap na panahong ito ng “kaigtingan” at “panganib,” lahat tayo ay dumaranas ng kagipitan. (2 Timoteo 3:1, Revised Standard Version; Phillips) May mga suliranin sa trabaho, sa paaralan, sa lansangan, at maging sa tahanan mismo. Ang ilan ay dumaranas ng sakit o matagal nang mga suliranin na likha ng emosyon, na kung minsan ay humahantong sa mga igtingan at di-pagkakaunawaan sa mga pamilya. Papaano nga pakikitunguhan ang gayong mga kalagayan? Sa pamamagitan ba ng pagsasawalang-kibo ng bawat isa? Ng pagbubukod ng sarili bagaman namumuhay kayo sa iisang tahanan? Hindi. Bagkus, kailangang ipakipag-usap natin ang ating mga kabalisahan at humingi tayo ng tulong. At ano pang lugar ang mas mainam para rito kaysa kapaligiran ng isang nagmamahalang pamilya?​—1 Corinto 16:14; 1 Pedro 4:8.

14 Gaya ng alam ng sinumang doktor, mas mainam na hadlangan ang isang sakit kaysa pagalingin ito. Gayundin kung tungkol sa mga suliranin ng pamilya. Ang malaya at tapatang pag-uusap ay kalimitan nakatutulong upang ang mga suliranin ay hindi patuloy na lumubha. Kahit na kung may bumangong malulubhang suliranin, ang mga ito ay maaaring pag-usapan at malulutas pa nga kung sama-samang isasaalang-alang ng pamilya ang mga simulain ng Bibliya na kasangkot. Malimit na ang isang alitan ay maaaring maging isang magandang ugnayan sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga salita ni Pablo sa Colosas 3:12-14: “Magbihis kayo ng isang pusong mahabagin, ng kabaitan, kababaang-loob, kahinahunan, at pagtitiis. Patuloy na magbata ng mga kahinaan ng isa’t isa at saganang magpatawaran sa isa’t isa kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kaninuman. . . . Magbihis kayo ng pag-ibig, sapagkat ito’y isang sakdal na buklod ng pagkakaisa.”

Pagsasama-sama sa Paglilibang

15, 16. (a) Sa anong katangian dapat makitang naiiba ang mga pamilyang Kristiyano? (b) Mayroong anong uri ng mga tao ang ilang relihiyon, at bakit?

15 Si Jehova ay isang maligayang Diyos, at ang katotohanan ay isang maligayang mensahe​—isang pag-asa para sa sangkatauhan. At saka, isa sa mga bunga ng espiritu ay ang kagalakan. Ang kagalakang ito ay ibang-iba sa panandaliang pagsasaya ng manlalaro na nagtatagumpay sa isang larong pampaligsahan. Iyon ay ang malalim, tumatagal na damdamin ng kasiyahan na nag-uumapaw sa puso bilang bunga ng paglinang ng isang matalik na kaugnayan kay Jehova. Iyon ay isang kagalakan na salig sa espirituwal na mga pamantayan at nagpapatibay na mga ugnayan.​—Galacia 5:22; 1 Timoteo 1:11.

16 Samakatuwid, bilang Kristiyanong mga Saksi ni Jehova, wala tayong dahilan upang maging malulungkutin o walang imik. Sa ilang relihiyon ay may mga taong ganiyan dahilan sa uri ng kanilang pananampalataya na ang pinatitingkad ay ang negatibong mga salik. Ang resulta ng kanilang mga turo ay isang mapanglaw, walang-kagalakang uri ng pagsamba, na hindi salig sa Bibliya ni balanse man. Sila’y hindi nagbubunga ng maliligayang pamilya sa paglilingkuran sa Diyos. Nakita ni Jesus ang pangangailangan para sa paglilibang at pagpapahingalay. Halimbawa, minsan ay kaniyang inanyayahan ang kaniyang mga alagad na sumama “nang sarilinan sa isang ilang na dako at magpahinga nang kaunti.”​—Marcos 6:30-32; Awit 126:1-3; Jeremias 30:18, 19.

17, 18. Sa anong angkop na mga paraan makapaglilibang ang mga pamilyang Kristiyano?

17 Ang mga pamilya rin naman ay nangangailangan ng panahon upang maglibang. Isang magulang ang nagsabi tungkol sa kaniyang mga anak: “Kami’y magkakasamang gumagawa ng maraming nakatutuwang mga bagay​—pumaparoon sa tabing-dagat, naglalaro ng bola sa parke, nagsasaayos ng isang piknik sa kabundukan. Paminsan-minsan, mayroon kaming isang ‘araw ng payunir’ na kami’y magkakasama sa ministeryo; pagkatapos ay nagdiriwang kami ng isang espesyal na hapunan, at nagbibigayan pa sa isa’t isa ng mga regalo.”

18 Ang iba pang mga mungkahi na maaaring isaalang-alang ng mga magulang ay ang pampamilyang mga pamamasyal sa zoo, sa mga parkeng may mga libangan, sa mga museo, at sa iba pang kaakit-akit na mga lugar. Ang paglalakad sa mga gubat, panonood sa mga ibon, at paghahalaman ay mga gawain na kasiya-siyang gawin nang sama-sama. Maaari ring himukin ng mga magulang ang kanilang mga anak na mag-aral tumugtog ng isang instrumento sa musika o maging abala sa isang praktikal na libangan. Tunay, ang balanseng mga magulang ay kusang maglalaan ng panahon upang makipaglaro sa kanilang mga anak. Kung ang mga pamilya’y naglalarong magkakasama, malamang na sila’y manatiling magkakasama!

19. Anong modernong uso ang makapipinsala sa isang pamilya?

19 Ang isang modernong uso ay ang kagustuhan ng mga kabataan na humiwalay sa pamilya at sumunod sa kanilang sariling mga hilig kung tungkol sa paglilibang. Samantalang walang masama na ang isang kabataan ay magkaroon ng isang libangan o isang paboritong personal na palipasan ng oras, hindi mabuti na pahintulutan ang gayong mga interes na lumikha ng permanenteng pagkahiwalay buhat sa pamilya. Bagkus, ibig nating ikapit ang simulain na sinabi ni Pablo: “[Tinitingnan], hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.”​—Filipos 2:4.

20. Papaano magiging mga panahon ng kagalakan ang mga asamblea at mga kombensiyon?

20 Anong laking kagalakan para sa ating lahat na makita ang mga pamilya na umuupong sama-sama sa mga kombensiyon at mga asamblea! Sa ganiyang paraan ay malimit na makatutulong ang nakatatandang mga anak sa mga nakababata. Ang ganiyang kaayusan ay humahadlang din sa hilig ng ilang kabataan na maggrupu-grupo sa mga upuan sa likod at hindi gaanong magbigay ng pansin sa programa sa kombensiyon. Kahit na ang paglalakbay patungo at pagkagaling sa mga asamblea ay maaaring maging isang kagalakan pagka isinangguni sa pamilya kung sa anong ruta magdaraan, anong mga lugar ang maaaring pasyalan habang naglalakbay, at kung saan ang tuluyan. Gunigunihin ang napakaligayang panahon noong kaarawan ni Jesus pagka ang mga pamilya ay naglalakbay na magkakasama hanggang sa Jerusalem!​—Lucas 2:41, 42.

Ang mga Pagpapala ng Pagsasama-sama

21. (a) Papaano tayo makapagsisikap na magtagumpay sa pag-aasawa? (b) Ano ang apat na mabubuting mungkahi para sa isang tumatagal na pag-aasawa?

21 Ang matagumpay na mga pag-aasawa at nagkakaisang mga pamilya ay hindi madaling makamit, at hindi nagkakagayon nang di-sinasadya. Waring para sa iba ay mas madali na ‘ihagis ang tuwalya,’ buwagin ang pag-aasawa sa pamamagitan ng diborsiyo, at magsimula uli. Subalit, ang parehong mga suliranin ay kalimitang makikita uli sa ikalawa o ikatlong pag-aasawa. Ang lalong maiging kasagutan ay ang sa Kristiyano: Pagsikapang magtagumpay sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya ng pag-ibig at paggalang. Ang nagkakaisang mga pamilya ay depende sa espiritu ng pagbibigay at pagtanggap, ng kawalang-pag-iimbot. Isang tagapayo sa pag-aasawa ang nagharap ng isang simpleng pormula upang tumagal ang mga pag-aasawa. Siya’y sumulat: “Ang apat na mahalagang elemento na makikita sa halos lahat ng mabuting pag-aasawa ay ang pagkukusa na makinig, ang katangian na humingi ng paumanhin, ang kakayahan na magbigay ng walang-pagbabagong emosyonal na pagsuporta, at ang hangarin na humaplos nang buong pagmamahal.” Ang mga salik na iyon ay tunay na makatutulong upang tumagal ang pagsasama pag-aasawa sapagkat ang mga ito ay nakasalig din sa matatag na mga simulain ng Bibliya.​—1 Corinto 13:1-8; Efeso 5:33; Santiago 1:19.

22. Ano ang ilang kapakinabangan sa pagkakaroon ng isang nagkakaisang pamilya?

22 Kung ating sinusunod ang payo ng Bibliya, tayo’y magkakaroon ng matatag na saligan para sa isang nagkakaisang pamilya, at ang nagkakaisang mga pamilya ang pundasyon ng isang nagkakaisa at malakas sa espirituwal na kongregasyon. Sa gayon, tayo’y tatanggap ng saganang pagpapala kay Jehova samantalang tayo’y nagkakaisang nagbibigay ng pinalawak na papuri sa kaniya.

[Talababa]

a “Ang pamilya ay galing sa salitang L[atin] na familia, sa orih[inal] ay ang mga utusan at mga alipin ng isang malaking bahay, saka ang bahay mismo kasama ang among lalaki, ang kaniyang maybahay, mga anak​—at ang mga manggagawa roon.”​—Origins​—A Short Etymological Dictionary of Modern English, ni Eric Partridge.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Bakit kapaki-pakinabang para sa mga pamilya na magkakasamang gumawa?

◻ Bakit kailangan ang isang regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya?

◻ Bakit mabuti para sa mga magulang na makibahagi sa ministeryo sa larangan kasama ang kanilang mga anak?

◻ Bakit nakatutulong na pag-usapan ang mga suliranin sa loob ng pamilya?

◻ Bakit hindi dapat maging malulungkutin at walang-kagalakan ang mga pamilyang Kristiyano?

[Larawan sa pahina 17]

Ang inyo bang pamilya ay nagsasalu-salo sa pagkain kahit man lamang minsan sa maghapon?

[Larawan sa pahina 18]

Ang pampamilyang mga pamamasyal ay dapat maging nakagiginhawa at kasiya-siya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share